Beginning
Ang mga Nalabing Maliliit na Pangkat ng Israel
11 Kaya nga, sinasabi ko: Tinanggihan ba ng Diyos ang kaniyang mga tao? Huwag nawang mangyari. Ito ay sapagkat ako rin ay isang taga-Israel, mula sa lahi ni Abraham, mula sa angkan ni Benjamin.
2 Hindi tinanggihan ng Diyos ang mga taong kilala na niya nang una pa. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan, sa salaysay patungkol kay Elias, kung papaanong siya ay namagitan sa Diyos laban sa mga taga-Israel? 3 Sinabi niya:
Panginoon, pinatay nila ang mga propeta mo. Winasak nila ang mga dambana mo. Ako ay naiwanang mag-isa at pinagbabantaan nila ang buhay ko.
4 Ano ang sagot ng Diyos sa kaniya? Sinabi ng Diyos:
Nagbukod ako ng pitong libong tao na hindi lumuhod kay Baal.
5 Gayon pa rin ito sa kasalukuyang panahon. Mayroon pa ring natitirang maliit na pangkat na pinili ayon sa biyaya. 6 Yamang sila ay pinili ayon sa biyaya, ito ay hindi na sa pamamagitan ng mga gawa. Kung hindi gayon, ang biyaya ay hindi na magiging biyaya. Kung ito ay sa gawa, ito ay hindi na biyaya, kung hindi gayon, ang gawa ay hindi na gawa.
7 Ano ngayon? Ang hinahangad ng mga taga-Israel ay hindi nila natamo. Ang nagtamo nito ay ang mga pinili. Pinatigas ng Diyos ang mga puso ng iba pang natitira. 8 Ayon sa nasusulat:
Binigyan sila ng Diyos ng espiritu ng pagkalito. Binigyan niya sila ng mga matang hindi nakakakita. Binigyan niya sila ng mga taingang hindi nakakarinig. Ito ay hanggang sa ngayon.
9 Sinabi ni David:
Ang kanilang mga hapag ay maging isangbitag at isang patibong. Ito ay maging isang katitisuran at maging kagantihan sa kanila.
10 Padidilimin ng Diyos ang kanilang mga mata upang hindi sila makakita. Patuloy na magiging baluktot ang kanilang mga likod.
Mga Sangang Inihugpong ng Diyos
11 Sinasabi kong muli: Natisod ba sila upang bumagsak nang lubusan? Huwag nawang mangyari. Sa halip nang sila ay sumalansang, ang kaligtasan ay dumating sa mga Gentil upang inggitin ang mga Judio.
12 Kung ang pagsalansang ng mga Judio ay nagdala ng kayamanan sa sanlibutan, at ang kanilang pagkatalo ay nagdala ng kayamanan sa mga Gentil, gaano pa kaya kung sila ay lubos nang makapanumbalik.
13 Nagsasalita ako sa inyo mga Gentil. Yamang ako ay apostol sa mga Gentil, niluluwalhati ko ang aking paglilingkod. 14 Ito ay upang kahit na sa papaanong paraan ay aking mainggit ang mga kamag-anak ko sa laman. Sagayon, mailigtas ko ang ilan man lamang sa kanila. 15 Ito ay sapagkat nang itinakwil sila ng Diyos, ang sanlibutan ay ipinakipagkasundo. Kapag tanggapin niya silang muli, ano ang mangyayari? Hindi ba ito ay buhay mula sa patay? 16 Kung ang unang bunga ay banal gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ay banal, ang mga sanga ay banal din.
17 Ngunit kung ang ilang mga sanga ay pinutol, ikaw na isang puno ng Olibong ligaw ay inihugpong sa kanila. Ikaw ay naging kabahagi ng ugat at ng katas ng punong Olibo. 18 Huwag kang magmalaki sa mga sanga. Kung magmamalaki ka sa kanila, tandaan mo ito: Hindi ikaw ang nagpupuno sa pangangailangan ng ugat. Ang ugat ang siyang nagpupuno sa pangangailangan mo. 19 Sasabihin mo: Ang mga sanga ay pinutol upang ako ay maihugpong. 20 Gayon nga iyon. Dahil hindi sila sumampalataya, inihiwalay sila ng Diyos ngunit ikaw ay nakatayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Huwag kang magmataas, sa halip ay matakot ka. 21 Ito ay sapagkat maging ang mga likas na sanga ay hindi pinaligtas ng Diyos, maaaring hindi ka niya paliligtasin.
22 Kaya nga, narito, ang kabutihan at kahigpitan ng Diyos. Ang kahigpitan niya ay sa kanila na nahulog. Kung ikaw ay magpapatuloy sa kaniyang kabutihan, ang kabutihan niya ay mapapasaiyo. Kung hindi, ikaw din ay puputulin. 23 Gayundin sila, kung hindi sila magpapatuloy sa hindi pagsampalataya, ihuhugpong sila ng Diyos sapagkat magagawa ng Diyos na sila ay ihugpong muli. 24 Ito ay sapagkat pinutol ka ng Diyos mula sa olibong ligaw, at laban sa kalikasan, ay ihinugpong sa mabuting puno ng Olibo. Gaano pa kaya sa tunay na mga sanga na maihugpong sa kanilang sariling punong Olibo.
Ililigtas ng Diyos ang Buong Israel
25 Mga kapatid, ito ay sapagkat hindi ko nais na kayo ay maging walang kaalaman patungkol sa hiwagang ito. Sa kabilang dako, baka isipin ninyong kayo ay matatalino. Ang hiwaga ay: Hanggang sa maabot ang kabuuang bilang ng mga Gentil, bahagyang pinatigas ng Diyos ang puso ng mga taga-Israel.
26 Kaya nga, ililigtas ng Diyos ang buong Israel ayon sa nasusulat:
Ang tagapagligtas ay magmumula sa Zion. Ibabaling niyang palayo kay Jacob ang hindi pagkilala sa Diyos.
27 Kapag inalis ko ang kanilang mga kasalanan, ito ang aking pakikipagtipan sa kanila.
28 Patungkol sa ebanghelyo, dahil sa inyo, sila ay mga kaaway. Ngunit patungkol sa katotohanang pinili sila ng Diyos nang una pa, dahil sa mga ninuno, mahal sila ng Diyos. 29 Ito ay sapagkat ang mga kaloob at pagtawag ng Diyos ay hindi nagbabago. 30 Sinuway ninyo ang Diyos noong nakaraang panahon. Sa ngayon ang Diyos ay nagpakita ng habag sa inyo sa pamamagitanng kanilang pagsuway. 31 Sa gayunding paraan, sila ngayon ay naging masuwayin upang kayo ay kahabagan. Ito ay upang magpapakita rin siya ng habag sa kanila sa pamamagitan ninyo. 32 Upang maipakita ng Diyos ang kaniyang habag sa lahat, ibinilanggo niya sila dahil sa pagsuway.
Pagpupuri
33 Kay lalim ng kayamanan ng katalinuhan at karunungan ng Diyos. Walang makakasaliksik ng kaniyang mga kahatulan. Walang makakasunod sa kaniyang landas.
34 Ito ay sapagkat sino ang nakakaalam ng isipan ng Panginoon? Sino ang nagbigay sa kaniya ng payo? 35 Sino ang nagbigay sa kaniya at iyon ay pababayaran sa kaniya? 36 Ito ay sapagkat ang lahat ng mga bagay ay mula sa kaniya. Ang mga bagay ay sa pamamagitan niya at para sa kaniya. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Siya nawa.
Mga Haing Buhay
12 Kaya nga, mga kapatid, sa pamamagitan ng mga kaawaan ng Diyos, ako ay namamanhik sa inyo. Iharap ninyo ang inyong mga katawan sa Diyos bilang isang haing buhay, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang inyong katampatang paglilingkod.
2 Huwag ninyong iayon ang inyong mga sarili sa kapanahunang ito. Sa halip ay mabago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isipan. Ito ay upang masuri ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, sinasabi ko sa inyong lahat: Huwag kayong mag-isip ng higit pa sa dapat ninyong isipin patungkol sa inyong sarili. Subalit mag-isip kayo sa wastong pag-iisip ayon sa sukat ng pananampalataya na ibinahagi ng Diyos sa bawat isa. 4 Ito ay sapagkat sa isang katawan ay mayroon tayong maraming bahagi. Ngunit ang mga bahaging ito ay may iba’t ibang gamit. 5 Gayundin tayo, na bagamat marami, ay iisang katawan kay Cristo. Ang bawat isa ay bahagi ng ibang bahagi. 6 Ngunit mayroon tayong iba’t ibang kaloob ayon sa biyaya na ibinigay ng Diyos sa atin. Kung ito man ay paghahayag ng salita ng Diyos, siya ay maghayag ayon sa sukat ng bahagi ng pananampalataya. 7 Kung ang kaloob ay paglilingkod, paglingkurin siya. Kung ito ay sa pagtuturo, pagturuin siya. 8 Kung ito ay sa pagpapayo, pagpayuhin siya. Kung ito ay sa pagbibigay, magbigay siya ng may katapatan. Kung ito ay sapangunguna, papangunahin siyang may kasigasigan. Kung ito ay pagkamahabagin, mahabag siyang may kasiyahan.
Pag-ibig
9 Ang pag-ibig ay dapat walang pakunwari. Kapootan ninyo ang masama. Manangan kayo sa mabuti.
10 Maging magiliwin kayo sa isa’t isa tulad ng pag-ibig ninyo sa magkakapatid. Igalang ninyo ang isa’t isa nang higit pa inyong sarili. 11 Huwag maging tamad sa halip ay maging masigasig. Maging maningas kayo sa Espiritu, na naglilingkod sa Panginoon. 12 Magalak sa pag-asa. Sa inyong paghihirap, maging matiisin. Sa inyong pananalangin, magpatuloy kayong matatag. 13 Magbigay sa pangangailangan ng mga banal. Ipagpatuloy ang pagtanggap sa mga bisita.
14 Pagpalain ninyo sila na umuusig sa inyo. Pagpalain ninyo sila at huwag silang sumpain. 15 Makigalak kayo sa kanila na nagagalak at makiiyak sa kanila na umiiyak. 16 Magkaroon kayo ng iisang kaisipan. Huwag kayong mag-isip nang may kapalaluan sa inyong mga sarili. Sa halip, makisalamuha kayo sa mga taong mapagpakumbaba. Huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na matatalino.
17 Huwag kayong gumanti ng masama sa masama sa sinuman. Magkaloob nga kayo ng mga mabubuting mga bagay sa harap ng mga tao. 18 Kung maaari, yamang ito ay nasasainyo, mamuhay kayong may kapayapaan sa lahat ng tao. 19 Mga minamahal, huwag kayong maghiganti, sa halip, bigyan ninyo ng puwang ang galit ng Diyos sapagkat nasusulat:
Ang paghihiganti ay sa akin, pagbabayarin ko sila sa kanilang ginawa.
Ito ang sinabi ng Panginoon.
20 Kaya nga:
Kapag nagutom ang inyong kaaway, pakainin mo siya. Kapag nauhaw siya, painumin mo siya sapagkat kapag ginawa mo ito, bubuntunan mo ng nagbabagang uling ang kaniyang ulo.
21 Huwag magpatalo sa masama, sa halip, talunin mo ng mabuti ang masama.
Pagpapasakop sa mga Namamahala
13 Ang bawat isa ay dapat magpasakop sa nakakataas na kapamahalaan sapagkat walang kapamahalaan maliban doon sa nagmula ng Diyos. Ang mga kapamahalaang iyon ay itinakda ng Diyos.
2 Kaya nga, ang sinumang sumasalungat sa kapamahalaan ay tumatanggi sa batas na mula sa Diyos. Angmga tumatanggi ay makakatanggap ng kahatulan sa kanilang sarili. 3 Ito ay sapagkat ang mga namumuno ay hindi nagbibigay takot sa mga gumagawa ng mabuti kundi sa mga gumagawa ng masama. Hindi mo ba ninanais na matakot sa pamahalaan? Gumawa ka ng mabuti at ang kapamahalaan ang pupuri sa iyo. 4 Ito ay sapagkat siya ang tagapaglingkod ng Diyos para sa iyong kabutihan. Ngunit kung ang ginagawa mo ay masama, matakot ka dahil hindi siya nagdadala ng tabak ng walang kahihinatnan sapagkat siya ang tagapaglingkod ng Diyos, na isang tagapaghiganti upang magdala ng poot sa gumagawa ng masasama. 5 Kaya nga, magpasakop ka hindi lang dahil sa galit kundi dahil sa budhi.
6 Ito ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis sapagkat ang mga kapamahalaan ay mga natatanging tagapaglingkod ng Diyos na nakatalaga sa gawaing ito. 7 Ibigay sa bawat isa ang anumang dapat niyang tanggapin. Kung ang dapat ibigay ay buwis para sa nakakasakop, magbigay ng buwis na iyon. Kung buwis sa sarilingpamahalaan, ibigay ang buwis na ito. Kung ang dapat mong ibigay ay takot, dapat kang magdalang takot. Kung ito ay karangalan, magbigay ka ng karangalan.
Ibigin Mo ang Iyong Kapwa Sapagkat ang Panahon ay Malapit na
8 Huwag kayong magkautang ng anuman sa kanino man, sa halip ay mag-ibigan sa isa’t isa sapagkat siya na umiibig sa iba ay nakaganap ng kautusan.
9 Ito ang mga utos: Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang mag-bigay ng maling patotoo, huwag kang mag-iimbot. At kung may iba pang utos, ito ay nakapaloob sa salitang ito:
Ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng pag-ibig mo sa iyong sarili.
10 Ang pag-ibig sa kapwa ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa, kaya nga, ang pag-ibig ay katuparan ng kautusan.
11 Yamang alam natin ang panahon, ngayon na ang takdang oras na dapat na tayong gumising mula sa pagkakatulog sapagkat ang ating kaligtasan ay higit nang malapit kaysa noong tayo ay sumampalataya. 12 Papalipas na ang gabi at ang bukang-liwayway ay malapit na. Kaya nga, hubarin na natin ang mga gawa ng kadiliman at isuot na natin ang baluti ng liwanag. 13 Mamuhay tayong marangal tulad ng pamumuhay ng tao kapag araw. Hindi tayo dapat mamuhay sa magulong pagtitipon at paglalasing, hindi sa kalaswaan at sa kahalayan, hindi sa paglalaban-laban at sa inggitan. 14 Sa halip, isuot natin ang Panginoong Jesucristo at huwag magbigay ng pagkakataong gawin ang pagnanasa ng laman.
Copyright © 1998 by Bibles International