Beginning
Itiwalag ang Kapatid na Gumagawa ng Masama
5 Karaniwang naiuulat sa akin na mayroong pakikiapid sa inyo. Ang isa sa inyo ay nakikisama sa asawa ng sarili niyang ama. Ito ay uri ng pakikiapid na hindi ginagawa maging ng mga Gentil.
2 Nagmamalaki pa kayo sa halip na magdalamhati upang maitiwalag sa inyong kalagitnaan ang gumawa nito. 3 Ito ay sapagkat wala ako sa inyo sa katawan ngunit ako ay nasa inyo sa espiritu. Kaya nga, nahatulan ko na ang gumawa ng bagay na ito gaya ng ako ay naririyan sa inyo. 4 Ginawa ko ito sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, sa inyong pagtitipon, kasama ang aking espiritu, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng ating Panginoong Jesucristo. 5 Ang hatol ko ay ibigay ninyo kay Satanas ang ganiyang tao para sa pagwasak ng kaniyang katawan. Ito ay upang maligtas ang kaniyang espiritu sa araw ng Panginoong Jesus.
6 Ang inyong pagyayabang ay hindi mabuti. Hindi ba ninyo nalalaman na ang kaunting pampaalsa ay nagpapaalsa sa buong masa ng harina? 7 Alisin nga ninyo ang lumang pampaalsa upang kayo ay maging bagong masa ng harina. Kayo nga ay tunay na walang pampaalsa dahil si Cristo, na siyang ating Paglagpas, ay inihain para sa atin. 8 Kaya nga, ipagdiriwang natin ang kapistahan hindi sa pamamagitan ng lumang pampaalsa. Hindi sa pampaalsa ng masamang hangarin o kasamaan, kundi sa pamamagitan ng tinapay na walang pampaalsa, na ito ay sa katapatan at sa katotohanan.
9 Isinulat ko sa inyo, sa aking liham na huwag kayong makikisama sa mga nakikiapid. 10 Hindi ko tinutukoy ang mga mapang-apid sa sanlibutang ito, o mga mapag-imbot, o mga sakim, o mga sumasamba sa diyos-diyosan. Kung sila ang tinutukoy ko, dapat na kayong umalis sa sanlibutang ito. 11 Sa halip, isinulat ko sa inyo na huwag kayong makikisama sa sinuman na tinatawag na kapatid kung siya ay nakikiapid, o mapag-imbot, o sumasamba sa diyos-diyosan, o mapanirang-puri, o manginginom ng alak, o kaya ay manunuba. Huwag kayong makikisama sa katulad nila, ni makikain man lang.
12 Kaya ano ang karapatan ko upang hatulan ko sila na nasa labas? Hindi ba ninyo hahatulan sila na nasa loob? 13 Sila na nasa labas ay hahatulan ng Diyos. Kaya nga, inyong itiwalag mula sa inyo ang taong masama.
Paghahabla ng Mananampalataya Laban sa Kapwa Mananampalataya
6 Ang isa sa inyo ay may isang bagay laban sa isa. Maglalakas loob ba siyang magsakdal sa harap ng isang hindi matuwid at hindi sa harap ng mga banal?
2 Ang mga banal ay hahatol sa sangkatauhan, hindi ba ninyo alam iyan? Yamang kayo ang hahatol sa sangkatauhan, hindi ba kayo karapat-dapat humatol sa maliliit na bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya na ating hahatulan ang mga bagay sa buhayna ito? 4 Kapag may hahatulan kayo sa mga bagay sa buhay na ito, bakit ninyo pinahahatol sila na itinuturing na pinakamababa sa iglesiya?
5 Nagsasalita ako para mahiya kayo. Wala bang isa mang marunong sa inyo na makakapagpasiya sa pagitan ng kaniyang mga kapatid? 6 Ang nangyayari ay nagsasakdal ang isang kapatid laban sa kapatid, at ito ay sa harap ng hindi mananampalataya.
7 Tunay ngang may pagkakamali sa inyo dahil naghahablahan kayo sa isa’t isa. Bakit hindi na lang ninyo tanggaping ginawan kayo ng mali? Bakit hindi na lang ninyo tanggaping dinadaya kayo? 8 Hindi ninyo ito tinatanggap, sa halip, kayo ang gumagawa ng mali at nandaraya at ginagawa ninyo ito sa inyong kapatid.
9 Ang mga hindi matuwid ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos. Hindi ba ninyo alam iyan? Huwag kayong magpadaya. Ang mga nakikiapid, ang mga sumasamba sa diyos-diyosan, ang mga mangangalunya, ang mga bakla, ang mga gumagamit sa kapwa lalaki ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos. 10 Maging ang mga magnanakaw, ang mga mapag-imbot, ang mga manginginom ng alak, ang mga mapanirang puri, ang mga sakim ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos. 11 Ganito ang ilan sa inyo, ngunit kayo ay nahugasan na, kayo ay pinabanal na. Kayo ay pinaging- matuwid sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.
Ang Pakikiapid
12 Para sa akin, ang lahat ng bagay ay ayon sa kautusan, ngunit hindi lahat ay kapakipakinabang. Ang lahat ng bagay ay maaari kong gawin ngunit hindi ako magpapasakop sa kapamahalaan sa mga bagay na ito.
13 Ang pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain. Ang mga ito ay wawasakin ng Diyos. Ang katawan ay hindi para sa pakikiapid kundi para sa Diyos at ang Diyos ay para sa katawan. 14 Ang Diyos, na nagbangon sa Panginoon, ay siya ring magbabangon sa atin sa pamamagitan ng sarili niyang kapangyarihan. 15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Kukunin ko ba ang mga bahagi ni Cristo at gagawingbahagi ng isang patutot? Huwag nawang mangyari. 16 Hindi ba ninyo alam na angisang nakikipag-isa sa patutot ay kaisang laman niya? Ito ay sapagkat sinabi nga niya: Ang dalawa ay magiging isang katawan. 17 Ngunit siya na nakikipag-isa sa Diyos ay isang espiritu.
18 Layuan ninyo ang pakikiapid. Ang bawat kasalanang ginagawa ng tao ay sa labas ng katawan. Ngunit ang nakikiapid ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan. 19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay banal na dako ng Banal na Espiritu na nasa inyo? Ang inyong katawan ay mula sa Diyos at kayo ay hindi sa inyong sarili. 20 Ito ay sapagkat binili kayo sa halaga. Luwalhatiin nga ninyo ang Diyos sa inyong katawan at espiritu. Ang inyong katawan at espiritu ay sa Diyos.
Ang Pag-aasawa
7 Patungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin, mabuti para sa isang lalaki na hindi niya hahawakan ang isang babae.
2 Gayunman, upang maiwasan ang pakikiapid, makapag-asawa nawa ang bawat lalaki at gayundin nawa ang bawat babae. 3 Dapat gampanan ng lalaki ang tungkulin niya sa kaniyang asawa at gayundin ang babae sa kaniyang asawa. 4 Ang asawang babae ay walang kapamahalaan sa sarili niyang katawan kundi ang lalaki. Gayundin ang lalaki, wala siyang kapamahalaan sa sarili niyang katawan kundi ang babae. 5 Huwag magkait ang sinuman sa isa’t isa maliban na lang kung napagkasunduan sa ilang panahon. Ito ay upang maiukol ninyo ang inyong sarili sa pag-aayuno at pananalangin. Pagkatapos noon ay magsamang muli upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa inyong kawalan ng pagpipigil. 6 Ito ay sinasabi ko bilang pagpapahintulot at hindi bilang pag-uutos. 7 Ibig ko sana na ang lahat ng lalaki ay maging tulad ko, ngunit ang bawat isa ay may kani-kaniyang kaloob mula sa Diyos. Ang isa ay may kaloob sa ganitong bagay at ang isa ay may kaloob sa ganoong bagay.
8 Sa mga walang asawa at sa mga balo ay sinasabi ko: Mabuti para sa kanila ang manatili sa kalagayang tulad ko. 9 Ngunit kung hindi sila makapagpigil, hayaan silang mag-asawa sapagkat higit na mabuti ang mag-asawa kaysa mag-alab sa matinding pagnanasa.
10 Sa mga may asawa ay iniuutos ko: Huwag humiwalay ang asawang babae sa kaniyang asawa. Hindi ako ang nag-uutos nito kundi ang Panginoon. 11 Kung siya ay humiwalay, huwag siyang mag-aasawa o kaya ay makipagkasundo siya sa kaniyang asawang lalaki. Huwag palayasin ng asawang lalaki ang kaniyang asawa.
12 Nangungusap ako sa iba, hindi ang Panginoon kundi ako: Kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang hindi sumasampalataya, huwag palayasin ng lalaki ang asawang babae. Ito ay kung sumasang-ayonang babae na manahang kasama ng lalaki. 13 Ang babae na may asawang hindi sumasampalataya ay huwag humiwalay sa asawang lalaki. Ito ay kung sumasang-ayon siyang manahang kasama ng babae. 14 Ito ay sapagkat ang asawang lalaki na hindi sumasampalataya ay pinababanal sa pamamagitan ng asawang babae. Ang asawang babae na hindi sumasampalataya ay pinababanal ng asawanglalaki. Kung hindi gayon, ang inyong mga anak ay marurumi, ngunit ngayon sila ay mga banal.
15 Kung ang hindi sumasampalataya ay humiwalay, hayaan siyang humiwalay. Ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ay hindi na sa ilalim ng pagpapaalipin sa ganoong kalalagayan. Ngunit tayo ay tinawag ng Diyos na mamuhay sa kapayapaan. 16 Alam mo ba, ikaw na babae, na baka ikaw ang makadala sa iyong asawa patungo sa kaligtasan? Alam mo ba, ikaw na lalaki, na baka ikaw ang makadala sa iyong asawa patungo sa kaligtasan?
17 Ngunit kung ano nga ang itinakda ng Diyos sa bawat tao, mamuhay nawa siya ng ganoon. Kung paano tinawag ng Panginoon ang bawat isa, gayundin ang tagubilin ko sa mga iglesiya. 18 Mayroon bang tinatawag sa pagiging nasa pagtutuli? Huwag siyang maging hindi tuli. Mayroon bang tinatawag sa hindi pagiging nasa pagtutuli? Huwag siyang gawing tuli. 19 Ang pagtutuli ay walang halaga, ang hindi pagtutuli ay walang halaga. Ang mahalaga ay ang pagsunod sa utos ng Diyos. 20 Ang bawat tao ay manatili sa pagkatawag sa kaniya. 21 Tinawag ka ba na alipin? Huwag mong ikabahala iyon. Kung maaari kang maging malaya, gamitin mo ang kalayaang iyon. 22 Ito ay sapagkat siya na tinawag na isang alipin sa Panginoon ay malaya sa Panginoon. Gayundin siya na tinawag na isang malaya sa Panginoon ay isang alipin ni Cristo. 23 Kayo ay biniling may halaga, huwag kayong paalipin sa mga tao. 24 Mga kapatid, ang bawat tao ay panatilihing kasama ng Diyos sa tawag naitinawag sa kaniya.
25 Patungkol sa mga dalaga, wala akong utos na mula sa Diyos, gayunman ay magbibigay ako ng payo bilang isang taong nakatanggap mula sa Diyos ng habag na maging matapat. 26 Dahil sa kasalukuyang pangangailangan, sa aking palagay ay ito ang mabuti. Mabuti para sa isang lalaki ang manatiling ganito. 27 May asawa ka ba? Kung mayroon, huwagmo nang hangaring makipaghiwalay. Hiwalay ka ba sa iyong asawa? Huwag mo nang hangaring mag-asawang muli. 28 Kapag ikaw ay nag-asawa, hindi ka nagkasala. Kapag ang isang dalaga ay nag-asawa, hindi siya nagkasala. Ngunit, ang mga may asawa ay daranas ng kahirapan sa buhay, ngunit ang hangad ko ay makaligtas kayo sa bagay na ito.
29 Mga kapatid, ito ang sasabihin ko: Maikli na ang panahon, kaya mula ngayon, ang mga may asawa ay maging tulad nang mga walang asawa. 30 Ang mga nananangis ay maging parang mga hindi nananangis, ang mga nagagalak ay maging parang mga hindi nagagalak. Ang mga bumibili ay maging parang mga walang naging pag-aari. 31 Ang mga nagtatamasa ng mga bagay sa sanlibutang ito ay maging parang mga hindi nagtamasa ng lubos sapagkat ang kaanyuan ng sanlibutang ito ay lumilipas.
32 Ngunit ibig kong maging malaya kayo sa mga alalahanin. Ang walang asawa ay nagsusumikap sa mga bagay para sa Panginoon, kung papaano niya mabibigyang lugod ang Panginoon. 33 Ang lalaking may asawa ay nagsusumikap sa mga bagay ng sanlibutang ito kung papaano niya mabibigyang lugod ang kaniyang asawa. 34 Magkaiba ang babaeng may asawa at ang babaeng walang asawa. Ang babaeng walang asawa ay nagsusumikap sa mga bagay para sa Panginoon upang siya ay maging banal, kapwa ang kaniyang katawan at ang kaniyang espiritu. Ngunit ang babaeng may asawa ay nagsusumikap sa mga bagay ng sanlibutang ito kung papaano niya mabibigyang lugod ang kaniyang asawa. 35 Sinasabi ko ito para sa inyong ikabubuti, hindi sa inuumangan ko kayo ng patibong kundi upang magawa ninyo ang nararapat. Ito rin ay upang mapaglingkuran ninyo ang Panginoon ng walang anumang nakakagambala.
36 Kung ang isang lalaki ay nag-aakalang hindi nararapat ang kaniyang asal sa babaeng kaniyang magiging asawa, o kung inaakala ng babaeng kaniyang magiging asawa na siya ay nakalagpas na sa kaniyang kabataan o kung inaakala niyang gayon ang dapat na mangyari, gawin na niya ang dapat niyang gawin. Sa bagay na ito ay hindi siya nagkakasala. 37 Ngunit, mabuti ang kaniyang ginagawa kung mayroon siyang paninindigan sa kaniyang puso, hindi dahil sa kinakailangan, kundi dahil sa may kapamahalaan siya sa sarili niyang kalooban. At ito ay pinagpasiyahan niya sa kaniyang puso na panatilihin niyang gayon ang kaniyang magiging asawa. 38 Mabuti kung ang lalaki ay magpakasal, ngunit higit na mabuti kung hindi siya magpakasal.
39 Ang asawang babae ay nakabuklod sa pamamagitan ng batas sa kaniyang asawa hanggang ang lalaki ay nabubuhay. Kapag ang lalaki ay namatay, ang babae ay may kalayaang magpakasal sa sinumang ibig niya, ngunit ito ay dapat ayon sa kalooban ng Panginoon. 40 Kung siya ay mananatiling walang asawa ayon sa aking payo, siya ay higit na masaya at sa aking palagay ang Espiritu ng Diyos ay nasa akin.
Ang Pagkaing Inialay sa mga Diyos-diyosan
8 Isinusulat ko ang patungkol sa pagkaing inihain sa mga diyos-diyosan. Alam natin na lahat tayo ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nakakapagpayabang ngunit ang pag-ibig ay nakakapagpatatag.
2 Ngunit kung ang sinuman ay nag-aakalang alam niya ang anumang bagay, siya ay wala pang nalalaman sa dapat niyang malaman. 3 Kung ang sinuman ay umiibig sa Diyos, kilala siya ng Diyos.
4 Patungkol sa mga pagkaing inihain sa mga diyos-diyosan, alam nating walang halaga ang diyos-diyosan sa sanlibutan. Alam nating wala nang ibang Diyos maliban sa isa. 5 Sapagkat maraming mga tinatawag na diyos sa langit man o sa lupa, maraming diyos, maraming panginoon. 6 Subalit para sa atin iisa lamang ang Diyos, ang Ama. Sa kaniya nagmula ang lahat ng mga bagay at tayo ay para sa kaniya. Iisa lamang ang Panginoong Jesucristo. Sa pamamagitan niya nagmula ang lahat ng mga bagay at tayo ay nabubuhay sa pamamagitanniya.
7 Subalit hindi lahat ay may kaalaman. Dahil sa kanilang budhi patungkol sa mga diyos-diyosan, hanggang ngayon ay may ilang tao na kapag kinakain nila ang mga bagay na ito, iniisip nilang iyon ay inihain sa diyos-diyosan. At dahil mahihina ang kanilang budhi, iyon ay nadudungisan. 8 Hindi tayo nagiging katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ng pagkain sapagkat kapag kumain tayo, hindi ito makakabuti sa atin. Kapag hindi tayo kumain, hindi ito makakasama sa atin.
9 Ngunit mag-ingat kayo baka ang karapatang ito ay maging katitisuran sa mga mahihina. 10 Ito ay sapagkat ikaw na may kaalaman, kung kumain ka sa templo ng mga diyos-diyosan at kung makita ka ng isang taong may mahinang budhi, hindi kaya lumakas ang loob niyang kumain din ng mga inihandog sa mga diyos-diyosan? 11 Dahil sa iyo na may kaalaman, hindi rin kaya masira ang buhay ng mahina mong kapatid, na kung kanino si Cristo ay namatay? 12 Sa ganito ay nagkakasala ka laban sa iyong mga kapatid at sinusugatan ang kanilang mahihinang budhi at nagkakasala ka laban kay Cristo. 13 Kaya nga, kung ang pagkain ko nito ay makakapagpatisod sa aking kapatid, hindi na ako kakain ng laman kailanman upang hindi ako maging katitisuran sa aking kapatid.
Copyright © 1998 by Bibles International