Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Mangangaral 5-8

Ingatan mo ang iyong paa pagka ikaw ay napasasa bahay ng Dios; sapagka't ang paglapit upang makinig ay maigi kay sa magbigay ng hain ng mga mangmang: sapagka't hindi nila nalalaman na sila'y nagsisigawa ng kasamaan.

Huwag kang pakabigla ng iyong bibig, at huwag magmadali ang iyong puso na magsalita ng anomang bagay sa harap ng Dios; sapagka't ang Dios ay nasa langit, at ikaw ay nasa lupa: kaya't pakauntiin mo ang iyong mga salita.

Sapagka't ang panaginip ay dumarating sa karamihan ng gawain; at ang tinig ng mangmang sa karamihan ng mga salita.

Pagka ikaw ay nananata ng panata sa Dios, huwag kang magliban ng pagtupad; sapagka't siya'y walang kaligayahan sa mga mangmang: tuparin mo ang iyong ipinanata.

Maigi nga ang ikaw ay huwag manata, kay sa ikaw ay manata at hindi tumupad.

Huwag bayaan ang iyong bibig, na papagkasalanin ang iyong laman; at huwag ka mang magsabi sa harap ng anghel, na isang kamalian: bakit nga magagalit ang Dios sa iyong tinig, at sisirain ang gawa ng iyong mga kamay?

Sapagka't sa karamihan ng mga panaginip ay may kawalangkabuluhan, at sa maraming mga salita: nguni't matakot ka sa Dios.

Kung iyong nakikita ang kapighatian ng dukha, at ang karahasang pagaalis ng kahatulan at kaganapan sa isang lalawigan, huwag mong kamanghaan ang bagay: sapagka't ang lalong mataas kay sa mataas ay nagmamasid; at may lalong mataas kay sa kanila.

Bukod dito, ay sa lahat ang pakinabang sa lupa: ang hari man ay pinaglilingkuran ng bukid.

10 Siyang umiibig sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak; o siya mang umiibig sa kasaganaan ng pakinabang: ito man ay walang kabuluhan.

11 Pagka ang mga pag-aari ay nagsisidami, ay nagsisidami silang nagsisikain ng mga yaon: at anong pakinabang mayroon ang may-ari niyaon, kundi ang mamasdan ng kaniyang mga mata?

12 Ang tulog ng manggagawang tao ay mahimbing, maging siya'y kumain ng kaunti o marami: nguni't ang kasaganaan ng yaman ay hindi magpapatulog sa kaniya.

13 May malubhang kasamaan na aking nakita sa ilalim ng araw, ito nga, ang mga yamang iningatan ng may-ari niyaon sa kapahamakan niya.

14 At ang mga yamang yaon ay nawawala ng masamang pangyayari; at kung siya'y magkaanak ng lalake, walang maiiwan sa kaniyang kamay.

15 Kung paanong siya'y lumabas sa bahay-bata ng kaniyang ina, hubad na yayaon siya uli na gaya ng siya'y dumating, at hindi magdadala ng anoman sa kaniyang nagawa, na kaniyang madadala sa kaniyang kamay.

16 At ito man ay malubhang kasamaan, na kung paano siya dumating ay gayon siya yayaon: at anong pakinabang mayroon siya, na gumagawa sa hangin?

17 Lahat ng mga araw naman niya ay ikinakain niya sa kadiliman, at siya'y totoong nayayamot, at may sakit at pag-iinit.

18 Narito, na aking nakita na mabuti at ukol sa isa ang kumain at uminom, at magalak sa kabutihan sa lahat niyang gawa na kaniyang ginawa sa ilalim ng araw lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay na ibinigay sa kaniya ng Dios: sapagka't ito'y kaniyang bahagi.

19 Bawa't tao rin naman na binigyan ng Dios ng mga kayamanan at mga pag-aari, at binigyan ng kapangyarihan na kumain niyaon, at kumuha ng kaniyang bahagi, at magalak sa kaniyang gawa, ito'y kaloob ng Dios.

20 Sapagka't hindi niya aalalahaning lubha ang mga kaarawan ng kaniyang buhay; sapagka't sinasagot siya ng Dios sa kagalakan ng kaniyang puso.

May kasamaan na nakita ako sa ilalim ng araw, at mabigat sa mga tao:

Ang tao na binibigyan ng Dios ng mga kayamanan, pag-aari, at karangalan, na anopa't walang kulang sa kaniyang kaluluwa sa lahat niyang ninanasa, gayon ma'y hindi binibigyan siya ng Dios ng kapangyarihan na kumain niyaon, kundi iba ang kumakain niyaon; ito'y walang kabuluhan, at masamang sakit.

Kung ang isang tao ay magkaanak ng isang daan, at mabuhay na maraming taon, na anopa't ang mga kaarawan ng kaniyang mga taon ay dumami, nguni't ang kaniyang kaluluwa ay hindi mabusog ng mabuti, at bukod dito ay wala siyang pangpalibing; aking sinasabing maigi ang isang naagas kay sa kaniya:

Sapagka't dumarating na walang kabuluhan, at yumayaon sa kadiliman, at ang pangalan niyaon ay natatakpan ng kadiliman;

Bukod dito ay hindi nakita ang araw o nakilala man; ito'y may kapahingahang maigi kay sa isa;

Oo, bagaman siya'y mabuhay na isang libong taon na makalawang masaysay, at hindi man nagalak na mabuti: hindi ba nagsisiyaon ang lahat sa iisang dako?

Lahat ng gawa ng tao ay para sa kaniyang bibig, at gayon ma'y ang panglasa ay hindi nasisiyahan.

Sapagka't anong pakinabang mayroon ang pantas na higit sa mangmang? o anong pakinabang mayroon ang dukha na maalam lumakad sa harap ng mga buhay?

Maigi ang paningin ng mga mata kay sa pagdidilidili; ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.

10 Anomang nangyari, ang pangalan niyaon ay natawag nang malaon, at kilala na siya'y tao: ni hindi maaaring makipagtalo siya sa lalong makapangyarihan kay sa kaniya.

11 Yamang maraming bagay na nangagdaragdag ng walang kabuluhan, ano ang lalong ikinaigi ng tao?

12 Sapagka't sinong nakakaalam kung ano ang mabuti sa tao sa kaniyang buhay, lahat ng mga kaarawan ng kaniyang walang kabuluhang buhay na kaniyang ginugol na gaya ng anino? sapagka't sinong makapagsasaysay sa tao kung ano ang mangyayari pagkamatay niya sa ilalim ng araw?

Ang mabuting pangalan ay maigi kay sa mahalagang unguento; at ang kaarawan ng kamatayan kay sa kaarawan ng kapanganakan.

Maigi ang pasa bahay ng tangisan, kay sa bahay ng pistahan: sapagka't siyang wakas ng lahat ng mga tao; at ilalagak ng may buhay sa kaniyang puso.

Kapanglawan ay maigi kay sa pagtawa: sapagka't sa kapanglawan ng mukha ay sumasaya ang puso.

Ang puso ng pantas ay nasa bahay ng tangisan; nguni't ang puso ng mangmang ay nasa bahay ng kasayahan.

Maigi ang makinig ng saway ng pantas kay sa isang tao'y makinig ng awit ng mga mangmang.

Sapagka't kung paano ang lagitik ng mga tinik sa ilalim ng palyok, gayon ang tawa ng mangmang: ito ma'y walang kabuluhan.

Tunay na nagpapamangmang sa pantas ang pagkapighati; at ang suhol ay sumisira ng unawa.

Maigi ang wakas ng isang bagay kay sa pasimula niyaon: at ang matiising loob ay maigi kay sa palalong loob.

Huwag kang magagalitin sa iyong kalooban: sapagka't ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang.

10 Huwag mong sabihin, Ano ang kadahilanan na ang mga unang araw ay maigi kay sa mga ito? sapagka't hindi ka naguusisang may katalinuhan tungkol dito.

11 Karunungan ay mabuting gaya ng mana: oo, lalong marilag sa ganang kanila na nakakakita ng araw.

12 Sapagka't ang karunungan ay sanggalang, sa makatuwid baga'y gaya ng salapi na sanggalang: nguni't ang karilagan ng kaalaman, ay iniingatan ng karunungan ang buhay niya na nagtatangkilik niyaon.

13 Gunitain mo ang gawa ng Dios: sapagka't sinong makapagtutuwid ng ginawa niyang baluktot?

14 Sa kaarawan ng kaginhawahan ay magalak ka, at sa kaarawan ng kahirapan ay gumunita ka: oo, ginawa ng Dios ang isa sa siping ng isa, upang ang tao ay huwag makasumpong ng anomang bagay na mangyayari pagkamatay niya.

15 Lahat ng ito ay nakita ko sa mga kaarawan ng aking walang kabuluhan: may matuwid na namamatay sa kaniyang katuwiran, at may masama na humahaba ang buhay sa kaniyang masamang gawa.

16 Huwag kang lubhang magpakamatuwid; ni huwag ka mang lubhang magpakapantas: bakit sisirain mo ang iyong sarili?

17 Huwag kang magpakasamang lubha, ni magpakamangmang man: bakit ka mamamatay bago dumating ang iyong kapanahunan?

18 Mabuti na ikaw ay manghawak dito; oo, doon man ay huwag mong iurong ang iyong kamay: sapagka't siyang natatakot sa Dios ay lalayo sa lahat na yaon.

19 Karunungan ay kalakasan sa pantas, na higit kay sa sangpung pinuno na nangasa bayan.

20 Tunay na walang matuwid sa lupa, na gumagawa ng mabuti, at hindi nagkakasala.

21 Huwag ka rin namang makinig sa lahat ng mga salita na sinasalita, baka marinig mong sinusumpa ka ng iyong alipin:

22 Sapagka't madalas ding nalalaman ng iyong sariling puso, na ikaw ay sumumpa rin sa mga iba.

23 Lahat ng ito ay tinikman ko sa karunungan: aking sinabi, Ako'y magiging pantas: nguni't malayo sa akin.

24 Ang nilikha ay malayo at totoong malalim; sinong makaaabot?

25 Ako'y pumihit at inilagak ang aking puso na umalam, at sumiyasat, at humanap ng karunungan, at ng kadahilanan ng mga bagay, at umalam na ang kasamaan ay kamangmangan, at ang kamangmangan ay kaululan:

26 At nakasumpong ako ng bagay na lalong mapait kay sa kamatayan, sa makatuwid baga'y ang babae na ang puso ay mga silo at mga bitag, at ang kaniyang mga kamay ay gaya ng mga panali: ang nalulugod sa Dios ay tatakas sa kaniya; nguni't ang makasalanan ay makukuha niya.

27 Narito, ito'y aking nasumpungan, sabi ng Mangangaral, na iniaagapay ang isang bagay sa iba, upang matagpuan ang kadahilanan:

28 Na hinahanap pa ng aking kaluluwa, nguni't hindi ko nasumpungan: isang tao sa isang libo ang aking nasumpungan; nguni't isang babae sa lahat ng mga yaon ay hindi ko nasumpungan.

29 Narito, ito lamang ang aking nasumpungan, na ginawang matuwid ng Dios ang tao; nguni't nagsihanap sila ng maraming katha.

Sino ang gaya ng pantas na lalake? at sinong nakakaalam ng kahulugan ng isang bagay? Ang karunungan ng tao ay nagpapasilang ng kaniyang mukha, at ang katigasan ng kaniyang mukha ay nababago.

Ipinapayo ko sa iyo, ingatan mo ang utos ng hari, at siya'y dahil sa sumpa ng Dios.

Huwag kang magmadaling umalis sa kaniyang harapan; huwag kang mamalagi sa masamang bagay: sapagka't kaniyang ginagawa ang anomang kaniyang kalugdan.

Sapagka't ang salita ng hari ay may kapangyarihan; at sinong makapagsasabi sa kaniya, Anong ginagawa mo?

Ang nagiingat ng utos ay hindi makakaalam ng masamang bagay; at ang puso ng pantas ay nagbubulay ng panahon at kahatulan:

Sapagka't sa bawa't panukala ay may kapanahunan at kahatulan; sapagka't ang karalitaan ng tao ay malaki sa kaniya:

Sapagka't hindi niya nalalaman ang mangyayari; sapagka't sinong makapagsasaysay sa kaniya, kung paanong mangyayari?

Walang tao na may kapangyarihan sa diwa upang pumigil ng diwa; ni walang kapangyarihan siya sa kaarawan ng kamatayan; at walang dahilan sa pakikipagpunyaging yaon: ni maililigtas siya ng kasamaan, na taglay niya.

Lahat ng ito ay nakita ko, at inihilig ko ang aking puso sa bawa't gawa, na nagawa sa ilalim ng araw: may panahon na ang isa ay may kapangyarihan sa isa sa kaniyang kapahamakan.

10 At gayon din nakita ko ang masama na nakalibing, at nagsidating sa hukay; at silang nagsigawa ng matuwid ay nagsialis sa dakong banal, at nalimutan sa bayan: ito man ay walang kabuluhan.

11 Sapagka't ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi isinasagawa agad, kaya't ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubos na nangalalagak sa paggawa ng kasamaan.

12 Bagaman ang makasalanan ay gumawa ng kasamaan na makaisang daan, at humaba ang kaniyang buhay, gayon ma'y tunay, na talastas ko, na ikabubuti nilang nangatatakot sa Dios, na nangatatakot sa harap niya:

13 Nguni't hindi ikabubuti ng masama, ni hahaba man ang kaniyang buhay na parang isang anino; sapagka't siya'y hindi natatakot sa harap ng Dios.

14 May walang kabuluhan na nangyayari sa lupa; na may mga matuwid na tao na kinapapangyarihan ng ayon sa gawa ng masama; muli, may mga masamang tao na kinapapangyarihan ng ayon sa gawa ng matuwid; aking sinabi, na ito man ay walang kabuluhan.

15 Nang magkagayo'y pinuri ko ang kalayawan, sapagka't ang tao ay walang maiging bagay sa ilalim ng araw, kundi ang kumain, at uminom, at magsaya: sapagka't tatahang kasama niya sa kaniyang gawa lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay na ibinigay ng Dios sa kaniya sa ilalim ng araw.

16 Nang aking ikiling ang aking puso upang makaalam ng karunungan, at upang makakita ng gawain na ginagawa sa lupa: (sapagka't may hindi nakakakita ng tulog ng kahit araw o gabi man ng kaniyang mga mata:)

17 Namasdan ko nga ang lahat ng gawa ng Dios, na hindi matalastas ng tao ang gawa na ginagawa sa ilalim ng araw: sapagka't sikaping mainam man ng tao na hanapin, ay hindi rin masusumpungan; oo, bukod dito, bagaman isipin ng pantas na maalaman hindi rin niya masusumpungan.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain