Beginning
1 Ako na isang matanda ay sumusulat sa hinirang na ginang at sa kaniyang mga anak na aking iniibig sa katotohanan. Hindi lamang ako ang umiibig sa inyo kundi kasama rin ang lahat ng nakakilala ng katotohanan. 2 Minamahal ko kayo alang-alang sa katotohanang nananatili sa atin at mamamalagi sa atin magpakailanman.
3 Sumainyo ang biyaya, kahabagan at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa Panginoong Jesucristo, ang Anak ng Ama sa katotohanan at sa pag-ibig.
4 Labis akong nagagalak na makita ko ang inyong mga anak na lumalakad sa katotohanan, ayon sa tinanggap nating utos mula sa Ama. 5 Ngayon ay nakikiusap ako sa iyo, ginang, hindi sa waring sumusulat ako sa iyo ng isang bagong utos kundi yaong tinanggap na natin buhat pa sa pasimula. Ito ay ang mag-ibigan tayo sa isa’t isa. 6 Ganito ang pag-ibig: Lumakad tayo ayon sa kaniyang mga kautusan. Ito ang utos na inyong narinig buhat pa sa pasimula na siyang dapat ninyong lakaran.
7 Maraming manlilinlang ang narito na sa sanlibutan. Sila yaong mga ayaw kumilala na si Jesucristo ay nagkatawang-tao. Ang ganitong tao ay isang mandaraya at anticristo. 8 Ingatan ninyo ang inyong sarili upang huwag mawala sa atin ang mga bagay na ating pinagpagalan kundi matanggap natin ang buong gantimpala. 9 Sa sinumang sumasalangsang at hindi nananatili sa aral ni Cristo ay wala sa kaniya ang Diyos. Siya na nananatili sa aral ni Cristo, ang Ama at ang Anak ay nasa kaniya. 10 Kung may dumating sa inyo at hindi dala ang aral na ito, huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, ni batiin man. 11 Ito ay sapagkat ang sinumang bumabati sa kaniya ay nakikibahagi sa kaniyang masasamang gawa.
12 Maraming bagay akong isusulat sa inyo ngunit hindi ko ibig na isulat sa pamamagitan ng papel at tinta. Umaasa akong makapariyan sa inyo at makausap kayo ng mukhaan upang malubos ang ating kagalakan.
13 Binabati ka ng mga anak ng kapatid mong babaeng hinirang. Siya nawa!
1 Ako na isang matanda ay sumulat sa pinakamamahal na Gayo na aking iniibig sa katotohanan. 2 Minamahal, ang hangad ko ay sumagana ka sa lahat ng bagay at magkaroon ka ng mabuting kalusugan gaya naman ng kasaganaang taglay ng iyong kaluluwa. 3 Labis akong nagalak nang dumating ang mga kapatid at nagpatotoo patungkol sa katotohanan na nasa iyo at kung paano ka lumalakad sa katotohanan. 4 Wala nang hihigit pang kagalakan sa akin kundi ang marinig ko na ang aking mga anak ay lumalakad sa katotohanan.
5 Minamahal, ginagawa mong may katapatan ang anumang iyong ginagawa sa mga kapatid at sa mga dayuhan. 6 Sila ang mga nagpapatotoo sa iglesiya patungkol sa iyong pag-ibig. Sa tuwing tinutulungan mo sila sa kanilang paglalakbay sa paraang karapat-dapat sa Diyos. Mabuti ang ginagawa mo. 7 Ito ay sapagkat sila ay humayo alang-alang sa kaniyang pangalan na walang kinuhang anuman sa mga Gentil. 8 Kaya nga, dapat nating tanggapin ang mga tulad nila upang makasama natin sila sa paggawa ng katotohanan.
9 Sumulat ako sa iglesiya ngunit hindi kami tinatanggap ni Diotrefes na ibig maging pinakamataas sa kanilang lahat. 10 Kaya nga, kung makapunta ako riyan, ipapaala-ala ko sa kaniya ang mga ginawa niyang paninira laban sa amin sa pamamagitan ng masasamang salita. At hindi pa siya nasiyahan sa ganito. Hindi rin niya tinanggap ang mga kapatid at pinagbabawalan ang mga ibig tumanggap sa kanila at itinataboy sila mula sa iglesiya.
11 Minamahal, huwag ninyong tularan ang masama kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay mula sa Diyos ngunit ang gumagawa ng masama ay hindi pa nakakita sa Diyos. 12 Maganda ang patotoo ng lahat tungkol kay Demetrio, maging ang katotohanan mismo ay nagpapatotoo sa kaniya. Kami ay nagpatotoo rin at alam ninyong ang aming patotoo ay tunay.
13 Maraming bagay pa akong isusulat ngunit hindi ko ibig na isulat sa iyo sa pamamagitan ng tinta at panulat. 14 Umaasa ako na makikita kita riyan kaagad at mag-uusap tayo ng mukhaan. Kapayapaan ang sumaiyo. Binabati ka ng mga kaibigan dito. Batiin mo ang mga kaibigan diyan sa kanilang mga pangalan.
1 Si Judas, ang alipin ni Jesucristo at kapatid ni Santiago. Sa mga tinawag at pinaging-banal ng Diyos Ama at iniingatan ni Jesucristo.
2 Ang kahabagan, kapayapaan at pag-ibig ay sumagana sa inyo.
Ang Kasalanan at Ang Wakas ng mga Taong Hindi Sumasamba sa Diyos
3 Mga minamahal, buong pagsisikap kong ninais na sulatan kayo patungkol sa kaligtasang tinanggap nating lahat. Kailangang sulatan ko kayo at ipagtagubilin sa inyo na inyong ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkatiwala minsan at magpakailanman sa mga banal. 4 Ito ay sapagkat lihim na nakapasok sa inyo ang ilang mga taong hindi maka-Diyos. Noon pang una ay nilagyan na sila ng tanda ng Diyos upang patawan ng kaparusahan. Pinapalitan nila ng kahalayan ang biyaya ng ating Diyos. Ikinakaila nila ang natatanging Panginoong Diyos at ang ating Panginoong Jesucristo.
5 Ngunit ibig ko pa ring ipaalala sa inyo kahit na nalalaman na ninyo ang mga bagay na ito noon. Iniligtas ng Panginoon ang kaniyang tao mula sa lupain ng Egipto ngunit nilipol niya ang hindi sumampalataya. 6 At ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating kalagayan, kundi iniwan ang kanilang tinatahanan, ay inilaan ng Diyos sa walang hanggang tanikala sa ilalim ng kadiliman para sa dakilang araw ng paghuhukom. 7 Gayundin ang ginawa sa lungsod ng Sodoma at Gomora at sa mga kalapit lungsod nito. Nagpakabuyo sila sa pakikiapid at mahalay na pagnanasa sa ibang laman. Sila ay naging halimbawa nang sila ay pumailalim sa parusa ng apoy na walang hanggan.
8 Gayundin ang mga taong ito. Sila ay mga taong nananaginip ng masama na dinudungisan ang kanilang laman. Tinatanggihan nila ang mga may kapangyarihan at nilalait nila ang mga maluwalhating nilalang. 9 Nang makipaglaban si arkanghel Miguel sa diyablo, nakipagtalo siya patungkol sa bangkay ni Moises. Sa kaniyang pakikipagtalo ay hindi siya nangahas na magbigay ng mapanglait na paghatol. Sa halip ay sinabi niya: Sawayin ka ng Panginoon. 10 Ngunit nilalait ng mga taong ito ang mga bagay na hindi nila nalalaman. Ngunit ang mga bagay na likas nilang nauunawaan ay ginagamit nila sa kanilang sariling kasiraan, tulad ng mga hayop na walang pag-iisip.
11 Sa aba nila! Ito ay sapagkat sumunod sila sa daan ni Cain. At sa pagnanais nila ng kabayarang salapi, bumulusok sila sa kalikuan ni Balaam. At gaya ni Core sila ay naghimagsik at nalipol.
12 Ang mga taong ito ay mga lubog na bato[a]sa inyong pagsasalu-salo sa hapag ng pag-ibig. Nakikisalo silang kasama ninyo nang walang takot, na ang sarili lamang nila ang kanilang pinangangalagaan. Sila ay parang ulap na walang tubig na dinadala ng mga hangin. Katulad din sila ng punong-kahoy na hindi namumunga kahit kapanahunan na, dalawang ulit nang namatay, binunot mula sa mga ugat. 13 Sila ay katulad ng mga malalaking alon sa dagat. Ang kanilang kahiya-hiyang gawain ay lumalabas gaya ng mga bula ng tubig. Sila ay katulad ng mga bituing naliligaw. Ang pusikit na kadiliman ay nakalaan para sa kanila magpakailanman.
14 Si Enoc na ikapitong saling lahi mula kay Adan ay naghayag ng Salita ng Diyos sa kanila. Sinabi niya: Narito, dumating ang Panginoon na kasama ang kaniyang libu-libong banal. 15 Ito ay upang silang lahat ay kaniyang hatulan at sumbatan ang lahat ng mga hindi maka-diyos na kasama nila. Kasama ang mga gawa na ginawa nila sa hindi maka-diyos na paraan, at ang mga mapanglait na salita na sinabi laban sa kaniya ng mga makasalanan, na mga hindi maka-diyos. 16 Ang mga taong ito ay laging dumadaing at laging umaangal. Lumalakad sila ayon sa kanilang masamang layunin. Sila ay nagsasalita ng mga salitang mapagmalaki at nagsasalita ng pakunwaring papuri sa mga tao upang sila ay makinabang.
Panawagan para Manatiling Matatag
17 Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga salita na ipinaliwanag na sa inyo noon pang una ng mga apostol ng ating Panginoong Jesucristo.
18 Sinabi nila sa inyo na sa huling araw ay lilitaw ang mga manlilibak. Sila ay lalakad ayon sa sarili nilang masamang hangarin at ng hindi pagkilala sa Diyos. 19 Ang mga ito ang lumikha ng pagkakabaha-bahagi. Sila ay lumalakad ayon sa kanilang likas na pagkatao at wala sa kanila ang Espiritu.
20 Ngunit kayo, mga minamahal, patatagin ninyo ang inyong sarili sa napakabanal na pananampalatya. Manalangin kayo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 21 Habang naghihintay kayo, panatilihin ninyo ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos. Hintayin ninyo ang habag ng ating Panginoong Jesucristo na patungo sa walang hanggang buhay. 22 Kahabagan ninyo ang mga nag-aalinlangan. 23 Sagipin ninyong may takot ang iba, agawin ninyo sila mula sa apoy. Gayundin, kapootan ninyo kahit ang damit na nadungisan ng laman.
Papuri
24 Ang Diyos ang makapag-iingat sa inyo mula sa pagkakatisod at makapaghaharap sa inyo nang walang kapintasan na may malaking galak sa harapan ng kaniyang kaluwalhatian.
25 Sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sumakaniya ang kapurihan at kadakilaan, ang kapangyarihan at kapamahalaan mula ngayon at magpakailanman. Siya nawa!
Copyright © 1998 by Bibles International