Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
2 Paralipomeno 18-20

18 Si Josaphat nga ay nagkaroon ng kayamanan, at dangal na sagana; at siya'y nakipagkamaganak kay Achab.

At pagkatapos ng ilang taon, kaniyang nilusong si Achab sa Samaria. At ipinagpatay siya ni Achab ng mga tupa at baka na sagana, at ang bayan na kasama niya; at inupahan siya na umahon na kasama niya sa Ramoth-galaad.

At sinabi ni Achab na hari sa Israel kay Josaphat na hari sa Juda, Sasama ka ba sa akin sa Ramoth-galaad? At sinagot niya siya, Ako'y gaya mo, at ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan; at kami ay sasaiyo sa pakikipagdigma.

At sinabi ni Josaphat sa hari sa Israel, Magusisa ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, sa salita ng Panginoon.

Nang magkagayo'y pinisan ng hari sa Israel ang mga propeta, na apat na raang lalake, at sinabi sa kanila, Magsisiparoon ba kami sa Ramoth-galaad upang makipagbaka, o uurong ako? At sinabi nila, Umahon ka; sapagka't ibibigay ng Dios sa kamay ng hari.

Nguni't sinabi ni Josaphat: Wala ba ritong ibang propeta ng Panginoon, upang tayo'y makapagusisa sa kaniya?

At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, May isa pang lalake na mapaguusisaan natin sa Panginoon: nguni't kinapopootan ko siya: sapagka't kailan man ay hindi siya nanghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi laging kasamaan; si Micheas nga na anak ni Imla. At sinabi ni Josaphat, Huwag magsabi ng ganyan ang hari.

Nang magkagayo'y tumawag ang hari sa Israel ng isang pinuno, at kaniyang sinabi, Dalhin mo ritong madali si Micheas na anak ni Imla.

Ang hari nga ng Israel at si Josaphat na hari sa Juda, ay nakaupo bawa't isa sa kanikaniyang luklukan na nakapanamit hari, at sila'y nakaupo sa isang hayag na dako sa pasukan ng pintuang-bayan ng Samaria; at ang lahat na propeta ay nanganghula sa harap nila.

10 At si Sedechias na anak ni Chenaana ay gumawa ng mga sungay na bakal, at kaniyang sinabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga Siria, hanggang sa mangalipol.

11 At lahat na propeta ay nanganghulang gayon, na sinasabi, Umahon ka sa Ramoth-galaad, at guminhawa ka: sapagka't ibibigay ng Panginoon sa kamay ng hari.

12 At ang sugo na yumaong tumawag kay Micheas ay nagsalita sa kaniya na sinasabi, Narito, ang mga salita ng mga propeta ay nagsaysay ng mabuti sa hari na magkakaisa: isinasamo ko nga sa iyo na ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng mabuti.

13 At sinabi ni Micheas, Buhay ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng aking Dios, yaon ang aking sasalitain.

14 At nang siya'y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kaniya, Micheas, magsisiyaon ba kami sa Ramoth-galaad upang makipagbaka, o uurong ako? At sinabi niya, Magsiyaon kayo at magsiginhawa nawa; at sila'y mangabibigay sa inyong kamay.

15 At sinabi ng hari sa kaniya: Makailang ipasusumpa ko sa iyo na ikaw ay huwag magsalita ng anoman sa akin kundi katotohanan sa pangalan ng Panginoon?

16 At kaniyang sinabi, Aking nakita ang buong Israel na nangangalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastor: at sinabi ng Panginoon, Ang mga ito'y walang panginoon; umuwing payapa ang bawa't lalake sa kaniyang bayan.

17 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Di ba isinaysay ko sa iyo na siya'y hindi manghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi kasamaan?

18 At sinabi ni Micheas, Kaya't dinggin ninyo ang salita ng Panginoon: Aking nakita ang Panginoon na nakaupo sa kaniyang luklukan, at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa kaniyang kanan at sa kaniyang kaliwa.

19 At sinabi ng Panginoon, Sinong dadaya kay Achab na hari sa Israel, upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramoth-galaad? At ang isa'y nagsalita na nagsabi ng ayon sa ganitong paraan, at ang iba'y nagsabi ayon sa gayong paraan.

20 At lumabas ang isang espiritu, at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, Aking dadayain siya. At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Sa ano?

21 At kaniyang sinabi, Ako'y lalabas, at ako'y magiging magdarayang espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta. At kaniyang sinabi, Iyong dadayain siya, at mananaig ka rin: lumabas ka, at gawin mong gayon.

22 Ngayon nga, narito, inilagay ng Panginoon ang magdarayang espiritu sa bibig ng iyong mga propetang ito; ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.

23 Nang magkagayo'y lumapit si Sedechias na anak ni Chenaana, at sinampal si Micheas, at nagsabi, Saan nagdaan ang Espiritu ng Panginoon na mula sa akin upang magsalita sa iyo?

24 At sinabi ni Micheas, Narito, iyong makikita sa araw na yaon, pagka ikaw ay papasok sa pinakaloob na silid upang magkubli.

25 At sinabi ng hari sa Israel, Dalhin ninyo si Micheas, at ibalik ninyo siya kay Amon na tagapamahala ng bayan, at kay Joas na anak ng hari;

26 At sabihin ninyo, Ganito ang sabi ng hari, Ilagay ang taong ito sa bilangguan, at pakanin siya ng tinapay ng kadalamhatian at ng tubig ng kadalamhatian hanggang sa ako'y bumalik na payapa.

27 At sinabi ni Micheas, Kung ikaw ay bumalik sa anomang paraan na payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko. At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo, ninyong mga bayan, ninyong lahat.

28 Sa gayo'y ang hari sa Israel at si Josaphat na hari sa Juda ay nagsiahon sa Ramoth-galaad.

29 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Ako'y magpapakunwaring iba, at paroroon ako sa pagbabaka; nguni't ikaw ay magbalabal ng iyong mga balabal hari. Sa gayo'y ang hari ng Israel ay nagpakunwaring iba; at sila'y nagsiparoon sa pagbabaka.

30 Ang hari nga sa Siria ay nagutos sa mga pinunong kawal ng kaniyang mga karo, na sinasabi, Huwag kayong magsilaban kahit sa maliit o sa malaki man, liban lamang sa hari sa Israel.

31 At nangyari, nang makita ng mga punong kawal ng mga karo ni Josaphat, na kanilang sinabi, Siyang hari sa Israel. Kaya't sila'y nagsiligid upang magsilaban sa kaniya: nguni't si Josaphat ay humiyaw, at tinulungan siya ng Panginoon; at kinilos sila ng Dios na humiwalay sa kaniya.

32 At nangyari nang makita ng mga pinunong kawal ng mga karo na hindi siyang hari sa Israel, na sila'y nagsihiwalay ng paghabol sa kaniya.

33 At inihilagpos ng isang lalake ang kaniyang pana sa isang pagbabakasakali, at tinamaan ang hari sa Israel, sa pagitan ng mga pagkakasugpong ng sakbat kaya't sinabi niya sa nagpapatakbo ng karo, Ipihit mo ang iyong kamay, at ihiwalay mo ako sa hukbo; sapagka't ako'y nasugatan ng mabigat.

34 At ang pagbabaka ay lumala nang araw na yaon; gayon ma'y ang hari sa Israel ay nanatili sa kaniyang karo laban sa mga taga Siria hanggang sa kinahapunan: at sa may paglubog ng araw ay namatay siya.

19 At si Josaphat na hari sa Juda ay umuwing payapa sa kaniyang bahay sa Jerusalem.

At si Jehu na anak ni Hanani na tagakita ay lumabas na sinalubong siya, at sinabi sa haring Josaphat: Tutulungan mo ba ang mga masama at mamahalin yaong mga napopoot sa Panginoon? dahil sa bagay na ito ay kapootan ang sasaiyo na mula sa harap ng Panginoon.

Gayon ma'y may mabuting mga bagay na nasumpungan sa iyo, sa iyong pagaalis ng mga Asera sa lupain, at inilagak mo ang iyong puso upang hanapin ang Dios.

At si Josaphat ay tumahan sa Jerusalem: at siya'y lumabas uli sa gitna ng bayan na mula sa Beer-seba hanggang sa lupaing maburol ng Ephraim, at ibinalik niya sila sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.

At siya'y naglagay ng mga hukom sa lupain sa lahat na bayang nakukutaan ng Juda sa bayan at bayan.

At sinabi sa mga hukom, Buhayin ninyo kung ano ang inyong ginagawa: sapagka't hindi kayo nagsisihatol ng dahil sa tao, kundi dahil sa Panginoon, at siya'y sumasainyo sa kahatulan.

Ngayon nga'y sumainyo nawa ang takot sa Panginoon; magsipagingat kayo at inyong gawin: sapagka't walang kasamaan sa Panginoon nating Dios, o tumangi man sa mga tao, o tumanggap man ng mga suhol.

Bukod dito'y naglagay si Josaphat sa Jerusalem ng ilan sa mga Levita, at sa mga saserdote, at sa mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng Israel, dahil sa kahatulan ng Panginoon, at sa mga pagkakaalitan. At sila'y nagsibalik sa Jerusalem.

At kaniyang binilinan sila, na sinasabi, Ganito ang inyong gagawin, sa takot sa Panginoon, na may pagtatapat, at may sakdal na puso.

10 At anomang kaalitan ang dumating sa inyo na mula sa inyong mga kapatid na nagsisitahan sa kanilang mga bayan, na dugo't dugo, kautusan at utos, mga palatuntunan at mga kahatulan, ay inyong papayuhan sila, upang sila'y huwag maging salarin sa Panginoon, at sa gayo'y kapootan ay huwag dumating sa inyo, at sa inyong mga kapatid: ito'y inyong gawin, at kayo'y hindi magiging salarin.

11 At, narito, si Amarias na punong saserdote ay nasa inyo sa lahat ng bagay ng Panginoon; at si Zebadias na anak ni Ismael, na tagapamahala sa sangbahayan ni Juda, sa lahat ng mga bagay ng hari: ang mga Levita rin naman ay magiging mga pinuno sa harap ninyo. Gawin ninyong may katapangan at ang Panginoon ay sumasamabuti nawa.

20 At nangyari, pagkatapos nito, na ang mga anak ni Moab, at ang mga anak ni Ammon, at pati ng iba sa mga Ammonita, ay naparoon laban kay Josaphat upang makipagbaka.

Nang magkagayo'y nagsiparoon ang iba na nagsipagsaysay kay Josaphat, na nagsasabi, May lumalabas na isang lubhang karamihan laban sa iyo na mula sa dako roon ng dagat na mula sa Siria; at, narito, sila'y nangasa Hasason-tamar (na siyang Engedi).

At si Josaphat ay natakot, at tumalagang hanapin ang Panginoon; at siya'y nagtanyag ng ayuno sa buong Juda.

At ang Juda'y nagpipisan, upang huminging tulong sa Panginoon: sa makatuwid baga'y mula sa lahat na bayan ng Juda ay nagsiparoon upang hanapin ang Panginoon.

At si Josaphat ay tumayo sa kapisanan ng Juda at Jerusalem, sa bahay ng Panginoon, sa harap ng bagong looban;

At kaniyang sinabi, Oh Panginoon, na Dios ng aming mga magulang, di ba ikaw ay Dios sa langit? at di ba ikaw ay puno sa lahat na kaharian ng mga bansa? at nasa iyong kamay ang kapangyarihan at lakas, na anopa't walang makahaharap sa iyo.

Di mo ba pinalayas, Oh aming Dios, ang mga nananahan sa lupaing ito sa harap ng iyong bayang Israel, at iyong ibinigay sa binhi ni Abraham na iyong kaibigan magpakailan man?

At nagsitahan sila roon at ipinagtayo ka ng santuario roon na ukol sa iyong pangalan, na sinasabi,

Kung ang kasamaan ay dumating sa amin, ang tabak ng kahatulan, o salot, o kagutom, kami ay magsisitayo sa harap ng bahay na ito, at sa harap mo, (sapagka't ang iyong pangalan ay nasa bahay na ito,) at kami ay dadaing sa iyo sa aming pagdadalamhati, at kami ay iyong didinggin at ililigtas.

10 At ngayon, narito, ang mga anak ni Ammon at ni Moab, at ng sa bundok ng Seir na hindi mo ipinalusob sa Israel, nang sila'y magsilabas sa lupain ng Egipto, kundi kanilang nilikuan sila, at hindi sila nilipol;

11 Tingnan mo, kung paanong sila'y gumaganti sa amin, na nagsisiparito upang palayasin kami sa iyong pag-aari, na iyong ibinigay sa amin upang manahin.

12 Oh aming Dios, hindi mo ba hahatulan sila? sapagka't wala kaming kaya laban sa malaking pulutong na ito na naparirito laban sa amin, ni hindi man nalalaman namin kung anong marapat gawin; nguni't ang aming mga mata ay nasa iyo.

13 At ang buong Juda ay tumayo sa harap ng Panginoon, pati ang kanilang mga bata, ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak.

14 Nang magkagayo'y dumating kay Jahaziel na anak ni Zacharias, na anak ni Benaias, na anak ni Jeiel, na anak ni Mathanias na Levita, sa mga anak ni Asaph ang Espiritu ng Panginoon sa gitna ng kapisanan;

15 At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo, buong Juda, at ninyong mga taga Jerusalem, at ikaw na haring Josaphat: ganito ang sabi ng Panginoon sa inyo, Huwag kayong mangatakot, o manglupaypay man dahil sa malaking karamihang ito; sapagka't ang pakikipagbaka ay hindi inyo, kundi sa Dios.

16 Bukas ay magsilusong kayo laban sa kanila: narito, sila'y nagsiahon sa ahunan ng Sis; at inyong masusumpungan sila sa dulo ng libis, sa harap ng ilang ng Jeruel.

17 Kayo'y hindi magkakailangan na makipaglaban sa pagbabakang ito: magsilagay kayo, magsitayo kayong panatag, at tingnan ninyo ang pagliligtas, ng Panginoon na kasama ninyo, Oh Juda at Jerusalem: huwag kayong mangatakot, o manganglupaypay man: bukas ay magsilabas kayo laban sa kanila; sapagka't ang Panginoon ay sumasa inyo.

18 At itinungo ni Josaphat ang kaniyang ulo sa lupa: at ang buong Juda at ang mga taga Jerusalem ay nangagpatirapa sa harap ng Panginoon, na nagsisamba sa Panginoon.

19 At ang mga Levita, sa mga anak ng mga Coathita at sa mga anak ng mga Coraita; ay nagsitayo upang purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ng totoong malakas na tinig.

20 At sila'y nagsibangong maaga sa kinaumagahan, at nagsilabas sa ilang ng Tecoa: at habang sila'y nagsisilabas, si Josaphat ay tumayo, at nagsabi, Dinggin ninyo ako, Oh Juda, at ninyong mga taga Jerusalem; sumampalataya kayo sa Panginoon ninyong Dios, sa gayo'y matatatag kayo; sumampalataya kayo sa kaniyang mga propeta, sa gayo'y giginhawa kayo.

21 At nang siya'y makakuhang payo sa bayan, kaniyang inihalal sa kanila ang magsisiawit sa Panginoon at magsisipuri sa ganda ng kabanalan habang sila'y nagsisilabas na nagpapauna sa hukbo at magsipagsabi, Mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.

22 At nang sila'y mangagpasimulang magsiawit at magsipuri, ang Panginoon ay naglagay ng mga bakay laban sa mga anak ni Ammon, ni Moab, at ng sa bundok ng Seir, na nagsiparoon laban sa Juda; at sila'y nangasugatan.

23 Sapagka't ang mga anak ni Ammon at ni Moab ay nagsitayo laban sa mga taga bundok ng Seir, upang lubos na magsipatay at lipulin sila: at nang sila'y makatapos sa mga taga bundok ng Seir, bawa't isa'y tumulong na lumipol sa iba.

24 At nang ang Juda ay dumating sa bantayang moog sa ilang, sila'y nagsitingin sa karamihan; at, narito, mga bangkay na nangakabuwal sa lupa, at walang nakatanan.

25 At nang si Josaphat at ang kaniyang bayan ay magsiparoon upang kunin ang samsam sa kanila, kanilang nasumpungan sa kanila na sagana ay mga kayamanan at mga bangkay, at mga mahahalagang hiyas na kanilang mga sinamsam para sa kanilang sarili, na higit kay sa kanilang madala: at sila'y nagsidoon na tatlong araw, sa pagkuha ng samsam, na totoong marami.

26 At nang ikaapat na araw, sila'y nagpupulong sa libis ng Baracah; sapagka't doo'y kanilang pinuri ang Panginoon: kaya't ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Libis ng Baracah, hanggang sa araw na ito.

27 Nang magkagayo'y nagsibalik sila, bawa't lalake sa Juda, at sa Jerusalem, at si Josaphat ay sa unahan nila, upang bumalik sa Jerusalem na may kagalakan; sapagka't sila'y pinapagkatuwa ng Panginoon sa kanilang mga kaaway.

28 At sila'y nagsiparoon sa Jerusalem na may mga salterio at mga alpa, at mga pakakak sa bahay ng Panginoon.

29 At ang takot sa Dios ay napasa lahat na kaharian ng mga lupain, nang kanilang mabalitaang ang Panginoon ay nakipaglaban sa mga kaaway ng Israel.

30 Sa gayo'y ang kaharian ni Josaphat ay natahimik: sapagka't binigyan siya ng kaniyang Dios ng kapahingahan sa palibot.

31 At si Josaphat ay naghari sa Juda: siya'y may tatlong pu't limang taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang pu't limang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Azuba na anak ni Silhi.

32 At siya'y lumakad ng lakad ni Asa na kaniyang ama, at hindi siya lumiko sa paggawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon.

33 Gayon ma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis; ni inilagak pa man ng bayan ang kanilang puso sa Dios ng kanilang mga magulang.

34 Ang iba nga sa mga gawa ni Josaphat, na una at huli, narito, nangakasulat sa kasaysayan ni Jehu na anak ni Hanani, na nasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel.

35 At pagkatapos nito ay nakipisan si Josaphat na hari sa Juda kay Ochozias na hari sa Israel; na siyang gumawa ng totoong masama:

36 At siya'y nakipisan sa kaniya upang gumawa ng mga sasakyang dagat na magsisiparoon sa Tharsis: at kanilang ginawa ang mga sasakyan sa Esion-geber.

37 Nang magkagayo'y si Eliezer na anak ni Dodava sa Mareosah ay nanghula laban kay Josaphat, na kaniyang sinabi, Sapagka't ikaw ay nakipisan kay Ochozias, giniba ng Panginoon ang iyong mga gawa. At ang mga sasakyan ay nangabasag, na anopa't sila'y hindi na makaparoon sa Tharsis.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain