Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Pahayag 1-3

Paunang Salita

Ito ang pahayag ni Jesucristo na ibinigay ng Diyos sa kaniya upang ipakita sa kaniyang mga alipin kung anong mga bagay ang malapit nang mangyari. Ito ay kaniyang pinatotohanan nang ipinadala niya ito sa kaniyang aliping si Juan sa pamamagitan ng kaniyang anghel.

Anuman ang nakita ni Juan, pinatotohanan niya ang salita ng Diyos at ang patotoo tungkol kay Jesucristo. Pinagpala siya na bumabasa at sila na nakikinig sa mga salita ng pahayag at tumutupad sa mga bagay na nasusulat dito.

Mga Pagbati at Papuri

Akong si Juan ay sumusulat sa pitong iglesiya na nasa Asya.

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa kaniya na siyang kasalukuyan, na siyang nakaraan at siyang darating pa at mula sa pitong Espiritu na nakaharap sa kaniyang trono.

Sumainyo din nawa ang biyaya at kapayapaang mula kay Jesucristo, ang tapat na saksi, ang panganay sa mga patay at ang tagapamahala sa mga hari ng lupa.

Siya ang umibig sa atin at naghugas sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang dugo.

Ginawa niya tayo na maging mga hari at mga saserdote sa kaniyang Diyos at Ama. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian at kapama­halaan magpakailan pa man. Siya nawa.

Narito, dumarating siyang kasama ng mga alapaap at makikita siya ng bawat mata at ng mga tumusok sa kaniya. Dahil sa kaniya, ang lahat ng lipi ng tao sa lupa ay tatangis. Oo! Siya nawa.

Sinasabi ng Panginoon: Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas. Ako ang kasalukuyan, ang kahapon at ang darating. Ako ang Makapangyarihan sa lahat.

Kawangis ng Anak ng Tao

Akong si Juan ay inyong kapatid at inyong kasama sa mga paghihirap at sa paghahari at sa pagtitiis ni Jesucristo. Dahil sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesucristo, ako ay nasa pulo na kung tawagin ay Patmos.

10 Ako ay nasa Espiritu sa araw ng Panginoon. At narinig ko sa aking likuran ang malakas na tinig na katulad ng tunog ng isang trumpeta. 11 Sinabi nito: Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Isulat mo sa isang aklat ang anumang iyong makikita at ipadala mo ito sa mga iglesiya na nasa Asya, sa Efeso, sa Esmirna, sa Pergamo, sa Tiatira, Sardis, Filadelfia at Laodicia.

12 At ako ay lumingon upang tingnan ang tinig na nagsa­salita sa akin. Sa aking paglingon, nakita ko ang pitong gintong lagayan ng ilawan. 13 Sa kalagitnaan ng pitong gintong lagayan ng ilawan ay may isang katulad ng Anak ng Tao. Siya ay nakasuot ng isang kasuotan na umaabot sa paa. Siya ay may isang gintong pamigkis na nakabigkis sa palibot ng kaniyang dibdib. 14 Ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay katulad ng maputing lana, kasimputi ng niyebe. Ang kaniyang mga mata ay katulad ng alab ng apoy. 15 At ang kaniyang mga paa ay katulad ng makinang na tanso na katulad din ng pinakinang sa pugon. Ang kaniyang tinig ay katulad ng ugong ng maraming tubig. 16 Siya ay may pitong bituin sa kaniyang kanang kamay. At may lumabas sa kaniyang bibig na isang tabak na may dalawang talim. Ang kaniyang mukha ay katulad ng matinding sikat ng araw.

17 Nang makita ko siya, ako ay bumagsak sa kaniyang paanan na katulad ng isang taong patay. Ipinatong niya sa akin ang kaniyang kanang kamay at sinabi sa akin: Huwag kang matakot. Ako ang una at ang wakas. 18 Ako yaong nabubuhay at yaong namatay. Narito, ako ay buhay magpa­kailan pa man. Siya nawa. Nasa akin ang mga susi ng hades at ng kamatayan.

19 Isulat mo ang mga bagay na iyong nakikita, ang mga bagay na kasalukuyan at ang mga bagay na mangyayari pagkatapos nito. 20 Isulat mo ang hiwaga tungkol sa pitong bituin na iyong nakita sa kanang kamay ko at pitong gintong lagayan ng ilawan. Ito ang hiwaga: Ang pitong bituin ay ang mga anghel sa pitong iglesiya. At ang pitong lagayan ng ilawan na iyong nakita ay ang pitong iglesiya.

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Efeso

Isulat mo sa anghel ng iglesiya sa Efeso:

Ako na may hawak ng pitong bituin sa kaniyang kanang kamay, na lumalakad sa gitna ng pitong ginin­tuang lagayan ng ilawan, ang nagsasabi ng mga bagay na ito:

Nalalaman ko ang iyong mga gawa, ang iyong pagpapagal at ang iyong pagtitiis. Nalalaman kong hindi mo matanggap ang mga masasama. Sinubok mo ang mga nagpapanggap na mga apostol at napagkilala ngunit hindi naman. Natuklasan mong sila ay mga sinungaling. Ikaw ay nagpatuloy at nagtiis. Alang-alang sa aking pangalan ay nagpagal ka at hindi nanlupaypay.

Ngunit mayroon akong isang laban sa iyo. Ito ay: Tinalikdan mo ang iyong unang pag-ibig. Kaya nga, alalahanin mo kung saan ka nahulog. Magsisi ka at gawin mo ang mga gawang ginawa mo noong una. Ngunit kung hindi, papariyan ako agad sa iyo at aalisin ko ang lagayan ng iyong ilawan sa kinakalagyan nito maliban na ikaw ay magsisi. Ngunit nasa iyo ang bagay na ito. Napopoot ka sa mga gawa ng mga Nicolaita. Napopoot din ako sa mga gawa nila.

Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya. Sa sinumang magtatagumpay, ibibigay ko sa kaniya ang karapatang kumain sa bunga ng punong-kahoy ng buhay na nasa gitna ng halamanan ng Diyos.

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Esmirna

Sumulat ka sa anghel ng iglesiya sa Esmirna:

Ako yaong simula at wakas ang nagsasabi ng mga bagay na ito. Ako yaong namatay at muling nabuhay.

Nalalaman ko ang iyong mga gawa, ang iyong mga paghihirap at iyong karukhaan. Ngunit ikaw ay mayaman. Alam ko ang mga nagsasabing sila ay mga Judio ngunit hindi naman at ang kanilang pamumusong. Sila ay isang sinagoga ni Satanas. 10 Huwag mong kakatakutan ang lahat ng bagay na malapit mo nang danasin. Narito, ang ilan sa inyo ay malapit nang ipabilanggo ng diyablo upang kayo ay subukin. At magkakaroon ka ng paghihirap sa loob ng sampung araw. Maging tapat kayo kahit hanggang kamatayan at bibigyan ko kayo ng gantimpalang putong ng buhay.

11 Siya na may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya. Ang magtatagumpay ay hindi kailanman makakaranas ng ikalawang kamatayan.

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Pergamo

12 Sumulat ka sa anghel ng iglesiya sa Pergamo:

Ako na may matalas na tabak, na may dalawang talim, ay nagsasabi ng mga bagay na ito:

13 Nalalaman ko ang iyong mga gawa at kung saan ka nakatira. Nakatira ka sa kinaroroonan ng luklukan ni Satanas. Nanghawakan kang patuloy sa aking pangalan at hindi mo tinalikdan ang aking pananampalataya kahit sa araw na pinatay nila si Antipas na aking tapat na saksi sa inyong kalagitnaan, na tinatahanan ni Satanas.

14 Subalit mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo, sapagkat mayroon sa inyo na ang pinanghawakan ay ang katuruan ni Balaam. Tinuruan ni Balaam si Barak na maglagay ng katitisuran sa harap ng mga anak ni Israel. Ang katitisuran ay ang kumain sila ng mga inihain sa mga diyos-diyosan at sila ay nakiapid. 15 Sila rin yaong nanghahawakan sa katuruan ng mga Nicolaita, na kinapopootan ko. 16 Magsisi ka! Kung hindi ka magsisisi, kaagad akong pupunta riyan. Makikipaglaban ako sa kanila sa pamamagitan ng tabak sa aking bibig.

17 Ang may pandinig ay makinig kung ano ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya. Ibibigay ko sa magtatagumpay ang karapatang kumain ng manang itinago ng Diyos. Bibigyan ko siya ng isang puting bato kung saan isinulat ko ang isang bagong pangalan na walang sinumang nakaka­alam sa pangalan maliban lang sa makakatanggap nito.

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Tiatira

18 Sumulat ka sa anghel ng iglesiya sa Tiatira:

Ako na Anak ng Diyos ang nagsasabi ng mga bagay na ito: Ang aking mga mata ay katulad ng alab na apoy.Ang aking mga paa ay katulad ng makinang na tanso.

19 Nalalaman ko ang iyong mga gawa at ang iyong pag-ibig at ang iyong paglilingkod. Nalalaman ko ang inyong pananampalataya at pagtitiis. Alam ko ang huli mong mga gawa ay higit kaysa sa mga nauna mong mga gawa.

20 Mayroon akong ilang bagay laban sa iyo dahil pinahintulutan mo ang babaeng si Jezebel, na tinawag niya ang kaniyang sarili na babaeng propeta. Siya ay nagtuturo at inililigaw ang aking mga alipin upang sila ay makiapid at kumain ng mga inihain sa diyos-diyosan. 21 Binigyan ko siya ng panahon upang makapagsisi sa kaniyang pakikiapid. Ngunit hindi siya nagsisi. 22 Narito, inihagis ko siya sa isang higaan. Ang mga nangangalunya sa kaniya ay ihahagis ko sa isang dakilang paghihirap, kung hindi sila magsisisi sa kanilang mga gawa. 23 Papatayin ko ang kaniyang mga anak. At malalaman ng lahat ng iglesiya na ako yaong sumusuri sa kaloob-looban at sa mga puso. Ibibigay ko sa bawat isa sa inyo ayon sa kaniyang mga gawa. 24 Ngunit sinabi ko sa inyo at sa mga natitira sa Tiatira at sa sinumang wala sa ganitong katuruan at sa sinumang hindi nakakaalam sa tinatawag na malalalim na bagay ni Satanas: Wala akong ibang pasaning ibibigay sa inyo. 25 Ang sinasabi ko lang: Maghawakan kayo sa mga bagay na taglay na ninyo hanggang sa aking pagdating.

26 Ang magtatagumpay at ang tutupad ng aking mga gawa hanggang sa wakas ay bibigyan ko ng kapama­halaan sa mga bansa.

27 Mamamahala siya sa kanila bilang isang pastol sa pamamagitan ng isang bakal na tungkod, sa pamaraan ng pagdudurog ng isang tao sa palayok.

Ito ay katulad din sa paraan ng pagtanggap ko ng kapamahalaang mula sa aking Ama.

28 At ibibigay ko sa kaniya ang tala sa umaga. 29 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya.

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Sardis

Sumulat ka sa anghel ng iglesiya sa Sardis:

Ako na may taglay ng pitong Espiritu ng Diyos at ng pitong bituin ang nagsasabi ng mga bagay na ito: Nalalaman ko ang iyong mga gawa, mayroon kang pangalan na ikaw ay nabubuhay, ngunit ikaw ay patay.

Magbantay ka. Palakasin mo ang mga bagay na natitira na malapit nang mamatay sapagkat nasumpungan ko na ang inyong mga gawa ay hindi ganap sa paningin ng Diyos. Kaya nga, alalahanin mo kung papaano ka tumanggap at nakinig. Tuparin mo ito at magsisi ka. Kaya nga, kung hindi ka magbantay, ako ay paririyan sa iyo katulad ng isang magnanakaw. Kailanman ay hindi mo malalaman kung anong oras ako paririyan sa iyo.

Mayroon kang ilang tao sa Sardis na hindi narumihan ang kanilang mga kasuotan. Sila ay kasama kong lalakad na nararamtan ng maputing damit dahil sila ay karapat-dapat. Ang magtatagumpay ay daramtan ko ng maputing damit. Hindi ko buburahin kailanman ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay. Kikilalanin ko ang kaniyang pangalan sa harapan ng aking Ama at sa harapan ng kaniyang mga anghel. Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya.

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Filadelfia

Sumulat ka sa anghel ng iglesiya sa Filadelfia:

Ako ang Banal at Totoo. Ako ang may hawak ng susi ni David na nagbubukas at walang makakapagsara nito, nagsasara ako at walang makakapagbukas nito.

Nala­laman ko ang iyong mga gawa, narito, inilagay ko sa harap mo ang isang pintuang bukas at walang makaka­pagsara nito sapagkat kaunti ang iyong lakas at tinupad mo ang aking salita at hindi mo ipinagkaila ang aking pangalan. Narito, sinasabi ko ito sa kanila na kabahagi ng sinagoga ni Satanas, yaong mga nagsasabi na sila ay mga Judio at hindi naman. Subalit sila ay nagsinungaling. Narito, palalapitin ko sila upang magpatirapa sa iyong paanan. Ipaaalam ko sa kanila na iniibig kita. 10 Dahil tinupad mo ang aking salita na ikaw ay dapat maging matiisin, iingatan kita sa panahong ito ng pagsubok na darating na sa mga tao sa buong sanlibutan upang subukin ang mga naninirahan sa lupa.

11 Narito, darating na ako agad. Panghawakan mo ang anumang iyong tinataglay upang walang sinumang makakuha ng iyong gantimpalang putong. 12 Ang magta­tagumpay ay gagawin kong isang haligi sa banal na dako ng aking Diyos. Siya ay hindi na lalabas kailanman. Isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Diyos at ang pangalan ng lungsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem na bumababang galing sa langit mula sa aking Diyos. Isusulat ko sa kaniya ang bago kong pangalan. 13 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya.

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Laodicea

14 Isulat mo sa anghel ng iglesiya sa Laodicea:

Ako, na tinatawag na Siya nawa, ang tapat at totoong saksi, ang pasimula ng mga nilalang ng Diyos, ang nagsa­sabi ng mga bagay na ito:

15 Nalalaman ko ang iyong mga gawa na ikaw ay hindi malamig o mainit. Ang nais ko ay maging malamig ka o mainit. 16 Kaya nga, sapagkat ikaw ay maligamgam, hindi malamig o mainit, isusuka na kita mula sa aking bibig. 17 Sinasabi mo: Ako ay mayaman. Ako ay naging mayaman at hindi nanga­ngailangan ng anuman. Hindi mo alam na ikaw ay sawim­palad, nararapat kahabagan, maralita, bulag at hubad. 18 Dahil dito, pinapayuhan kita na bumili ng ginto mula sa akin na dinalisay ng mga tao sa apoy upang yumaman ka. Bumili ka ng maputing damit upang ikaw ay mabi­hisan. Sa ganitong paraan ay hindi makikita ng mga tao ang kahihiyan ng iyong kahubaran. Pahiran mo ang iyong mga mata ng gamot para sa mata upang makakita ka.

19 Sinasaway ko at sinusupil ko ang aking mga minamahal. Kaya nga, magsumigasig ka at magsisi. 20 Narito, ako ay nakatayo sa pintuan at patuloy na kumakatok. Kapag marinig ng sinuman ang aking tinig at magbukas ng pinto, ako ay papasok sa kaniya. Ako ay maghahapunang kasama niya at siya ay kakaing kasama ko.

21 Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng karapatang maupong kasama ko sa aking trono, katulad din ng aking pagtatagumpay. At ako ay umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang trono. 22 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International