Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 41-45

Pinatay si Gedalia

41 Si Ishmael ay anak ni Netania at apo ni Elishama. Kabilang siya sa sambahayan ng hari at isa sa mga pinuno ng hari noon. Nang ikapitong buwan ng taong iyon, pumunta si Ishmael kasama ang sampung tauhan niya kay Gedalia na anak ni Ahikam sa Mizpa. At habang kumakain sila, tumayo si Ishmael na anak ni Netania at ang sampung kasama niya at pinatay nila si Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan sa pamamagitan ng espada. Kaya napatay ang pinili ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain. Pinatay din ni Ishmael at ng mga tauhan niya ang lahat ng pinuno ng mga Judio roon sa Mizpa, pati ang mga sundalo na taga-Babilonia.

Kinaumagahan, bago pa malaman ng sinuman na si Gedalia ay pinatay, may 80 lalaking papunta sa Mizpa mula sa Shekem, Shilo, at Samaria. Inahit nila ang mga balbas nila, pinunit ang kanilang mga damit at sinugatan ang mga katawan nila para ipakitang nagluluksa sila. May mga dala silang handog para parangalan ang Panginoon at mga insenso para ihandog sa templo ng Panginoon. Sinalubong sila ni Ishmael na umiiyak mula sa Mizpa. Sinabi niya, “Tingnan ninyo ang nangyari kay Gedalia.”

Pagdating nila sa lungsod, ang 70 sa kanila ay pinatay ni Ishmael at ng mga kasamahan niya. At pagkatapos, inihulog nila ang bangkay ng mga ito sa balon. Ang sampu naman ay hindi nila pinatay dahil sinabi nila kay Ishmael, “Huwag mo kaming patayin! Ibibigay namin sa iyo ang mga trigo, sebada, langis at pulot namin na nakatago sa bukid.” Ang balon na pinaghulugan ni Ishmael ng mga bangkay ng mga taong pinatay niya, pati na ang bangkay ni Gedalia ay pag-aari ni Haring Asa. Ipinahukay niya ito noong sinalakay sila ni Haring Baasha ng Israel. Ang balon na itoʼy napuno ni Ishmael ng mga bangkay.

10 Pagkatapos, binihag ni Ishmael ang mga taong natitira sa Mizpa – ang mga anak na babae ng hari at ang mga taong ipinagkatiwala ni Nebuzaradan kay Gedalia para alagaan. Pagkatapos, bumalik si Ishmael sa Ammon na dala ang mga bihag.

11 Nabalitaan ni Johanan na anak ni Karea at ng mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo ang masamang ginawa ni Ishmael na anak ni Netania. 12 Kaya tinipon nila ang mga tauhan nila at hinabol ang anak ni Netania na si Ishmael para labanan. Inabutan nila ito sa malawak na imbakan ng tubig sa Gibeon. 13 Nang makita ng mga bihag ni Ishmael si Johanan at ang mga kasama niyang opisyal, tuwang-tuwa sila. 14 Silang lahat na bihag ni Ishmael mula sa Mizpa ay nagtakbuhan patungo kay Johanan. 15 Pero tumakas sa Ammon ang anak ni Netania na si Ishmael at ang walo niyang kasama.

16 Tinipon ni Johanan at ng mga pinunong kasama niya ang lahat ng bihag ni Ishmael mula sa Mizpa, kabilang dito ang mga kawal, babae, bata at ang mga pinuno sa palasyo na mula sa Gibeon. At mula sa Gibeon, 17 pumunta sila sa Gerut Kimham malapit sa Betlehem at tumuloy sa Egipto. 18 Sapagkat natatakot sila sa mga taga-Babilonia dahil pinatay ni Ishmael si Gedalia na pinili ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain.

Hiniling ng mga Tao na Ipanalangin Sila ni Jeremias

42 Pagkatapos, lumapit kay Jeremias sina Johanan na anak ni Karea, Azaria na anak ni Hosaya, ang kasama nilang opisyal ng mga sundalo, at ang lahat ng mamamayan mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. Sinabi nila kay Jeremias, “Nakikiusap kami sa iyo, kaming mga natitira, na ipanalangin mo kami sa Panginoon na iyong Dios. Marami kami noon, pero ngayon kakaunti na lang katulad ng nakikita mo. Manalangin ka sa Panginoon na iyong Dios para sabihin niya sa amin kung saan kami pupunta at ano ang dapat naming gawin.” Sinabi ni Jeremias, “Sige, mananalangin ako sa Panginoon na inyong Dios para sa kahilingan nʼyo, at sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi niya. Wala akong ililihim sa inyo.”

Sinabi pa nila kay Jeremias, “Ang Panginoon na iyong Dios ang tunay at tapat nating saksi, kung hindi namin gagawin ang lahat ng sasabihin niya sa pamamagitan mo. Magustuhan man namin o hindi, bastaʼt susundin namin ang sasabihin ng Panginoon naming Dios, para maging mabuti ang lahat para sa amin.”

Pagkalipas ng sampung araw, nagsalita ang Panginoon kay Jeremias. Kaya pinatawag ni Jeremias si Johanan na anak ni Karea at ang lahat ng kasama niyang opisyal ng mga sundalo, pati ang lahat ng mamamayan mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. At sinabi ni Jeremias sa kanila, “Hiniling ninyo na manalangin ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel, at ito ang sagot niya: 10 Kung mananatili kayo sa lupaing ito, ibabangon ko kayo at muling itatayo at hindi na ipapahamak. Sapagkat totoong nalungkot ako sa kapahamakang ipinaranas ko sa inyo. 11 Huwag na kayong matakot sa hari ng Babilonia dahil kasama ninyo ako at ililigtas ko kayo sa mga kamay niya. 12 Kahahabagan ko kayo. Gagawa ako ng paraan para kahabagan niya kayo at payagang manatili sa inyong lupain.

13 “Pero kung ayaw ninyong sundin ang Panginoon na inyong Dios, at sasabihin ninyo, ‘Hindi kami mananatili sa lupaing ito. 14 Pupunta kami sa Egipto at doon maninirahan dahil doon ay walang digmaan o taggutom.’ 15 Ito ang sasabihin sa inyo ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Kayong mga natitirang taga-Juda, kung nagpasya kayong pumunta sa Egipto at doon manirahan, 16 ang digmaan at taggutom na inyong kinatatakutan ay susunod sa inyo, at doon kayo mamamatay. 17 Ang lahat ng may nais manirahan sa Egipto ay mamamatay sa digmaan, gutom at sakit. Walang sinuman sa kanila ang makakaligtas o makakatakas sa kapahamakang ipaparanas ko sa kanila.’

18 “Ito pa ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Kung paano ko ipinadama sa mga taga-Jerusalem ang tindi ng galit ko, ipadarama ko rin sa inyo ang galit ko kung pupunta kayo sa Egipto. Susumpain at kasusuklaman kayo ng mga tao. Kukutyain nila kayo at ituturing na masama, at hindi na kayo makakabalik pa sa lupaing ito.’

19 “Kayong mga natitirang taga-Juda, sinasabi ng Panginoon na huwag kayong pupunta sa Egipto. Tandaan nʼyo ang mga babalang ito na sinabi ko sa inyo ngayon. 20 Hindi mabuti ang ginawa ninyo. Hiniling ninyo sa akin na lumapit sa Panginoon na inyong Dios at manalangin para sa inyo at sinabing gagawin ninyo ang lahat ng sasabihin niya. 21 Pero ngayong sinabi ko sa inyo ang ipinapasabi niya, ayaw naman ninyong sundin. 22 Kaya tinitiyak ko sa inyo na mamamatay kayo sa digmaan, taggutom at sakit sa Egipto, sa lugar kung saan nais ninyong manirahan.”

Si Jeremias ay Dinala sa Egipto

43 Nang masabi na ni Jeremias ang lahat ng ipinapasabi ng Panginoon na kanilang Dios ang tungkol sa kanila, sinabi sa kanya nina Azaria na anak ni Hosaya, Johanan na anak ni Karea, at ng iba pang mayayabang na lalaki, “Sinungaling ka! Hindi ka isinugo ng Panginoon na aming Dios, para sabihin sa amin na hindi kami dapat pumunta sa Egipto upang manirahan doon. Si Baruc na anak ni Neria ang naghikayat sa iyo na ibigay kami sa mga taga-Babilonia para patayin nila kami o bihagin.”

Kaya si Johanan na anak ni Karea at ang mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo at ang lahat ng mamamayan ay hindi sumunod sa utos ng Panginoon na manatili sila sa Juda. Sa halip, dinala ni Johanan at ng mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo ang mga natirang taga-Juda na nagsibalikan sa Juda mula sa ibaʼt ibang bansa na pinangalatan nila. Kabilang dito ang mga lalaki, babae, bata, at mga anak na babae ng hari na ipinagkatiwala ni Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya kay Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan. Dinala rin nila sina Propeta Jeremias at Baruc na anak ni Neria. Hindi sila sumunod sa Panginoon, talagang pumunta sila sa Egipto, at nakarating sila sa lungsod ng Tapanhes.

Doon sa Tapanhes, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, “Habang nakatingin ang mga taga-Juda, kumuha ka ng malalaking bato at ibaon mo sa lupa sa gitna ng daan papasok sa palasyo ng Faraon[a] sa Tapanhes. 10 Pagkatapos, sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Susuguin ko ang lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ilalagay ko ang kanyang trono at toldang panghari sa ibabaw ng mga batong ito na ibinaon ko sa lupa sa gitna ng daan. 11 Sasalakayin niya ang Egipto at papatayin niya ang mga itinakdang patayin, at bibihagin niya ang mga itinakdang bihagin. Ang ibaʼy itinakdang mamatay sa digmaan. 12 Susunugin niya ang mga templo ng mga dios-diosan sa Egipto. Ang ibang mga dios-diosan ay masusunog din, at ang iba ay dadalhin niyang bihag. Lilinisin niya ang lupain ng Egipto katulad ng paglilinis ng pastol ng kanyang damit para alisin ang mga pulgas. Pagkatapos, aalis si Nebucadnezar na ligtas sa anumang pinsala. 13 Talagang wawasakin niya ang mga haligi ng dios-diosan sa Heliopolis[b] sa Egipto, at susunugin niya ang mga templo ng mga dios-diosan doon.’ ”

Ang Mensahe ng Panginoon sa mga Israelita na nasa Egipto

44 Sinabi ng Panginoon kay Jeremias ang tungkol sa lahat ng Judio na naninirahan sa gawing hilaga ng Egipto sa mga lungsod ng Migdol, Tapanhes, at Memfis pati ang mga naroon sa gawing timog ng Egipto. Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Nakita ninyo ang kapahamakang pinaranas ko sa Jerusalem at sa lahat ng bayan ng Juda. Wasak na ito ngayon at wala nang naninirahan doon, dahil sa kasamaang ginawa ng mga mamamayan nila. Ginalit nila ako sa pagsusunog nila ng mga insenso at pagsamba sa mga dios-diosan na hindi nila kilala o ng mga ninuno nila. Palagi kong isinusugo ang mga lingkod ko na mga propeta para bigyan sila ng babala na huwag nilang gagawin ang bagay na iyon na kasuklam-suklam sa akin at kinapopootan ko, pero hindi sila nakinig o sumunod sa mga propeta. Hindi sila tumalikod sa kasamaan nila o tumigil sa pagsusunog nila ng mga insenso para sa mga dios-diosan. Kaya ibinuhos ko sa kanila ang tindi ng galit ko. Parang apoy ito na tumupok sa mga bayan ng Juda at Jerusalem, at naging malungkot ang mga lugar na ito at wasak hanggang ngayon.

“Kaya ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagtatanong, ‘Bakit ninyo sinisira ang inyong sarili? Gusto ba ninyo na malipol ang mga tao sa Juda – ang mga lalaki, babae, bata at mga sanggol? Bakit ninyo ako ginagalit sa paggawa ninyo ng inyong mga dios? Nagsusunog pa kayo ng mga insenso para sa mga ito dito sa Egipto kung saan kayo ngayon naninirahan. Ipinapahamak ninyo ang sarili ninyo at ginagawa ninyong kasuklam-suklam at kahiya-hiya sa lahat ng bansa sa daigdig. Nakalimutan na ba ninyo ang mga kasamaang ginawa ng inyong mga ninuno, mga hari, mga reyna ng Juda, ang mga kasamaang ginawa ninyo at ng inyong mga asawa sa lupain ng Juda at Jerusalem? 10 Hanggang ngayoʼy hindi pa rin kayo nagpapakumbaba o natatakot sa akin. Hindi rin kayo sumunod sa mga kautusan at mga tuntunin ko na ibinigay sa inyo at sa mga ninuno ninyo.’

11 “Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay handa na para ipahamak kayo at lipulin ang buong Juda. 12 Kayong mga natitirang buhay sa Juda na nagpumilit pumunta rito sa Egipto, mamamatay kayong lahat mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. Mamamatay kayo rito sa digmaan o sa gutom. Susumpain, kasusuklaman, mamasamain, at kukutyain kayo. 13 Gagawin ko sa inyo rito sa Egipto ang ginawa ko sa Jerusalem. Parurusahan ko rin kayo sa pamamagitan ng digmaan, gutom at sakit. 14 Mamamatay kayong lahat, kayong mga natirang buhay sa Juda at tumira rito sa Egipto. Hindi na kayo makakabalik sa Juda kahit gusto ninyong bumalik at manirahan doon. Walang makakabalik sa inyo maliban sa iilan na makakatakas.”

15 Napakaraming Judio ang nagtipon at nakinig kay Jeremias. Nakatira sila sa hilaga at timog ng Egipto. Ang mga lalaking naroroon at nakakaalam na ang asawa nilaʼy nagsusunog ng mga insenso sa mga dios-diosan, at ang lahat ng babaeng nagtitipon doon ay nagsabi kay Jeremias, 16 “Hindi kami maniniwala sa mga sinasabi mo sa amin sa pangalan ng Panginoon! 17 Gagawin namin ang lahat ng nais naming gawin: Magsusunog kami ng mga insenso sa aming diosa na ‘Reyna ng Langit’! At maghahandog kami sa kanya ng mga handog na inumin gaya ng ginawa namin sa mga bayan ng Juda at lansangan ng Jerusalem. Ito rin ang ginawa ng aming mga ninuno at ng aming mga hari at mga pinuno. Mabuti ang kalagayan namin noon; marami kaming pagkain, at walang masamang nangyayari sa amin. 18 Pero nang tumigil kami sa pagsusunog ng insenso sa Reyna ng Langit at hindi na kami nag-alay sa kanya ng mga handog na inumin, naghirap kami at marami ang namatay sa digmaan at gutom.”

19 Sinabi rin ng mga babae, “Alam ng mga asawa namin kapag magsusunog kami ng mga insenso para sa Reyna ng Langit at mag-aalay ng mga handog na inumin, at magluluto ng tinapay na katulad ng larawan niya.”

20 Kaya sinabi ni Jeremias ang ganito sa mga nangangatwiran sa kanya, 21 “Akala ba ninyoʼy hindi alam ng Panginoon na kayo at ang inyong mga ninuno, ang inyong mga hari at mga pinuno, at ang lahat ng mamamayan ay nagsunog ng insenso sa mga dios-diosan sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 22 At nang hindi na matiis ng Panginoon ang mga kasamaan at kasuklam-suklam ninyong gawa, winasak niya ang lupain ninyo at naging kasumpa-sumpa at malungkot dahil wala nang nakatira, katulad ng nangyari ngayon. 23 Nangyari ang kapahamakang ito sa inyo dahil nagsunog kayo ng mga insenso sa mga dios-diosan at nagkasala sa Panginoon. Hindi kayo sumunod sa mga kautusan, mga tuntunin at mga katuruan niya.”

24 Sinabi pa ni Jeremias sa mga tao, “Pakinggan ninyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga taga-Juda na nakatira rito sa Egipto. 25 Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Talagang sinunod ninyo at ng inyong mga asawa ang ipinangako ninyong pagsusunog ng insenso at pag-aalay ng handog na inumin sa Reyna ng Langit. Sige, ipagpatuloy ninyo ang inyong ginagawa. Tuparin ninyo ang inyong ipinangako. 26 Pero makinig kayo sa sasabihin ko, kayong mga taga-Juda na nakatira sa Egipto. Isinusumpa ko sa sarili ko na mula ngayoʼy wala nang babanggit sa inyo ng pangalan ko. Hindi ko na papayagang gamitin ninyo ang pangalan ko sa inyong panunumpa katulad nito, “Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoong Dios.” 27 Sapagkat sa halip na ingatan ko kayo para sa ikabubuti ninyo, ipapahamak ko kayo. Mamamatay kayo rito sa Egipto sa digmaan o gutom hanggang sa maubos kayong lahat. 28 Kung mayroon mang matitira sa digmaan at makakabalik sa Juda ay kakaunti lamang. Dahil dito, malalaman ng mga natitira na naninirahan ngayon dito sa Egipto kung kaninong salita ang masusunod – ang sa kanila o ang sa akin. 29 Ito ang tanda na parurusahan ko kayo sa lugar na ito para malaman ninyo na talagang matutupad ang kapahamakang sinabi ko laban sa inyo: 30 Ibibigay ko si Faraon Hofra na hari ng Egipto sa mga kaaway niya na nais pumatay sa kanya katulad ng ginawa ko kay Zedekia ng Juda sa kaaway niyang si Haring Nebucadnezar ng Babilonia na nais ding pumatay sa kanya. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

Ang Mensahe para kay Baruc

45 Noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, isinulat ni Baruc ang mga sinabi ni Propeta Jeremias sa kanya. Sinabi ni Jeremias, “Baruc, ito ang sinabi sa iyo ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Sinabi mong nakakaawa ka, dahil dinagdagan ng Panginoon ang paghihirap mo. Pagod ka na sa pagdaing at wala kang kapahingahan!’

“Baruc, ito pa ang sinabi ng Panginoon, ‘Wawasakin ko ang bansang ito na itinayo ko. Bubunutin ko ang itinanim ko. At gagawin ko ito sa buong lupain. Huwag ka nang maghahangad pa ng mga dakilang bagay. Sapagkat pasasapitin ko ang kapahamakan sa lahat ng tao, pero ikaw ay ililigtas ko kahit saan ka pumunta. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®