Chronological
18 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na nagsasabi,
2 Ikaw ay bumangon, at bumaba sa bahay ng magpapalyok, at aking iparirinig sa iyo ang aking mga salita roon.
3 Nang magkagayo'y bumaba ako sa bahay ng magpapalyok, at, narito, siya'y gumagawa ng kaniyang gawa sa pamamagitan ng mga gulong.
4 At nang mabasag sa kamay ng magpapalyok ang sisidlang putik na kaniyang ginagawa, ay gumawa siya uli ng ibang sisidlan, na minagaling na gawin ng magpapalyok.
5 Nang magkagayo'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi,
6 Oh sangbahayan ni Israel, hindi baga ako makagagawa sa inyo na gaya ng paggawa ng magpapalyok na ito? sabi ng Panginoon. Narito, kung paano ang putik sa kamay ng magpapalyok, gayon kayo sa kamay ko, Oh sangbahayan ni Israel.
7 Sa anomang sandali ay magsasalita ako ng tungkol sa isang bansa, at tungkol sa isang kaharian, upang bunutin at upang ibagsak at upang lipulin;
8 Kung ang bansang yaon, na aking pinagsalitaan, ay humiwalay sa kanilang kasamaan, ako'y magsisisi sa kasamaan na aking inisip gawin sa kanila.
9 At sa anomang sangdali ay magsasalita ako ng tungkol sa isang bansa, at tungkol sa isang kaharian, upang itayo at upang itatag;
10 Kung gumawa ng kasamaan sa aking paningin, na hindi sundin ang aking tinig, ay pagsisisihan ko nga ang kabutihan, na aking ipinagsabing pakikinabangan nila.
11 Ngayon nga, salitain mo sa mga tao sa Juda, at sa mga nananahan sa Jerusalem, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y humahaka ng kasamaan laban sa inyo, at kumatha ng katha-katha laban sa inyo: manumbalik bawa't isa sa inyo mula sa kanikaniyang masamang lakad, at inyong pabutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa.
12 Nguni't kanilang sinabi, Walang pagasa; sapagka't kami ay magsisisunod sa aming sariling mga katha-katha, at magsisigawa bawa't isa sa amin ng ayon sa katigasan ng kanikaniyang masamang puso.
13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Inyong itanong nga sa mga bansa, kung sinong nakarinig ng ganiyang mga bagay? ang dalaga ng Israel ay gumawa ng totoong kakilakilabot na bagay.
14 Magkukulang baga ng niebe sa Lebano sa bato sa parang? ang malamig na tubig na umaagos mula sa malayo ay matutuyo baga?
15 Sapagka't kinalimutan ako ng aking bayan, sila'y nangagsunog ng kamangyan sa mga diosdiosan; at sila'y nangatisod sa kanilang mga lakad, sa mga dating landas, at pinalalakad sa mga lana, sa daan na hindi patag;
16 Upang gawin ang kanilang lupain na isang katigilan, at walang hanggang kasutsutan; lahat na nangagdadaan doon ay mangatitigilan, at mangaggagalaw ng ulo.
17 Aking pangangalatin sila na parang hanging silanganan sa harap ng kaaway; tatalikuran ko sila, at hindi ko haharapin, sa kaarawan ng kanilang kasakunaan,
18 Nang magkagayo'y sinabi nila, Kayo'y magsiparito, at tayo'y magsikatha ng mga katha-katha laban kay Jeremias; sapagka't ang kautusan ay hindi mawawala sa saserdote, o ang payo man sa pantas, o ang salita man sa propeta. Kayo'y magsiparito, at ating saktan siya ng dila, at huwag nating pansinin ang kaniyang mga salita.
19 Pakinggan mo ako, Oh Panginoon, at ulinigin mo ang tinig nila na nakikipagtalo sa akin.
20 Igaganti baga'y kasamaan sa kabutihan? sapagka't sila'y nagsihukay ng hukay para sa akin. Iyong alalahanin kung paanong ako'y tumayo sa harap mo, upang magsalita ng mabuti para sa kanila, upang ihiwalay ang iyong kapusukan sa kanila.
21 Kaya't ibigay mo ang kanilang mga anak sa kagutom, at ibigay mo sila sa kapangyarihan ng tabak; at ang kanilang mga asawa ay mawalan ng anak, at mga bao; at ang kanilang mga lalake ay mangapatay sa patayan, at ang kanilang mga binata ay masugatan ng tabak sa pagbabaka.
22 Makarinig nawa ng daing mula sa kanilang mga bahay, pagka ikaw ay biglang magdadala ng hukbo sa kanila; sapagka't sila'y nagsihukay ng hukay upang hulihin ako, at ipinagkubli ng mga silo ang aking mga paa.
23 Gayon man, Panginoon, iyong talastas ang lahat nilang payo laban sa akin upang patayin ako; huwag mong ipatawad ang kanilang kasamaan, o pawiin mo man ang kanilang kasalanan sa iyong paningin; kundi sila'y mangatisod sa harap mo; parusahan mo sila sa kaarawan ng iyong galit.
19 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ikaw ay yumaon, at bumili ka ng isang sisidlang lupa ng magpapalyok, at magsama ka ng mga matanda sa bayan, at ng mga matanda sa mga saserdote;
2 At ikaw ay lumabas sa libis ng anak ni Hinnom, na nasa tabi ng pasukan ng pintuang-bayan ng Harsit, at itanyag mo roon ang mga salita na aking sasaysayin sa iyo:
3 At iyong sabihin, Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, Oh mga hari sa Juda, at mga nananahan sa Jerusalem: Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, ako'y magpaparating ng kasamaan sa dakong ito, na sinomang makarinig ay magpapanting ang mga pakinig.
4 Sapagka't kanilang pinabayaan ako, at kanilang pinapaging iba ang dakong ito, at nangagsunog sila ng kamangyan dito sa ibang mga dios, na hindi nila nakilala, nila at ng kanilang mga magulang at ng mga hari sa Juda, at pinuno ang dakong ito ng dugo ng mga walang sala,
5 At itinayo ang mga mataas na dako ni Baal, upang sunugin ang kanilang mga anak sa apoy na mga pinakahandog na susunugin kay Baal; na hindi ko iniutos, o sinalita man, o pumasok man sa aking pagiisip:
6 Kaya't narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ang dakong ito ay hindi na tatawaging Topheth, ni Ang libis ng anak ni Hinnom, kundi Ang libis ng Patayan.
7 At aking sasayangin ang payo ng Juda at ng Jerusalem sa dakong ito; at aking ibubuwal sila sa pamamagitan ng tabak sa harap ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan ng kamay ng nagsisiusig ng kanilang buhay: at ang kanilang mga bangkay ay mangabibigay na pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa.
8 At gagawin ko ang bayang ito na katigilan, at kasutsutan; bawa't isa na mangagdadaan doon ay mangatitigilan at magsisisutsot dahil sa lahat na salot niyaon.
9 At pakakanin ko sila ng laman ng kanilang mga anak na lalake at ang laman ng kanilang mga anak na babae; at kakain bawa't isa sa kanila ng laman ng kaniyang kaibigan, sa pagkakulong at sa kagipitan, na igigipit sa kanila ng kanilang mga kaaway, at ng nagsisiusig ng kanilang buhay.
10 Kung magkagayo'y babasagin mo ang sisidlang lupa sa paningin ng mga lalake na nagsisiyaong kasama mo, at iyong sasabihin sa kanila,
11 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ganito ko babasagin ang mga taong ito at ang bayang ito, gaya ng pagbasag ng isang sisidlan ng magpapalyok, na hindi mabubuo uli; at sila'y mangaglilibing sa Topheth hanggang sa mawalan ng dakong mapaglilibingan.
12 Ganito ang gagawin ko sa dakong ito, sabi ng Panginoon, at sa mga nananahan dito, sa makatuwid baga'y gagawin ang bayang ito na gaya ng Topheth:
13 At ang mga bahay ng Jerusalem, at ang mga bahay ng mga hari sa Juda, na nangahawa ay magiging gaya ng dako ng Topheth, lahat ng bahay na ang mga bubungan ay pinagsunugan ng kamangyan sa lahat ng natatanaw sa langit, at pinagbuhusan ng mga handog na inumin sa ibang mga dios.
14 Nang magkagayo'y nagbalik si Jeremias mula sa Topheth, na pinagsuguan sa kaniya ng Panginoon upang manghula; at siya'y tumayo sa looban ng bahay ng Panginoon, at nagsabi sa buong bayan,
15 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, ako'y magdadala sa bayang ito, at sa kaniyang lahat na bayan ng lahat na kasamaan na aking sinalita laban doon; sapagka't kanilang pinapagmatigas ang kanilang leeg, upang huwag nilang marinig ang aking salita.
20 Napakinggan ni Pashur, na anak ni Immer, na saserdote, na siyang pangulong pinuno sa bahay ng Panginoon, si Jeremias na nanghuhula ng mga bagay na ito.
2 Nang magkagayo'y sinaktan ni Pashur si Jeremias na propeta, at inilagay siya sa pangawan na nasa lalong mataas na pintuang-bayan ng Benjamin, na nasa bahay ng Panginoon.
3 At nangyari, nang kinabukasan, na inilabas ni Pashur si Jeremias mula sa pangawan. Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias sa kaniya, Hindi tinawag ng Panginoon ang iyong pangalan na Pashur, kundi Magormissabib.
4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, gagawin kitang kakilabutan sa iyong sarili, at sa lahat mong mga kaibigan; at sila'y mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak ng kanilang mga kaaway, at mamamasdan ng iyong mga mata: at ibibigay ko ang buong Juda sa kamay ng hari sa Babilonia, at kaniyang dadalhin sila na bihag sa Babilonia, at papatayin sila ng tabak.
5 Bukod dito ay ibibigay ko ang lahat na kayamanan ng bayang ito, at ang lahat na pakinabang nito, at ang lahat na mahalagang bagay nito, oo, ang lahat na kayamanan ng mga hari sa Juda ay ibibigay ko sa kamay ng kanilang mga kaaway; na magsisisamsam sa kanila, at magsisihuli sa kanila, at mangagdadala sa kanila sa Babilonia.
6 At ikaw Pashur, at ang lahat na tumatahan sa iyong bahay ay magsisipasok sa pagkabihag; at paroroon ka sa Babilonia, at doon ka mamamatay, at doon ka malilibing, ikaw, at ang lahat mong mga kaibigan, na iyong pinanghulaan na may kasinungalingan.
7 Oh Panginoon, iyong hinikayat ako, at ako'y nahikayat; ikaw ay lalong malakas kay sa akin, at nanaig ka: ako'y nagiging katatawanan lahat ng araw, bawa't isa'y tumutuya sa akin.
8 Sapagka't kung paano kadalas nagsasalita ako, humihiyaw ako; humihiyaw ako, Pangdadahas at paninira; sapagka't ang salita ng Panginoon ay naging kakutyaan sa akin, at kadustaan, lahat ng araw.
9 At kung aking sabihin, Hindi ko babanggitin siya, o magsasalita ng ano pa man sa kaniyang pangalan, mayroon nga sa aking puso na wari nagaalab na apoy na nakukulong sa aking mga buto, at ako'y pagod ng pagpipigil, at hindi makapagpigil.
10 Sapagka't aking narinig ang paninirang puri ng marami, kakilabutan sa lahat ng dako. Kayo'y mangagsumbong, at aming isusumbong siya, sabi ng lahat ng mga kasamasama kong kaibigan, na nagsisipaghintay ng aking pagkabagsak; marahil siya'y mahihikayat, at tayo'y mangananaig laban sa kaniya, at tayo'y mangakagaganti sa kaniya.
11 Nguni't ang Panginoon ay sumasaakin na parang makapangyarihan at kakilakilabot: kaya't ang mga manguusig sa akin ay mangatitisod, at sila'y hindi mangananaig; sila'y lubhang mangapapahiya, sapagka't sila'y hindi nagsisigawang may karunungan, ng walang hanggang kapintasan na hindi malilimutan.
12 Nguni't, Oh Panginoon ng mga hukbo, na tumatarok ng matuwid, at nakakakita ng mga pagiisip at ng puso, ipakita mo sa akin ang iyong panghihiganti sa kanila; sapagka't sa iyo ay inihayag ko ang aking usap.
13 Kayo'y magsiawit sa Panginoon, magsipuri kayo sa Panginoon; sapagka't kaniyang iniligtas ang kaluluwa ng mapagkailangan mula sa kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.
14 Sumpain ang araw na kinapanganakan sa akin: huwag pagpalain ang araw na kinapanganakan sa akin ng aking ina.
15 Sumpain ang tao na nagdala ng balita sa aking ama, na nagsabi, Isang lalake ay ipinanganak sa iyo, na pinasaya siyang mainam.
16 At ang lalaking yaon ay maging gaya ng mga bayang giniba ng Panginoon, at hindi pinagsisihan: at makarinig nawa siya ng daing sa umaga, at hiyawan sa katanghaliang tapat;
17 Sapagka't hindi niya pinatay ako sa bahay-bata; at sa gayo'y naging libingan ko sana ang aking ina, at ang kaniyang bahay-bata, ay naging laging dakila sana.
18 Bakit nga ako'y nalabas sa bahay-bata upang makakita ng hirap at kapanglawan, upang ang aking mga araw ay manaw na may kahihiyan?
21 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, nang suguin ng haring Sedechias sa kaniya si Pashur na anak ni Malchias, at si Sephanias na anak ni Maasias na saserdote, na sinasabi,
2 Isinasamo ko sa iyo, na ipagusisa mo kami sa Panginoon; sapagka't si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, ay nakikipagdigma laban sa amin: marahil ang Panginoon ay gagawa sa amin ng ayon sa lahat niyang kamanghamanghang gawa, upang siya'y sumampa na mula sa amin.
3 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias sa kanila, Ganito ang inyong sasabihin kay Sedechias:
4 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Narito, ibabalik ko ang mga almas na pangdigma na nangasa inyong mga kamay, na inyong ipinakikipaglaban sa hari sa Babilonia, at laban sa mga Caldeo na kinukubkob ninyo sa labas ng mga kuta, at aking pipisanin sa gitna ng bayang ito.
5 At ako sa aking sarili ay lalaban sa inyo na may unat na kamay at may malakas na bisig, sa galit, at sa kapusukan, at sa malaking poot.
6 At aking susugatan ang mga mananahan sa bayang ito, ang tao at gayon din ang hayop: sila'y mangamamatay sa malaking pagkasalot.
7 At pagkatapos, sabi ng Panginoon, aking ibibigay si Sedechias na hari sa Juda, at ang kaniyang mga lingkod, at ang bayan, at yaong nangaiwan sa bayang ito na mula sa pagkasalot, mula sa tabak, at mula sa gutom, sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at sa kamay ng kanilang mga kaaway, at sa kamay ng nagsisiusig ng kanilang buhay: at kaniyang susugatan sila ng talim ng tabak; hindi niya patatawarin sila, o panghihinayangan man, o kaaawaan man.
8 At sa bayang ito ay sasabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, inilalagay ko sa harap ninyo ang daan ng kabuhayan at ang daan ng kamatayan,
9 Ang tumatahan sa bayang ito ay mamamatay sa pamamagitan ng kagutom, at sa pamamagitan ng tabak at sa pamamagitan ng salot; nguni't ang lumalabas at kumakampi sa mga Caldeo na kumukubkob sa inyo, siya'y mabubuhay, at ang kaniyang buhay ay magiging sa kaniya'y pinakahuli.
10 Sapagka't itinitig ko ang mukha ko sa bayang ito sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti, sabi ng Panginoon: ito'y ibibigay sa kamay ng hari sa Babilonia, at kaniyang susunugin sa apoy.
11 At tungkol sa sangbahayan ng hari sa Juda, inyong pakinggan ang salita ng Panginoon,
12 Oh sangbahayan ni David, ganito ang sabi ng Panginoon, Maglapat ka ng kahatulan sa umaga, at iligtas mo ang nanakawan sa kamay ng mamimighati, baka ang aking kapusukan ay lumabas na parang apoy, at magningas na walang makapatay, dahil sa kasamaan ng inyong mga gawain.
13 Narito, ako'y laban sa iyo, Oh nananahan sa libis, at sa batohan ng kapatagan, sabi ng Panginoon; kayong nangagsasabi, Sinong bababang laban sa atin? o sinong papasok sa ating mga tahanan?
14 At aking parurusahan kayo ayon sa bunga ng inyong mga gawa, sabi ng Panginoon; at ako'y magsusulsol ng apoy sa kaniyang gubat, at susupukin niyaon ang lahat na nangasa palibot niyaon.
22 Ganito ang sabi ng Panginoon, Bumaba ka sa bahay ng hari sa Juda, at iyong salitain doon ang salitang ito,
2 At iyong sabihin, Dinggin mo ang salita ng Panginoon, Oh hari sa Juda, na nauupo sa luklukan ni David, ikaw at ang iyong mga lingkod, at ang iyong bayan na pumapasok sa mga pintuang ito.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon, Mangagsagawa kayo ng kahatulan at ng katuwiran, at iligtas ninyo ang nanakawan sa kamay ng mamimighati: at huwag kayong magsigawa ng kamalian, huwag kayong magsigawa ng pangdadahas sa mga nakikipamayan, sa ulila, o sa babaing bao man; o mangagbubo man ng walang salang dugo sa dakong ito.
4 Sapagka't kung tunay na inyong gawin ang bagay na ito, magsisipasok nga sa mga pintuang-daan ng bahay na ito ang mga hari na nangauupo sa luklukan ni David, na nakasakay sa mga karo at sa mga kabayo, siya at ang kaniyang mga lingkod, at ang kaniyang bayan.
5 Nguni't kung hindi ninyo didinggin ang mga salitang ito, ako'y susumpa sa aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang bahay na ito ay masisira.
6 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa sangbahayan ng hari sa Juda, Ikaw ay Galaad sa akin, at ulo ng Libano; gayon ma'y tunay na gagawin kitang isang ilang, at mga bayang hindi tinatahanan.
7 At ako'y maghahanda ng mga manglilipol laban sa iyo, bawa't isa'y may kaniyang mga almas; at kanilang puputulin ang iyong mga piling cedro, at ipaghahagis sa apoy.
8 At maraming bansa'y magsisipagdaan sa bayang ito, at mangagsasabi bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, Ano't gumawa ang Panginoon ng ganito sa dakilang bayang ito?
9 Kung magkagayo'y magsisisagot sila, Sapagka't kanilang pinabayaan ang tipan ng Panginoon na kanilang Dios, at nagsisamba sa ibang mga dios, at mga pinaglingkuran.
10 Huwag ninyong iyakan ang patay, o panaghuyan man ninyo siya; kundi iyakan ninyong mainam ang yumayaon; sapagka't hindi na siya babalik, o makikita man niya ang kaniyang lupaing tinubuan.
11 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Sallum na anak ni Josias, na hari sa Juda, na nagharing kahalili ni Josias na kaniyang ama, na lumabas sa dakong ito. Siya'y hindi na babalik pa rito:
12 Kundi sa dakong pinagdalhan sa kaniyang bihag, doon siya mamamatay, at hindi na niya makikita ang lupaing ito.
13 Sa aba niya na nagtatayo ng kaniyang bahay sa pamamagitan ng kalikuan, at ng kaniyang mga silid sa pamamagitan ng kalisyaan; na pinapaglilingkod ng kaniyang kapuwa na walang upa, at hindi niya binibigyan ng kaniyang kabayaran;
14 Na nagsasabi, Ako'y magtatayo ng maluwang na bahay at maluwang na mga silid, at nabubuksan ng mga dungawan; at nakikisamihan ng cedro, at nakukulayan ng pula.
15 Ikaw baga'y maghahari, sapagka't ikaw ay mayroong lalong maraming cedro? hindi ba ang iyong ama ay kumain at uminom, at naglapat ng kahatulan at kaganapan? nang magkagayo'y ikinabuti niya.
16 Kaniyang hinatulan ang usap ng dukha at mapagkailangan; nang magkagayo'y ikinabuti nga. Hindi baga ito ang pagkilala sa akin? sabi ng Panginoon.
17 Nguni't ang iyong mga mata at ang iyong puso ay sa kasakiman lamang, at upang magbubo ng walang salang dugo, at sa kapighatian, at sa karahasan, upang gawin.
18 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda, Hindi nila tataghuyan siya, na sasabihin, Ah kapatid kong lalake! o, Ah kapatid na babae! hindi nila tataghuyan siya, na sasabihin, Ah panginoon! o, Ah kaniyang kaluwalhatian!
19 Siya'y malilibing ng libing asno, na hihilahin at itatapon sa labas ng mga pintuang-bayan ng Jerusalem.
20 Ikaw ay sumampa sa Libano, at humiyaw; at ilakas mo ang iyong tinig sa Basan, at ikaw ay humiyaw mula sa Abarim; sapagka't lahat ng mangingibig sa iyo ay nalipol.
21 Ako'y nagsalita sa iyo sa iyong kaginhawahan; nguni't iyong sinabi, Hindi ko didinggin. Ito ang naging iyong paraan mula sa iyong kabataan, na hindi mo dininig ang aking tinig.
22 Lahat mong pastor ay pakakanin ng hangin, at ang mga mangingibig sa iyo ay mapapapasok sa pagkabihag; kung magkagayon ikaw ay mapapahiya at malilito dahil sa lahat mong kasamaan.
23 Oh nananahan sa Libano, na ginagawa mo ang iyong pugad sa mga cedro, kahabaghabag ka nga pagka ang mga pagdaramdam ay dumating sa iyo, ang hirap na gaya ng sa babae sa pagdaramdam!
24 Buhay ako, sabi ng Panginoon, bagaman si Conias na anak ni Joacim na hari sa Juda ay maging singsing na panatak sa aking kanang kamay, akin ngang huhugutin ka mula roon;
25 At aking ibibigay ka sa kamay ng nagsisiusig ng iyong buhay, at sa kamay nila na iyong kinatatakutan, sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at sa kamay ng mga Caldeo.
26 At itataboy ka, at ang iyong ina na nanganak sa iyo, sa ibang lupain, na hindi pinapanganakan sa inyo; at doon kayo mangamamatay.
27 Nguni't sa lupain na pinagnanasaan ng kanilang kaluluwa na pagbalikan, doon hindi sila mababalik.
28 Ito bagang lalaking si Conias ay isang sisidlang basag na walang kabuluhan? siya baga'y sisidlan na hindi kinaluluguran? bakit kanilang itinataboy, siya at ang kaniyang angkan, at itinapon sa lupain na hindi nila kilala?
29 Oh lupa, lupa, lupa, iyong pakinggan ang salita ng Panginoon.
30 Ganito ang sabi ng Panginoon, Isulat ninyo ang lalaking ito na walang anak, ang lalake na hindi giginhawa sa kaniyang mga kaarawan; sapagka't walang tao sa kaniyang angkan na giginhawa pa, na nauupo sa luklukan ni David, hindi na magpupuno pa sa Juda.
Public Domain