Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
2 Tesalonica 1-3

Akong si Pablo na kasama si Silvano at si Timoteo ay sumusulat sa iglesiya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesucristo.

Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesucristo.

Pagpapasalamat at Panalangin

Mga kapatid, nararapat lamang na kami ay laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo sapagkat ang inyong pananampalataya ay lalong lumalago at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo ay sumasagana at ito rin ay sumasagana sa lahat para sa isa’t isa.

Kaya nga, para sa amin, kayo ay ipinag­mamalaki namin sa mga iglesiya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga pag-uusig at mga paghihirap na inyong tinitiis.

Ang mga ito ang katibayan ng makatarungang paghatol ng Diyos na kayo ay ariing karapat-dapat na mapabilang sa kaharian ng Diyos. Alang-alang sa kaharian ng Diyos, kayo ay natitiis. Makatarungan para sa Diyos na gantihan ng paghihirap ang mga nagpapahirap sa inyo. Gantihan din kayo ng Diyos ng kapahingahan kasama namin, sa inyo na mga nagbata ng kahirapan, sa araw na ang Panginoong Jesucristo ay mahahayag mula sa langit kasama ng kaniyang makapang­yarihang mga anghel. Sa pamamagitan ng naglalagablab na apoy ay maghihiganti siya sa kanila na hindi nakakakilala sa Diyos at sila na hindi sumunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo. Daranasin nila ang kaparusahang walang hanggang kapahamakan. Ito ay ang pagkahiwalay mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kalakasan. 10 Sa araw na iyon ng kaniyang pagdating, siya ay luwalhatiin ng kaniyang mga banal at kamanghaan ng lahat ng sumasampalataya. Ito ay sapagkat ang patotoo namin sa inyo ay inyong sinampalatayanan.

11 Dahil din dito, lagi namin kayong idinadalangin na ibilang kayo ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag na ito. Idinadalangin din namin na ganapin ng Diyos ang bawat mabuting kaluguran sa kabutihan at gawa ng pananampalataya sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan. 12 Ito ay upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesucristo ay maluwalhati sa inyo at kayo sa kaniya ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesucristo.

Ang Tao ng Kasalanan

Ngayon, mga kapatid, sa pamamagitan ng pagparito ng ating Panginoong Jesucristo at sa ating pagkakatipon sa kaniya, nakikiusap kami sa inyo.

Huwag madalaling magu­luhan ang inyong pag-iisip, ni magulumihanan sa pamamagitan man ng espiritu, o salita, o sulat na sinasabi ng mga tao na galing sa amin, na para bang ang araw ng Panginoon ay dumating na. Huwag ninyong hayaan na kayo ay madaya ng sinuman sa anumang paraan sapagkat ang araw na iyon ay hindi darating malibang mangyari muna ang pagtalikod sa pananampalataya at mahayag ang tao ng kasalanan, ang anak ng paglipol. Siya ay sasalungat sa Diyos at itinataas ang kaniyang sarili nang higit sa kanilang lahat na tinatawag na Diyos o sa anumang sinasamba. Sa gayon, siya ay papasok sa banal na dako ng Diyos at uupo bilang Diyos. Ipinahahayag niya ang kaniyang sarili na siya ang Diyos.

Hindi ba ninyo naaala-ala na ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo nang ako ay kasama pa ninyo? Ngayon, alam ninyo kung sino ang pumipigil sa kaniya upang siya ay mahayag sa kaniyang takdang panahon. Ito ay sapagkat gumagawa na ang hiwaga ng kawalang pagkikilala sa kautusan ng Diyos. May pumipigil pa rito sa ngayon hanggang sa ang pumipigil ay maalis. Kung magkagayon, mahahayag siya na walang kinikilalang kautusan ng Diyos. Ang Panginoon ang pupuksa sa kaniya sa pamamagitan ng hininga ng kaniyang bibig. Sa pamamagitan ng kasinagan ng kaniyang pagdating at ang Panginoon ay siya ring magpapawalang-bisa sa taong iyon. Ang pagparito ng taong walang kinikilalang kautusan ng Diyos ay ayon sa paggawa ni Satanas ayon sa lahat ng uri ng kapangyarihan at mga tanda at mga kamangha-manghanggawa ng kasinungalingan. 10 Gagawa siya ng lahat ng daya ng kali­kuan sa kanila na napapahamak sapagkat hindi nila tinanggap ang pag-ibig ng katotohanan upang sila ay maligtas. 11 Dahil dito, ang Diyos ay magpapadala sa kanila ng maka­pangyarihang gawain ng panlilinlang upang sila ay mani­wala sa kasi­nungalingan. 12 Ito ay upang hatulan niya ang lahat ng hindi naniwala sa katotohanan kundi nasiyahan sa kalikuan.

Tumayo nang Matatag

13 Mga kapatid na minamahal ng Panginoon, nararapat na kami ay laging magpasalamat sa Diyos patungkol sa inyo. Ito ay sapagkat pinili kayo ng Diyos mula pa sa pasimula para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapaging-banal ng Espiritu at paniniwala sa katotohanan.

14 Tinawag niya kayo dito sa pamamagitan ng aming ebanghelyo upang matamo ninyo ang kalwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, tumayo kayong matatag at panghawakan ninyong matibay ang mga dating aral na itinuro sa inyo, maging ito man ay sa pamamagitan ng salita o sa pamamagitan ng aming sulat.

16 Ang ating Panginoong Jesucristo at ating Diyos Ama ay nagmahal sa atin at nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng biyaya. 17 Palakasin nawa niya ang inyong kalooban at patatagin nawa kayo sa lahat ng mabuting salita at gawa.

Humiling si Pablo Upang Ipanalangin

Sa katapus-tapusan, mga kapatid, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay lumaganap at luwalhatiin na tulad nang pagluwalhati ninyo.

At upang kami ay mailigtas mula sa mga taong liko at masama sapagkat hindi lahat ng tao ay mayroong pananampalataya. Ngunit matapat ang Panginoon na siyang magpapatatag sa inyo at mag-iingat sa inyo mula sa masama. Nagtitiwala kami sa Panginoon patungkol sa inyo na ang mga bagay na iniutos ko sa inyo ay inyong ginagawa at gagawin. Patnubayan ng Panginoon ang inyong mga puso patungo sa pag-ibig sa Diyos at patungo sa pagbabata ni Cristo.

Babala Laban sa Katamaran

Ngayon, mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo na kayo ay humiwalay sa bawat kapatid na tamad at hindi namumuhay ayon sa aral na tinanggap niya sa amin.

Kayo rin ang siyang nakakaalam kung papaanong kinakailangang tularan ninyo kami sapagkat hindi kami namuhay sa katamaran sa inyong kalagitnaan. Hindi rin kami kumain ng tinapay ng sinuman na walang bayad. Sa halip, sa pagpapagal at pagpapakapagod sa gawain, gumawa kami sa gabi at sa araw upang huwag kaming maging pasanin ng sinuman sa inyo. Ginawa namin ito hindi dahil sa kami ay walang kapamahalaan sa mga bagay na ito kundi upang maibigay namin sa inyo ang aming sarili na maging isang huwaran upang kami ay tularan ninyo. 10 Nang kasama ninyo kami, iniutos namin sa inyo na kung ang sinuman ay ayaw gumawa ay huwag ding siyang kumain.

11 Ito ay sapagkat nabalitaan namin na ang iba sa inyo ay namumuhay sa katamaran. Hindi man lang sila gumagawa, sa halip ay nakikialam pa sa mga bagay ng iba. 12 Sa gayong mga tao ay aming iniuutos at ipinagtatagubilin sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo na sila ay gumawa nang tahimik upang sila ay kumain ng sarili nilang mga pagkain. 13 Ngunit mga kapatid, huwag kayong panghinaan ng loob sa paggawa ng mabuti.

14 Kung ang sinuman ay hindi sumunod sa aming salita sa pamamagitan ng sulat na ito, tandaan ninyo ang taong iyon. Huwag kayong makisama sa kaniya upang siya ay mapahiya. 15 Gayunman, huwag ninyo siyang ituring na kaaway kundi bigyan ninyo siya ng babala tulad ng isang kapatid.

Panghuling Pagbati

16 Ngayon, ang Panginoon ng kapayapaan ang siyang magbigay sa inyo ng kapayapaan sa buong panahon at sa bawat paraan. Sumainyong lahat ang Panginoon.

17 Ako, si Pablo, ang lumagda ng pagbating ito sa pamama­gitan ng aking kamay. Ito ang siyang tanda ng bawat sulat ko. Ganito ang aking ginagawa sa bawat sulat ko.

18 Sumainyong lahat ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo. Siya nawa!

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International