Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 46-48

Ang Pagkatalo ng Ehipto sa Carquemis

46 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa mga bansa.

Tungkol(A) sa Ehipto. Tungkol sa hukbo ni Faraon Neco, na hari ng Ehipto na nasa tabi ng ilog ng Eufrates, sa Carquemis, na tinalo ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda:

“Ihanda ninyo ang panangga at kalasag,
    at kayo'y lumapit sa pakikipaglaban!
Singkawan ninyo ang mga kabayo,
    kayo'y sumakay, O mga mangangabayo!
Humanay kayo na may helmet;
    pakintabin ang inyong mga sibat,
    at isuot ang inyong kasuotang pandigma!
Bakit ko nakita iyon?
Sila'y nanlulupaypay
    at nagsisibalik.
Ang kanilang mga mandirigma ay ibinuwal
    at mabilis na tumakas;
hindi sila lumilingon—
    ang pagkasindak ay nasa bawat panig! sabi ng Panginoon.
Ang maliksi ay huwag tumakbo,
    ni ang malakas ay tumakas;
sa hilaga sa tabi ng Ilog Eufrates
    sila ay natisod at bumagsak.

“Sino itong bumabangon na katulad ng Nilo,
    gaya ng mga ilog na ang mga tubig ay bumubulusok?
Ang Ehipto ay bumabangong parang Nilo,
    gaya ng mga ilog na ang tubig ay bumubulusok.
Kanyang sinabi, Ako'y babangon at tatakpan ko ang lupa.
    Aking wawasakin ang lunsod at ang mga mamamayan nito.
Sulong, O mga kabayo;
    at kayo'y humagibis, O mga karwahe!
Sumalakay kayong mga mandirigma;
    mga lalaki ng Etiopia at Put na humahawak ng kalasag;
    ang mga lalaki ng Lud, na humahawak at bumabanat ng pana.
10 Sapagkat ang araw na iyon ay sa Panginoong Diyos ng mga hukbo,
    isang araw ng paghihiganti,
    upang makaganti siya sa kanyang mga kaaway.
Ang tabak ay lalamon at mabubusog,
    at magpapakalasing sa dugo nila.
Sapagkat ang Panginoong Diyos ng mga hukbo ay magkakaroon ng pag-aalay
    sa hilagang lupain sa tabi ng Ilog Eufrates.
11 Umahon ka sa Gilead, at kumuha ka ng balsamo,
    O anak na birhen ng Ehipto!
Walang kabuluhang gumamit ka ng maraming gamot;
    hindi ka na gagaling.
12 Nabalitaan ng mga bansa ang iyong kahihiyan,
    at ang daigdig ay punô ng iyong sigaw,
sapagkat ang mandirigma ay natisod sa kapwa mandirigma,
    sila'y magkasamang nabuwal.”

13 Ang(B) salitang sinabi ng Panginoon kay Jeremias na propeta tungkol sa pagdating ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia upang salakayin ang lupain ng Ehipto:

Ang Pagdating ni Nebukadnezar

14 “Ipahayag ninyo sa Ehipto, ihayag sa Migdol,
    at ihayag sa Memfis at sa Tafnes;
Sabihin ninyo, ‘Tumayo ka at humanda ka,
    sapagkat ang tabak ay lalamon sa palibot mo.’
15 Bakit napayuko ang iyong malalakas?
    Hindi sila tumatayo
    sapagkat sila'y ibinagsak ng Panginoon.
16 Tinisod niya ang marami, oo, at sila'y nabuwal sa isa't isa.
    At sinabi nila sa isa't isa,
‘Bangon, at bumalik tayo sa ating sariling bayan,
    at sa ating lupang sinilangan,
    malayo sa tabak ng manlulupig.’
17 Sila'y sumigaw roon. ‘Si Faraon, hari ng Ehipto ay isang ingay lamang.
    Hinayaan niyang lumipas ang takdang oras!’

18 “Habang buháy ako, sabi ng Hari,
    na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo,
tunay na gaya ng Tabor sa gitna ng mga bundok,
    at gaya ng Carmel sa tabing dagat,
    gayon darating ang isa.
19 Ihanda ninyo ang inyong dala-dalahan para sa pagkabihag,
    O, anak na babae na nakatira sa Ehipto!
Sapagkat ang Memfis ay magiging sira,
    susunugin at walang maninirahan.

20     “Ang Ehipto ay isang napakagandang dumalagang baka;
    ngunit isang salot ang dumarating mula sa hilaga—ito'y dumarating!
21 Maging ang kanyang mga upahang kawal sa gitna niya
    ay parang mga pinatabang guya.
Oo, sila ay pumihit at tumakas na magkakasama,
    sila'y hindi nakatagal,
sapagkat ang araw ng kanilang pagkapinsala ay dumating sa kanila,
    ang panahon ng kanilang kaparusahan.

22 “Siya ay gumagawa ng tunog na gaya ng ahas na gumagapang na papalayo;
    sapagkat ang kanyang mga kaaway ay dumarating na may kalakasan,
at dumarating laban sa kanya na may mga palakol,
    gaya ng mga mamumutol ng kahoy.
23 Kanilang pinutol ang kanyang kakahuyan, sabi ng Panginoon,
    bagaman mahirap pasukin;
sapagkat sila'y higit na marami kaysa mga balang,
    sila'y hindi mabilang.
24 Ang anak na babae ng Ehipto ay malalagay sa kahihiyan;
    siya'y ibibigay sa kamay ng isang sambayanan mula sa hilaga.”

25 Sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: “Ako'y nagdadala ng kaparusahan sa Amon ng Tebes, at kay Faraon, at sa Ehipto, at sa kanyang mga diyos at sa kanyang mga hari, kay Faraon at sa mga nagtitiwala sa kanya.

26 Ibibigay ko sila sa kamay ng mga nagtatangka sa kanilang buhay, sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia at sa kanyang mga pinuno. Pagkatapos ang Ehipto ay tatahanan na gaya ng mga araw noong una, sabi ng Panginoon.

Ililigtas ng Panginoon ang Kanyang Bayan

27 “Ngunit(C) huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod,
    ni manlulupaypay, O Israel,
sapagkat, narito, ililigtas kita mula sa malayo,
    at ang iyong lahi mula sa lupain ng kanilang pagkabihag.
Ang Jacob ay babalik at magiging tahimik at tiwasay,
    at walang sisindak sa kanya.
28 Huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod, sabi ng Panginoon,
    sapagkat ako'y kasama mo.
Sapagkat lubos kong wawakasan ang lahat ng mga bansa
    na aking pinagtabuyan sa iyo;
    ngunit ikaw ay hindi ko lubos na wawakasan.
Ngunit parurusahan kita nang hustong sukat,
    at hindi kita iiwan sa anumang paraan na hindi mapaparusahan.”

Ang Mensahe ng Panginoon tungkol sa mga Filisteo

47 Ang(D) salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa mga Filisteo, bago sinakop ni Faraon ang Gaza.

“Ganito ang sabi ng Panginoon:
Narito, ang mga tubig ay umaahon mula sa hilaga,
    at magiging nag-uumapaw na baha;
ang mga ito ay aapaw sa lupain at sa lahat ng naroon,
    ang lunsod at ang mga naninirahan doon.
Ang mga tao ay sisigaw,
    at bawat mamamayan sa lupain ay tatangis.
Sa ingay ng lagapak ng mga kuko ng kanyang mga kabayo,
    sa hagibis ng kanyang mga karwahe, sa ingay ng kanilang mga gulong,
hindi nililingon ng mga magulang ang kanilang mga anak,
    dahil sa kahinaan ng kanilang mga kamay,
dahil sa araw na dumarating
    upang lipulin ang lahat ng Filisteo,
upang ihiwalay sa Tiro at Sidon
    ang bawat kakampi na nananatili.
Sapagkat nililipol ng Panginoon ang mga Filisteo,
    ang nalabi sa pulo ng Crete.
Ang pagiging kalbo ay dumating sa Gaza,
    ang Ascalon ay nagiba.
O nalabi ng kanilang libis,
    hanggang kailan mo hihiwaan ang iyong sarili?
Ah, tabak ng Panginoon!
    Hanggang kailan ka hindi tatahimik?
Ilagay mo ang sarili sa iyong kaluban;
    ikaw ay magpahinga at tumahimik!
Paano ito magiging tahimik
    yamang ito'y inatasan ng Panginoon?
Laban sa Ascalon at laban sa baybayin ng dagat
    ay itinakda niya ito.”

Ang Pagkawasak ng Moab

48 Tungkol(E) sa Moab.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel:

“Kahabag-habag ang Nebo sapagkat ito'y winasak!
    Ang Kiryataim ay nalagay sa kahihiyan, ito'y nasakop;
ang mataas na tanggulan ay nalagay sa kahihiyan at nawasak.
    Wala nang papuri para sa Moab.
Sa Hesbon ay nagbalak sila ng kasamaan laban sa kanya:
    ‘Halikayo, at ihiwalay natin siya sa pagiging bansa!’
Ikaw rin, O Madmen, ay dadalhin sa katahimikan;
    hahabulin ka ng tabak.

“Makinig! Isang sigaw mula sa Horonaim,
    ‘Pagkasira at malaking pagkawasak!’
Ang Moab ay wasak;
    ang kanyang maliliit ay sumisigaw.
Sapagkat sa gulod ng Luhith
    ay umaahon sila na umiiyak;
sapagkat sa paglusong sa Horonaim
    ay narinig nila ang sigaw ng pagkawasak.
Tumakas kayo, iligtas ninyo ang inyong mga buhay!
    Kayo'y maging gaya ng mailap na asno sa ilang.

Sapagkat, yamang ikaw ay nagtiwala sa iyong mga tanggulan at sa iyong mga kayamanan,
    ikaw man ay kukunin rin;
at si Cemos ay tutungo sa pagkabihag,
    kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno.
Ang manglilipol ay darating sa bawat lunsod,
    at walang lunsod na makakatakas;
ang libis ay wawasakin,
    at ang kapatagan ay masisira,
    gaya ng sinabi ng Panginoon.

“Bigyan ng mga pakpak ang Moab,
    upang siya'y makalipad papalayo;
ang kanyang mga lunsod ay masisira,
    na walang maninirahan sa mga iyon.

10 “Sumpain nawa siya na may kapabayaang gumagawa ng gawain ng Panginoon; at sumpain siya na iniuurong ang kanyang tabak sa pagdanak ng dugo.

11 “Ang Moab ay tiwasay mula sa kanyang kabataan,
    at nagpahinga sa kanyang mga latak,
hindi pa siya isinasalin mula sa isang sisidlan patungo sa isa pa,
    ni dinala man siya sa pagkabihag:
kaya't narito, ang kanyang lasa ay nananatili sa kanya,
    at ang kanyang bango ay hindi pa nababago.

12 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magsusugo sa kanya ng mga magtutumba, at siya'y kanilang itutumba, at aalisin nila ang laman ng kanyang mga sisidlan, at magdudurog ng kanilang mga banga.

13 Kung gayo'y ikahihiya ng Moab si Cemos, kung paanong ang sambahayan ni Israel ay ikinahiya ang Bethel, na kanilang pinagtiwalaan.

14 “Paano ninyo nasasabi, ‘Kami ay malalakas na mandirigma,
    at magigiting na lalaki sa labanan’?
15 Ang Moab ay winasak at ang mga tao ay umahon sa kanyang mga lunsod;
    at ang kanyang mga piling kabataan ay nagsibaba sa katayan,
sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.
16 Ang pagkasalanta ng Moab ay malapit nang dumating,
    at ang kanyang pagkapinsala ay nagmamadali.
17 Tangisan ninyo siya, kayong lahat na nasa palibot niya,
    at ninyong lahat na nakakakilala sa kanyang pangalan;
inyong sabihin, ‘Paanong nabali ang makapangyarihang setro,
    ang maluwalhating tungkod!’

18 “Bumaba ka mula sa inyong kaluwalhatian,
    at umupo ka sa tigang na lupa,
    O anak na babae na nakatira sa Dibon!
Sapagkat ang manglilipol ng Moab ay umahon laban sa iyo,
    giniba niya ang iyong mga muog.
19 Tumayo ka sa tabing daan at magmasid,
    O mamamayan ng Aroer!
Tanungin mo siya na tumatakbo at siya na tumatakas;
    iyong sabihin, ‘Ano ang nangyari?’
20 Ang Moab ay nalagay sa kahihiyan; sapagkat ito'y nagiba;
    kayo ay tumangis at sumigaw!
Sabihin ninyo sa may Arnon,
    na ang Moab ay winasak na.

21 “Ang hatol ay dumating din sa kapatagan, sa Holon, Jaza, at laban sa Mefaat,

22 sa Dibon, Nebo, at Bet-diblataim,

23 laban sa Kiryataim, Bet-gamul, at Bet-meon;

24 laban sa Kiryot, Bosra, at sa lahat ng bayan ng lupain ng Moab, malayo at malapit.

25 Ang sungay ng Moab ay naputol, at ang kanyang bisig ay nabali, sabi ng Panginoon.

26 “Lasingin ninyo siya, sapagkat siya'y nagmalaki laban sa Panginoon; upang ang Moab ay maglubalob sa kanyang suka, at siya man ay magiging katatawanan.

27 Hindi ba naging katatawanan ang Israel sa iyo? Siya ba'y natagpuang kasama ng mga magnanakaw, na tuwing pag-uusapan ninyo siya ay napapailing ka?

28 “Iwan ninyo ang mga lunsod, at kayo'y manirahan sa malaking bato;
    O mga mamamayan ng Moab.
Maging gaya kayo ng kalapati na nagpupugad
    sa mga tabi ng bunganga ng bangin.
29 Nabalitaan namin ang kapalaluan ng Moab,
    labis niyang ipinagmamalaki
ang kanyang kataasan, ang kanyang kapalaluan, ang kanyang kahambugan,
    at ang kayabangan ng kanyang puso.
30 Alam ko ang kanyang bagsik, sabi ng Panginoon,
    ngunit iyon ay walang kabuluhan,
    ang kanyang kahambugan ay walang nagawa.
31 Kaya't tatangisan ko ang Moab;
    ako'y sisigaw para sa buong Moab,
    nagluluksa ako para sa mga tao ng Kir-heres.
32 Tatangis ako para sa iyo nang higit kaysa pagtangis ko sa Jazer,
    O punong ubas ng Sibma!
Ang iyong mga sanga ay lumampas sa dagat,
    at umabot hanggang sa Jazer,[a]
sa iyong mga bungang tag-init at sa iyong ani
    ay dumaluhong ang manglilipol.
33 Kaya't ang tuwa at kagalakan ay inalis
    sa mabungang lupain, sa lupain ng Moab;
aking pinatigil ang alak sa mga pisaan ng alak;
    walang pumipisa nito na may mga sigaw ng kagalakan;
    ang sigawan ay hindi sigawan ng kagalakan.

34 “Ang Hesbon at Eleale ay sumisigaw; hanggang sa Jahaz ay naglakas sila ng kanilang tinig, mula sa Zoar hanggang sa Horonaim at sa Eglat-shelishiya. Sapagkat ang tubig ng Nimrim ay mawawasak din.

35 At wawakasan ko sa Moab, sabi ng Panginoon, ang naghahandog sa mataas na dako, at nagsusunog ng insenso sa kanyang mga diyos.

36 Kaya't ang aking puso ay tumatangis na gaya ng plauta dahil sa Moab, at ang aking puso ay tumatangis na gaya ng plauta dahil sa mga lalaki sa Kir-heres; kaya't ang kayamanan na kanilang tinamo ay naglaho.

37 “Sapagkat bawat ulo ay inahit, at bawat balbas ay ginupit; sa lahat ng mga kamay ay may mga kudlit, at sa mga baywang ay may damit-sako.

38 Sa lahat ng mga bubungan ng Moab at sa mga liwasan ay pawang mga panaghoy; sapagkat aking binasag ang Moab na parang sisidlan na walang nagmamalasakit, sabi ng Panginoon.

39 Ito'y wasak na wasak! Napakalakas ng kanilang pagtangis! Ang Moab ay tumalikod sa kahihiyan! Kaya't ang Moab ay naging tampulan ng pagkutya at panghihilakbot sa lahat ng nasa palibot niya.”

40 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:

“Narito, may lilipad na kasimbilis ng agila
    at magbubuka ng kanyang mga pakpak laban sa Moab.
41 Ang Kiryot ay nasakop
    at ang mga muog ay naagaw.
Sa araw na iyon, ang puso ng mga mandirigma ng Moab
    ay magiging parang puso ng babaing manganganak.
42 Ang Moab ay mawawasak at hindi na magiging isang bayan,
    sapagkat siya'y nagmalaki laban sa Panginoon.
43 Sindak, hukay, at bitag
    ay nasa harapan mo, O naninirahan sa Moab, sabi ng Panginoon.
44 Siyang tumatakas sa pagkasindak
    ay mahuhulog sa hukay,
at siyang umaahon sa hukay
    ay mahuhuli ng bitag.
Sapagkat dadalhin ko ang mga bagay na ito sa Moab,
    sa taon ng kanilang kaparusahan, sabi ng Panginoon.

45 “Ang mga nagsisitakas ay humintong walang lakas
    sa lilim ng Hesbon,
sapagkat may apoy na lumabas sa Hesbon,
    isang alab mula sa bahay ng Sihon.
Nilamon nito ang noo ng Moab,
    ang tuktok ng mga anak ng kaguluhan.
46 Kahabag-habag ka, O Moab!
    Ang bayan ni Cemos ay wala na;
sapagkat ang iyong mga anak na lalaki ay dinalang-bihag,
    at ang iyong mga anak na babae ay dinala sa pagkabihag.
47 Gayunma'y panunumbalikin ko ang kapalaran ng Moab
    sa mga huling araw, sabi ng Panginoon.”
Hanggang dito ang hatol sa Moab.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001