Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Gawa 20:1-3

Ang Pagpunta sa Macedonia at Grecia

20 Nang tumigil na ang gulo, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pinalakas ang kanilang loob. Pagkatapos, nagpaalam siya at nagpunta sa Macedonia. Dinalaw niya ang mga bayan-bayan doon at pinalakas ang loob ng mga alagad sa pamamagitan ng kanyang pangangaral. Nagpatuloy siya hanggang sa dumating siya sa Grecia at nanatili doon sa loob ng tatlong buwan. Aalis na sana siya papuntang Siria ngunit nabalitaan niyang may tangka ang mga Judio laban sa kanya, kaya't ipinasya niyang sa Macedonia na uli magdaan sa kanyang pagbabalik.

Roma 1-3

Mula kay Pablo na isang lingkod[a] ni Cristo Jesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Magandang Balita ng Diyos.

Ang Magandang Balitang ito na ipinangako niya noong una pa man sa pamamagitan ng mga propeta, at sinasabi sa mga Banal na Kasulatan, 3-4 ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Tungkol sa kanyang pagiging tao, siya'y ipinanganak mula sa lahi ni David; subalit tungkol sa kanyang pagka-Diyos, pinatunayan ng Banal na Espiritu na siya ay Anak ng Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang gawa, ang kanyang muling pagkabuhay. Sa pamamagitan niya, tinanggap namin mula sa Diyos ang kaloob na maging apostol alang-alang kay Cristo, upang ang mga Hentil ay akayin sa pagsunod na naaayon sa pananampalataya. Kayo'y kabilang sa mga tinawag na maging mga tagasunod ni Jesu-Cristo.

Sa inyong lahat na nasa Roma, mga minamahal ng Diyos at tinawag upang maging banal, sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Nais ni Pablo na Dumalaw sa Roma

Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay balitang-balita sa buong daigdig. Saksi ko ang Diyos, na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa pamamagitan ng aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak, na lagi ko kayong idinadalangin. 10 Lagi kong hinihiling na loobin nawa ng Diyos na sa wakas matuloy din ang pagpunta ko riyan. 11 Nananabik akong makita kayo upang mamahagi sa inyo ng mga kaloob ng Espiritu sa ikatatatag ninyo. 12 Ang ibig kong sabihi'y upang magkatulungan tayo sa ikalalakas ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng ating pananalig sa Diyos.

13 Mga(A) kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, ngunit laging may nagiging hadlang. Nais ko ring makahikayat diyan ng mga sasampalataya kay Cristo, tulad ng nagawa ko na sa ibang mga Hentil. 14 May pananagutan ako sa lahat ng mga tao: sa mga sibilisado man o hindi, sa marurunong at sa mga mangmang. 15 Kaya nga, nais ko ring ipangaral diyan sa Roma ang Magandang Balita.

Ang Kapangyarihan ng Magandang Balita

16 Hindi(B) ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego. 17 Sapagkat(C) sa Magandang Balita ay ipinapakita kung paano itinutuwid ng Diyos ang kaugnayan ng tao sa kanya. Ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang itinuring ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.”[b]

Mga Kasalanan ng Sangkatauhan

18 Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos. 20 Mula(D) pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa. 21 Kahit na kilala nila ang Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip. 22 Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal. 23 Tinalikuran(E) nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na lumalakad, at ng mga hayop na gumagapang.

24 Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil ang paggawa ng kahalayan sa isa't isa. 25 Tinalikuran nila ang katotohanan tungkol sa Diyos at pinalitan ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen.

26 Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng babae sa lalaki ayon sa likas na kaparaanan, at sa halip ay sa kapwa babae sila nakikipag-ugnayan. 27 Ganoon din ang mga lalaki; ayaw na nilang makipagtalik sa mga babae ayon sa likas na kaparaanan, at sa kanilang kapwa lalaki sila nahuhumaling. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na bagay, kaya't sila'y paparusahan ng nararapat sa kanilang masasamang gawa.

28 Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang pag-iisip at sa mga gawaing kasuklam-suklam. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan,[c] kasakiman, maruruming pag-iisip, pagkainggit, pagpaslang, pagtatalo, pandaraya at masasamang hangarin. Sila'y naging mahilig sa tsismis, 30 mapanirang puri, nasusuklam sa Diyos,[d] walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, at suwail sa magulang. 31 Sila'y naging mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di-marunong lumingap sa kapwa. 32 Nalalaman nila ang utos ng Diyos na karapat-dapat sa parusang kamatayan ang mga gumagawa nito. Gayunman, hindi lamang patuloy sila sa paggawa nito kundi sumasang-ayon pa sila sa mga gumagawa rin ng mga ito.

Matuwid ang Hatol ng Diyos

Kaya(F) nga, sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. Hinahatulan mo ang mga gumagawa ng mga bagay na ginagawa mo rin. Akala mo ba'y makakaiwas ka sa hatol ng Diyos? O(G) hinahamak mo ang Diyos, sapagkat siya'y napakabait, matiisin, at mapagpasensya? Hindi mo ba alam na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo upang magsisi at tumalikod sa kasalanan? Ngunit dahil matigas ang iyong ulo at ayaw mong magsisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa Araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatarungang paghatol ng Diyos. Sapagkat(H) igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. Buhay na walang hanggan ang ibibigay niya sa mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, at naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sumusunod sa kasamaan. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil. 10 Ngunit kapurihan, karangalan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil 11 sapagkat(I) walang kinikilingan ang Diyos.

12 Ang mga Hentil ay walang Kautusan ni Moises. Sila ay nagkakasala at paparusahan nang hindi batay sa Kautusan. Ang mga Judio ay mayroong Kautusan. Sila ay nagkakasala at hahatulan batay sa Kautusan. 13 Sapagkat hindi ang mga nakikinig sa Kautusan, kundi ang sumusunod dito, ang siyang pawawalang-sala ng Diyos.

14 Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas na pag-iisip, ito'y nagiging kautusan na para sa kanila. 15 Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagkat kung minsan sila'y sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila'y ipinagtatanggol nito sa kanilang isipan.

16 Ayon sa Magandang Balitang aking ipinapangaral, gayon ang mangyayari sa Araw na ang mga lihim ng mga tao'y hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus.[e]

Ang mga Judio at ang Kautusan

17 Ngunit ikaw na nagsasabing ikaw ay Judio at nananalig sa Kautusan, ipinagmamalaki mong may kaugnayan ka sa Diyos. 18 Sabi mo'y alam mo ang kanyang kalooban at sumasang-ayon ka sa mabubuting bagay, sapagkat ito ang natutunan mo sa Kautusan. 19 Ang palagay mo'y taga-akay ka ng bulag, tanglaw ng mga nasa kadiliman, 20 tagapayo ng mga hangal, at tagapagturo ng mga bata, dahil natuklasan mo sa Kautusan ang buong kaalaman at katotohanan. 21 Nagtuturo ka sa iba, bakit di mo turuan ang iyong sarili? Nangangaral kang masama ang magnakaw, bakit ka nagnanakaw? 22 Sinasabi mong huwag mangangalunya, bakit ka nangangalunya? Nasusuklam ka sa mga diyus-diyosan, bakit ninanakawan mo ang mga templo nila? 23 Ipinagmamalaki mong saklaw ka ng Kautusan, ngunit nilalapastangan mo naman ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag mo sa Kautusan! 24 Ayon nga sa nasusulat, “Ang pangalan ng Diyos ay nilalait ng mga Hentil dahil sa inyo.”

25 Mahalaga lamang ang iyong pagiging tuli kung tumutupad ka sa Kautusan, subalit kung lumalabag ka sa Kautusan, para ka ring hindi tinuli. 26 Kung ang hindi tuli ay gumagawa batay sa panuntunan ng Kautusan, hindi ba siya ituturing na tuli? 27 Kaya, ikaw na Judiong nasa ilalim ng Kautusan ngunit hindi naman tumutupad nito, ay hahatulan ng mga tumutupad sa Kautusan bagaman hindi sila tinuli. 28 Sapagkat ang pagiging isang tunay na Judio ay hindi dahil sa panlabas na kaanyuan o dahil sa pagtutuli sa laman. 29 Ang(J) tunay na Judio ay ang taong nabago sa puso't kalooban ayon sa Espiritu at hindi ayon sa Kautusang nasusulat. Ang papuri sa taong iyon ay mula sa Diyos at hindi mula sa mga tao.

Kung gayon, paano nakakalamang ang Judio sa hindi Judio? Ano ang kabuluhan ng pagiging tuli? Napakarami! Una sa lahat, ang mga Judio ang pinagkatiwalaan ng mga pahayag ng Diyos. Ano nga kung hindi naging tapat ang ilan sa kanila? Ang ibig kayang sabihin niyon ay hindi na rin tapat ang Diyos? Hinding-hindi!(K) Ang Diyos ay tapat at totoo kahit na sinungaling pa ang lahat ng tao. Ayon nga sa nasusulat,

“Kapag ikaw ay nagsalita, mapapatunayan kang matuwid
    at kung ikaw ay hahatulan, ikaw ay mananaig.”

Ngunit kung ang kasamaan natin ay nagpapakilala ng katarungan ng Diyos, masasabi ba nating hindi siya makatarungan dahil tayo'y pinaparusahan niya? (Ganyan ang pangangatuwiran ng tao.) Hinding-hindi! Kung hindi makatarungan ang Diyos, paano niya hahatulan ang sanlibutan?

Kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay lalong lumilitaw ang kaluwalhatian ng Diyos, sapagkat lalong nakikilala na siya'y tapat, bakit pa niya ako paparusahan bilang isang makasalanan? Kung gayon, bakit nga hindi natin sabihin, “Gumawa tayo ng masama kung mabuti naman ang magiging bunga nito”? Ganyan daw ang itinuturo namin, sabi ng mga naninira sa amin. Sila'y paparusahan ng Diyos, at iyan ang nararapat.

Walang Sinumang Matuwid

Ano ngayon? Ang kalagayan ba nating mga Judio ay mas mabuti[f] kaysa sa mga Hentil? Hindi! Tulad nga ng aming napatunayan na ang lahat ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, maging Judio o Hentil man. 10 Ayon(L) sa nasusulat,

“Walang matuwid, wala kahit isa.
11 Walang nakakaunawa,
    walang naghahanap sa Diyos.
12 Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama.
    Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”
13 “Parang(M) bukás na libingan ang kanilang lalamunan;
    pananalita nila'y pawang panlilinlang.
    Ang labi nila'y may kamandag ng ahas.”
14 “Punô(N) ng pagmumura at masasakit na salita ang kanilang bibig.”
15 “Wala silang atubili sa pagpatay ng kapwa.
16 Parang dinaanan ng salot ang kanilang madaanan,
17 hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.”
18 “Hindi(O) sila marunong matakot sa Diyos.”

19 Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos. 20 Walang(P) taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat ang ginagawa ng Kautusan ay ang ipaalam sa tao na siya'y nagkasala.

Ang Pagpapawalang-sala ng Diyos sa Tao

21 Ngunit ngayo'y nahayag na kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang tao. Ito'y hindi sa pamamagitan ng Kautusan; bagaman ang Kautusan at ang mga Propeta ang nagpapatotoo tungkol dito. 22 Ginagawang matuwid ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Jesu-Cristo. Walang pagkakaiba ang mga tao, 23 sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob na walang bayad niyang ibinigay, sila ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila. 25 Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid, sapagkat noong unang panahon ay nagtimpi siya at pinagtiisan ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. 26 Ngunit ngayon ay ipinapakita ng Diyos na siya'y matuwid at itinuturing niyang matuwid ang mga sumasampalataya kay Jesus.

27 Kaya't ano ngayon ang ating maipagmamalaki? Wala! At bakit naman tayo magmamalaki? Dahil ba sa ating pagsunod sa Kautusan? Hindi! Kundi dahil sa ating pananampalataya kay Cristo. 28 Kung gayon, maliwanag na sa pamamagitan ng pananampalataya itinuturing na matuwid ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan. 29 Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil, 30 sapagkat(Q) iisa lamang ang Diyos. Kapwa niya ituturing na matuwid ang mga Judio at mga Hentil batay sa kanilang pananampalataya. 31 Pinapawalang-saysay ba namin ang Kautusan dahil sa pananampalatayang ito? Hinding-hindi! Sa halip, pinapagtibay pa nga namin ito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.