Beginning
Ang Mabangis na Hayop Mula sa Dagat
13 At ako ay tumayo sa buhanginan sa tabing dagat. Nakita kong umaahon ang isang mabangis na hayop mula sa dagat. Ito ay may pitong ulo at sampung sungay at sa bawat sungay ay may sampung pangharing korona at sa kaniyang korona ay may mapamusong na pangalan.
2 Ang mabangis na hayop na aking nakita ay katulad sa isang leopardo. Ang mga paa nito ay katulad ng mga paa ng oso. Ang bibig nito ay katulad ng mga bibig ng leon. Ibinigay ng dragon ang kaniyang kapangyarihan at isang luklukan at dakilang kapamahalaan sa mabangis na hayop. 3 At nakita ko na ang isa sa mga ulo ay nasugatan na maaring ikamatay. Ang sugat na ikamamatay ay gumaling. At ang lahat ng mga tao ay nanggilalas sa mabangis na hayop at sumunod dito. 4 Sinamba nila ang dragon na nagbigay ng kapamahalaan sa mabangis na hayop. Sinamba nila ang mabangis na hayop. Sinabi nila: Sino ang katulad ng mabangis na hayop? Sino ang maaaring makipaglaban dito?
5 Binigyan siya ng isang bibig na nagsasalita ng dakilang salita at mga pamumusong. Binigyan siya ng kapamahalaan upang magpatuloy sa loob ng apatnapu’t dalawang buwan. 6 At binuksan niya ang kaniyang bibig na namumusong laban sa Diyos at laban sa kaniyang pangalan at sa tabernakulo at sa mga nananahan sa langit. 7 Binigyan ito ng kapamahalaan upang makipagdigma laban sa mga banal at upang lupigin sila. Binigyan niya ito ng kapamahalaan sa bawat lipi at wika at bansa. 8 Ang lahat ng mga nakatira sa lupa ay sasamba sa kaniya, sila na ang kanilang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero. Ito ang Korderong pinatay mula ng itatag ang sanlibutan.
9 Ang may pandinig ay makinig: 10 Ang sinumang magpapabihag ay dadalhin siya sa pagkabihag. Ang sinumang pumatay sa tabak ay sa tabak din sila papatayin. Ito ay nangangahulugan na ang mga banal ay dapat magkaroon ng pagtitiis at pananampalataya.
Ang Mabangis na Hayop Mula sa Lupa
11 At nakita ko ang isa pang mabangis na hayop na umahon mula sa lupa. Ito ay may dalawang sungay katulad ng isang kordero at kung magsalita ay katulad ng isang dragon.
12 Ginagamit nito ang lahat ng kapamahalaan ng mabangis na hayop na naunang lumabas sa kaniya. Pinasasamba nito ang lupa at ang mga tao na nananahan rito sa unang mabangis na hayop na ang nakakamatay na sugat ay gumaling. 13 Ang ikalawang mabangis na hayop ay gumawa nga ng mga dakilang tanda. Pinababa nito ang apoy na mula sa langit sa lupa at sa harapan ng mga tao. 14 Inililigaw nito ang mga nananahan sa lupa. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng mga tanda na ipinagawa sa kaniya sa harapan ng unang mabangis na hayop. Sinabi nito sa mga tao na nakatira sa lupa, na gumawa sila ng isang larawan ng unang mabangis na hayop na nasugatan ng tabak at nabuhay ito. 15 Binigyan ito ng kapangyarihan ang ikalawang mabangis na hayop upang bigyan niya ng hininga ang larawan ng mabangis na hayop. Ang larawan ng mabangis na hayop ay magsasalita at ipapapatay niya sa mga tao ang mga hindi sumasamba sa larawan ng mabangis na hayop. 16 Ang mga dakila at mga hindi dakilang tao, ang mayayaman at mahihirap, ang mga malaya at ang mga alipin ay ipapatatakan niya sa kanilang kanang kamay o sa kanilang noo. 17 Ang may tatak lamang ng mabangis na hayop ang makakabili o ang makakapagbili. Dapat ay taglay nila ang tatak o ang pangalan o ang bilang ng pangalawang mabangis na hayop.
18 Ito ang kaalaman: Ang may pang-unawa ay dapat bilangin ang bilang ng mabangis na hayop. Ang dahilan, ito ang bilang ng isang tao. Ang bilang ay anim na raan at animnapu’t anim.
Ang Kordero at ang Isangdaan at Apatnapu’t Apat na Libong Tao
14 At nakita ko, narito, ang Korderong nakatayo sa bundok ng Zion. Siya ay may kasamang isangdaan at apatnapu’t apat na libong mga tao na nakatayo. May nakasulat na pangalan ng kaniyang ama sa kanilang mga noo.
2 Ako ay nakarinig ng isang tunog na mula sa langit na katulad ng tunog ng maraming tubig. Ito ay katulad ng isang napakalakas na kulog. Narinig ko ang tunog ng maraming manunugtog ng kudyapi na tumutugtog ng kanilang kudyapi. 3 Sila ay umawit ng isang bagong awit sa harapan ng trono at sa harapan ng apat na buhay na nilalang at ng mga matanda. Walang sinumang matututo ng awit na iyon. Ang matututo lamang nito ay ang isangdaan at apatnapu’t apat na libong mga tao na tinubos ni Jesus sa lupa. 4 Hindi dinungisan ng mga ito ang kanilang mga sarili sa mga babae. Sila ay mga birhen. Sila yaong mga sumusunod sa Kordero saan man siya pumaroon. Sila yaong mga tinubos ng Kordero bilang mga unang bunga para sa Diyos at para sa Kordero. 5 Walang pandaraya sa kanilang mga bibig sapagkat wala silang anumang dungis sa harapan ng trono ng Diyos.
Ang Tatlong Anghel
6 At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit. Taglay nito ang walang hanggang ebanghelyo na ipapahayag sa mga nananahan sa lupa. Kabilang dito ang bawat bansa at lipi at wika at mamamayan.
7 Sinabi niya sa isang malakas na tinig: Matakot kayo sa Diyos sapagkat dumating na ang oras ng kaniyang paghuhukom. Magbigay kayo ng papuri sa kaniya. Sambahin ninyo siya na gumawa ng langit at lupa at dagat at bukal ng mga tubig.
8 May isa pang anghel ang sumunod sa kaniya na nagsabi: Bumagsak na ang Babilonya! Bumagsak na ang dakilang lungsod ng Babilonya! Siya ay bumagsak dahil sa alak ng poot ng kaniyang pakikiapid na ipinainom niya sa lahat ng mga bansa.
9 Sumunod sa kanila ang pangatlong anghel. Sinabi niya sa isang malakas na tinig: Ito ang mangyayari sa sinumang sasamba sa mabangis na hayop at sa kaniyang larawan. Ito ay mangyayari sa sinumang tumanggap ng tatak sa kaniyang noo o sa kaniyang kamay. 10 Siya ay iinom ng alak ng poot ng Diyos, na ibinuhos niya na walang halo sa saro ng kaniyang poot. Pahihirapan siya sa apoy at nagniningas na asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. 11 Ang usok ng kanilang paghihirap ay pumailanlang magpakailan pa man. Ang mga sumamba sa mabangis na hayop at kaniyang larawan ay walang kapahingahan araw at gabi. Gayundin ang mga tumanggap ng tatak ng pangalan nito ay walang kapahingahan. 12 Narito ang pagtitiis ng mga banal na tumutupad sa mga utos ng Diyos at nananampalataya kay Jesus.
13 At ako ay nakarinig ng isang tinig mula sa langit. Sinabi nito sa akin: Isulat mo ito. Pinagpala ang mga mamamatay sa Panginoon mula ngayon.
Sinabi ng Espiritu: Oo, sila ay dapat na mamahinga mula sa kanilang mga pagpapagal. Susundan sila ng kanilang mga gawa.
Ang Ani sa Lupa
14 At nakita ko at narito, ang isang puting ulap at sa ibabaw ng ulap ay may isang nakaupo na katulad ng Anak ng Tao. Siya ay may gintong putong sa kaniyang ulo. Sa kaniyang kamay ay may hawak na isang matalas na karit.
15 At may isa pang anghel na lumabas mula sa banal na dako. Siya ay sumigaw sa isang malakas na tinig sa nakaupo sa ulap na nagsasabi: Gamitin mo ang iyong karit at ipanggapas mo na. Ang dahilan ay dumating na ang oras upang ikaw ay gumapas. Ang aanihin sa lupa ay handa na. 16 At inilagay ng nakaupo sa ibabaw ng ulap ang kaniyang karit sa lupa at ginapas ang anihin sa lupa.
17 At isa pang anghel ang lumabas mula sa banal na dako na nasa langit. Siya rin ay may taglay na isang matalas na karit. 18 At may isa pang anghel ang lumabas mula sa dambana. Siya ay may kapamahalaan sa apoy. Tinawag niya sa isang malakas na tinig ang may taglay ng matalas na karit. Sinabi niya: Gamitin mo na ang matalas mong karit. Tipunin mo ang mga buwig ng ubas sa lupa sapagkat hinog na ang mga ubas sa lupa. 19 Inilabas ng anghel ang karit at tinipon ang ubas sa lupa. Inihagis niya ang mga ubas ng lupa sa pisaang-ubas ng poot ng dakilang Diyos. 20 Niyurakan nila ang mga ubas sa pisaang-ubas na nasa labas ng lungsod. Lumabas ang dugo mula sa pisaang-ubas. Ito ay kasinglayo ng bokado ng mga kabayo sa layong tatlong daang kilometro.
Pitong Anghel na may Pitong Salot
15 At nakita ko ang isa pang dakila at kamangha-manghang tanda sa langit. Pitong anghel ang may pitong huling salot. Ang poot ng Diyos ay malulubos sa kanila.
2 At nakita ko ang isang bagay na katulad ng isang dagat na kristal at ito ay may kahalong apoy. Ang mga nagtagumpay sa mabangis na hayop ay nakatayo sa ibabaw ng dagat na kristal. Taglay nila ang mga kudyapi ng Diyos sa kanilang mga kamay. Sila ang mga nagtagumpay sa larawan ng mabangis na hayop at sa tatak nito at sa bilang ng pangalan nito. 3 Inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos at ang awit ng Kordero. Sinabi nila:
Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang iyong mga gawa ay dakila at kamangha-mangha. Ikaw na Hari ng mga banal, ang iyong mga daan ay matuwid at totoo.
4 Panginoon, sino ang hindi matatakot sa iyo? Sino ang hindi magbibigay luwalhati sa iyong pangalan? Sapagkat ikaw lamang ang siyang banal, dahil ang lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa harap mo sapagkat ipinakita mo ang iyong tuntunin.
5 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko. Narito, ang banal na dako ng tabernakulo ng patotoo sa langit ay nabuksan. 6 Lumabas mula sa banal na dako ang pitong anghel na may pitong salot. Sila ay nadaramtan ng malinis at maningning na lino. Isang gintong pamigkis ang nakapaikot sa kanilang mga dibdib. 7 Binigyan ng isa sa mga apat na buhay na nilalang ang pitong anghel ng pitong gintong mangkok. Ang mga ito ay puno ng poot ng Diyos na nabubuhay magpakailan pa man. 8 At ang banal na dako ay napuno ng usok na mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kaniyang kapangyarihan. Walang sinumang makakapasok sa banal na dako hanggang hindi nalulubos ang pitong mga salot ng pitong mga anghel.
Ang Pitong Mangkok ng Poot ng Diyos
16 Narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa banal na dako. Sinabi nito sa pitong anghel: Humayo kayo. Ibuhos ninyo ang poot ng Diyos na nasa mangkok sa ibabaw ng lupa.
2 Ang unang anghel ay lumabas at ibinuhos ang laman ng mangkok sa ibabaw ng lupa. At isang napakasama at napakatinding sugat ang dumapo sa mga taong may tatak ng mabangis na hayop at sa mga sumamba sa kaniyang larawan.
3 Ibinuhos ng pangalawang anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa dagat. At ito ay naging dugo, katulad ng dugo ng isang taong patay. Namatay ang lahat ng bagay na may buhay sa dagat.
4 At ibinuhos ng pangatlong anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig. Ang mga ito ay naging dugo. 5 At narinig ko ang anghel ng mga tubig. Sinabi niya:
Panginoon, matuwid ka dahil sa paghatol mo sa ganitong paraan. Ikaw ang nakaraan at ang kasalukuyan, at ikaway banal.
6 Binigyan mo sila ng dugo na maiinom dahil pinadanak nila ang dugo ng iyong mga banal at mga propeta. Karapat-dapat sila para dito.
7 At ako ay nakarinig ng isa pang tinig na mula sa dambana. Sinabi nito:
Oo, Panginoong Diyos na Makapangyayari sa lahat, ang iyong mga kahatulan ay totoo at matuwid.
8 Ibinuhos ng pang-apat na anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa araw. Binigyan siya ng kapangyarihan upang sunugin ang mga tao sa pamamagitan ng apoy. 9 Sinunog nito ang mga tao sa pamamagitan ng matinding init. Nilapastangan nila ang pangalan ng Panginoon na siyang may kapamahalaan sa mga salot na ito. Hindi sila nagsisi upang magbigay ng kaluwalhatian sa kaniya.
10 Ibinuhos ng panglimang anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa ibabaw ng luklukan ng mabangis na hayop. Ang paghahari nito ay naging kadiliman. Kinagat ng mga tao ang kanilang dila dahil sa matinding sakit. 11 Nilapastangan nila ang Diyos sa langit dahil sa sakit at mga sugat nila. Hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga ginawa.
12 Ibinuhos ng pang-anim na anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa dakilang ilog ng Eufrates. Ang mga tubig nito ay natuyo upang maihanda ang daan ng mga hari na mula sa silangan. 13 At nakita ko ang tatlong karumal-dumal na espiritu na katulad ng mga palaka. Sila ay lumabas mula sa bibig ng dragon, mula sa bibig ng mabangis na hayop at mula sa bibig ng bulaang propeta. 14 Sila ay ang mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda, na lumabas patungo sa mga hari sa lupa at patungo sa mga tao sa buong daigdig. Sila ay nagtungo roon upang tipunin silang sama-sama sa labanan ng dakilang araw na iyon ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
15 Narito, ako ay dumarating na katulad ng isang magnanakaw. Pinagpala ang mananatiling gising sa pagbabantay at nag-iingat ng kaniyang mga damit. Sa ganitong paraan, siya ay hindi maglalakad ng hubad at hindi makikita ng mga tao ang kaniyang kahihiyan.
16 At tinipon silang sama-sama sa dakong tinatawag ng mga tao na Armagedon sa wikang Hebreo.
17 Ibinuhos ng pangpitong anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa hangin. Isang malakas na tinig ang lumabas mula sa banal na dako ng langit, mula sa trono. Sinabi nito: Naganap na. 18 Nagkaroon ng mga sigawan, mga kulog at mga kidlat. Nagkaroon ng napakalakas na lindol. Simula ng magkatao ang daigdig ay hindi pa nagkaroon ng lindol na kasinglaki at kasinglakas nito na nangyari sa lupa. 19 Ang dakilang lungsod ay nahati sa tatlong bahagi. Ang mga lungsod ng mga bansa ay bumagsak. At naala-ala ng Diyos ang dakilang Babilonya upang ibigay ang saro ng alak ng galit ng kaniyang poot. 20 Ang bawat pulo ay nawala. Walang sinumang makakakita ng anumang bundok. 21 Bumagsak ang malalaking graniso sa mga tao na mula sa langit. Ang bawat isang piraso ay tumitimbang ng tatlumpu at limang kilo. Dahil sa napakalaking graniso, nilapastangan ng mga tao ang Diyos sapagkat ang salot ay napakatindi.
Copyright © 1998 by Bibles International