Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 9-10

Ang Pagbabago ni Saulo

Samantala, si Saulo ay namumuhay sa pagbabanta at pagpatay sa mga alagad ng Panginoon. Siya ay pumaroon sa pinakapunong-saserdote.

Humingi siya ng mga sulat para sa mga sinagoga ng Damasco. Sa ganoon, ang sinumang masumpungang niyang nasa Daan, maging mga lalaki o mga babae ay madala niyang nakagapos patungo sa Jerusalem. Sa kaniyang paglalakbay, nang malapit na siya sa Damasco, biglang nagliwanag sa palibot niya ang isang ilaw mula sa langit na tulad sa kidlat. Siya ay nadapa sa lupa at nakarinig siya ng isang tinig na nagsasabi sa kaniya: Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?

Sinabi niya: Sino ka ba Panginoon?

Sinabi ng Panginoon: Ako si Jesus na iyong pinag-uusig. Mahirap sa iyo ang sumikad sa mga pantaboy na patpat.

Nanginginig at nagtatakang sinabi niya: Panginoon, ano ang ibig mong gawin ko? Sinabi ng Panginoon sa kaniya: Tumindig ka at pumunta sa lungsod at sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.

Ang mga taong kasama niya sa paglalakbay ay nakatayo na hindi makapagsalita. Narinig nila ang tinig ngunit wala silang nakikitang sinuman. Tumayo si Saulo at ng siya ay dumilat, wala siyang nakitang sinuman. Siya ay inakay nila at dinala sa Damasco. Siya ay tatlong araw na bulag at hindi siya kumain ni uminom man.

10 May isang alagad sa Damasco na nagngangalang Ananias. Sa isang pangitain, sinabi ng Panginoon sa kaniya: Ananias.

Sinabi niya: Narito ako, Panginoon.

11 Sinabi ng Panginoon sa kaniya: Tumindig ka at pumaroon sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang nagngangalang Saulo na taga-Tarso sapagkat nananalangin siya ngayon. 12 Sa pangitain nakita ni Saulo ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias na lumapit sa kaniya. At ipinatong ni Ananias ang kaniyang kamay kay Saulo upang siya ay makakita.

13 Sumagot si Ananias: Panginoon, nabalitaan ko sa marami ang patungkol sa lalaking ito kung gaano karaming kasamaan ang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem. 14 Dito ay may kapahintulutan siya mula sa mga pinunong-saserdote na ibilanggo ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.

15 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kaniya: Pumaroon ka. Ito ay sapagkat siya ay sisidlang hirang sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil, sa harapan ng mga hari, at ng mga anak ni Israel. 16 Ito ay sapagkat ipakikita ko sa kaniya kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang batahin dahil sa aking pangalan.

17 Lumakad nga si Ananias. Pumasok siya sa bahay upang ipatong kay Saulo ang kaniyang mga kamay na sinabi: Kapatid na Saulo, ang Panginoon, ang nagsugo sa akin. Siya ay si Jesus na nagpakita sa iyo sa daang iyong pinanggalingan. Sinugo niya ako upang tanggapin mo ang iyong paningin at mapuspos ka ng Banal na Espiritu. 18 Agad-agad na nangalaglag mula sa kaniyang mga mata ang mga parang kaliskis. Natanggap niya kaagad ang kaniyang mga paningin. Siya ay tumayo at binawtismuhan. 19 Siya ay kumain at lumakas.

Si Saulo sa Damasco at Jerusalem

Si Saulo ay nakisama ng ilang araw sa mga alagad na taga-Damasco.

20 Pagkatapos ay ipinangaral niya kaagad ang Mesiyas sa mga bahay-sambahan, na siya ang Anak ng Diyos. 21 Ang lahat ng nakarinig sa kaniya ay namangha at nagsabi: Hindi ba ito ang nagwawasak sa mga taong tumatawag sa pangalan ni Jesus doon sa Jerusalem? Siya ay naparito sa pagnanasang sila ay dalhing bihag sa harap ng mga pinunong-saserdote. 22 Ngunit lalong naging makapangyarihan si Saulo at lalong nalito ang mga Judio na nasa Damasco. Kaniyang pinatunayan na ito nga ang Mesiyas.

23 Makalipas ang maraming araw, binalak ng mga Judio na ipapatay siya. 24 Ngunit nalaman ni Saulo ang kanilang balak. Araw at gabi ay binabantayan nila ang mga pintuang-bayan upang patayin siya. 25 Ngunit kinuha siya sa gabi ng kaniyang mga alagad. Siya ay ibinabang palagos mula sa mataas na pader at siya ay inihugos sa isang tiklis.

26 Nang dumating si Saulo sa Jerusalem, pinagsikapan niyang makisanib sa mga alagad. Silang lahat ay natakot sa kaniya. Hindi sila naniniwala na siya ay isang alagad. 27 Ngunit kinuha siya ni Bernabe at siya ay dinala sa mga apostol. Isinaysay niya sa kanila kung paanong nakita ni Saulo ang Panginoon sa daan at kinausap siya. Isinaysay niya kung paanong sa Damasco ay nangaral siyang may kata­pangan sa pangalan ni Jesus. 28 Siya ay kasama nila sa pagpasok at paglabas sa Jerusalem. Siya ay kasama nila na nangangaral nang may katapangan sa pangalan ng Pangi­noong Jesus. 29 Siya ay nagsalita at nakipagtalo sa mga Judio na ang wika ay Griyego. Kaya binalak nilang patayin siya. 30 Nang malaman ito ng mga kapatid, siya ay dinala nila pababa sa Cesarea at siya ay pinaalis nila patungong Tarso.

31 Sa panahong iyon ay nagkaroon ng kapayapaan ang mga iglesiya sa buong Judea at Galilea at Samaria. Sila ay naging matibay at nagpapatuloy na may takot sa Panginoon at may kaaliwan ng Banal na Espiritu at sila ay dumami.

Si Dorcas at Eneas

32 Nangyari, na sa paglalakbay ni Pedro sa lahat ng dako, siya ay naparoon din naman sa mga banal na naninirahansa Lida.

33 Natagpuan niya roon ang isang lalaking nagnga­ngalang Eneas. Siya ay walong taon nang nakaratay sa banig sapagkat siya ay paralitiko. 34 Sinabi sa kaniya ni Pedro: Eneas, pinagaling ka ni Jesus, na siya ang Mesiyas. Tumindig ka at iligpit mo ang iyong higaan. Tumayo kaagad si Eneas. 35 Siya ay nakita ng lahat ng mga nakatira sa Lida at sa Sarona at sila ay nanumbalik sa Panginoon.

36 At sa Jope ay may isang alagad na nagngangalang Tabita. Ang kahulugan ng Tabita ay Dorcas.[a] Siya ay lipos ng mabubuting gawa at gawaing pamamahagi sa mga kahabag-habag. 37 Nangyari nang mga araw na iyon na nagkasakit siya at namatay. Nang siya ay mahugasan nila, inilagay nila siya sa isang silid sa itaas. 38 Ang Lida ay malapit sa Jope. Kaya nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, nagsugo ng dalawang tao sa kaniya. Ipinamanhik nila sa kaniya na huwag niyang patagalin ang pagpunta sa kanila.

39 Tumindig si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, siya ay dinala nila sa silid sa itaas. Ang mga babaeng balo ay nakatayo malapit kay Pedro. Sila ay tumatangis. Ipinakita nila sa kaniya ang mga balabal at mga damit na ginawa ni Dorcas. Ginawa niya ito nang siya ay kasama pa nila.

40 Ngunit pinalabas silang lahat ni Pedro. Lumuhod siya at nanalangin. Pagharap niya sa katawan, sinabi niya: Tabita, bumangon ka. At iminulat niya ang kaniyang mga mata. Nang makita niya si Pedro, umupo siya. 41 Hinawakan ni Pedro ang kaniyang mga kamay at siya ay itinindig. Tinawag niya ang mga banal at ang mga babaeng balo. Siya ay iniharap niyang buhay sa kanila. 42 Ito ay nalaman sa buong Jope at marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 At siya ay nanahan sa Jope ng maraming araw. Kasama siya ni Simon na mangungulti ng balat ng hayop.

Ipinatawag ni Cornelio si Pedro

10 May isang lalaki sa Cesarea na ang pangalan ay Cornelio. Siya ay kapitan ng tinatawag na balangay ng mga taga-Italia.

Siya ay isang taong palasamba at may takot sa Diyos kasama ng kaniyang sambahayan. Marami siyang pagkakaloob sa mga kahabag-habag at laging nana­nalanging sa Diyos para sa iba. Isang araw, nang ikasiyam pa lamang ang oras, maliwanag siyang nakakita ng isang pangitain. Nakita niya ang anghel ng Diyos na papalapit sa kaniya. Sinabi nito sa kaniya: Cornelio.

Siya ay tumitig sa kaniya at sa takot ay sinabi niya sa kaniya: Ano iyon, Panginoon?

Sinabi niya sa kaniya: Ang iyong mga pananalangin atmga pagkakaloob sa mga kahabag-habag ay pumailanglang na isang alaala sa harap ng Diyos.

Magsugo ka ng mga tao ngayon sa Jope. Ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. Siya ay nanunuluyan sa isang taong nagngangalang Simonna mangungulti ng balat ng hayop. Ang kaniyang bahay aynasa tabing dagat. Sasabihin ni Pedro sa iyo ang dapat mong gawin.

Nang umalis ang anghel na nagsalita kay Cornelio, tumawag siya ng dalawa sa kaniyang mga katulong. Tumawag din siya ng isang kawal niya na palasamba sa Diyos napatuloy na naglilingkod sa kaniya. Nang maisaysay na sa kanila ni Cornelio ang lahat ng mga bagay, sila ay isinugo niya sa Jope.

Ang Pangitain ni Pedro

Kinabukasan, habang naglalakbay sila at papalapit na sa lungsod, si Pedro ay umakyat sa bubong ng bahay upang manalangin. Noon ay ikaanim na ang oras.

10 Siya ay nagutom at ibig na niyang kumain. Ngunit samantalang sila ay naghahanda, sa kaniyang kalalagayang tulad ng nananaginip, isang pangitain ang bumaba sa kaniya. 11 Nakita niyang bukas ang langit at may isang kagamitang bumababa sa kaniya. Ito ay gaya ng isang malapad na kumot na nakabuhol ang apat na sulok na bumababa sa lupa. 12 Naroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa. Naroon din ang mababangis na hayop at ang mga gumagapang sa lupa. Naroon din ang mga ibon sa himpapawid. 13 Dumating sa kaniya ang isang tinig: Tumindig ka Pedro. Kumatay ka at kumain.

14 Ngunit sinabi ni Pedro: Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay hindi ako kumain ng anumang bagay na pangkaraniwan at marumi.

15 Muli niyang narinig ang tinig sa ikalawang pagkakataon: Anumang nilinis ng Diyos ay huwag mong ipalagay na pangkaraniwan.

16 Ito ay nangyari ng tatlong ulit at muling binatak sa langit ang sisidlan.

17 Totoong nalito si Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitain na nakita niya. Narito, nang mga sandaling iyon ay naipagtanong na ng mga taong sinugo ni Cornelio kung saan ang bahay ni Simon. Sila ay tumayo sa tarangkahan. 18 Sila ay tumawag at nagtanong kung si Simon na tinatawag na Pedro ay nanunuluyan doon.

19 Samantalang iniisip ni Pedro ang patungkol sa pangitain, sinabi sa kaniya ng Espiritu: Narito, hinahanap ka ng tatlong lalaki. 20 Subalit tumindig ka at bumaba ka at sumama ka sa kanila. Huwag ka nang mag-alinlangan pa sapagkat sila ay aking sinugo.

21 Nanaog si Pedro papunta sa mga lalaki na pinadala ni Cornelio sa kaniya. Sinabi niya: Narito, ako ang hinahanap ninyo. Bakit kayo naparito?

22 Sinabi nila: Si Cornelio ay isang kapitan ng isang balangay at taong matuwid at may takot sa Diyos. Siya ay may mabuting patotoo sa buong bansa ng mga Judio. Pinagtagu­bilinan siya ng Diyos sa pamamagitan ng isang banal na anghel na ikaw ay papuntahin sa kaniyang bahay upang siya ay makarinig ng salita mula sa iyo. 23 Kaya sila ay pinapasok at binigyan ng matutuluyan.

Si Pedro sa Tahanan ni Cornelio

Kinabukasan, umalis si Pedro na kasama nila. Sila ay sinamahan ng ilang kapatid na lalaki mula sa Jope.

24 Kina­bukasan dumating sila sa Cesarea. Sila ay hinihintay ni Cornelio. Tinipon niya ang kaniyang kamag-anakan at kani­yang mga matatalik na kaibigan. 25 Nangyari, na pagpasok ni Pedro ay sinalubong siya ni Cornelio. Nagpatirapa siya sa kaniyang paanan at siya ay sinamba. 26 Ngunit itinindig siya ni Pedro na sinasabi: Tumindig ka, ako ay tao rin naman.

27 Habang nag-uusap sila, pumasok siya at nakita niyang marami ang nagkakatipun-tipon. 28 Sinabi niya sa kanila: Alam ninyo na hindi ayon sa kautusan na ang Judio ay makisama o lumapit sa isang taga-ibang bansa. Ngunit ipina­kita sa akin ng Diyos na huwag kong tawaging pangkaraniwan o marungis ang sinuman. 29 Iyan ang dahilan kaya nang ako ay ipasundo mo, naparito akong hindi tumututol. Kaya nga, itinatanong ko sa inyo, sa anong kadahilanan ipinasundo mo ako?

30 Sinabi ni Cornelio: May apat na araw na hanggang sa oras na ito na ako ay nag-aayuno. Sa ikasiyam na oras sa aking bahay, sa aking pananalangin, at narito, isang lalaki ang tumindig sa harapan ko. Siya ay nakasuot ng maningning na damit. 31 Sinabi niya: Cornelio, dininig ang dalangin mo. Ang iyong mga pagkakaloob sa kahabag-habag ay inaalaala sa paningin ng Diyos. 32 Magsugo ka nga sa Jope, at anyayahan mo si Simon na tinatawag na Pedro. Siya ay nanunuluyan sa bahay ni Simong mangungulti ng balat ng hayop. Ang bahay niya ay nasa tabing dagat. Pagdating niya ay magsasalita siya sa iyo. 33 Kaagad-agad nga ay nagpasugo ako sa iyo. Mabuti at naparito ka. Kaya nga, naririto kaming lahat sa paningin ng Diyos upang dinggin ang lahat ng bagay na ipinag-utos sa iyo ng Diyos.

34 Ibinukas ni Pedro ang kaniyang bibig at nagsabi: Totoo ngang naunawaan kong ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao. 35 Subalit sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaniyang tinatanggap. 36 Alam ninyo ang salitang ipinadala ng Diyos sa mga anak ni Israel na naghahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo. Siya ay Panginoon ng lahat. 37 Ang pangyayaring ito ay naganap sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bawtismo na ipinangaral ni Juan. 38 Alam ninyo kung papaanong si Jesus, na taga-Nazaret ay pinahiran ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan. Siya ay naglilibot na gumagawa ng mabuti. Pinagaling niya ang lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo sapagkat sumasa kaniya ang Diyos.

39 Mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Pinatay nila siya sa pamamagitan ng pagbitin sa kahoy. 40 Nang ikatlong araw siya ay muling binuhay ng Diyos at siya ay inihayag. 41 Inihayag siya hindi sa lahat ng mga tao kundi sa mga saksi na hinirang ng Diyos nang una. Ito ay sa amin na kasalo niyang kumain at uminom pagkatapos niyang bumangon mula sa mga patay. 42 Iniutos niya sa amin na mangaral sa mga tao at lubos na pinagpapatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buhay at ng mga patay. 43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta. Pinatotohanan nila na ang bawat sumasampalataya sa kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.

44 Samantalang nagsasalita pa si Pedro, bumaba ang Banal na Espiritu sa lahat ng nakikinig ng salita. 45 Ang lahat ng mga mananampalatayang nasa pagtutuli na kasama ni Pedro ay namangha sapagkat ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Banal na Espiritu. 46 Nalaman nila ito dahil narinig nila ang mga ito na nagsasalita ng mga wika at nagpupuri sa Diyos.

47 Nang magkagayon ay sumagot si Pedro: Maipagbabawal ba ng sinuman ang paggamit ng tubig upang mabawtismuhan itong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na gaya naman natin? 48 Inutusan niya sila na magpabawtismo sa pangalan ng Pangi­noon. Pagkatapos nito hiniling nila sa kaniya na manatili ng mga ilang araw.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International