Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Juan 16-18

16 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang hindi kayo matisod. Palalayasin nila kayo sa mga sina­goga. Darating ang oras na ang sinumang papatay sa inyo ay mag-aakalang siya ay naghahandog ng paglilingkod sa Diyos. Gagawin nila sa inyo ang mga bagay na ito sapagkat hindi nila kilala ang Ama o ako. Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang sa pagdating ng oras, maala-ala ninyo na sinabi ko sa inyo ang mga ito. Hindi ko sinabi sa inyo ang mga bagay na ito sa simula sapagkat ako ay kasama ninyo.

Ang Gawain ng Banal na Espiritu

Ngayon ay pupunta ako sa kaniya na nagsugo sa akin. At walang sinuman sa inyo ang nagtatanong sa akin: Saan ka pupunta?

Dahil sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito, napuno ng lumbay ang inyong mga puso. Gayunman, sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: Makakabuti sa inyo na ako ay umalis sapagkat kung hindi ako aalis, ang Tagapayo ay hindi darating sa inyo. Kapag ako ay umalis, susuguin ko siya sa inyo. Pagdating niya ay kaniyang susumbatan ang sang­katauhan patungkol sa kasalanan, sa katuwiran at sa kahatulan. Susumbatan niya sila patungkol sa kasalanan, sapagkat hindi sila sumampalataya sa akin. 10 Susumbatan niya sila patungkol sa katuwiran sapagkat ako ay pupunta sa aking Ama at hindi na ninyo ako makikita. 11 Susumbatan niya sila patungkol sa kahatulan sapagkat ang prinsipe ng sanlibutang ito ay nahatulan na.

12 Marami pa akong sasabihing mga bagay sa inyo ngunit hindi ninyo ito matatanggap sa ngayon. 13 Gayunman, sa pagdating ng Espiritu ng Katotohanan, papatnubayan niya kayo sa lahat ng katotohanan. Ito ay sapagkat hindi siya magsasalita ng patungkol sa kaniyang sarili. Kung ano ang kaniyang maririnig,iyon ang kaniyang sasabihin. Ipapahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating. 14 Luluwalhatiin niya ako sapagkat tatanggapin niya ang sa akin at ipapahayag niya ito sa inyo. 15 Ang lahat ng mga bagay na mayroon ang Ama ay akin. Kaya nga, sinabi ko: Tatanggapin niya ang sa akin at ipapahayag niya ito sa inyo.

16 Kaunting panahon na lamang at hindi ninyo ako makikita. Pagkatapos ng kaunting panahon, makikitaninyo ako sapagkat pupunta ako sa Ama.

Ang Kalungkutan ng mga Alagad ay Magiging Kagalakan

17 Ang ilan sa kaniyang mga alagad ay nagtanong sa isa’t isa: Ano itong sinasabi niya sa atin? Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita. Pagkatapos ng kaunting panahon, makikita ninyo ako sapagkat pupunta ako sa Ama.

18 Sinabi nga nila: Ano itong sinasabiniyang kaunting panahon na lamang? Hindi natin maunawaan ang sinasabi niya.

19 Alam nga ni Jesus na nais nilang magtanong sa kaniya. Sinabi niya sa kanila: Nagtatanong ba kayo sa isa’t isa patungkol sa sinabi ko: Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, pagkatapos ng kaunting panahon, makikita ninyo akong muli. 20 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kayo ay tatangis at mananaghoy ngunit ang sanlibutan ay magagalak. Kayo ay malulumbay ngunit ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan. 21 Ang babae kapag nanganganak ay nalulumbay sapagkat ang kaniyang oras ay dumating na. Pagkapanganak niya sa sanggol ay hindi na niya naaalaala anghirap dahil sa katuwaang may isang taong isinilang sa sanlibutan. 22 Gayundin naman kayo. Kayo ngayon ay nalulumbay ngunit makikita ko kayong muli at ang inyong puso ay magagalak. Walang taong aagaw ng inyong kagalakan mula sa inyo. 23 Sa araw na iyon ay hindi kayo hihingi sa akin ng anuman. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang inyong hingin sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayon ay wala pa kayong hiningi sa pangalan ko. Humingi kayo at tatanggap kayo upang malubos ang inyong kagalakan.

25 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo sa pamama­gitan ng mga talinghaga. Darating ang oras na hindi na ako magsasalita sa inyo sa pamamagitan ng mga talinghaga. Subalit maliwanag kong ipapahayag sa inyo ang patungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa pangalan ko. Hindi ko sinasabi sa inyo na dadalangin ako sa Ama para sa inyo. 27 Ito ay sapagkat ang Ama mismo ang siyang umiibig sa inyo sapagkat inibig ninyo ako. At sumampalataya rin kayo na ako ay nagmula sa Diyos. 28 Ako ay nagmula sa Ama at pumarito sa sanlibutan. Muli, iiwanan ko ang sanlibutan at pupunta ako sa Ama.

29 Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Tingnan ninyo. Ngayon ay nagsasalita ka ng maliwanag at hindi sa talinghaga. 30 Ngayon ay natitiyak namin na alam mo ang lahat ng mga bagay. Hindi na kailangan na tanungin ka pa ng sinuman. Sa pamamagitan nito ay sumasampalataya kaming ikaw ay nagmula sa Diyos.

31 Sumagot sa kanila si Jesus: Sumasampalataya na ba kayo ngayon? 32 Narito, dumarating na ang oras at dumating na ngayon, na kayo ay maghihiwa-hiwalay at iiwanan ninyo akong mag-isa. Gayunman ako ay hindi nag-iisa sapagkat ang Ama ay kasama ko.

33 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay mayroon kayong paghihirap. Lakasan ninyo ang inyong loob, napagta­gumpayan ko na ang sanlibutan.

Nanalangin si Jesus Kara sa Kaniyang Sarili

17 Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito at tumingin siya sa langit at nagsabi:

Ama ang oras ay dumating na. Luwalhatiin mo ang iyong Anak at nang luwalhatiin ka rin naman ng Anak.

Kung paanong binigyan mo siya ng kapamahalaan sa lahat ng tao, sa gayunding paraan siya ay magbibigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng ibinigay mo sa kaniya. Ito ang buhay na walang hanggan: Ang makilala ka nila, ang tanging Diyos na totoo at si Jesucristo na iyong sinugo. Niluwalhati kita sa lupa.Ginanap ko ang gawaing ibinigay mo sa akin upang aking gawin. Ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong sarili ng kaluwalhatiang taglay ko nang kasama ka bago pa likhain ang sanlibutan.

Ipinanalangin ni Jesus ang mga Alagad

Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sangkatauhan. Sila ay iyo at ibinigay mo sila sa akin. Tinupad nila ang iyong salita.

Ngayon ay alam nila na lahat ng mga bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo. Ito ay sapagkat ibinigay ko sa kanila ang mga salitang ibinigay mo sa akin. Tinanggap nila ang mga ito. Totoong alam nila na ako ay nagmula sa iyo. Sila ay sumampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinapanalangin ko sila. Hindi ko ipinapanalangin ang sangkatauhan kundi sila na ibinigay mo sa akin sapagkat sila ay iyo. 10 Ang lahat ng sa akin ay iyo at ang mga sa iyo ay akin. Ako ay naluluwalhati sa kanila. 11 Ngayon ay wala na ako sa sanlibutan ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Ako ay patungo sa iyo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin. Ingatan mo sila upang sila ay maging isa, kung papaanong tayo ay isa. 12 Nang ako ay kasama nila sa sanlibutan ay iningatan ko sila sa iyongpangalan. Ang mga ibinigay mo sa akin ay iningatan ko. Walang sinuman sa kanila ang napahamak maliban sa kaniya na anak ng kapahamakan upang ang kasulatan ay matupad.

13 Pupunta ako sa iyo ngayon. Ang mga bagay na ito ay sinasabi ko sa sanlibutan upang ang aking kagalakan ay malubos sa kanila. 14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita. Sila ay kinapootan ng sangkatauhan dahil silaay hindi taga-sanlibutan, tulad ko rin na hindi taga-sanlibutan. 15 Hindi ko idinadalangin na kunin mo sila sa sanlibutan kundi ingatan mo sila mula sa kaniya na masama. 16 Sila ay hindi taga-sanlibutan tulad ko na hindi taga-sanlibutan. 17 Pakabanalin mo sila sa pamama­gitan ng iyong katotohanan. Ang iyong salita ay katoto­hanan. 18 Kung papaanong sinugo mo ako sa sanlibutan, gayundin naman sinugo ko sila sa sanlibutan. 19 Para sa kanilang kapakanan pinabanal ko ang aking sarili upang sila ay maging banal din naman sa pamamagitan ng katotohanan.

Ipinanalangin ni Jesus ang Lahat ng Mananampalataya

20 Hindi lamang sila ang aking mga idinadalangin. Idinadalangin ko rin naman ang mga sasampalataya sa akin sa pamamagitan ng salita nila.

21 Idinadalangin ko na sila ay maging isa, Ama, tulad mo na sumasa akin at ako ay sumasa iyo. Idinadalangin ko na silang lahat ay maging isa sa atin, upang ang sangkatauhan ay sumam­palataya na ikaw ang nagsugo sa akin. 22 Ang kaluwal­hatian na ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila upang sila ay maging isa tulad natin na isa. 23 Ako ay nasa kanila at ikaw ay nasa akin upang sila ay maging ganap na isa at upang malaman ng sangkatauhan na isinugo mo ako. At malaman din nila na iniibig mo sila tulad ng pag-ibig mo sa akin.

24 Ama, nais ko na ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko sa kinaroroonan ko. Ito ay upang mamasdan nila ang aking kaluwalhatian na iyong ibinigay sa akin. Sapagkat iniibig mo na ako bago pa itinatag ang sanlibutan.

25 Amang matuwid, hindi ka nakilala ng sangkatauhan. Ngunit nakikilala kita at alam ng mga ito na ako ay sinugo mo. 26 Inihayag ko sa kanila ang iyong pangalan at ihahayag pa, upang ang pag-ibig mo, na kung saan ay inibig mo ako, ay mapasakanila at ako ay sumakanila.

Dinakip Nila si Jesus

18 Pagkasabi ni Jesus ng mga salitang ito ay umalis siya kasama ang kaniyang mga alagad. Sila ay nagtungo sa kabila ng batis ng Kedron na kung saan ay may isang halamanan. Siya at ang kaniyang mga alagad ay pumasok doon.

Si Judas na magkakanulo sa kaniya ay alam din ang pook na iyon sapagkat si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay madalas na magtipon doon. At dumating si Judas kasama ang batalyon ng mga kawal at mga opisyales mula sa mga pinunong-saserdote at mga Fariseo. Dumating sila roon na may dalang mga sulo, mga ilawan at mga sandata.

Kaya nga, si Jesus na nalalaman ang lahat ng mga bagay na magaganap sa kaniya, ay sumalubong sa kanila. Sinabi niya sa kanila: Sino ang hinahanap ninyo?

Sumagot sila sa kaniya: Si Jesus na taga-Nazaret.

Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako nga iyon. Si Judas na nagkanulo sa kaniya ay nakatayo ring kasama nila.

Kaya nga, nang sabihin niya sa kanila: Ako nga iyon, napaurong sila at natumba sa lupa.

Muli nga niya silang tinanong: Sino ang hinahanap ninyo?

Sinabi nila: Si Jesus na taga-Nazaret.

Sumagot si Jesus: Sinabi ko na sa inyo: Ako nga iyon. Kung ako nga ang inyong hinahanap, pabayaan ninyong umalis ang mga ito. Ito ay upang matupad ang pananalitang kaniyang sinabi: Sa mga ibinigay mo sa akin ay hindi ako nawalan ni isa man.

10 Si Simon Pedro nga ay may tabak at binunot niya ito. Tinaga niya ang alipin ng pinakapunong-saserdote at natanggal ang kanang tainga. Ang pangalan ng alipin ay Malcu.

11 Sinabi nga ni Jesus kay Pedro: Isalong mo ang iyong tabak. Hindi ba iinumin ko ang sarong ibinigay sa akin ng Ama?

Dinala Nila si Jesus kay Anas

12 Hinuli nga si Jesus ng pangkat ng mga kawal, ng kapitan at ng opisyales ng mga Judio at siya ay kanilang ginapos.

13 Dinala muna nila siya kay Anas sapagkat siya ang biyenang lalaki ni Caifas na pinakapunong-saserdote ng taon ding iyon. 14 Si Caifas ang nagbigay ng payo sa mga Judio na makakabuting may isang mamatay para sa mga tao.

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus sa Unang Pagkakataon

15 Si Simon Pedro at ang isa pang alagad ay sumunod kay Jesus. Ang alagad na iyon ay kilala ng pinakapunong-saserdote. Siya ay pumasok na kasama ni Jesus sa bulwagan ng pinakapunong-saserdote.

16 Si Pedro ay nakatayo sa labas ng pintuan. Ang alagad na kilala ng pinakapunong-saserdote ay lumabas. Kinausap niya ang babaeng nagbabantay sa may pintuan at pinapasok si Pedro.

17 Ang utusang babae na nagbabantay ng pintuan ay nagsabi nga kay Pedro: Hindi ba ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito?

Sinabi niya: Hindi.

18 Ang mga alipin at mga tanod ng templo ay nakatayo roon. Sila ay nagpabaga ng uling sapagkat malamig doon at nagpapainit ng kanilang mga sarili. Si Pedro ay nakatayong kasama nila at nagpapainit ng kaniyang sarili.

Tinanong si Jesus ng Pinakapunong-saserdote

19 Ang pinakapunong-saserdote ay nagtanong kay Jesus patungkol sa kaniyang mga alagad at sa kaniyang turo.

20 Sumagot si Jesus sa kaniya: Ako ay hayagang nagsalita sa sangkatauhan. Ako ay laging nagtuturo sa sinagoga at sa templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabing anuman sa lihim. 21 Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakarinig sa akin kung ano ang sinabi ko sa kanila. Tingnan mo, alam nila ang sinabi ko.

22 Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, isa sa opisyales ng templo na nakatayo sa tabi, ang sumampal kay Jesus. Sinabi niya: Sumasagot ka ba nang ganyan sa pinakapunong-saserdote?

23 Sumagot sa kaniya si Jesus: Kung ako ay nagsalita ng masama, magbigay saksi ka patungkol sa masama. Kung mabuti ang aking sinasabi, bakit mo ako hinampas? 24 Si Jesus ay nakagapos na ipinadala ni Anas kay Caifas na pinakapunong-saserdote.

Si Jesus ay Ipinagkaila ni Pedro sa Ikalawa at Ikatlong Pagkakataon

25 Si Simon Pedro ay nakatayo at siya ay nagpapainit ng kaniyang sarili. Sinabi nga nila sa kaniya: Hindi ba isa ka rin sa kaniyang mga alagad?

Siya ay nagkaila at sinabi: Hindi.

26 Ang isa sa mga alipin ng pinakapunong-saserdote ay kamag-anak ng tinanggalan ni Pedro ng tainga. Siya ay nag­sabi: Hindi ba nakita kitang kasama niya sa halamanan? 27 Muling nagkaila si Pedro at kaagad ay tumilaok ang isang tandang.

Si Jesus sa Harap ni Pilato

28 Dinala nga nila si Jesus mula kay Caifas patungo sa hukuman. Maaga pa noon. At sila ay hindi pumasok sa huku­man upang hindi sila madungisan at upang sila ay makakain sa Paglagpas.

29 Kaya nga, lumabas si Pilato at sinabi sa kanila: Anong paratang ang dala ninyo laban sa taong ito?

30 Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya: Kung hindi siya gumagawa ng masama, hindi namin siya ibibigay sa iyo.

31 Sinabi nga ni Pilato sa kanila: Kunin ninyo siya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong kautusan.

Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya: Wala kaming karapatang pumatay ng sinumang tao.

32 Ito ay nangyari upang matupad ang sinabi ni Jesus. Ang salita na kaniyang sinabi ay nagpapa­hayag ng uri nang kamatayan na kaniyang ika­mamatay.

33 Pumasok ngang muli si Pilato sa hukuman at tinawag si Jesus. Sinabi niya sa kaniya: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?

34 Sumagot sa kaniya si Jesus: Ito ba ay sinasabi mo mula sa iyong sarili? O may ibang nagsabi sa iyo patungkol sa akin?

35 Sumagot si Pilato: Ako ba ay isang Judio? Ibinigay ka sa akin ng iyong sariling bansa at ng mga pinunong-saserdote. Ano ba ang nagawa mo?

36 Sumagot si Jesus: Ang aking paghahari ay hindi sa sanlibutang ito. Kung ang aking paghahari ay sa sanlibutang ito, makikipaglaban ang aking mga lingkod upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit sa ngayon ang aking paghahari ay hindi mula rito.

37 Kaya nga, sinabi ni Pilato sa kaniya: Kung gayon, ikaw ba ay isang hari?

Sumagot si Jesus: Tama ang iyong sinabi sapagkat ako ay isang hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak. At sa kadahilanang ito ako ay naparito sa sanlibutan: Upang magpa­totoo ako sa katotohanan. Ang bawat isa na nasa katotohanan ay dumirinig ng aking tinig.

38 Sinabi ni Pilato sa kaniya: Ano ang katotohanan? Pagkasabi niya nito ay muli siyang pumunta sa mga Judio. Sinabi niya sa kanila: Wala akong makitang kasalanan sa kaniya. 39 Ngunit kayo ay may isang kaugalian na palayain ko sa inyo ang isa sa araw ng Paglagpas. Ibig nga ba ninyo na palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?

40 Lahat nga sila ay muling sumigaw na sinasabi: Hindi ang taong ito kundi si Barabas. Subalit si Barabas ay isang tulisan.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International