Chronological
Isinensus ni David ang mga Sundalo Niya(A)
24 Muling nagalit ang Panginoon sa mga Israelita, kaya ginamit niya si David laban sa kanila sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanya na isensus ang mga mamamayan ng Israel at Juda. 2 Kaya sinabi ni Haring David kay Joab at sa mga kumander ng mga sundalo, “Puntahan nʼyo ang lahat ng lahi ng Israel, mula Dan hanggang sa Beersheba,[a] at isensus nʼyo ang mga mamamayan, para malaman ko kung ilan silang lahat.” 3 Pero sumagot si Joab sa hari, “Paramihin sana ng Panginoon na inyong Dios ang mga tauhan nʼyo ng 100 beses, at makita nʼyo sana ito. Ngunit, Mahal na Hari, bakit gusto nʼyong gawin ang bagay na ito?” 4 Ngunit nagpumilit si David, kaya lumakad si Joab at ang mga opisyal ng mga sundalo para isensus ang mga mamamayan ng Israel. 5 Tumawid sila sa Ilog ng Jordan at nagsimula[b] sa pagsensus sa Aroer, timog ng bayan na nasa gilid ng daluyan ng tubig. Mula roon dumiretso sila sa Gad hanggang sa Jazer. 6 Pumunta rin sila sa Gilead, sa Tatim Hodsi, sa Dan Jaan, at umikot sila papuntang Sidon. 7 Pagkatapos, pumunta sila sa napapaderang lungsod ng Tyre, at sa lahat ng bayan ng mga Hiveo at Cananeo, at sa kahuli-hulihan, nagpunta sila sa Beersheba, sa timog[c] ng Juda. 8 Nalibot nila ang buong bansa sa loob ng 9 na buwan at 20 araw, at pagkatapos, bumalik sila sa Jerusalem.
9 Sinabi niya kay Haring David ang bilang ng mga lalaki na may kakayahang makipaglaban: 800,000 sa Israel at 500,000 sa Juda. 10 Nakonsensya si David, matapos niyang ipasensus ang mga tao. Kaya sinabi niya sa Panginoon, “Nagkasala po ako dahil sa ginawa ko. Kaya nakikiusap ako sa inyo, Panginoon, na patawarin nʼyo ako na inyong lingkod sa kasalanan ko, dahil isa pong kahangalan ang ginawa ko.”
11 Hindi pa nakakabangon si David kinaumagahan nang sabihin ng Panginoon kay Gad na propeta ni David, 12 “Pumunta ka kay David at papiliin mo siya kung alin sa tatlong parusa ang gusto niyang gawin ko sa kanya.”
13 Kaya pumunta si Gad at sinabi, “Alin po sa tatlong ito ang pipiliin nʼyo: Tatlong taon[d] na taggutom sa bansa nʼyo, tatlong buwan na tumatakas kayo sa mga kalaban nʼyo habang hinahabol nila kayo, o tatlong araw na salot sa bansa nʼyo? Pag-isipan nʼyo po ito nang mabuti, at ipaalam nʼyo po sa akin kung ano ang isasagot ko sa Panginoon na nagsugo sa akin.”
14 Sumagot si David kay Gad, “Nahihirapan akong pumili. Mas mabuti pang ang kamay ng Panginoon ang magparusa sa amin kaysa ang mga tao, dahil maawain ang Panginoon.”
15 Kaya nagpadala ang Panginoon ng matinding salot sa Israel mula noong umagang iyon hanggang sa itinakda niyang panahon. At 70,000 tao ang namatay mula Dan hanggang sa Beersheba. 16 Nang papatayin na ng anghel ang mga mamamayan ng Jerusalem, naawa ang Panginoon sa mga tao.[e] Kaya sinabi niya sa anghel na nagpaparusa sa mga tao, “Tama na! Huwag na silang parusahan.” Nang oras na iyon, nakatayo ang anghel ng Panginoon sa may giikan ni Arauna na Jebuseo.
Gumawa ng Altar si David
17 Nang makita ni David ang anghel na pumapatay ng mga tao, sinabi niya sa Panginoon, “Ako po ang may kasalanan. Ang mga taong itoʼy gaya ng mga tupa na walang nagawang kasalanan. Ako na lang po at ang sambahayan ko ang parusahan ninyo.”
18 Nang araw na iyon, nagpunta si Gad kay David at sinabi sa kanya, “Umakyat kayo sa giikan ni Arauna na Jebuseo at gumawa kayo roon ng altar para sa Panginoon.” 19 Kaya umakyat si David gaya ng iniutos ng Panginoon kay Gad. 20 Nang makita ni Arauna na paparating si David at ang mga tauhan nito, lumabas siya at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang sa kanya. 21 Sinabi ni Arauna, “Mahal na Hari, bakit po kayo nandito?” Sumagot si David, “Pumunta ako rito para bilhin ang giikan mo, dahil gagawa ako ng altar para sa Panginoon, upang matigil na ang salot.” 22 Sinabi ni Arauna, “Kunin nʼyo na lang po at ihandog sa Panginoon ang anumang gustuhin nʼyo, Mahal na Hari. Narito ang mga baka para ialay nʼyo bilang handog na sinusunog. Narito rin po ang mga pamatok pati ang mga tabla na ginagamit sa paggiik, at gawin nʼyong panggatong. 23 Mahal na Hari, ibibigay ko po itong lahat sa inyo, at tanggapin sana ng Panginoon na inyong Dios ang handog ninyo.”
24 Pero sumagot si David, “Hindi ko ito tatanggapin ng libre; babayaran kita. Hindi ako maghahandog sa Panginoon kong Dios ng mga handog na sinusunog na walang halaga sa akin.” Kaya binili ni David ang giikan at ang mga baka sa halagang 50 pirasong pilak. 25 Pagkatapos, gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[f] Sinagot ng Panginoon ang panalangin ni David para sa Israel, at huminto ang matinding salot.
Ipinasensus ni David ang Kanyang mga Sundalo(A)
21 Inatake ni Satanas[a] ang Israel, kaya inudyukan niya si David na ipasensus ang mga Israelita. 2 Kaya sinabi ni David kay Joab at sa mga kumander ng mga sundalo, “Lumakad kayo at isensus ang mga Israelita mula sa Beersheba hanggang sa Dan.[b] Pagkatapos, bumalik kayo rito para malaman ko kung ilan silang lahat.”
3 Pero sumagot si Joab, “Paramihin sana ng Panginoon ng 100 ulit ang inyong mga mamamayan. Ngunit, Mahal na Hari, bakit gusto nʼyong gawin ang bagay na ito? Hindi po ba mga sakop nʼyo naman sila? Bakit idadamay nʼyo sila sa gagawin ninyong kasalanan?”
4 Pero nagpumilit si David, kaya nilibot ni Joab ang buong Israel at bumalik agad sa Jerusalem. 5 Sinabi niya kay David ang bilang ng mga lalaki na may kakayahang makipaglaban: 1,100,000 sa Israel at 470,000 sa Juda. 6 Pero hindi isinama ni Joab sa pagbilang ang mga lahi nina Levi at Benjamin dahil nainis siya sa utos ng hari. 7 Hindi rin natuwa ang Dios sa utos na ito ni David, kaya pinarusahan niya ang Israel. 8 Pagkatapos, sinabi ni David sa Dios, “Napakalaking kasalanan po itong nagawa ko. Kaya nakikiusap ako sa inyo, Panginoon, na patawarin nʼyo ako na inyong lingkod sa aking kasalanan, dahil isa pong kamangmangan ang ginawa ko.”
9 Sinabi ng Panginoon kay Gad na propeta ni David, 10 “Pumunta ka kay David at papiliin mo siya kung alin sa tatlong parusa ang gusto niyang gawin ko sa kanya.” 11 Kaya pumunta si Gad kay David at sinabi sa kanya, “Alin sa tatlong ito ang gusto mo: 12 tatlong taong taggutom, tatlong buwang paglipol sa inyo ng mga kalaban ninyo o tatlong araw na salot mula sa Panginoon sa pamamagitan ng pagwasak ng anghel ng Panginoon sa buong lupain ng Israel. Magpasya ka at sabihin mo sa akin kung ano ang isasagot ko sa Panginoon na nagpadala sa akin.”
13 Sumagot si David kay Gad, “Nahihirapan akong pumili. Mabuti pang ang Panginoon na lang ang magparusa sa akin kaysa sa mga kamay ng tao, dahil napakamaawain ng Panginoon.” 14 Kaya nagpadala ang Panginoon ng salot sa Israel, at 70,000 Israelita ang namatay. 15 At habang winawasak ng anghel ang Jerusalem, naawa[c] ang Panginoon sa mga tao. Kaya sinabi niya sa anghel na lumilipol sa mga tao, “Tama na! Huwag mo na silang parusahan.” Nang oras na iyon, nakatayo ang anghel ng Panginoon sa may giikan ni Arauna[d] na Jebuseo.
16 Tumingala si David at nakita niya ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa himpapawid, sa kalagitnaan ng langit at lupa. May hawak itong espada na nakaturo sa Jerusalem. Pagkatapos, nagpatirapa si David at ang mga tagapamahala ng Israel, na nakasuot ng sako bilang pagpapakita ng kanilang pagdadalamhati. 17 Sinabi ni David sa Dios, “Ako po ang nag-utos na bilangin ang mga lalaki na may kakayahang makipaglaban. Ako lang po ang nagkasala. Ang mga taong ito ay inosente gaya ng mga tupa. Wala silang nagawang kasalanan. O Panginoon na aking Dios, ako na lang po at ang aking pamilya ang parusahan ninyo. Huwag nʼyo pong pahirapan ang inyong mga mamamayan sa salot na ito.”
18 Pagkatapos, inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad na sabihin kay David na pumunta siya sa giikan ni Arauna na Jebuseo, at gumawa roon ng altar para sa Panginoon. 19 Kaya pumunta si David ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Gad.
20 Nang panahong iyon, gumigiik ng trigo si Arauna at ang apat niyang anak na lalaki. Nang makita nila ang anghel ng Panginoon, tumakbo ang apat na anak ni Arauna at nagtago. 21 Pagkatapos, nakita ni Arauna na paparating si David. Kaya umalis siya sa giikan at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang sa kanya. 22 Sinabi ni David sa kanya, “Ipagbili mo sa akin ang giikan mo para makapagpatayo ako ng altar para sa Panginoon, para huminto na ang salot sa mga tao. Babayaran kita kung magkano ang halaga nito.”
23 Sinabi ni Arauna kay David, “Sige po Mahal na Hari, kunin ninyo. Gawin nʼyo kung ano ang gusto ninyo. Bibigyan ko pa po kayo ng baka para ialay bilang handog na sinusunog, mga tabla na ginagamit sa paggiik para ipanggatong at trigo para ihandog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ibibigay ko po itong lahat sa inyo.”
24 Pero sumagot si Haring David kay Arauna, “Hindi ko ito tatanggapin ng libre. Babayaran kita kung magkano ang halaga nito. Hindi ko magagawang kunin ito sa iyo at ihandog sa Panginoon. Hindi ako mag-aalay ng handog na sinusunog na walang halaga sa akin.” 25 Kaya binayaran ni David si Arauna ng 600 pirasong[e] ginto para sa lupain na iyon. 26 Pagkatapos, gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at ng mga handog para sa mabuting relasyon.[f] At sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadala ng apoy mula sa langit para sunugin ang mga handog sa altar. 27 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa anghel na ibalik na ang espada niya sa lalagyan nito.
28 Nang makita ni David na sinagot ng Panginoon ang kanyang dalangin, nag-alay pa siya ng handog doon sa giikan ni Arauna na Jebuseo. 29 Nang panahong iyon, ang Tolda ng Panginoon at ang altar para sa mga handog na sinusunog na ipinagawa ni Moises sa ilang ay nasa mataas na lugar sa Gibeon. 30 Pero hindi pumunta roon si David para magtanong sa Dios, dahil natatakot siya sa espada ng anghel ng Panginoon.
22 Pagkatapos, sinabi ni David, “Dito sa lugar na ito itatayo ang templo ng Panginoong Dios at ang altar para sa mga handog na sinusunog ng Israel.”
Ang Paghahanda para sa Pagpapatayo ng Templo
2 Nag-utos si David na tipunin ang mga dayuhang naninirahan sa Israel. Pumili siya sa kanila ng mga tagatabas ng bato para sa templo ng Dios. 3 Nagbigay si David ng napakaraming bakal para gawing mga pako at bisagra para sa mga pintuan, at maraming tanso na hindi na matimbang sa sobrang bigat. 4 Naghanda rin siya ng napakaraming kahoy na sedro na dinala sa kanya ng mga Sidoneo at Tyreo. 5 Sinabi ni David, “Bata pa ang anak kong si Solomon at wala pa siyang karanasan. Kailangang ang templo ng Panginoon na itatayo ay napakaganda at magiging tanyag sa buong mundo. Kaya paghahandaan ko ito ngayon pa lang.” Kaya lubusan ang paghahandang ginawa ni David bago siya mamatay.
6 Pagkatapos, ipinatawag ni David ang anak niyang si Solomon at inutusang ipatayo ang templo para sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 7 Sinabi ni David kay Solomon, “Anak, gusto ko sanang magpatayo ng templo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon na aking Dios. 8 Pero ito ang sinabi niya sa akin: ‘Sa dami ng labanang napagdaanan mo, maraming tao ang napatay mo, kaya hindi kita papayagang magpatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. 9 Ngunit bibigyan kita ng anak na lalaki na maghahari nang may kapayapaan dahil hindi siya gagambalain ng lahat ng kanyang kalaban sa paligid. Ang magiging pangalan niya ay Solomon,[g] at bibigyan ko ng kapayapaan ang Israel sa kanyang paghahari. 10 Siya ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. Ituturing ko siyang anak at akoʼy magiging kanyang ama. Maghahari ang mga angkan niya sa Israel magpakailanman.’
11 “Kaya anak, gabayan ka sana ng Panginoon at magtagumpay ka sa pagpapatayo mo ng templo ng Panginoon na iyong Dios, ayon sa sinabi niya na gawin mo. 12 Bigyan ka sana ng Panginoon na iyong Dios ng karunungan at pang-unawa para matupad mo ang kautusan niya sa panahon na pamamahalain ka niya sa buong Israel. 13 At kung matupad mo nang mabuti ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay niya sa Israel sa pamamagitan ni Moises, magiging matagumpay ka. Kaya magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manlupaypay. 14 Pinaghirapan kong mabuti ang paghahanda ng mga materyales para sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon – 3,500 toneladang ginto, 35,500 toneladang pilak, at maraming tanso at mga bakal na hindi na matimbang sa sobrang bigat. Naghanda rin ako ng mga kahoy at mga bato, pero kailangan mo pa rin itong dagdagan. 15 Marami kang manggagawa: mga tagatabas ng bato, mga mason, mga karpintero at mga taong may kakayahan sa anumang gawaing 16 ginto, pilak, tanso at bakal. Ngayon, simulan mo na ang pagpapagawa, at gabayan ka sana ng Panginoon.”
17 Pagkatapos, inutusan ni David ang lahat ng pinuno ng Israel para tulungan ang anak niyang si Solomon. 18 Sinabi niya sa kanila, “Kasama nʼyo ang Panginoon na inyong Dios at binigyan niya kayo ng kapayapaan sa mga kalaban ninyo sa paligid. Sapagkat ipinagkatiwala niya sa akin ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito, at ngayon ay sa Panginoon na at tayong mga mamamayan niya ang may sakop sa mga ito. 19 Kaya ngayon, italaga ninyo ang inyong sarili sa Panginoon na inyong Dios, nang buong pusoʼt kaluluwa. Simulan na ninyo ang pagtatayo ng templo ng Panginoon na inyong Dios para mailagay na ang Kahon ng Kasunduan at ang mga banal na kagamitan ng Dios sa templong ito na itatayo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon.”
Dalangin ng Pagpapasalamat
30 Panginoon, pupurihin ko kayo,
dahil iniligtas nʼyo ako.
Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway.
2 Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo,
at pinagaling nʼyo ako.
3 Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.
4 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
kayong mga tapat sa kanya.
Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.
5 Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
Maaaring sa gabi ay may pagluha,
pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.
6 Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko,
“Wala akong pangangambahan.”
7 Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok.
Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo.
8 Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito:
9 “Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan.
Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”
11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan.
Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®