Chronological
Awit ni David.
26 Pawalang-sala mo ako, O Panginoon,
sapagkat ako'y lumakad sa aking katapatan,
at ako'y nagtiwala sa Panginoon nang walang pag-aalinlangan.
2 Siyasatin mo ako, O Panginoon, at ako'y subukin,
ang aking puso at isipan ay iyong suriin.
3 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay nasa harapan ng aking mga mata,
at ako'y lumalakad na may katapatan sa iyo.
4 Hindi ako umuupong kasama ng mga sinungaling na tao;
ni sa mga mapagkunwari ay nakikisama ako.
5 Kinapopootan ko ang pangkat ng mga gumagawa ng kasamaan,
at hindi ako uupong kasama ng tampalasan.
6 Hinuhugasan ko ang aking mga kamay sa kawalang-sala;
at magtutungo ako, O Panginoon, sa iyong dambana,
7 na umaawit nang malakas ng awit ng pasasalamat,
at ang iyong kahanga-hangang mga gawa ay ibinabalitang lahat.
8 O Panginoon, mahal ko ang bahay na iyong tinatahanan
at ang dakong tinatahanan ng iyong kaluwalhatian.
9 Huwag mong kunin ang aking kaluluwa kasama ng mga makasalanan,
ni ang aking buhay na kasama ng mga taong sa dugo ay uhaw,
10 mga taong masasamang gawa ang nasa kanilang mga kamay,
na ang kanilang kanang kamay ay punô ng mga lagay.
11 Ngunit sa ganang akin ay lalakad ako sa aking katapatan;
tubusin mo ako, at kahabagan.
12 Sa isang patag na lupa ang paa ko'y nakatuntong,
sa malaking kapulungan ay pupurihin ko ang Panginoon.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
40 Matiyaga akong naghintay sa Panginoon;
kumiling siya sa akin at pinakinggan ang aking daing.
2 Iniahon niya ako sa hukay ng pagkawasak,
mula sa putikang lusak,
at itinuntong niya ang mga paa ko sa isang malaking bato,
at pinatatag ang aking mga hakbang.
3 Nilagyan niya ng bagong awit ang aking bibig,
isang awit ng pagpupuri sa ating Diyos.
Marami ang makakakita at matatakot,
at magtitiwala sa Panginoon.
4 Mapalad ang tao na kaniyang ginawang tiwala ang Panginoon,
na hindi bumabaling sa mga mapagmataas,
pati sa mga naligaw sa kamalian.
5 Pinarami mo, O Panginoon kong Diyos,
ang iyong mga kagila-gilalas na gawa at ang iyong mga pag-aalala sa amin;
walang maaaring sa iyo'y ihambing!
Kung aking ipahahayag ang mga iyon at isasaysay,
ang mga iyon ay higit kaysa mabibilang.
6 Hain(A) at handog ay hindi mo ibig,
ngunit binigyan mo ako ng bukas na pandinig.
Handog na sinusunog at handog pangkasalanan
ay hindi mo kinailangan.
7 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Narito, ako'y dumarating;
sa balumbon ng aklat ay nakasulat ang tungkol sa akin;
8 kinaluluguran kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko;
ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.”
9 Ako'y nagpahayag ng masayang balita ng kaligtasan
sa dakilang kapulungan;
narito, ang aking mga labi ay hindi ko pipigilan,
O Panginoon, iyong nalalaman.
10 Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa loob ng aking puso;
ibinalita ko ang iyong katapatan at ang pagliligtas mo;
hindi ko inilihim ang iyong tapat na pag-ibig at ang iyong katapatan
sa dakilang kapulungan.
11 Huwag mong ipagkait sa akin, O Panginoon,
ang iyong kahabagan,
lagi nawa akong ingatan
ng iyong tapat na pag-ibig at ng iyong katapatan!
12 Sapagkat pinaligiran ako ng kasamaang di mabilang,
inabutan ako ng aking mga kasamaan,
hanggang sa ako'y hindi makakita;
sila'y higit pa kaysa mga buhok ng aking ulo,
nanghihina ang aking puso.
13 Kalugdan[a] mo nawa, O Panginoon, na ako'y iligtas mo!
O Panginoon, ikaw ay magmadaling tulungan ako!
14 Sila nawa'y mapahiya at hamaking sama-sama
silang nagsisikap na agawin ang aking buhay;
sila nawa'y mapaurong at madala sa kahihiyan,
silang nagnanais ng aking kapahamakan.
15 Matakot nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan
na nagsasabi sa akin, “Aha! Aha!”
16 Ngunit magalak at matuwa nawa sa iyo
ang lahat ng sa iyo'y nagsisihanap;
yaong umiibig sa iyong pagliligtas
ay patuloy nawang magsabi, “Dakilain ang Panginoon!”
17 Dahil sa ako'y nahihirapan at nangangailangan,
alalahanin nawa ako ng Panginoon.
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
huwag kang magtagal, O aking Diyos.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David.
58 Tunay bang kayo'y nagsasalita nang matuwid, kayong mga diyos?
Matuwid ba kayong humahatol, O kayong mga anak ng tao?
2 Hindi, sa inyong mga puso ay nagsisigawa kayo ng kamalian;
sa lupa ang karahasan ng inyong mga kamay ay inyong tinitimbang.
3 Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata,
silang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay naliligaw mula sa pagkapanganak.
4 Sila'y may kamandag na gaya ng kamandag ng ahas,
gaya ng binging ahas na nagtatakip ng kanyang pandinig,
5 kaya't hindi nito naririnig ang tinig ng mga engkantador,
ni ang tusong manggagayuma.
6 O Diyos, basagin mo ang mga ngipin sa kanilang mga bibig;
tanggalin mo ang mga pangil ng mga batang leon, O Panginoon!
7 Parang tubig na papalayong umaagos ay maglaho nawa sila,
kapag iniumang na niya ang kanyang mga palaso, maging gaya nawa sila ng mga pirasong naputol.
8 Maging gaya nawa ng kuhol na natutunaw habang nagpapatuloy,
gaya ng wala sa panahong panganganak na hindi nakakita ng araw kailanman.
9 Bago makaramdam ang inyong mga palayok sa init ng dawag,
kanyang kukunin ang mga iyon ng ipu-ipo ang sariwa at gayundin ang nagniningas.
10 Magagalak ang matuwid kapag nakita niya ang paghihiganti;
kanyang huhugasan ang kanyang mga paa ng dugo ng masama.
11 Sasabihin ng mga tao, “Tiyak na sa matuwid ay may gantimpala,
tiyak na may Diyos na humahatol sa lupa.”
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Awit ni David.
61 Pakinggan mo, O Diyos, ang aking daing,
dinggin mo ang aking dalangin.
2 Mula sa dulo ng lupa ay tumatawag ako sa iyo,
kapag nanlulupaypay ang aking puso.
Ihatid mo ako sa bato
na higit na mataas kaysa akin;
3 sapagkat ikaw ay aking kanlungan,
isang matibay na muog laban sa kaaway.
4 Patirahin mo ako sa iyong tolda magpakailanman!
Ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak! (Selah)
5 Sapagkat ang aking mga panata, O Diyos, ay iyong pinakinggan,
ibinigay mo sa akin ang pamana ng mga may takot sa iyong pangalan.
6 Pahabain mo ang buhay ng hari;
tumagal nawa ang kanyang mga taon hanggang sa lahat ng mga salinlahi!
7 Siya nawa'y maluklok sa trono sa harapan ng Diyos magpakailanman;
italaga mong bantayan siya ng wagas na pag-ibig at katapatan!
8 Sa gayon ako'y aawit ng mga papuri sa iyong pangalan magpakailanman,
habang tinutupad ko ang aking mga panata araw-araw.
Sa Punong Mang-aawit: ayon kay Jedutun. Awit ni David.
62 Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa;
ang aking kaligtasan ay nanggagaling sa kanya.
2 Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
ang aking muog; hindi ako lubhang matitinag.
3 Hanggang kailan kayo magtatangka laban sa isang tao,
upang patayin siya, ninyong lahat,
gaya ng pader na nakahilig, o bakod na nabubuwal?
4 Sila'y nagbabalak lamang upang ibagsak siya sa kanyang kadakilaan.
Sila'y nasisiyahan sa mga kasinungalingan.
Sila'y nagpupuri ng bibig nila,
ngunit sa kalooban sila'y nanunumpa. (Selah)
5 Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa,
sapagkat ang aking pag-asa ay mula sa kanya.
6 Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
ang aking muog, hindi ako mayayanig.
7 Nasa Diyos ang aking kaligtasan at aking karangalan;
ang aking makapangyarihang bato, ang Diyos ang aking kanlungan.
8 Magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng panahon, O bayan;
ibuhos ninyo ang inyong puso sa kanyang harapan;
para sa atin, ang Diyos ay kanlungan. (Selah)
9 Tunay na walang kabuluhan ang mga taong may mababang kalagayan,
ang mga taong may mataas na kalagayan ay kasinungalingan;
sumasampa sila sa mga timbangan;
silang magkakasama ay higit na magaan kaysa hininga.
10 Sa pangingikil ay huwag kang magtiwala,
sa walang kabuluhang pagnanakaw ay huwag kang umasa;
kung ang mga kayamanan ay lumago, huwag ninyong ilagak doon ang inyong puso.
11 Ang Diyos ay nagsalitang minsan,
dalawang ulit kong narinig ito:
na ang kapangyarihan ay sa Diyos;
12 at(A) sa iyo, O Panginoon, ang tapat na pag-ibig,
sapagkat ginagantihan mo ang tao ayon sa kanyang gawa.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
64 Pakinggan mo ang tinig ko, O Diyos, sa aking karaingan;
ingatan mo ang buhay ko sa pagkatakot sa kaaway.
2 Ikubli mo ako sa mga lihim na pakana ng masasama,
sa panggugulo ng mga gumagawa ng kasamaan,
3 na naghahasa ng kanilang mga dila na parang espada,
na nag-aakma ng masasakit na salita gaya ng mga pana,
4 upang patagong panain nila ang walang sala;
bigla nilang pinapana siya at sila'y hindi matatakot.
5 Sila'y nagpapakatatag sa kanilang masamang layunin;
ang paglalagay ng bitag ay pinag-uusapan nila nang lihim,
sinasabi, “Sinong makakakita sa atin?”
6 Sila'y kumakatha ng mga kasamaan.
“Kami'y handa sa isang pakanang pinag-isipang mabuti.”
Sapagkat ang panloob na isipan at puso ng tao ay malalim!
7 Ngunit itutudla ng Diyos ang kanyang palaso sa kanila,
sila'y masusugatang bigla.
8 Upang siya'y kanilang maibuwal, ang kanilang sariling dila ay laban sa kanila;
at mapapailing lahat ng makakakita sa kanila.
9 At lahat ng mga tao ay matatakot;
kanilang ipahahayag ang ginawa ng Diyos,
at bubulayin ang kanyang ginawa.
10 Ang taong matuwid ay magagalak sa Panginoon,
at sa kanya ay manganganlong,
at ang lahat ng matuwid sa puso ay luluwalhati!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001