Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Daniel 7-9

Ang Panaginip ni Daniel tungkol sa Apat na Hayop

Noong unang taon ng paghahari ni Belshazar sa Babilonia, nagkaroon ng mga pangitain si Daniel sa kanyang panaginip. Ito ang panaginip na kanyang isinulat:

“Isang gabi, may nakita akong pangitain ng isang malawak na dagat na hinahampas ng malakas na hangin mula sa apat na direksyon. Mula sa dagat ay biglang lumitaw ang apat na magkakaibang hayop.

“Ang unang hayop ay parang leon, pero may pakpak ng agila. Kitang-kita kong pinutol ang kanyang pakpak. Pinatayo siya na parang tao at binigyan ng kaisipang tulad ng sa tao.

“Ang pangalawang hayop ay parang oso. Nakatayo siya sa dalawang hulihang paa[a] at may kagat siyang tatlong tadyang. May tinig na nagsabi sa kanya, ‘Sige, magpakasawa ka sa karne.’

“Ang pangatlong hayop ay parang leopardo. Mayroon itong apat na pakpak sa likod at may apat na ulo. Binigyan siya ng kapangyarihan upang mamahala.

“Nang gabi ring iyon, nakita ko sa aking pangitain ang ikaapat na hayop. Nakakatakot itong tingnan at napakalakas. Sa pamamagitan ng kanyang malalaking ngiping bakal sinasakmal niyaʼt niluluray ang kanyang mga biktima, at kapag may natitira pa ay tinatapak-tapakan niya. Kakaiba ito sa tatlong hayop, at sampu ang kanyang sungay.

“Habang tinitingnan ko ang mga sungay, nakita kong tumubo ang munting sungay at nabunot ang tatlong sungay. Ang sungay na ito ay may mata na tulad ng tao at may bibig na nagsasalita ng kayabangan.

“Pagkatapos ay nakita kong may mga tronong inilagay, at umupo sa kanyang trono ang Dios na Nabubuhay Magpakailanman. Nakakasilaw ang kanyang damit at buhok dahil sa kaputian. Nagliliyab ang kanyang tronong may mga gulong. 10 At mula sa kanya ay umaagos ang apoy. Milyon-milyon ang mga naglilingkod sa kanya. Handa na siyang humatol, kaya binuksan ang mga aklat.

11 “Patuloy kong tinitingnan ang sungay dahil sa naririnig kong pagyayabang nito, hanggang sa nakita kong pinatay ang ikaapat na hayop. Inihagis siya sa apoy at nasunog ang kanyang katawan. 12 At ang natitirang tatlong hayop ay inalisan ng kapangyarihan, pero hinayaang mabuhay nang maigsing panahon.

13 “Pagkatapos, nakita ko ang parang tao[b] na pinaliligiran ng ulap. Lumapit siya sa Dios na Nabubuhay Magpakailanman. 14 Pinarangalan siya at binigyan ng kapangyarihang maghari, at naglingkod sa kanya ang lahat ng tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika. Ang paghahari niya ay walang hanggan. At walang makakapagpabagsak ng kaharian niya.

Ang Kahulugan ng Panaginip

15 “Nabagabag ako sa aking nakita. 16 Kaya lumapit ako sa isang nakatayo roon at nagtanong kung ano ang ibig sabihin ng nakita kong iyon. 17 Sinabi niya, ‘Ang apat na hayop ay nangangahulugan ng apat na haring maghahari sa mundo. 18 Pero ang mga banal[c] ng Kataas-taasang Dios ang siyang bibigyan ng kapangyarihang maghari magpakailanman.’

19 “Tinanong ko pa siya kung ano ang ibig sabihin ng ikaapat na hayop na ibang-iba sa tatlo. Nakakatakot itong tingnan; ang mga ngipin ay bakal at ang mga kuko ay tanso. Sinasakmal niya at niluluray ang kanyang mga biktima, at kung may matitira ay kanyang tinatapak-tapakan. 20 Tinanong ko rin siya kung ano ang kahulugan ng sampung sungay ng ikaapat na hayop at ng isa pang sungay na tumubo at nagtanggal ng tatlong sungay. Ang sungay na ito ay may mga mata at may bibig na nagyayabang, at kung titingnan ay mas makapangyarihan siya kaysa sa ibang sungay. 21 Nakita kong ang sungay na ito ay nakikipaglaban sa mga banal ng Dios, at nananalo siya. 22 Pagkatapos, dumating ang Nabubuhay Magpakailanman, ang Kataas-taasang Dios, at humatol panig sa kanyang mga banal. At dumating ang panahon ng paghahari ng mga banal.

23 “Narito ang kanyang paliwanag sa akin: Ang ikaapat na hayop ay ang ikaapat na kaharian dito sa mundo na kakaiba kaysa sa ibang kaharian. Lulusubin nito at wawasakin ang buong mundo. 24 Ang sampung sungay ay ang sampung hari na maghahari sa kahariang iyon. Papalit sa kanila ang isang hari na iba kaysa sa kanila at ibabagsak niya ang tatlong hari. 25 Magsasalita siya laban sa Kataas-taasang Dios, at uusigin niya ang mga banal ng Dios. Sisikapin niyang baguhin ang mga pista[d] at Kautusan. Ipapasakop sa kanya ang mga banal ng Dios sa loob ng tatloʼt kalahating taon. 26 Pero hahatulan siya, kukunin ang kanyang kapangyarihan, at lilipulin nang lubos. 27 At pagkatapos ay ibibigay sa banal na mga mamamayan ng Kataas-taasang Dios ang pamamahala at kapangyarihan sa mga kaharian ng buong mundo. Kaya maghahari sila magpakailanman, at ang lahat ng kaharian[e] ay magpapasakop sa kanila.

28 “Iyon ang panaginip ko. Nabagabag ako at namutla sa takot. Pero hindi ko ito sinabi kahit kanino.”

Ang Pangitain ni Daniel Tungkol sa Tupa at Kambing

Nang ikatlong taon ng paghahari ni Belshazar, muli akong nagkaroon ng pangitain. Sa pangitain ko, nakita kong nakatayo ako sa pampang ng Ilog ng Ulai, sa napapaderang lungsod ng Susa sa lalawigan ng Elam. May nakita akong barakong tupa na nakatayo sa tabi ng ilog. Mayroon itong dalawang mahahabang sungay, pero mas mahaba ang isang sungay nito kaysa sa isa kahit na huli itong tumubo. Nakita kong nanunuwag ito kahit saan mang lugar. Walang ibang hayop na makapigil sa kanya at wala ring makatakas sa kanya. Nagagawa niya ang gusto niyang gawin, kaya naging makapangyarihan siya.

Habang itoʼy tinitingnan ko, biglang dumating ang isang kambing mula sa kanluran. Umikot ito sa buong mundo na hindi sumasayad ang paa sa lupa sa sobrang bilis. Mayroon siyang kakaibang sungay sa gitna ng kanyang mga mata. Sinugod niya nang buong lakas ang tupang may dalawang sungay na nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog. Sa matinding galit, hindi niya tinigilan ng pagsuwag ang tupa hanggang sa naputol ang dalawang sungay nito. Hindi na makalaban ang tupa, kaya nabuwal ito at tinapak-tapakan ng kambing. Walang sumaklolo sa kanya. Naging makapangyarihan pa ang kambing. Pero nang nasa sukdulan na ang kapangyarihan niya, nabali ang kanyang sungay. Kapalit nito ay may tumubong apat na pambihirang sungay na nakatutok sa apat na direksyon ng mundo.

Ang isa sa kanila ay tinubuan ng isang maliit na sungay. Naging makapangyarihan itong sungay sa timog at sa silangan hanggang sa magandang lupain ng Israel. 10 Lalo pa siyang naging makapangyarihan hanggang sa kalangitan, at pinabagsak niya sa lupa ang ilang mga nilalang sa langit at mga bituin, at tinapak-tapakan niya ang mga iyon. 11 Itinuring niya ang kanyang sarili na higit na makapangyarihan kaysa sa Pinuno ng mga nilalang sa langit. Pinatigil niya ang araw-araw na paghahandog sa templo ng Dios, at nilapastangan niya ang templo. 12 Sa ginawa niyang iyon, ipinasakop sa kanya ang mga nilalang sa langit at ang araw-araw na paghahandog. Binalewala niya ang katotohanan, at nagtagumpay siya sa kanyang mga ginawa.

13 Narinig kong nag-uusap ang dalawang anghel. Ang isang anghel ay nagtatanong sa isa, “Hanggang kailan kaya tatagal ang mga pangyayaring ito na nasa pangitain? Ang pagpapatigil sa araw-araw na paghahandog, ang paglapastangan sa templo na magiging dahilan para pabayaan ito, at ang pagyurak sa mga nilalang sa langit?” 14 Sumagot ang isa, “Itoʼy mangyayari sa loob ng 2,300 umaga at hapon,[f] at pagkatapos ay lilinisin ang templo.”

Ipinaliwanag ni Gabriel ang Kahulugan ng Pangitain

15 Habang nakatingin ako sa pangitaing iyon at nag-iisip kung ano ang kahulugan noon, biglang tumayo sa harap ko ang parang tao. 16 Pagkatapos, may narinig akong tinig ng tao mula sa Ilog ng Ulai na nagsabi, “Gabriel, ipaliwanag mo sa kanya ang kahulugan ng pangitain.”

17 Nang lumapit si Gabriel sa akin, nagpatirapa ako sa takot. Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, dapat mong maintindihan na ang iyong pangitain ay tungkol sa katapusan ng panahon.” 18 Habang nakikipag-usap siya sa akin, nawalan ako ng malay at napadapa sa lupa. Pero hinawakan niya ako at ibinangon. 19 Sinabi niya, “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa hinaharap kapag ibinuhos na ng Dios ang kanyang galit, dahil naitakda na ang katapusan ng panahon. 20 Ang tupang may dalawang sungay ay ang kaharian ng Media at Persia. 21 Ang kambing naman ay ang kaharian ng Grecia, at ang malaking sungay sa gitna ng kanyang mga mata ay ang unang hari. 22 Ang apat na sungay na tumubo pagkatapos maputol ang unang sungay ay ang apat na kaharian ng Grecia nang magkahati-hati ito. Pero ang kanilang mga hari ay hindi magiging makapangyarihan na tulad noong una.

23 “Sa mga huling araw ng kanilang paghahari, sa panahong sukdulan na ang kanilang kasamaan, maghahari ang isang malupit at tusong hari. 24 Siyaʼy magiging makapangyarihan, pero hindi tulad ng haring nauna sa kanya.[g] Magtataka ang mga tao sa gagawin niyang panlilipol, at magtatagumpay siya sa anumang gagawin niya. Lilipulin niya ang mga makapangyarihang tao at ang mga hinirang na mga mamamayan ng Dios. 25 Dahil sa kanyang kakayahan, magtatagumpay siya sa kanyang pandaraya. Ipagmamalaki niya ang kanyang sarili, at maraming tao ang kanyang papatayin ng walang anumang babala. Lalabanan niya pati ang Pinuno ng mga pinuno. Pero lilipulin siya hindi sa kapangyarihan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Dios.

26 “Ang pangitaing nakita mo tungkol sa pagpapatigil ng pang-umaga at panghapon[h] na paghahandog ay totoo. Pero huwag mo munang ihayag ito dahil matatagalan pa bago ito maganap.”

27 Pagkatapos noon, akong si Daniel ay nanghina at nagkasakit nang ilang araw. Nang gumaling ako, bumalik ako sa trabaho na ibinigay sa akin ng hari. Pero patuloy ko pa ring iniisip ang pangitaing iyon na hindi ko lubos na maunawaan.

Nanalangin si Daniel para sa mga Israelita

1-2 Si Darius na taga-Media na anak ni Ahasuerus[i] ang hari noon sa buong Babilonia. Noong unang taon ng paghahari niya, nalaman ko sa mga Kasulatan na mananatiling giba ang Jerusalem sa loob ng 70 taon, ayon sa sinabi ng Panginoon kay Propeta Jeremias. Dahil dito, lumapit ako sa Panginoong Dios at nanalangin. Nag-ayuno ako, nagdamit ng sako, at naglagay ng abo sa ulo.[j] Nanalangin ako sa Panginoon na aking Dios at humingi ng tawad para sa aming mga kasalanan:

“Panginoon, kayo ay makapangyarihan at kahanga-hangang Dios. Tapat po kayo sa pagtupad ng inyong pangako na mamahalin nʼyo ang mga nagmamahal sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos. Nagkasala kami sa inyo. Gumawa kami ng kasamaan at sumuway sa inyong mga utos at tuntunin. Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na inutusan nʼyong makipag-usap sa aming hari, mga pinuno, matatanda at sa lahat ng taga-Israel.

“Panginoon, matuwid po kayo, pero kami ay kahiya-hiya pa rin hanggan ngayon. Gayon din ang lahat ng mga mamamayan ng Juda at Jerusalem, at ang lahat ng Israelita na pinangalat nʼyo sa malalapit at malalayong lugar dahil sa kanilang pagsuway sa inyo. Panginoon, kami ay talagang kahiya-hiya, pati ang aming hari, mga pinuno, at matatanda dahil kami ay nagkasala sa inyo. Pero maawain pa rin kayo, Panginoon naming Dios, at mapagpatawad kahit na sumuway kami sa inyo. 10 Hindi kami sumunod sa inyo dahil hindi namin sinunod ang mga utos na ibinigay ninyo sa amin sa pamamagitan ng inyong mga lingkod na propeta. 11 Ang lahat ng Israelita ay sumuway sa inyong Kautusan; ayaw nilang sundin ang mga sinabi ninyo. At dahil sa aming pagkakasala, dumating sa amin ang sumpa na nakasulat sa Kautusan ni Moises na inyong lingkod. 12 Tinupad po ninyo ang inyong sinabi laban sa amin at sa aming mga pinuno na kami ay inyong parurusahan nang matindi. Kaya ang nangyari sa Jerusalem ay walang katulad sa buong mundo. 13 Dumating sa amin ang parusang ito ayon sa nasusulat sa Kautusan ni Moises. Pero sa kabila nito, hindi namin sinikap na malugod kayo sa amin sa pamamagitan ng pagtalikod sa aming mga kasalanan at ang pagkilala sa inyong katotohanan. 14 Kaya handa kayong parusahan kami; at ginawa nʼyo nga dahil palagi kayong tama sa inyong mga ginagawa. Pero hindi pa rin kami sumunod sa inyo.

15 “Panginoon naming Dios, ipinakita nʼyo ang inyong kapangyarihan noong pinalaya ninyo ang inyong mga mamamayan sa Egipto, at dahil dito ay naging tanyag kayo hanggang ngayon. Inaamin namin na kami ay nagkasala at gumawa ng kasamaan. 16 Kaya, Panginoon, ayon sa inyong ginagawang matuwid, nakikiusap ako na alisin nʼyo na ang inyong galit sa Jerusalem, ang inyong lungsod at banal[k] na bundok. Dahil sa aming kasalanan at sa kasalanan ng aming mga ninuno, hinamak kami at ang Jerusalem ng mga taong nakapaligid sa amin.

17 “Kaya ngayon, O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panalangin at pagsamo. Alang-alang sa inyong pangalan, muli nʼyong itayo ang inyong templong[l] nagiba at napabayaan. 18 O Dios, pakinggan nʼyo ako. Tingnan nʼyo ang nakakawa naming kalagayan at ang wasak nʼyong bayan, kung saan kinikilala ang iyong pangalan. Hindi kami dumadalangin sa dahilang kami ay matuwid, kundi dahil sa alam naming kayo ay mahabagin. 19 Panginoon, dinggin nʼyo po kami at patawarin. Tulungan nʼyo kami agad alang-alang sa inyong pangalan, dahil kayo ay kinikilalang Dios sa inyong bayan at ng inyong mga mamamayan.”

Ipinaliwanag ni Gabriel ang Kahulugan ng Pangitain

20 Patuloy akong nananalangin at sinasabi ang aking kasalanan at ang kasalanan ng aking mga kababayang Israelita. Nagmakaawa ako sa Panginoon kong Dios alang-alang sa kanyang banal na bundok. 21 At habang nananalangin ako, mabilis na lumipad papunta sa akin si Gabriel na nakita ko noon sa aking pangitain. Oras iyon ng panghapong paghahandog.[m] 22 Pinaunawa niya sa akin at sinabi, “Daniel, naparito ako para ipaliwanag sa iyo ang tungkol sa pangitain. 23 Sa simula pa lamang ng iyong panalangin ay may ipinahayag na ang Dios, kung kayaʼt akoʼy pumarito para sabihin sa iyo, dahil mahal ka ng Dios. Kaya makinig ka at unawain ang sasabihin ko sa iyo.

24 “490 taon[n] ang itinakda ng Dios sa banal na lungsod at sa mga kababayan mo para tigilan nila ang pagrerebelde sa Dios, para mapatawad ang kanilang kasalanan, para mapairal ng Dios ang walang hanggang katuwiran, para matupad ang pangitain at propesiya, at para maihandog na muli ang templo sa Dios.

25 “Dapat mong malaman at maintindihan na mula sa panahong iniutos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng pinunong hinirang ng Dios ay lilipas muna ang 49 na taon.[o] At sa loob ng 434 na taon[p] ay muling itatayo ang Jerusalem na may mga plasa at tanggulan. Magiging magulo sa panahong iyon. 26 Pagkatapos ng 434 na taon,[q] papatayin ang pinunong hinirang ng Dios at walang tutulong sa kanya.[r] Darating ang isang hari at sisirain ng mga tauhan niya ang bayan at ang templo. At ayon sa itinakda ng Dios, ang pagwasak at digmaan ay magpapatuloy hanggang sa katapusan. Ang katapusan ay darating na parang baha. 27 Ang haring iyon ay gagawa ng matibay na kasunduan sa napakaraming tao sa loob ng pitong taon. Pero pagkatapos ng tatlong taon at kalahati, patitigilin niya ang mga paghahandog at ilalagay niya ang kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pagpapabaya sa templo. Mananatili ito roon hanggang sa dumating ang katapusan ng hari na itinakda ng Dios.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®