Beginning
Nagpaliwanag si Pedro Patungkol sa Kaniyang Gawain
11 Narinig ng mga apostol at ng mga kapatid sa Judea na tumanggap din ang mga Gentil ng salita ng Diyos.
2 Nang umahon si Pedro sa Jerusalem, nakipagtalo sa kaniya ang mga nasa pagtutuli. 3 Sinabi nila: Nakisalamuha ka sa mga taong hindi tuli at kumaing kasalo nila.
4 Ngunit sinimulan ni Pedro ang maayos na pagsasaysay sa kanila ng mga pangyayari. Sinabi niya: 5 Ako ay nasa lungsod ng Jope na nananalangin. Sa aking kalalagayang tulad ng nananaginip, nakakita ako ng isang pangitain. May isang kagamitang bumababa na gaya ng malapad na kumot. Ibinababa ito mula sa langit na may nakatali sa apat na sulok at umabot hanggang sa akin. 6 Tinitigan ko iyon at pinagwari. Nakita ko ang mga hayop sa lupa na may tig-apat na paa, ang mga mababangis na hayop, ang mga gumagapang na hayop at ang mga ibon sa himpapawid. 7 Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin: Tumindig ka, Pedro. Kumatay ka at kumain.
8 Ngunit sinabi ko: Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay walang anumang pangkaraniwan o marumi na pumasok sa aking bibig.
9 Ngunit sumagot muli sa akin ang tinig mula sa langit: Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ipalagay na pangkaraniwan. 10 Ito ay nangyari ng tatlong ulit at muling binatak ang lahat sa langit.
11 At narito, agad na dumating ang tatlong lalaki sa bahay na tinutuluyan ko. Sila ang mga isinugo sa akin mula sa Cesarea. 12 Sinabi sa akin ng Espiritu na sumama ako sa kanila ng walang pag-aalinlangan. Sumama rin naman sa akin ang anim na mga kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ng lalaking iyon. 13 Isinalaysay niya sa amin kung paano niya nakita ang isang anghel sa kaniyang bahay. Ito ay nakatayo at nagsabi sa kaniya: Magsugo ka sa Jope ng mga lalaki. At ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. 14 Siya ang magsasaysay sa iyo ng mga salita, sa ikaliligtas mo at ng iyong buong sambahayan.
15 Nang ako ay magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu tulad din naman ng pagbaba niya sa atin noong pasimula. 16 Naalaala ko ang salita ng Panginoon kung paanong sinabi niya: Tunay na si Juan ay nagbawtismo sa tubig. Ngunit kayo ay babawtismuhan sa Banal na Espiritu. 17 Kung binigyan sila ng Diyos ng ganoon ding kaloob na ibinigay sa atin na sumampalataya sa Panginoong Jesucristo, sino ba ako na makakasalungat sa Diyos?
18 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, tumahimik sila. Pinuri nila ang Diyos na sinasabi: Kung gayon ay binigyandin naman ng Diyos ang mga Gentil ng pagsisisi patungo sa buhay.
Ang Iglesiya sa Antioquia
19 Ang mga mananampalatayang nangalat dahil sa kahirapan na nangyari kay Esteban ay naglakbay hanggang sa Fenicia, sa Chipre at sa Antioquia. Wala silang ibang pinagsaysayan ng salita kundi ang mga Judio lamang.
20 Ngunit ang ilan sa kanila na taga-Chipre at taga-Cerene ay dumating sa Antioquia. Sila ay nagsalita sa mga Judio naang wika ay Griyego at ipinangangaral ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. 21 Ang kamay ng Panginoon ay sumakanila. Marami sa kanila ang sumampalataya at nanumbalik sa Panginoon.
22 Ang ulat patungkol sa mga bagay na ito ay nakarating sa pandinig ng iglesiya na nasa Jerusalem. Sinugo nila si Bernabe hanggang sa Antioquia. 23 Nang siya ay dumating, nakita niya ang biyaya ng Diyos. Siya ay nagalak at ipinamanhik niya sa lahat na sa kapasiyahan ng kanilang puso ay manatili sila sa Panginoon. 24 Ito ay sapagkat siya ay mabuting tao, puspos ng Banal na Espiritu at ng pananampalataya. Kaya ang napakaraming tao ay nadagdag sa Panginoon.
25 Si Bernabe ay pumunta sa Tarso upang hanapin si Saulo. 26 At nang siya ay matagpuan niya, dinala niya siya sa Antioquia. Nangyari na sa buong isang taon, sila ay nakipagtipon sa buong iglesiya. Sila ay nagturo sa maraming tao. Ang mga alagad ay unang tinawag na mga Kristiyano sa Antioquia.
27 Nang panahong iyon, may mga propetang lumusong mula sa Jerusalem at dumating sa Antioquia. 28 Tumindig ang isa sa kanila na nagngangalang Agabo. Ipinahayag niya sa pamamagitan ng Espiritu na magkakaroon ng malaking taggutom sa buong sanlibutan. Ito ay nangyari sa kapanahunan ni Claudio Cesar. 29 Nakatalaga na ang loob ng mga alagad na magpadala ng tulong sa mga kapatid na nakatira sa Judea, ayon sa kakayanan ng bawat isa. 30 Ipinadala nila ito sa mga matanda sa pamamagitan ng kamay ni Bernabe at ni Saulo.
Iniligtas ng Anghel si Pedro Mula sa Bilangguan
12 Nang panahon ding iyon, ipinadakip ni haring Herodes ang ilan sa mga tao sa iglesiya upang pahirapan.
2 Pinatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. 3 Nang makita niya na ikinatutuwa ito ng mga Judio, ipinadakip rin niya si Pedro. Nangyari ito noong mga Araw ng Tinapay na walang Pampaalsa. 4 Ipinabilanggo ni Herodes si Pedro ng mahuli niya ito. Siya ay ibinigay sa apat na pangkat na may tig-aapat na kawal upang bantayan. Binabalak ni Herodes na iharap si Pedro sa mga tao pagkatapos ng paggunita sa araw ng Paglampas.
5 Si Pedro nga ay binantayan sa bilangguan, ngunit ang iglesiya ay maningas na nanalangin sa Diyos patungkol sa kaniya.
6 Sa gitna ng dalawang kawal si Pedro ay natutulog na nagagapos ng dalawang tanikala. Ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nagbabantay sa bilangguan. Ito ay nangyari nang gabing ilalabas na siya ni Herodes. 7 At narito, tumayo sa tabi niya ang isang anghel ng Panginoon. Lumiwanag ang isang ilaw sa gusali at tinapik ng anghel si Pedro sa tagiliran. Siya ay ginising na sinasabi: Bumangon kang madali. Nalaglag ang mga tanikala sa kaniyang mga kamay.
8 Sinabi sa kaniya ng anghel: Magbihis ka at itali mo ang iyong mga panyapak. Gayon ang ginawa niya. Sinabi niya sa kaniya: Isuot mo ang iyong balabal at sumunod ka sa akin. 9 Siya ay lumabas at sumunod. Hindi niya alam na totoo ang nangyayaring ito sa pamamagitan ng anghel dahil ang akala niya ay nakakita lamang siya ng isang pangitain. 10 Nilampasan na nila ang una at ikalawang bantay. Dumating sila sa pintuang bakal na patungo sa lungsod at ito ay kusang nabuksan para sa kanila. Sila ay lumabas at nagpatuloy sa isang lansangan. Bigla na lamang siyang iniwan ng anghel.
11 Nang maliwanagan si Pedro, sinabi niya: Ngayon ko nalamang totoong sinugo ng Panginoon ang kaniyang anghel upang iligtas ako mula sa kamay ni Herodes at sa mangyayaring inaasahan ng mga Judio.
12 Habang pinag-iisipan niya ito, nakarating siya sa bahay ni Maria, na ina ni Juan, na tinatawag na Marcos. Nagkatipun-tipon dito ang marami at nananalangin. 13 Nang si Pedro ay tumuktok sa pintuan, lumabas at sumagot ang isang dalagita. Ang pangalan niya ay Roda. 14 Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, hindi niya nabuksan ang tarangkahan sa tuwa. Siya ay tumakbo sa loob at ipinagbigay-alam na si Pedro ay nakatayo sa harap ng tarangkahan.
15 Sinabi nila sa kaniya: Nababaliw ka. Ngunit pinatutunayan niyang siya nga. Kaya sinabi nila: Iyon ay kaniyang anghel.
16 Ngunit si Pedro ay patuloy na kumakatok. Nang mabuksan na nila ang tarangkahan, nakita nila siya at namangha sila. 17 Ngunit hinudyatan niya sila na tumahimik. Isinaysay niya sa kanila kung papaano siya inilabas ng Panginoon sa bilangguan. Sinabi niya: Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago at sa mga kapatid. Siya ay umalis at nagpunta sa ibang dako.
18 Nang mag-umaga na, lubhang nagkagulo ang mga kawal dahil sa pagkawala ni Pedro. 19 Siya ay ipinahanap ni Herodes at hindi siya nasumpungan. Dahil dito siniyasat niya ang mga bantay at ipinag-utos na sila ay patayin. Siya ay lumusong sa Cesarea mula sa Judea at doon nanatili.
Namatay si Herodes
20 Galit na galit si Herodes sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. Sila ay nagkakaisang pumaroon sa kaniya. Nang mahimok nila si Blasto na katiwala ng hari, ipinamanhik nila ang pagkakasundo sapagkat ang lupain nila ay pinakakain ng lupain nghari.
21 Pagsapit ng takdang araw, si Herodes ay nagsuot ng damit-hari. Umupo siya sa luklukan at nagtalumpati sa kanila. 22 Ang mga tao ay sumigaw: Tinig ng diyos at hindi ng tao. 23 Siya ay kaagad na hinampas ng isang anghel ng Panginoon sapagkat hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Diyos. Siya ay kinain ng mga uod at namatay.
24 Ang salita ng Diyos ay lumago at lumaganap.
25 Sina Bernabe at Saulo ay bumalik galing sa Jerusalem nang maganap na nila ang kanilang paglilingkod. Isinama nila si Juan na tinatawag na Marcos.
Sinugo sina Bernabe at Saulo
13 Sa iglesiya nga na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro. Sila ay sina Bernabe, Simeon na tinatawag na Negro at si Lucio na taga-Cerene. Kabilang din si Manaem na kinakapatid ni Herodes na tetrarka at si Saulo.
2 Nang sila ay naglilingkod sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Banal na Espiritu: Ibukod ninyo sa akin si Bernabe at si Saulo para sa gawaing kung saan sila ay tinawag ko. 3 Nang makapanalangin na sila at makapag-ayuno, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanila at pagkatapos nito, sila ay pinahayo.
Sa Chipre
4 Kaya nga, sila na sinugo ng Banal na Espiritu ay lumusong sa Seleucia. Buhat doon ay naglayag sila hanggang sa Chipre.
5 Nang sila ay nasa Salamina, ipinangaral nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin naman nila si Juan na kanilang lingkod.
6 Nang matahak na nila ang buong pulo hanggang sa Pafos, nakatagpo sila ng isang manggagaway, isang bulaang propeta. Siya ay isang Judio na ang pangalan ay Bar-Jesus. 7 Kasama siya ng gobernador na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Siya ang nagpatawag kay Bernabe at kay Saulo dahil hinahangad niyang mapakinggan ang salita ng Diyos. 8 Ngunit hinadlangan sila ni Elimas na manggagaway. Ang kahulugan ng pangalang Bar-Jesus ay Elimas. Pinagsisikapan niyang ilihis sa pananampalataya ang gobernador. 9 Ngunit tinitigan siya ni Saulo, na tinatawag ding Pablo, na puspos ng Banal na Espiritu. 10 Sinabi niya: O ikaw na anak ng diyablo, puno ka ng lahat ng pandaraya at ng lahat ng panlilinlang. Ikaw na kaaway ng lahat ng katuwiran, hindi ka ba titigil sa paglihis ng mga daang matuwid ng Panginoon? 11 At ngayon, narito, ang kamay ng Panginoon ay nasa iyo. Mabubulag ka at hindi mo makikita ang araw sa ilang panahon.
Kaagad na nahulog sa kaniya ang isang ulap at ang kadiliman. Siya ay lumibot na naghahanap ng aakay sa kaniya.
12 Nang magkagayon, nang makita ng gobernador ang nangyari, sumampalataya siya. At lubos silang namangha sa katuruan ng Panginoon.
Sa Antioquia ng Pisidia
13 Si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay naglayag mula sa Pafos at umabot sa Perga ng Pamfilia. Si Juan ay humiwalay sa kanila at bumalik sa Jerusalem.
14 Nang makaraan sila sa Perga, dumating sila sa Antioquia ng Pisidia. Sila ay pumasok sa sinagoga nang araw ng Sabat at sila ay umupo. 15 Pagkatapos ng pagbasa ng aklat ng kautusan at ng aklat ng mga propeta, ang mga pinuno sa sinagoga ay nagpasabi sa kanila. Sinabi nila: Mga kapatid, kung mayroon kayong salita na makakapagpalakas ng loob sa mga tao, magsalita kayo.
16 Tumayo si Pablo at inihudyat ang kamay na sinabi: Mga lalaking taga-Israel, kayong may takot sa Diyos, makinig kayo. 17 Ang Diyos ng mga taong ito ng Israel ay pinili ang ating mga ninuno. Pinarangalan niya ang mga tao nang sila ay nanirahan sa bayan ng Egipto at inilabas niya sila mula roon sa pamamagitan ng makapangyarihang bisig. 18 Sa loob ng halos apatnapung taon ay pinagtiisan niya ang kanilang mga pag-uugali sa ilang. 19 Nang maibagsak na niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, hinati niya sa kanila ang kanilang bayan. 20 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagbigay siya ng mga hukom.
Ito ay naganap sa loob ng halos apatnaraan at limampung taon hanggang kay Samuel na propeta.
21 Pagkatapos ay humingi sila ng hari. Ibinigay sa kanila ng Diyos si Saulo na anak ni Kis. Siya ay mula sa angkan ni Benjamin. Naghari siya sa kanila sa loob ng apatnapung taon. 22 Nang siya ay inalis niya, itinindig niya para sa kanila si David upang maging hari. Siya rin naman ang pinatotohanan niya na sinabi:
Nasumpungan ko si David na anak ni Jesse. Siya ang lalaking ayon sa aking puso na gagawa ng buong kalooban ko.
23 Sa lahi ng taong ito, ayon sa pangako, ang Diyos ay nagtindig ng isang Tagapagligtas sa Israel. Siya ay si Jesus. 24 Bago siya dumating ay nangaral muna si Juan ng bawtismo ng pagsisisi sa lahat ng mga tao sa Israel. 25 Nang ginaganap na ni Juan ang kaniyang katungkulan, sinabi niya: Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Mesiyas. Ngunit narito, may isang dumarating sa hulihan ko. Hindi ako karapat-dapat magkalag ng mga panyapak ng kaniyang mga paa.
26 Mga kapatid, mga anak ng lahi ni Abraham at sa inyong mga may takot sa Diyos, sa inyo ipinadadala ang salita ng kaligtasang ito. 27 Ito ay sapagkat hindi siya nakilala ng mamamayan ng Jerusalem at ng kanilang mga pinuno. Ngunit sa paghatol sa kaniya, ginanap nila ang mga hula ng mga propeta na binabasa tuwing araw ng Sabat. 28 Bagaman hindi sila nakakita ng anumang dahilan upang hatulan siya ng kamatayan, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya ay patayin. 29 Nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na nasusulat patungkol sa kaniya, ibinaba siya ng mga alagad mula sa kahoy at inilagay sa libingan. 30 Ngunit siya ay binuhay ng Diyos mula sa mga patay. 31 Maraming araw siyang nakita ng mga naging kasama niya sa pag-ahon mula sa Galilea hangggang sa Jerusalem. Sila ang mga naging saksi niya sa mga tao.
32 Ipinangangaral namin sa inyo ang ebanghelyo na ipinangako sa ating mga ninuno. 33 Tinupad din ito ng Diyos sa atin na mga anak nila nang muli niyang buhayin si Jesus. Gaya rin naman ng nasusulat sa ikalawang Awit:
Ikaw ay aking Anak. Sa araw na ito ay ipinanganak kita.
34 Patungkol naman sa muli niyang pagkabuhay mula sa mga patay upang hindi magbalik sa pagkabulok ay nagsalita siya ng ganito:
Ibibigay ko sa iyo ang mga tapat na pangako ng Diyos kay David.
35 Kaya nga, sinabi rin niya sa ibang Awit:
Hindi mo pababayaan na ang iyong Banal ay magdanas ng pagkabulok.
36 Ito ay sapagkat si David, nang matapos niyang paglingkuran ang kaniyang sariling lahi ayon sa kalooban ng Diyos ay namatay. Siya ay inilibing sa piling ng kaniyang mga ninuno at dumanas ng pagkabulok. 37 Ngunit siya na muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok.
38 Kaya nga, alamin ninyo ito mga kapatid, na sa pamamagitan ng lalaking ito ay ibinabalita sa inyo ang kapatawaranng mga kasalanan. 39 Sa pamamagitan niya, ang lahat ng sumasampalataya ay pinaging-matuwid sa lahat ng bagay. Sa mga bagay na ito ay hindi kayo maaaring mapapaging-matuwid sa pamamagitan ng kautusan ni Moises. 40 Mag-ingat nga kayo na huwag mangyari sa inyo ang sinalita ng mga propeta:
41 Narito, kayong mga mapangutya, mamangha kayo at mapapahamak sapagkat may gagawin ako sa inyong mga araw. Ito ay isang gawa na sa anumang paraan ay hindi ninyo paniniwalaan kahit na may isang tao pang magsabi sa inyo.
42 Nang ang mga Judio ay nakaalis na sa sinagoga, ipinamanhik ng mga Gentil sa kanila na ang mga salitang ito ay ipangaral sa kanila sa susunod na araw ng Sabat. 43 Nang makaalis na ang kapulungan sa sinagoga, marami sa mga Judio at mga naging Judiong masisipag sa kabanalan ang sumunod kay Pablo at kay Bernabe. Sila ay kinausap nila sila at hinimok na manatili sa biyaya ng Diyos.
44 Nang sumunod na araw ng Sabat ay nagkatipon ang halos buong lungsod upang makinig ng Salita ng Diyos. 45 Nang makita ng mga Judio ang maraming tao, sila ay napuno ng inggit. Tinutulan nila ang mga bagay na sinalita ni Pablo. Sumasalungat sila at nanunungayaw.
46 Kaya si Pablo at Bernabe ay buong tapang na nagsabi: Kinakailangang sa inyo muna sabihin ang salita ng Diyos. Itinakwil at hinatulan ninyong hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Kaya tingnan nga ninyo, kami ay bumaling sa mga Gentil. 47 Ito ay sapagkat sa ganitong paraan ay iniutos sa amin ng Panginoon:
Itinalaga kita bilang isang ilaw sa mga Gentil para sa kaligtasan hanggang sa mga kadulu-duluhan ng daigdig.
48 Nang marinig ito ng mga Gentil ay nagalak sila. Niluwalhati nila ang salita ng Panginoon at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan.
49 Ang salita ng Panginoon ay dinala nila sa buong lupain. 50 Ngunit inudyukan ng mga Judio ang mga babaeng palasimba at yaong may matataas na kalagayan at ang mga pangunahing lalaki sa lungsod. At sila ay nagsimula pag-uusig laban kay Pablo at Bernabe. Pinalayas nila sila sa lupaing iyon. 51 Ipinagpag nina Pablo at Bernabe ang alikabok ng kanilang mga paa laban sa kanila. Pagkatapos sila ay pumaroon sa Iconio. 52 Ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Banal na Espiritu.
Copyright © 1998 by Bibles International