Beginning
Pinaging-matuwid si Abraham sa Pamamagitan ng Pananampalataya
4 Ano nga ngayon ang sasabihin natin sa natagpuan ni Abraham na ating ninuno ayon sa laman?
2 Ito ay sapagkat kung si Abraham ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, mayroon siyang dahilang magmalaki, ngunit hindi sa Diyos. 3 Ano ang sinasabi ng kasulatan? Sinasabi:
Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos at iyon ay ibinilang sa kaniya na katuwiran.
4 Ngayon kapag gumawa ang isang tao, ang sahod niyaay hindi ibinibilang na biyaya kundi ibinibilang na utang. 5 Ngunit sa kaniya na hindi gumagawa ngunit sumasampalataya sa kaniya na nagpapaging-matuwid sa mga hindi kumikilala sa Diyos, ang kaniyang pananampalataya ay ibinibilang na katuwiran. 6 Gayundin ang sinabi ni David. Sinabi niya na pinagpala ang isang tao kapag ibinibilang ng Diyos ang katuwiran na hiwalay sa mga gawa:
7 Pinagpala sila na mga pinatawad sa hindi nila pagkilala sakautusan ng Diyos, sila na ang mga kasalanan ay tinakpan. 8 Pinagpala ang taong ang kasalanan ay hindi ibibilang ng Panginoon sa kaniya sa anumang kaparaan.
9 Ito bang pagiging pinagpala ay para sa mga nasa pagtutuli lamang o para rin sa mga hindi nasa pagtutuli? Ito ay sapagkat sinasabi nating ang pananampalataya ay ibinilang na katuwiran kay Abraham. 10 Papaano nga ito ibinilang? Ito ba ay nang tinuli na siya o nang bago pa siya tinuli? Hindi nang tinuli na siya kundi nang bago pa siya tuliin. 11 Siya ay tumanggap ng tanda ng pagiging nasa pagtutuli. Ito ay tatak ngkatuwiran na mula sa pananampalatayang nasa kaniya bago pa man siya tinuli. Ito ang tanda na siya ay magiging ama ng lahat na mga hindi nasa pagtutuli na sumampalataya upang ang katuwiran ay maibilang din sa kanila. 12 Si Abraham ay hindi lamang ama ng mga nasa pagtutuli. Siya ay ama rin ng nasa pagtutuli na mga lumalakad sa mga bakas ng pananampalataya ng ating amang si Abraham na nasa kaniya nang hindi pa siya tuli.
13 Ito ay sapagkat si Abraham at ang kaniyang lahi ay tumanggap ng pangako na siya ay magiging tagapagmana ng sanlibutan. Ito ay hindi sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng katuwiran ng pananampalataya. 14 Ito ay sapagkat kung ang mga tagapagmana nga ay ang mga gumaganap ng kautusan, ang pananampalataya ay walang kabuluhan. Ang pangako ay walang bisa. 15 Ito ay sapagkat ang kautusan ay nagbubunga ng galit, dahil kung walang kautusan, walang pagsalangsang.
16 Kaya nga, ang pangako ay sa pamamagitan ng pananampalataya upang ito ay maging ayon sa biyaya at upang ito ay maging tiyak sa lahat ng lahi. Ito ay hindi lamang sa mga nasa kautusan kundi sa mga nasa pananampalataya ni Abraham na siyang ama nating lahat. 17 Ayon sa nasusulat:
Itinalaga kitang ama ng maraming bansa.
Ito ay sa harap ng Diyos na kaniyang sinampalatayanan, na bumubuhay ng mga patay at tumatawag na magkaroon ng mga bagay na wala pa.
18 Sa kawalang pag-asa, sumampalataya si Abraham na umaasa at sa gayon siya ay naging ama ng maraming bansa. Ito ay ayon sa sinabi:
Magiging gayon ang iyong lahi.
19 Sa kaniyang pananampalatayang hindi nanghihina, hindi niya itinuring na parang patay na ang kaniyang sariling katawan. Siya ay halos isandaang taon na noon. Hindi rin niya itinuring na patay ang bahay-bata ni Sara. 20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng hindi pagsampalataya. Sa halip, siya ay lumakas sa pananampalataya na nagbibigay nang kaluwalhatian sa Diyos. 21 Lubos siyang nakakatiyak na magagawa ng Diyos ang kaniyang ipinangako. 22 Kaya nga, ito ay ibinilang sa kaniya na katuwiran. 23 Gayunman, ito ay hindi lamang isinulat para sa kaniya, na ito ay ibinilang sa kaniya. 24 Ito ay para sa atin din. Ibibilang din ito na katuwiran sa mga sumampalataya sa Diyos na bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa mga patay. 25 Si Jesus ang ibinigay para sa ating mga pagsalangsang at ibinangon para sa pagpapaging-matuwid sa atin.
Kapayapaan at Kagalakan
5 Kaya nga, yamang tayo ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.
2 Sa pamamagitan din niya tayo ay nagkaroon ng daan patungo sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa biyayang ito tayo ay naninindigan at nagmamalaki sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos. 3 Hindi lang ito, kundi sa paghihirap ay nagmamalaki rin tayo dahil alam nating ang paghihirap ay nagbubunga ng pagtitiis. 4 Ang pagtitiis ay nagbubunga ng magandang ugali at ang magandang ugali ay nagbubunga ng pag-asa. 5 Hindi tayo pinapahiya ng pag-asa sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin.
6 Ito ay sapagkat nang tayo ay mahina pa si Jesus ay namatay sa takdang panahon para sa mga hindi kumikilala sa Diyos. 7 Hindi pangkaraniwan na ang isang tao ay mamatay para sa isang matuwid na tao. Maaaring alang-alang sa isang mabuting tao, ang isang tao ang maglakas-loob na mamatay. 8 Ngunit ipinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin na nang tayo ay makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.
9 Higit pa riyan, tayo ngayon ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng kaniyang dugo. Kaya nga, tayo ay maliligtas sa poot sa pamamagitan niya. 10 Ito ay sapagkat nang tayo ay kaaway ng Diyos, ipinagkasundo tayo sa kaniya sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang anak. Higit pa riyan, ngayong tayo ay ipinagkasundo, tayo ay maliligtas sa pamamagitan ng buhay ng kaniyang anak. 11 Hindi lang gayon, kundi tayo ay nagagalak sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo na sa pamamagitan niya, tayo ay nagtamo ng pakikipagkasundo.
Kamatayan sa Pamamagitan ni Adan, Buhay sa Pamamagitan ni Cristo
12 Sa kadahilanang ito, sa pamamagitan ng isang tao, pumasok ang kasalanan sa sanlibutan. Dahil sa kasalanan nagkaroon ng kamatayan at ang kamatayan ay dumating sa lahat ng tao sapagkat nagkasala ang lahat.
13 Ito ay sapagkat ang kasalanan ay nasa sanlibutan na bago pa ibinigay ang kautusan. Ngunit nang wala pa ang kautusan ang kasalanan ay hindi ibinibilang. 14 Subalit ang kamatayan ay naghari mula kay Adan hanggang kay Moises. Ito ay naghari maging sa kanila na ang kasalanan ay hindi tulad ng pagsalangsang ni Adan na siyang larawan ng paparating na.
15 Subalit ang kaloob ay hindi tulad ng pagsalangsang sapagkat kung sa pagsalangsang ng isa, marami ang namatay, lalong higit ang biyaya ng Diyos. At sa pamamagitan ng isang tao, si Jesucristo, ang kaloob sa pamamagitan ng biyaya ay sumagana sa marami. 16 Ang kaloob ay hindi tulad ng isang nagkasala sapagkat sa kasalanan ng isa, ang hatol ay nagdala ng kaparusahan. Ngunit sa kabila ng maraming pagsalangsang, ang walang bayad na kaloob ay nagbunga ng pagpapaging-matuwid. 17 Ito ay sapagkat sa pagsalangsang ng isang tao, naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng taong iyon. At lalong higit sa kanila na tumanggap ng kasaganaan ng biyaya at ng kaloob ng katuwiran. Maghahari sila sa buhay sa pamamagitan ng isang iyon, si Jesucristo.
18 Kaya nga, sa pagsalangsang ng isang tao, napasalahat ng tao ang kaparusahan. Sa gayunding paraan, sa gawa ng katuwiran ng isang tao, napasalahat ng tao ang pagpapaging-matuwid ng buhay. 19 Ito ay sapagkat sa pagsuway ng isang tao, marami ang naging mga makasalanan. Sa gayunding paraan, sa pagsunod ng isang tao, marami ang magagawang matuwid.
20 Upang dumami ang pagsalangsang, nagkaroon ng kautusan, ngunit sa pagdami ng kasalanan lalong sumagana ang biyaya. 21 Kaya kung papaano ngang naghahari ang kasalanan patungo sa kamatayan, gayundin ang biyaya ay maghahari sa pamamagitan ng katuwiran patungo sa buhay na walang hanggan. Ito ay sa pamamagitan ni Jesucristo, ang ating Panginoon.
Patay sa Kasalanan, Buhay kay Cristo
6 Ano ngayon ang sasabihin natin? Magpapatuloy ba tayo sa kasalanan upang ang biyaya ay sumagana.
2 Huwag nawang mangyari. Papaano nga na tayong mga namatay sa kasalanan ay patuloy na mamumuhay pa roon? 3 Hindi ba ninyo nalalaman na tayong mga nabawtismuhan kay Cristo Jesus ay nabawtismuhan sa kaniyang kamatayan? 4 Kaya nga, tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bawtismo sa kamatayan. Sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, si Cristo ay ibinangon mula sa mga patay. Sa gayunding paraan dapat tayong lumakad sa panibagong buhay.
5 Ito ay sapagkat yamang tayo ay nakasama sa wangis ng kaniyang kamatayan, magiging gayundin tayo sa kaniyang pagkabuhay muli. 6 Nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang napako sa krus upang mapawalang-bisa ang katawan ngkasalanan. Dahil diyan hindi na tayo magiging alipin ng kasalanan. 7 Ito ay sapagkat siya na namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan.
8 Kaya nga, yamang tayo ay kasamang namatay ni Cristo, tayo ay sumasampalatayang mabubuhay na kasama niya. 9 Alam nating sa pagkabuhay ni Jesucristo mula sa mga patay ay hindi na siya mamamatay. Ang kamatayan ay hindi na maghahari sa kaniya. 10 Ito ay sapagkat sa kaniyang kamatayan namatay siya sa kasalanan nang minsan lang. At sa kaniyangpagkabuhay, nabuhay siya sa Diyos.
11 Ituring din nga ninyo ang inyong mga sarili na patay sa kasalanan ngunit buhay sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo na ating Panginoon. 12 Huwag nga ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayanupang sundin ito sa kaniyang mga pagnanasa. 13 Kahit ang mga bahagi ng inyong katawan ay huwag ninyong ipaubayang maging kagamitan ng kalikuan sa kasalanan. Sa halip, ipaubaya ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos tulad ng mga nabuhay mula sa mga patay. Ang bahagi ng inyong katawan ay ipaubaya sa Diyos bilang mga kagamitan ng katuwiran. 14 Ang kasalanan ay hindi dapat maghari sa inyo dahil hindi kayo nasa ilalim ng kautusan. Kayo ay nasa ilalim ng biyaya.
Mga Alipin ng Katuwiran
15 Ano na ngayon? Tayo ba ay magpapatuloy sa kasalanan dahil hindi tayo nasa ilalim ng kautusan kundi sa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari.
16 Hindi ba ninyo alam na kung kanino ninyo ipinaubaya ang inyong sarili bilang alipin, kayo ay mga alipin niya na inyong sinusunod? Ito man ay sa kasalanan patungong kamatayan o sa pagsunod patungong katuwiran. 17 Kayo ay mga dating alipin ng kasalanan. Ngunit salamat sa Diyos, dahil mula sa puso ay sinunod ninyo ang katuruang ibinigay sa inyo. 18 Sa inyong paglaya mula sa kasalanan kayo ay naging mga alipin ng katuwiran.
19 Dahil sa kahinaan ng inyong katawan ako ay nagsasalita bilang tao sapagkat ipinaubaya ninyo ang mga bahagi ng inyong mga katawan na mapaalipin sa karumihan at walang pagkakilala sa kautusan patungo sa walang pagkakilala sa kautusan ng Diyos. Sa gayunding paraan ipaubaya ninyo ngayon ang mga bahagi ng inyong katawan na mga alipin ng katuwiran patungo sa kabanalan. 20 Nang kayo ay mga alipin pa ng kasalanan, malaya kayo sa katuwiran. 21 Anong bunga nga ang nakuha ninyo sa mga bagay na ikinakahiya ninyo ngayon? Ito ay sapagkat ang wakas ng mga bagay na iyon ay kamatayan. 22 Ngunit ngayong nakalaya na kayo mula sa kasalanan at naging mga alipin ng Diyos, nagkabunga kayo na patungo sa kabanalan. Ang wakas nito ay walang hanggang buhay. 23 Ito ay sapagkat ang kabayaran nga ng kasalanan ay kamatayan ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Isang Paglalarawan Mula sa Pag-aasawa
7 Mga kapatid, hindi ba ninyo alam na ang kautusan ay naghahari sa tao habang siya ay nabubuhay? Ako ay nagsasalita sa mga taong nakakaalam ng kautusan.
2 Ang babaeng may asawa ay nakatali sa kaniyang asawa sa pamamagitan ng kautusan habang nabubuhay ang lalaki. Kapag ang lalaki ay namatay, ang asawang babae ay malaya na sa kautusan na patungkol sa asawang lalaki. 3 Kaya nga, ang babae ay tatawaging mangangalunya kung magpapakasal siya sa ibang lalaki. Ito ay kung buhay pa ang kaniyang asawang lalaki. Ngunit kapag ang kaniyang asawa ay namatay na, siya ay malaya na sakautusan. Hindi siya tatawaging mangangalunya kahit na magpakasal siya sa ibang lalaki.
4 Kaya nga, mga kapatid, kayo rin ay ginawa nang mga patay sa kautusan upang kayo ay mapakasal sa iba. Ito ay sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, na ibinangon mula sa mga patay upang tayo ay magbunga para sa Diyos. 5 Ito ay sapagkat nang tayo ay likas pang makalaman, ang makasalanang hangarinna galing sa kautusan ay gumagawa sa mga bahagi ng ating katawan. Gumagawa ito upang tayo ay magbunga patungo sa kamatayan. 6 Ngunit ngayon, tayo ay patay na sa dating gumagapos sa atin. Tayo nga ay pinalaya sa kautusan upang tayo ay maglingkod sa pagbabago saespiritu at hindi sa lumang titik ng kautusan.
Pakikipagtunggali sa Kasalanan
7 Ano ngayon ang sasabihin natin? Kasalanan ba ang kautusan? Huwag nawang mangyari. Hindi ko nalaman ang kasalanan kundi dahil sa kautusan. Hindi ko rin nakilala ang masamang pagnanasa kundi sinabi ng kautusan: Huwag kang mag-iimbot.
8 Ngunit ang kasalanan ay nagbunga sa akin ng maraming uri ng pag-iimbot nang kunin ng kasalanan ang pagkakataong inalok ng mga utos. Ito ay sapagkat ang kasalanan ay patay kung wala ang kautusan. 9 Ngunit minsan ako ay buhay nang walang kautusan ngunit nang dumating ang utos, nabuhay muli ang kasalanan at ako ay namatay. 10 Ang utos na dapat magbigay buhay ay nasumpungan kong nagdala ng kamatayan. 11 Ito ay sapagkat sa pagsasamantala sa utos, dinaya ako ng kasalanan at pinatay ako sa pamamagitan ng mga utos. 12 Kaya nga, ang kautusan at ang utos ay banal, matuwid at mabuti.
13 Ang mabuti ba ay naging kamatayan sa akin? Huwag nawang mangyari. Ngunit upang malaman kong ang kasalanan ay kasalanan, nagbunga ito ng kamatayan sa akin sa pamamagitan ng mabuti. Ito ay upang sa pamamagitan ng utos ang kasalanan.
14 Alam nating ang kautusan ay espirituwal. Ako ay likas na makalaman dahil sa naipagbili ako bilang alipin sa ilalim ng kasalanan. 15 Ito ay sapagkat ang ginagawa ko ay hindi ko nauunawaan sapagkat ang hindi ko nais gawin ay siya kong ginagawa. Ang kinapopootan ko ang siya kong ginagawa. 16 Ngunit kung ang hindi ko nais ang siyang ginagawa ko, sumasangayon ako na ang kautusan ay mabuti. 17 Sa ngayon hindi ako ang gumagawa noon kundi ang kasalanan na nananahan sa akin. 18 Ito ay sapagkat alam kong walang nananahang mabuti sa aking makalamang kalikasan sapagkat ang magnais ng mabuti ay nasa akin ngunit hindi ko masumpungan kung papaano ko ito gagawin. 19 Ito ay sapagkat ang mabuti na ninanais kong gawin ay hindi ko nagagawa. Ang kasamaan na hindi ko hinahangad gawin ay siya kong nagagawa. 20 Ngunit kung patuloy kong ginagawa ang hindi ko nais, hindi ako ang gumagawa noon kundi ang kasalanan na nabubuhay sa akin.
21 Nasumpungan ko nga ang isang kautusan sa akin, na kapag nais kong patuloy na gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay nasa akin. 22 Ito ay sapagkat sa aking kalooban, ako ay lubos na nalulugod sa kautusan ng Diyos. 23 Ngunit nakakakita ako ng ibang kautusan sa mga bahagi ng katawan ko na nakikipaglaban sa kautusan ng aking isipan. Ginagawa nito akong bilanggo ng kautusan ng kasalanan na nasa mga bahagi ng katawan ko. 24 O, ako ay taong abang-aba. Sino ang magliligtas sa akin sa katawang ito na gumagawa patungong kamatayan? 25 Nagpapasalamat ako saDiyos sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Panginoon.
Kaya nga, ako sa aking sarili ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa aking isipan, ngunit sa aking makalamang kalikasan naglilingkod ako sa kautusan ng kasalanan.
Copyright © 1998 by Bibles International