Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 28-31

Ang Paghahari ni Ahaz sa Juda(A)

28 Si Ahaz ay 20 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, hindi katulad ng ginawa ng kanyang ninuno na si David. Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, at gumawa ng metal na mga imahen ni Baal. Nagsunog siya ng mga handog sa Lambak ng Ben Hinom, at inihandog niya mismo sa apoy ang kanyang mga anak na lalaki. Sinunod niya ang kasuklam-suklam na mga kaugalian ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita. Nag-alay siya ng mga handog at nagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar,[a] sa ibabaw ng bundok at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy.

Kaya ibinigay siya ng Panginoon na kanyang Dios sa hari ng Aram. Tinalo siya ng mga Arameo at marami sa kanyang mamamayan ang binihag sa Damascus. Ibinigay din siya sa hari ng Israel, na pumatay ng marami sa kanyang mamamayan. Sa isang araw lang 120,000 sundalo ng Juda ang pinatay ni Haring Peka ng Israel, na anak ni Remalia. Nangyari ito sa mga taga-Juda dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. Pinatay ni Zicri, na isang matapang na sundalo ng Israel,[b] sina Maaseya na anak ni Haring Ahaz, Azrikam na tagapamahala ng palasyo, at Elkana na pangalawa sa hari. Binihag ng mga taga-Israel ang kanilang mga kadugo na taga-Juda – 200,000 asawaʼt mga anak. Sinamsam din nila ang mga ari-arian ng mga taga-Juda at dinala pauwi sa Samaria.

Pero nang dumating ang mga sundalo sa Samaria, sinalubong sila ni Oded na propeta ng Panginoon, at sinabi, “Ipinaubaya sa inyo ng Panginoon na inyong Dios ang Juda dahil sa kanyang galit sa kanila. Pero labis ang ginawa ninyo; pinagpapatay nʼyo sila nang walang awa, at nalaman ito ng Panginoon doon sa langit. 10 At ngayon, gusto pa ninyong alipinin ang mga lalaki at mga babae na mula sa Jerusalem at sa iba pang lungsod ng Juda. Hindi baʼt may kasalanan din kayo sa Panginoon na inyong Dios? 11 Makinig kayo sa akin! Galit na galit ang Panginoon sa inyo. Kaya pabalikin nʼyo ang inyong mga kadugo na inyong binihag.”

12 Ganito rin ang sinabi ng ibang mga pinuno ng Israel sa mga sundalo na dumating galing sa labanan. Ang mga pinuno ay sina Azaria na anak ni Jehohanan, Berekia na anak ni Meshilemot, Jehizkia na anak ni Shalum, at Amasa na anak ni Hadlai. 13 Ito ang sinabi nila sa mga sundalo: “Huwag nʼyong dalhin dito ang mga bihag na iyan, dahil pananagutan natin ito sa Panginoon. Dadagdagan nʼyo pa ba ang kasalanan natin? Marami na tayong kasalanan, at galit na galit na ang Panginoon sa Israel.”

14 Kaya pinakawalan ng mga sundalo ang mga bihag at isinauli ang kanilang ari-arian sa harapan ng mga pinuno at mga mamamayan. 15 Pagkatapos, lumapit sa mga bihag ang apat na pinuno na nabanggit, at tinulungan ang mga bihag. Kumuha sila ng mga damit mula sa mga kagamitang nasamsam ng mga sundalo, at ipinasuot ito sa mga hubad na bihag. Binigyan nila ang mga bihag ng mga damit, sandalyas, inumin, at gamot. Ipinasakay nila sa mga asno ang mga mahina, at dinala nila pabalik ang lahat ng bihag sa kani-kanilang mga kababayan. Doon nila sila iniwan sa Jerico, sa Bayan ng mga Palma. Pagkatapos, umuwi sila sa Samaria.

Humingi ng Tulong si Ahaz sa Asiria(B)

16 Nang panahong iyon, humingi ng tulong si Haring Ahaz sa hari ng Asiria. 17 Sapagkat muling nilusob ng mga taga-Edom ang Juda at binihag ang ibang mga naninirahan dito. 18 Bukod pa rito, nilusob din ng mga Filisteo ang mga bayan ng Juda na nasa kaburulan sa kanluran at nasa Negev. Naagaw nila ang Bet Shemesh, Ayalon, Gederot, Soco, Timnah at Gimzo, pati ang mga baryo sa paligid nito; at doon na sila nanirahan. 19 Ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil hinikayat ni Haring Ahaz ang mga mamamayan sa paggawa ng kasamaan, at hindi siya sumunod sa Panginoon. 20 Kaya pagdating ni Haring Tiglat Pileser ng Asiria, ginipit niya si Ahaz sa halip na tulungan. 21 Nanguha si Ahaz ng mga ari-arian sa templo ng Panginoon, sa palasyo, at sa mga bahay ng mga opisyal, at ibinigay niya ito sa hari ng Asiria. Pero hindi ito nakatulong kay Ahaz.

22 Sa panahon ng mga kahirapan ni Haring Ahaz, lalo pa siyang naging suwail sa Panginoon. 23 Nag-alay siya ng mga handog sa mga dios ng mga taga-Damascus na tumalo sa kanya. Sapagkat sinabi niya, “Ang mga hari ng Aram ay tinulungan ng kanilang mga dios. Kaya maghahandog din ako sa mga dios na ito para tulungan din nila ako.” Pero ang mga ito ang nagpahamak sa kanya at sa mga taga-Israel.

24 Kinuha ni Ahaz ang mga kagamitan sa templo ng Dios at ipinadurog ito. Ipinasara niya ang pintuan ng templo, at nagpatayo siya ng mga altar sa bawat kanto ng Jerusalem. 25 Nagpatayo rin siya ng mga sambahan sa matataas na lugar sa lahat ng bayan sa Juda, para makapaghandog sa ibang mga dios. At labis itong nakapagpagalit sa Panginoon, ang Dios ng kanyang mga ninuno.

26 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Ahaz at sa kanyang pag-uugali, mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at Israel. 27 Nang mamatay si Ahaz, inilibing siya sa lungsod ng Jerusalem, pero hindi sa libingan ng mga hari ng Israel. At ang anak niyang si Hezekia ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Hezekia sa Juda(C)

29 Si Hezekia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Abijah na anak ni Zacarias. Matuwid ang ginawa ni Hezekia sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng ninuno niyang si David Sa unang buwan nang unang taon ng paghahari niya, pinabuksan niyang muli ang mga pintuan ng templo ng Panginoon at ipinaayos ito. Ipinatawag niya ang mga pari at ang mga Levita, at pinatipon sa loob ng bakuran sa bandang silangan ng templo. Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan nʼyo ako, kayong mga Levita! Linisin ninyo ang inyong mga sarili[c] ngayon, at linisin din ninyo ang templo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Kunin nʼyo sa templo ang lahat ng bagay na itinuturing na marumi. Hindi naging tapat ang ating mga ninuno. Masama ang ginawa nila sa paningin ng Panginoon na ating Dios at siyaʼy kanilang itinakwil. Pinabayaan nila ang kanyang templo at siyaʼy kanila ngang tinalikuran. Isinara nila ang mga pintuan sa balkonahe ng templo at pinatay ang mga ilaw. Hindi sila nagsunog ng insenso o nag-alay ng mga handog na sinusunog sa templo para sa Dios ng Israel. Kaya nagalit ang Panginoon sa Juda at sa Jerusalem. At dahil sa kanyang parusa sa atin, pinandirihan, kinutya at minaliit tayo ng mga tao gaya ng inyong nakikita ngayon. Namatay ang mga ninuno natin sa labanan, at binihag ang ating mga asawaʼt anak. 10 Pero ngayon, desidido akong gumawa ng kasunduan sa Panginoon, ang Dios ng Israel, para mawala ang matindi niyang galit sa atin. 11 Kaya mga minamahal,[d] huwag na kayong magpabaya. Kayo ang pinili ng Panginoon para tumayo sa kanyang presensya, at para maglingkod at maghandog.”[e]

12 Kaya nagsimula sa paggawa ang mga Levita:

Sa pamilya ni Kohat: sina Mahat na anak ni Amasai at Joel na anak ni Azaria.

Sa pamilya ni Merari: sina Kish na anak ni Abdi at Azaria na anak ni Jehalelel.

Sa pamilya ni Gershon: sina Joa na anak ni Zima at Eden na anak ni Joa.

13 Sa angkan ni Elizafan: sina Shimri at Jeyel.

Sa angkan ni Asaf: sina Zacarias at Matania.

14 Sa angkan ni Heman: sina Jehiel at Shimei.

Sa angkan ni Jedutun: sina Shemaya at Uziel.

15 Tinipon nila ang kanilang mga kadugong Levita at nilinis nila ang kanilang sarili. Nilinis din nila ang templo ng Panginoon ayon sa iniutos ng hari. Sinunod nila ang sinabi ng Panginoon. 16 Pumasok ang mga pari sa templo para linisin ito. Inilagay nila sa bakuran ng templo ang lahat na kanilang nakita na kagamitan na itinuturing na marumi. At dinala ito ng mga Levita sa Lambak ng Kidron.

17 Sinimulan nilang linisin ang templo sa unang araw ng unang buwan, at nang ikawalong araw, umabot sila sa balkonahe ng templo. Ipinagpatuloy nila ang paglilinis sa loob pa ng walong araw, at natapos nila ang paglilinis nang ika-16 na araw ng buwan na iyon. 18 Pagkatapos, pumunta sila kay Haring Hezekia at sinabi, “Mahal na Hari, nalinis na po namin ang buong templo ng Panginoon pati ang altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat po ng kagamitan nito, at ang mesa na pinaglalagyan po ng tinapay na inihahandog at ang lahat ng kagamitan nito. 19 Naibalik na rin po namin ang lahat ng kagamitan na tinanggal ni Haring Ahaz nang mga panahong hindi siya naging matapat sa Dios. Nilinis na po namin ang mga ito at handa ng gamitin. Naroon na po ang mga ito ngayon sa harapan ng altar ng Panginoon.”

20 Kinabukasan, maaga paʼy tinipon na ni Haring Hezekia ang mga opisyal ng lungsod at pumunta sila sa templo ng Panginoon. 21 Nagdala sila ng pitong toro, pitong lalaking tupa, pitong batang tupa, at pitong lalaking kambing bilang handog sa paglilinis para sa kanilang kaharian, sa templo at sa mga mamamayan ng Juda. Inutusan ni Haring Hezekia ang mga pari na mula sa angkan ni Aaron para ihandog ang mga iyon sa altar ng Panginoon. 22 Kaya kinatay ng mga pari ang mga toro at iwinisik ang dugo nito sa altar. Ganoon din ang ginawa sa mga lalaking tupa at sa mga batang tupa. 23 Ang mga kambing na handog sa paglilinis ay dinala nila sa hari at sa mga tao, at kanilang ipinatong ang kanilang mga kamay sa mga kambing. 24 Pagkatapos, kinatay ng mga pari ang mga kambing at ibinuhos ang dugo nito sa altar bilang handog para sa paglilinis ng kasalanan ng lahat ng mga Israelita. Sapagkat nag-utos ang hari na mag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis para sa lahat ng Israelita.

25 Pagkatapos, nagtalaga si Hezekia ng mga Levita sa templo ng Panginoon na may mga pompyang, alpa at mga lira. Itoʼy ayon sa utos ng Panginoon kay Haring David sa pamamagitan ni Gad na propeta ni David at kay Propeta Natan. 26 Pumwesto ang mga Levita na may mga instrumento ni Haring David, at ang mga pari na may mga trumpeta.

27 At nag-utos si Hezekia na ihandog sa altar ang mga handog na sinusunog. Habang naghahandog, umaawit ng mga papuri sa Panginoon ang mga tao, na tinutugtugan ng mga trumpeta at iba pang mga instrumento ni Haring David ng Israel. 28 Ang buong kapulungan ay lumuhod sa pagsamba sa Panginoon habang umaawit ang mga mang-aawit at nagpapatugtog ang mga tagatrumpeta hanggang sa maialay ang lahat ng handog na sinusunog. 29 Pagkatapos ng paghahandog, lumuhod si Haring Hezekia at ang lahat ng kasama niya, at sumamba sa Panginoon. 30 Nag-utos si Haring Hezekia at ang kanyang mga opisyal sa mga Levita para purihin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga awit na ginawa ni Haring David at ni Asaf na propeta. Kaya umawit sila ng mga awit ng pagpupuri na may kagalakan habang nakayuko sila sa pagsamba sa Dios.

31 Pagkatapos, sinabi ni Hezekia, “Ngayong naihandog nʼyo na ang inyong sarili sa Panginoon, magdala kayo ng mga handog, kasama ang mga handog ng pasasalamat sa templo ng Panginoon.” Kaya nagdala ang mga tao ng mga handog na ito sa templo ng Panginoon, at ang iba ay kusang-loob na nag-alay ng mga handog na sinusunog. 32 Ang bilang ng mga handog na sinusunog na dinala ng mga tao ay 70 toro, 100 lalaking tupa at 200 batang tupa. 33 Nagdala rin sila ng iba pang mga handog na 600 toro at 3,000 tupa at kambing. 34 Pero kakaunti lang ang mga pari na nagkakatay ng mga hayop na ito. Kaya tumulong sa kanila ang mga kamag-anak nilang Levita hanggang matapos ang gawaing iyon at hanggang sa dumami na ang mga pari na naglinis ng kanilang sarili. Sapagkat mas matapat pa ang mga Levita sa paglilinis ng kanilang sarili kaysa sa mga pari. 35 Napakaraming handog na sinusunog, pati mga taba ng mga hayop na inihandog para sa mabuting relasyon, at mga handog na inuming inialay kasama ng mga handog na sinusunog. Sa ganitong paraan, muling naibalik ang mga gawain sa templo ng Panginoon. 36 Labis ang kagalakan ni Hezekia at ng mga tao sa tulong na ginawa ng Dios, dahil ditoʼy nagawa nila ang lahat ng ito nang mabilis.

Ang Paghahanda para sa Pista ng Paglampas ng Anghel

30 Nagpadala si Hezekia ng mensahe sa lahat ng mamamayan ng Israel at Juda, pati na sa mga mamamayan ng Efraim at Manase. Inimbita niya sila na pumunta sa templo ng Panginoon sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel bilang pagpaparangal sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Nagpasya si Haring Hezekia at ang kanyang mga opisyal, at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem na ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa ikalawang buwan. Dapat sanaʼy gaganapin ang pistang ito sa unang buwan, pero kakaunti lang ang mga pari na naglinis ng kanilang sarili sa panahong iyon at hindi nagtipon ang mga tao sa Jerusalem.

Nagustuhan ng hari at ng lahat ng mamamayan ang plano na pagdiriwang ng pista, kaya nagpadala sila ng mensahe sa buong Israel, mula sa Beersheba hanggang sa Dan, na dapat pumunta ang mga tao sa Jerusalem sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel para sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Sa mga nagdaang pagdiriwang, kakaunti lang ang nagsidalo. Pero sinasabi ng kautusan na dapat dumalo ang lahat.

Sa utos ng hari, pumunta nga ang mga mensahero sa buong Israel at Juda dala ang mga sulat mula sa hari at sa kanyang mga opisyal. Ito ang nakasulat:

“Mga mamamayan ng Israel, ngayong nakaligtas kayo sa kamay ng mga hari ng Asiria, panahon na para magbalik-loob kayo sa Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac at Jacob,[f] para bumalik din siya sa inyo. Huwag nʼyong tularan ang inyong mga ninuno at mga kamag-anak na hindi naging tapat sa Panginoon na kanilang Dios, na dahil ditoʼy ginawa silang kasuklam-suklam ng Panginoon gaya ng nakikita ninyo ngayon. Kaya huwag maging matigas ang inyong ulo gaya ng inyong mga ninuno, kundi magpasakop kayo sa Panginoon. Pumunta kayo sa templo na kanyang pinabanal magpakailanman. At maglingkod kayo sa Panginoon na inyong Dios, para mawala ang matindi niyang galit sa inyo. Sapagkat kung manunumbalik kayo sa Panginoon, kahahabagan ng mga bumihag ang inyong mga anak at mga kamag-anak, at pababalikin sila rito sa lupain. Sapagkat matulungin at mahabagin ang Panginoon na inyong Dios. Hindi niya kayo tatalikuran kung manunumbalik kayo sa kanya.”

10 Pumunta ang mga mensahero sa bawat bayan sa buong Efraim at Manase hanggang sa Zebulun, pero pinagtawanan lang sila at hinamak ng mga tao. 11 Ngunit may ibang galing sa Asher, Manase at Zebulun na nagpakumbaba at pumunta sa Jerusalem. 12 Kumilos din ang Panginoon sa mga taga-Juda para magkaisa sila sa pagtupad ng utos ng hari at ng mga opisyal, ayon sa utos ng Panginoon. 13 Kaya nang ikalawang buwan, maraming tao ang nagtipon sa Jerusalem sa pagdiriwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 14 Inalis nila ang mga altar sa Jerusalem na pinaghahandugan para sa mga dios-diosan, pati ang mga altar na pinagsusunugan ng insenso, at itinapon nila ang lahat ng ito sa Lambak ng Kidron.

15 Nang ika-14 na araw ng ikalawang buwan, kinatay ng mga tao ang kanilang mga tupa para sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Ang mga pari at mga Levita na marumi ay nahiya, kaya naglinis sila at nag-alay ng mga handog na sinusunog sa templo ng Panginoon. 16 Pagkatapos, pumwesto sila sa kanilang mga lugar sa templo, ayon sa mga tuntunin sa kautusan ni Moises na lingkod ng Dios. Iwinisik ng mga pari sa altar ang dugo na dinala sa kanila ng mga Levita.

17 Dahil marami sa mga tao roon ang hindi naglinis ng kanilang sarili, ang mga Levita ang siyang nagkatay ng tupa para sa kanila upang maihandog sa Panginoon. 18 Karamihan sa mga pumunta na nagmula sa Efraim, Manase, Isacar at Zebulun ay hindi naglinis ng kanilang sarili, pero kumain pa rin sila ng inihandog para sa Pista ng Paglampas ng Anghel, kahit labag ito sa kautusan. Ngunit nanalangin si Hezekia para sa kanila. Sinabi niya, “O Panginoon, sa inyo pong kabutihan, sanaʼy patawarin nʼyo po ang bawat tao 19 na nagnanais na dumulog sa inyo, ang Dios ng kanyang ninuno, kahit na hindi po siya malinis ayon sa mga tuntunin sa templo.” 20 Pinakinggan ng Panginoon si Hezekia at pinatawad[g] niya ang mga tao.

21 Sa loob ng pitong araw, ang mga Israelita na naroon sa Jerusalem ay nagdiwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa nang may malaking kagalakan. Araw-araw, umaawit ang mga Levita at ang mga pari ng mga papuri sa Panginoon, na tinutugtugan nang malalakas na instrumento na ginagamit sa pagpupuri sa Panginoon. 22 Pinuri ni Hezekia ang lahat ng Levita sa mabuting gawa na ipinakita nila sa paglilingkod sa Panginoon. Kaya nagpatuloy ang pagdiriwang nila sa loob ng pitong araw. Kinain nila ang kanilang bahagi sa mga handog, at naghandog sila ng mga handog para sa mabuting relasyon, at nagpuri sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.

23 Pagkatapos, nagpasya ang buong kapulungan na magdiwang pa sila ng pitong araw. Kaya ginawa nila ito nang may malaking kagalakan. 24 Nagbigay si Haring Hezekia sa mga tao ng 1,000 toro, 7,000 tupa at kambing. Nagbigay din ang mga opisyal ng 1,000 toro at 10,000 tupaʼt kambing. Marami sa mga pari ang naglinis ng kanilang sarili. 25 Masayang nagdiwang ang buong kapulungan ng Juda, ang mga pari, ang mga Levita at ang lahat ng nagtipon mula sa Israel, pati ang mga dayuhang naninirahan sa Israel at Juda. 26 Labis ang kasayahan sa Jerusalem. Wala pang ganitong kasayahan na nangyari sa Jerusalem mula noong panahon na si Solomon na anak ni David ang hari sa Israel. 27 Pagkatapos, nagsitayo ang mga pari at ang mga Levita, at binasbasan nila ang mga tao. At pinakinggan ito ng Dios sa langit, sa kanyang banal na tahanan.

Ang mga Pagbabagong Ginawa ni Hezekia

31 Pagkatapos ng pista, ang mga Israelita na nagsidalo roon ay nagpunta sa mga bayan ng Juda, at pinagdudurog nila ang mga alaalang bato at pinagputol-putol ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Giniba nila ang mga sambahan sa matataas na lugar[h] sa buong Juda, Benjamin, Efraim at Manase. Pagkatapos nilang gibain ang lahat ng ito, umuwi silang lahat sa kanilang mga bayan at lupain.

Ipinagbukod-bukod ni Hezekia ang mga pari at ang mga Levita ayon sa kani-kanilang gawain sa templo ng Panginoon – para mag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon, para magpasalamat at umawit ng mga papuri sa mga pintuan ng templo. Nagbigay si Hezekia ng sarili niyang mga hayop para sa mga handog na sinusunog sa umaga at sa gabi, at para rin sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[i] at sa iba pang mga pista, ayon sa nakasulat sa Kautusan ng Panginoon. Inutusan din niya ang mga tao na nakatira sa Jerusalem na ibigay sa mga pari at mga Levita ang kanilang bahagi para makapaglingkod sila nang lubusan sa Kautusan ng Panginoon. Nang maipaalam na ito sa mga tao, bukas palad na nagbigay ang mga Israelita ng unang ani ng kanilang trigo, bagong katas ng ubas, langis, pulot at ng iba pang produkto ng lupa. Ibinigay nila ang ikapu ng lahat nilang produkto. Ang mga taga-Israel na lumipat sa Juda, at ang mga taga-Juda ay nagbigay din ng ikasampung bahagi ng kanilang mga baka, tupa at ng mga bagay na itinalaga nila sa Panginoon na kanilang Dios, at tinipon nila ito. Sinimulan nila ang pag-iipon nito nang ikatlong buwan, at natapos sa ikapitong buwan. Nang makita ni Hezekia at ng kanyang mga opisyal ang mga nakatumpok na handog, pinuri nila ang Panginoon at ang mga mamamayan niyang Israelita.

Tinanong ni Hezekia ang mga pari at ang mga Levita tungkol sa mga nakatumpok. 10 Sumagot si Azaria, ang punong pari na mula sa angkan ni Zadok, “Mula nang nagsimulang magdala ang mga tao ng kanilang mga handog sa templo ng Panginoon, nagkaroon na kami ng sapat na pagkain at marami pang sumobra, dahil pinagpala ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan.”

11 Nag-utos si Hezekia na gumawa ng mga bodega sa templo ng Panginoon, at nangyari nga ito. 12 At matapat na dinala roon ng mga tao ang kanilang mga handog, mga ikapu at ang mga bagay na itinalaga nila sa Panginoon. Si Conania na isang Levita ang siyang pinagkatiwalaan ng mga bagay na ito, at katulong niya ang kanyang kapatid na lalaki na si Shimei. 13 Sina Jehiel, Azazia, Nahat, Azael, Jerimot, Jozabad, Eliel, Ismakia, Mahat, at Benaya ang mga tagapangasiwa sa ilalim ng pamamahala nina Conania at Shimei. Pinili sila nina Haring Hezekia at Azaria na punong opisyal ng templo ng Dios.

14 Si Kore na anak ni Imna na Levita, na tagapagbantay sa silangang pintuan ng templo, ang pinagkatiwalaan sa pamamahagi ng mga handog na kusang-loob na ibinibigay sa Dios, at sa mga bagay na itinalaga sa Panginoon at ng mga banal na handog. 15 Ang matatapat niyang katulong ay sina Eden, Miniamin, Jeshua, Shemaya, Amaria, at Secanias. Pumunta sila sa mga bayan na tinitirhan ng mga pari na kanilang kadugo at ipinamahagi sa kanila ang kanilang bahagi sa mga handog, ayon sa kanilang grupo at tungkulin, bata man o matanda. 16 Binigyan ang lahat ng mga lalaki na nasa tatlong taong gulang pataas ang edad, na pumupunta sa templo para gawin ang kanilang araw-araw na gawain ayon sa tungkulin ng kani-kanilang grupo. Kasama na rin ang mga paring hindi nakalista sa talaan ng mga angkan ng mga pari. 17 Sila at ang mga pari na nakalista sa talaan ng mga angkan ay binigyan ng kanilang bahagi, at ganoon din ang mga Levita na nasa 20 taong gulang pataas, na naglilingkod ayon sa tungkulin ng kani-kanilang grupo. 18 Binigyan din ang mga pamilya ng mga Levita – ang kanilang mga asawa, mga anak, pati ang maliliit nilang anak. Ginawa ito sa lahat ng Levita na nakalista sa talaan ng kanilang angkan. Sapagkat matapat din sila sa paglilinis ng kanilang sarili. 19 Tungkol naman sa mga pari na angkan ni Aaron, na nakatira sa mga bukirin sa palibot ng mga bayan at sa ibang mga bayan, may mga taong pinagkatiwalaan na mamigay ng kanilang bahagi at sa bahagi ng lahat ng Levita na nakalista sa talaan ng kanilang angkan.

20 Ganoon ang ginawa ni Hezekia sa buong Juda. Ginawa niya ang mabuti at ang tama, at naging tapat siya sa harapan ng Panginoon na kanyang Dios. 21 Naging matagumpay siya, dahil sa lahat ng ginawa niya sa templo ng Dios at sa pagsunod niya sa kautusan, dumulog siya sa kanyang Dios nang buong puso.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®