Beginning
Si Elkana at ang Kanyang Sambahayan sa Shilo
1 May isang lalaking taga-Ramataim-zofim sa lupaing maburol ng Efraim na ang pangalan ay Elkana na anak ni Jeroham, na anak ni Eliu, na anak ni Tohu, na anak ni Zuf na Efraimita.
2 Siya'y may dalawang asawa. Ang pangalan ng isa'y Ana at ang isa pa ay Penina. Si Penina ay may mga anak ngunit si Ana ay walang anak.
3 Ang lalaking ito ay pumupunta taun-taon mula sa kanyang lunsod upang sumamba at maghandog sa Panginoon ng mga hukbo sa Shilo, na doon ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas ay mga pari ng Panginoon.
4 Kapag dumarating ang araw na si Elkana ay naghahandog, kanyang binibigyan ng mga bahagi si Penina na kanyang asawa at ang lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae;
5 ngunit si Ana ay binibigyan niya ng dobleng bahagi sapagkat minamahal niya si Ana, kahit na sinarhan ng Panginoon ang kanyang bahay-bata.
6 Siya ay labis na ginagalit ng kanyang kaagaw upang inisin siya, sapagkat sinarhan ng Panginoon ang kanyang bahay-bata.
7 Gayon ang nangyayari taun-taon. Tuwing pupunta siya sa bahay ng Panginoon ay ginagalit niya si Ana. Kaya't si Ana ay tumangis at ayaw kumain.
8 Sinabi ni Elkana na kanyang asawa, “Ana, bakit ka umiiyak? Bakit hindi ka kumakain? At bakit nalulungkot ang iyong puso? Hindi ba ako'y higit pa sa iyo kaysa sampung anak?”
Si Ana at Eli
9 Tumindig si Ana, pagkatapos na sila'y makakain at makainom sa Shilo. Noon, si Eli na pari ay nakaupo sa upuan niya sa tabi ng haligi ng pintuan ng templo ng Panginoon.
10 Si Ana[a] ay labis na nabagabag at nanalangin sa Panginoon.
11 Siya'y(A) gumawa ng ganitong panata: “O Panginoon ng mga hukbo, kung tunay na iyong titingnan ang pagdurusa ng iyong lingkod, at aalalahanin ako at hindi kalilimutan ang iyong lingkod, kundi iyong pagkakalooban ang iyong lingkod ng anak na lalaki, aking ibibigay siya sa Panginoon sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay, at walang pang-ahit na daraan sa kanyang ulo.”
12 Habang siya'y patuloy sa pananalangin sa harapan ng Panginoon, pinagmamasdan ni Eli ang kanyang bibig.
13 Si Ana ay tahimik na nananalangin; tanging ang kanyang mga labi ang gumagalaw, ngunit ang kanyang tinig ay hindi naririnig. Kaya't inakala ni Eli na siya'y lasing.
14 Kaya't sinabi ni Eli sa kanya, “Hanggang kailan ka magiging lasing? Alisin mo ang iyong alak.”
15 Ngunit sumagot si Ana, “Hindi, panginoon ko. Ako'y isang babaing lubhang naguguluhan. Hindi ako nakainom ng alak o inuming nakakalasing, kundi aking ibinubuhos ang aking kaluluwa sa harapan ng Panginoon.
16 Huwag mong ituring na babaing hamak ang iyong lingkod, sapagkat ako'y nagsasalita mula sa aking malaking pagkabalisa at pagkayamot.”
17 Nang magkagayo'y sumagot si Eli at sinabi, “Humayo kang payapa at ipagkaloob nawa sa iyo ng Diyos ng Israel ang kahilingan na idinulog mo sa kanya.”
18 At sinabi niya, “Makatagpo nawa ang iyong lingkod ng biyaya sa iyong paningin.” Sa gayo'y nagpatuloy ng kanyang lakad ang babae at kumain, at ang kanyang mukha'y hindi na malungkot.
Ipinanganak at Itinalaga si Samuel
19 Kinaumagahan, maaga silang bumangon at sumamba sa Panginoon, pagkatapos ay umuwi sa kanilang bahay sa Rama. At nakilala ni Elkana si Ana na kanyang asawa, at inalala siya ng Panginoon.
20 Sa takdang panahon, si Ana ay naglihi at nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samuel.[b] Sapagkat sinabi niya, “Hiningi ko siya sa Panginoon.”
21 At ang lalaking si Elkana at ang buong sambahayan niya ay naglakbay upang maghandog sa Panginoon ng taunang alay at upang tuparin ang kanyang panata.
22 Ngunit si Ana ay hindi naglakbay sapagkat sinabi niya sa kanyang asawa, “Sa sandaling ang bata'y maihiwalay sa pagsuso ay dadalhin ko siya upang siya'y humarap sa Panginoon, at manatili roon magpakailanman.”
23 Sinabi sa kanya ni Elkana na kanyang asawa, “Gawin mo ang inaakala mong pinakamabuti sa iyo. Maghintay ka hanggang sa maihiwalay mo siya sa pagsuso; lamang, nawa'y pagtibayin ng Panginoon ang kanyang salita.” Kaya't nanatili ang babae at inalagaan ang kanyang anak hanggang sa kanyang naihiwalay siya sa pagsuso.
24 Nang kanyang maihiwalay na siya sa pagsuso, kanyang isinama siya na may dalang tatlong guyang lalaki, at isang efang harina, at alak sa isang sisidlang balat; at kanyang dinala siya sa bahay ng Panginoon sa Shilo; at ang anak ay bata pa.
25 Pagkatapos ay kanilang pinatay ang guyang lalaki at dinala ang bata kay Eli.
26 Sinabi niya, “O panginoon ko! Habang ikaw ay buháy, aking panginoon, ako ang babaing nakatayo noon sa iyong harapan na dumadalangin sa Panginoon.
27 Dahil sa batang ito ako ay nanalangin, at ipinagkaloob sa akin ng Panginoon ang aking kahilingan na idinulog sa kanya.
28 Kaya't ipinapahiram ko siya sa Panginoon; habang siya'y nabubuhay, siya ay ipinahiram sa Panginoon.” At doon ay sumamba siya sa Panginoon.
Nanalangin si Ana
2 Si(B) Ana ay nanalangin din at sinabi,
“Nagagalak ang aking puso sa Panginoon;
ang aking lakas ay itinataas sa Panginoon.
Tinutuya ng aking bibig ang aking mga kaaway;
sapagkat ako'y nagagalak sa iyong kaligtasan.
2 “Walang banal na gaya ng Panginoon;
sapagkat walang iba maliban sa iyo,
walang batong gaya ng aming Diyos.
3 Huwag na kayong magsalita nang may kapalaluan;
huwag lumabas sa inyong bibig ang kahambugan;
sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng kaalaman,
at ang mga kilos ay kanyang tinitimbang.
4 Nabali ang mga pana ng mga makapangyarihan,
ngunit ang mahihina ay nagbigkis ng kalakasan.
5 Ang mga busog ay nagpaupa dahil sa tinapay;
subalit ang dating gutom, gutom nila'y naparam.
Ang baog ay pito ang isinilang,
ngunit ang may maraming anak ay namamanglaw.
6 Ang Panginoon ay pumapatay at bumubuhay;
siya ang nagbababa sa Sheol at nag-aahon.
7 Ang Panginoon ay nagpapadukha at nagpapayaman;
siya ang nagpapababa, at siya rin ay nagpaparangal.
8 Kanyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok,
itinataas niya ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
upang sila'y paupuing kasama ng mga pinuno,
at magmana ng trono ng karangalan.
Sapagkat ang mga haligi ng lupa ay sa Panginoon,
at sa mga iyon ay ipinatong niya ang sanlibutan.
9 “Kanyang iingatan ang mga paa ng kanyang mga banal;
ngunit ang masama ay ihihiwalay sa kadiliman;
sapagkat hindi dahil sa lakas na ang tao'y nagtatagumpay.
10 Ang mga kaaway ng Panginoon ay madudurog;
laban sa kanila sa langit siya'y magpapakulog.
Hahatulan ng Panginoon ang mga dulo ng lupa;
bibigyan niya ng kalakasan ang kanyang hari,
at itataas ang kapangyarihan ng kanyang hinirang.”
11 Pagkatapos si Elkana ay umuwi sa Rama. At ang batang lalaki ay naglingkod sa Panginoon sa harapan ni Eli na pari.
Ang mga Anak ni Eli
12 Ngayon, ang mga anak ni Eli ay mga lapastangan; wala silang pakundangan sa Panginoon,
13 o sa mga katungkulan ng mga pari sa mga taong-bayan. Kapag ang sinuma'y naghahandog ng alay, lumalapit ang lingkod ng pari habang ang laman ay pinakukuluan na may hawak sa kamay na pang-ipit na may tatlong pantusok.
14 Ilalagay niya ito sa kawali, o sa kawa, o sa kaldero, o sa palayok at lahat ng mahahango ng pantusok ay kukunin ng pari para sa kanyang sarili. Gayon ang ginagawa nila sa Shilo sa lahat ng mga Israelitang nagpupunta roon.
15 Bukod dito, bago nila sunugin ang taba, lalapit ang lingkod ng pari at sasabihin sa lalaking naghahandog, “Bigyan mo ng maiihaw na laman ang pari, sapagkat hindi siya tatanggap mula sa iyo ng lutong laman, kundi hilaw.”
16 Kung sabihin ng lalaki sa kanya, “Sunugin muna nila ang taba at saka ka kumuha ng gusto mo,” ay sasabihin niya, “Hindi, dapat mong ibigay na ngayon; at kung hindi, ay kukunin ko nang sapilitan.”
17 Kaya't ang kasalanan ng mga kabataang iyon ay napakalaki sa harap ng Panginoon; sapagkat winalang kabuluhan ng mga tao ang handog sa Panginoon.
Si Samuel sa Shilo
18 Si Samuel ay naglilingkod sa harap ng Panginoon, isang batang may bigkis na linong efod.
19 At iginagawa siya noon ng kanyang ina ng isang munting balabal at dinadala sa kanya taun-taon, kapag siya'y umaahong kasama ng kanyang asawa upang maghandog ng taunang alay.
20 Binabasbasan naman ni Eli si Elkana at ang kanyang asawa at sinasabi, “Bigyan ka nawa ng Panginoon ng binhi sa babaing ito para sa kahilingan na kanyang hiniling sa Panginoon.”[c] Pagkatapos sila'y umuuwi sa kanilang sariling bahay.
21 Dinalaw ng Panginoon si Ana at siya'y naglihi, at nagkaanak ng tatlong lalaki at dalawang babae. At ang batang si Samuel ay lumaki sa harapan ng Panginoon.
Si Eli at ang Kanyang mga Anak
22 Ngayon si Eli ay napakatanda na. Kanyang nabalitaan ang lahat ng ginagawa ng kanyang mga anak sa buong Israel, at kung paanong sila'y sumisiping sa mga babae na naglilingkod sa pintuan ng toldang tipanan.
23 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginagawa ang mga gayong bagay? Sapagkat nababalitaan ko sa buong bayan ang inyong masasamang gawain.
24 Huwag, mga anak ko; sapagkat hindi mabuting balita ang naririnig ko na ikinakalat ng bayan ng Panginoon.
25 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa isang tao, ang Diyos ay mamamagitan para sa kanya; ngunit kung ang isang tao ay magkasala laban sa Panginoon, sino ang mamamagitan para sa kanya?” Subalit ayaw nilang pakinggan ang tinig ng kanilang ama, sapagkat kalooban ng Panginoon na patayin sila.
26 Ang(C) batang si Samuel ay patuloy na lumaki sa pangangatawan at gayundin sa pagbibigay-lugod sa Panginoon at sa mga tao.
Ang Propesiya Laban sa Sambahayan ni Eli
27 Dumating kay Eli ang isang tao ng Diyos at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ipinahayag ko ang aking sarili sa sambahayan ng iyong ama nang sila'y nasa Ehipto, nang sila'y mga alipin sa sambahayan ni Faraon.
28 Pinili(D) ko siya mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang maging pari ko, upang maghandog sa aking dambana, upang magsunog ng insenso, at magsuot ng efod sa harap ko. Ibinigay ko sa sambahayan ng iyong ama ang lahat ng mga handog ng mga anak ni Israel na pinaraan sa apoy.
29 Bakit niyuyurakan ninyo ang aking mga alay at ang aking handog na aking iniutos, at iyong pinararangalan ang iyong mga anak nang higit kaysa akin, upang kayo'y magpakataba sa mga pinakapiling bahagi sa bawat handog ng Israel na aking bayan?’
30 Kaya't ipinahahayag ng Panginoong Diyos ng Israel, ‘Aking ipinangako na ang iyong sambahayan, at ang sambahayan ng iyong ama ay lalakad sa harapan ko magpakailanman.’ Ngunit ipinahahayag ngayon ng Panginoon, ‘Malayo sa akin; sapagkat ang mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalan, at ang mga humahamak sa akin ay mawawalan ng kabuluhan.
31 Tingnan mo, ang mga araw ay dumating na aking puputulin ang iyong bisig at ang bisig ng sambahayan ng iyong ama, upang huwag magkaroon ng matanda sa iyong sambahayan.
32 At sa kapighatian ay iyong mamasdan na may pagkainggit ang buong kasaganaan na ibibigay ng Diyos sa Israel; at hindi na magkakaroon ng matanda sa iyong sambahayan magpakailanman.
33 Ang lalaki mula sa iyo na hindi ko ihihiwalay sa aking dambana ay maliligtas sa pagluha ng kanyang mga mata at pamamanglaw ng kanyang puso; at ang lahat ng naparagdag sa iyong sambahayan ay mamamatay sa kanilang kabataan.
34 Ang(E) mangyayari sa iyong dalawang anak na sina Hofni at Finehas ay magiging tanda sa iyo. Sila'y kapwa mamamatay sa iisang araw.
35 Ako'y magbabangon para sa akin ng isang tapat na pari, na gagawa nang ayon sa nilalaman ng aking puso at pag-iisip. Ipagtatayo ko siya ng panatag na sambahayan; at siya'y maglalabas-masok sa harap ng aking binuhusan ng langis magpakailanman.
36 Bawat isang naiwan sa iyong sambahayan ay lalapit at magmamakaawa sa kanya para sa isang pirasong pilak at sa isang pirasong tinapay, at magsasabi, Hinihiling ko sa iyo na ilagay mo ako sa isa sa mga katungkulang pagkapari, upang makakain ako ng isang subong tinapay.’”
Nagpakita ang Panginoon kay Samuel
3 Ang batang si Samuel ay naglilingkod sa Panginoon sa harap ni Eli. At ang salita ng Panginoon ay bihira noong mga araw na iyon; hindi madalas ang pangitain.
2 Nang panahong iyon, si Eli na ang paningin ay nagsimula nang lumabo, kaya't siya'y hindi makakita, ay nakahiga sa kanyang silid.
3 Ang ilawan ng Diyos ay hindi pa namamatay at si Samuel ay nakahiga sa loob ng templo ng Panginoon na kinaroroonan ng kaban ng Diyos;
4 at tumawag ang Panginoon, “Samuel! Samuel!” at kanyang sinabi, “Narito ako!”
5 Siya'y tumakbo kay Eli, at sinabi, “Narito ako, sapagkat tinawag mo ako.” At kanyang sinabi, “Hindi ako tumawag; mahiga ka uli.” Siya'y umalis at nahiga.
6 Muling tumawag ang Panginoon, “Samuel.” Bumangon si Samuel at naparoon kay Eli, at sinabi, “Narito ako, sapagkat ako'y tinawag mo.” Siya'y sumagot, “Hindi ako tumawag, anak ko; mahiga ka uli.”
7 Hindi pa nakikilala ni Samuel ang Panginoon at ang salita ng Panginoon ay hindi pa nahahayag sa kanya.
8 Sa ikatlong pagkakataon ay muling tinawag ng Panginoon si Samuel. At siya'y bumangon, at naparoon kay Eli, at sinabi, “Narito ako; sapagkat ako'y iyong tinawag.” At nalaman ni Eli na tinatawag ng Panginoon ang bata.
9 Kaya't sinabi ni Eli kay Samuel, “Humayo ka, mahiga ka; at kung tatawagin ka niya ay iyong sasabihin, ‘Magsalita ka, Panginoon; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.’” Kaya't humayo si Samuel at nahiga sa kanyang lugar.
10 At ang Panginoon ay dumating at tumayo, at tumawag na gaya nang una, “Samuel! Samuel!” Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel, “Magsalita ka; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.”
11 Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Tingnan mo, malapit na akong gumawa ng isang bagay sa Israel na magpapapanting sa dalawang tainga ng bawat nakikinig.
12 Sa araw na iyon ay aking tutuparin laban kay Eli ang lahat ng aking sinabi tungkol sa kanyang sambahayan, mula sa pasimula hanggang sa wakas.
13 Sapagkat sinabi ko sa kanya na malapit ko nang parusahan ang kanyang sambahayan magpakailanman, dahil sa kasamaan na kanyang nalalaman, sapagkat ang kanyang mga anak ay lumalapastangan sa Diyos, at sila'y hindi niya sinaway.
14 Kaya't ako'y sumumpa sa sambahayan ni Eli na ang kasamaan ng sambahayan ni Eli ay hindi mapapawi ng alay o handog magpakailanman.”
15 Nahiga si Samuel hanggang sa kinaumagahan, at pagkatapos ay binuksan niya ang mga pintuan ng bahay ng Panginoon. Takot si Samuel na sabihin kay Eli ang pangitain.
16 Subalit tinawag ni Eli si Samuel at sinabi, “Samuel, anak ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”
17 Kanyang itinanong, “Ano ang sinabi niya sa iyo? Nakikiusap ako sa iyo na huwag mong ilihim sa akin. Gawin ng Diyos sa iyo, at higit pa, kung ililihim mo sa akin ang anumang bagay sa lahat ng kanyang sinabi sa iyo.”
18 Kaya't isinalaysay sa kanya ni Samuel ang lahat ng bagay at hindi naglihim ng anuman sa kanya. At kanyang sinabi, “Ang Panginoon nga iyon; gawin niya ang inaakala niyang mabuti para sa kanya.”
19 Lumaki si Samuel at ang Panginoon ay kasama niya, at hindi pinahintulutang ang alinman sa kanyang mga salita ay malaglag sa lupa.
20 Nalaman ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba na si Samuel ay itinatag bilang isang propeta ng Panginoon.
21 Nagpakitang muli ang Panginoon sa Shilo, sapagkat ipinakilala ng Panginoon ang kanyang sarili kay Samuel sa Shilo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001