Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Mga Gawa 18-20

18 Pagkatapos ng mga bagay na ito'y umalis siya sa Atenas, at napasa Corinto.

At nasumpungan niya ang isang Judio na nagngangalang Aquila, isang lalaking tubo sa Ponto, na hindi pa nalalaong nanggagaling sa Italia, kasama ni Priscila na kaniyang asawa, sapagka't ipinagutos ni Claudio na ang lahat ng mga Judio ay magsialis sa Roma: at siya'y lumapit sa kanila;

At sapagka't ang hanap-buhay niya'y gaya rin ng kanila, ay nakipanuluyan siya sa kanila, at sila'y nagsigawa: sapagka't ang hanap-buhay nila'y gumawa ng mga tolda.

At siya'y nangangatuwiran tuwing sabbath sa sinagoga, at hinihikayat ang mga Judio at ang mga Griego.

Datapuwa't nang si Silas at si Timoteo ay magsilusong mula sa Macedonia, si Pablo ay napilitan sa pamamagitan ng salita, na sinasaksihan sa mga Judio na si Jesus ang siyang Cristo.

At nang sila'y magsitutol at magsipamusong, ay ipinagpag niya ang kaniyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, Ang inyong dugo'y sumainyong sariling mga ulo: ako'y malinis: buhat ngayo'y paparoon ako sa mga Gentil.

At siya'y umalis doon, at pumasok sa bahay ng isang lalaking nagngangalang Tito Justo, na isang sumasamba sa Dios, na ang bahay niya'y karugtong ng sinagoga.

At si Crispo, ang pinuno sa sinagoga, ay nanampalataya sa Panginoon, pati ng buong sangbahayan niya; at marami sa mga taga Corinto na sa pakikinig ay nagsisampalataya, at pawang nangabautismuhan.

At sinabi ng Panginoon kay Pablo nang gabi sa pangitain, Huwag kang matakot, kundi magsalita ka, at huwag kang tumahimik:

10 Sapagka't ako'y sumasaiyo, at sinoma'y hindi ka madadaluhong upang saktan ka: sapagka't makapal ang mga tao ko sa bayang ito.

11 At siya'y tumahan doong isang taon at anim na buwan, na itinuturo sa kanila ang salita ng Dios.

12 Datapuwa't nang si Galion ay proconsul ng Acaya ang mga Judio ay nangagkaisang nangagsitindig laban kay Pablo at siya'y dinala sa harapan ng hukuman,

13 Na nagsasabi, Hinihikayat ng taong ito ang mga tao upang magsisamba sa Dios laban sa kautusan.

14 Datapuwa't nang bubukhin na ni Pablo ang kaniyang bibig, ay sinabi ni Galion sa mga Judio, Kung ito'y tunay na masamang gawa o mabigat na kasalanan, Oh mga Judio, may matuwid na tiisin ko kayo:

15 Datapuwa't kung mga pagtatalo tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo sa inyong sarili na ang bahala noon; ayaw kong maging hukom sa mga bagay na ito.

16 At sila'y pinalayas niya sa hukuman.

17 At hinawakan nilang lahat si Sostenes, na pinuno sa sinagoga, at siya'y hinampas sa harapan ng hukuman. At hindi man lamang pinansin ni Galion ang mga bagay na ito.

18 At si Pablo, pagkatapos na makatira na roong maraming araw, ay nagpaalam sa mga kapatid, at buhat doo'y lumayag na patungo sa Siria, at kasama niya si Priscila at si Aquila: na inahit niya ang kaniyang buhok sa Cencrea; sapagka't siya'y may panata.

19 At sila'y nagsidating sa Efeso, at sila'y iniwan niya doon: datapuwa't pumasok siya sa sinagoga, at nangatuwiran sa mga Judio.

20 At nang siya'y pamanhikan nila na tumigil pa roon ng ilang panahon, ay hindi siya pumayag;

21 Kundi nang siya'y nagpaalam sa kanila, at nagsabi, Babalik uli ako sa inyo kung loobin ng Dios, siya'y naglayag buhat sa Efeso.

22 At nang makalunsad na siya sa Cesarea, ay siya'y umahon at bumati sa iglesia, at lumusong sa Antioquia.

23 At nang makagugol na siya roon ng ilang panahon, ay umalis siya, at tinahak ang lupain ng Galacia, at Frigia, na sunodsunod, na pinagtitibay ang lahat ng mga alagad.

24 Ngayon ang isang Judio na nagngangalang Apolos, na isang Alejandrino sa lahi, at taong marikit mangusap, ay dumating sa Efeso; at siya'y makapangyarihan ukol sa mga kasulatan.

25 Ang taong ito'y tinuruan sa daan ng Panginoon; at palibhasa'y may maningas na espiritu, ay kaniyang sinalita at itinurong maingat ang mga bagay na tungkol kay Jesus, na ang naalaman lamang ay ang bautismo ni Juan:

26 At siya'y nagpasimulang magsalita ng buong tapang sa sinagoga. Datapuwa't nang siya'y marinig ni Priscila at ni Aquila, ay kanilang isinama siya, at isinaysay sa kaniya ang daan ng Panginoon ng lalong maingat.

27 At nang ibig niyang lumipat sa Acaya, ay pinalakas ng mga kapatid ang kaniyang loob at sila'y nagsisulat sa mga alagad na siya'y tanggapin: at nang siya'y dumating doon, ay lubos na tumulong siya sa mga nagsisampalataya sa pamamagitan ng biyaya;

28 Sapagka't may kapangyarihang dinaig niya ang mga Judio, at hayag, na ipinakilala sa pamamagitan ng mga kasulatan na si Jesus ay ang Cristo.

19 At nangyari, na, samantalang si Apolos ay nasa Corinto, pagkatahak ni Pablo ng mga lupaing matataas ay napasa Efeso, at nakasumpong ng ilang mga alagad:

At sa kanila'y sinabi niya, Tinanggap baga ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y magsisampalataya? At sinabi nila sa kaniya, Hindi, hindi man lamang namin narinig na may ibinigay na Espiritu Santo.

At sinabi niya, Kung gayo'y sa ano kayo binautismuhan? At sinabi nila, Sa bautismo ni Juan.

At sinabi ni Pablo, Nagbabautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi, na sinasabi sa bayan na sila'y magsisampalataya sa darating sa hulihan niya, sa makatuwid baga'y kay Jesus.

At nang kanilang marinig ito, ay nangapabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus.

At nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kaniyang mga kamay, ay bumaba sa kanila ang Espiritu Santo; at sila'y nagsipagsalita ng mga wika, at nagsipanghula.

At silang lahat ay may labingdalawang lalake.

At siya'y pumasok sa sinagoga, at nagsalitang may katapangan sa loob ng tatlong buwan, na nangangatuwiran at nanghihikayat tungkol sa mga bagay na nauukol sa kaharian ng Dios.

Datapuwa't nang magsipagmatigas ang ilan at ayaw magsipaniwala, na pinagsasalitaan ng masama ang Daan sa harapan ng karamihan, ay umalis siya sa kanila, at inihiwalay ang mga alagad, na nangangatuwiran araw-araw sa paaralan ni Tiranno.

10 At ito'y tumagal sa loob ng dalawang taon; ano pa't ang lahat ng mga nagsisitahan sa Asia ay nangakarinig ng salita ng Panginoon, ang mga Judio at gayon din ang mga Griego.

11 At gumawa ang Dios ng mga tanging himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo:

12 Ano pa't ang mga panyo o mga tapi na mapadaiti sa kaniyang katawan ay dinadala sa mga may-sakit, at nawawala sa kanila ang mga sakit, at nangagsisilabas ang masasamang espiritu.

13 Datapuwa't ilan sa mga Judiong pagalagala na nagsisipagpalayas ng masasamang espiritu, ay nagsipangahas na sambitlain ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga may masasamang espiritu, na nagsisipagsabi, Ipinamamanhik ko sa inyo sa pamamagitan ni Jesus na siyang ipinangangaral ni Pablo.

14 At may pitong anak na lalake ang isang Esceva na Judio, isang pangulong saserdote, na nagsisigawa nito.

15 At sumagot ang masamang espiritu at sa kanila'y sinabi, Nakikilala ko si Jesus, at nakikilala ko si Pablo; datapuwa't sino-sino kayo?

16 At ang taong kinaroroonan ng masamang espiritu ay lumukso sa kanila, at sila'y kaniyang natalo, at nadaig sila, ano pa't nagsitakas sila sa bahay na yaon na mga hubo't hubad at mga sugatan.

17 At nahayag ito sa lahat, sa mga Judio at gayon din sa mga Griego, na nangananahanan sa Efeso; at sinidlan silang lahat ng takot, at pinadakila ang pangalan ng Panginoong Jesus.

18 Marami rin naman sa mga nagsisampalataya na ang nagsidating, na ipinahahayag at isinasaysay ang kanilang mga gawain.

19 At hindi kakaunti sa mga nagsisigamit ng mga kabihasnang magica ay nagsipagtipon ng kanilang mga aklat, at pinagsusunog sa paningin ng lahat; at kanilang binilang ang halaga niyaon, at nasumpungang may limampung libong putol na pilak.

20 Sa gayo'y lumagong totoo ang salita ng Panginoon at nanaig.

21 Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, ay ipinasiya ni Pablo sa espiritu, nang matahak na niya ang Macedonia at ang Acaya, na pumaroon sa Jerusalem, na sinasabi, Pagkapanggaling ko roon, ay kinakailangang makita ko naman ang Roma.

22 At nang maisugo na niya sa Macedonia ang dalawa sa nagsisipaglingkod sa kaniya, na si Timoteo at si Erasto, siya rin ay natirang ilang panahon sa Asia.

23 At halos nang panahong yao'y may nangyaring hindi mumunting kaguluhan tungkol sa Daan.

24 Sapagka't may isang taong nagngangalang Demetrio, pandaypilak, na gumagawa ng maliliit na dambanang pilak ni Diana, ay nagbibigay ng hindi kakaunting hanap-buhay sa mga panday;

25 Na sila'y kaniyang tinipon pati ng mga manggagawa ng mga gayong gawa, at sinabi, Mga Ginoo, talastas ninyo na nagsisiyaman tayo sa hanap-buhay na ito.

26 At inyong nakikita at naririnig, na hindi lamang sa Efeso, kundi halos sa buong Asia, ay nakaakit ang Pablong ito at naghiwalay ng maraming mga tao, na sinasabing hindi raw mga dios, ang mga ginagawa ng mga kamay:

27 At hindi lamang may panganib na mawalang kapurihan ang hanapbuhay nating ito; kundi naman ang templo ng dakilang diosa Diana ay mawawalan ng halaga, at hanggang sa malugso ang kadakilaan niya na sinasamba ng buong Asia at ng sanglibutan.

28 At nang marinig nila ito'y nangapuno sila ng galit, at nangagsigawan, na nagsipagsabi, Dakila ang Diana ng mga taga Efeso.

29 At napuno ng kaguluhan ang bayan: at pinagkaisahan nilang lusubin ang dulaan, na sinunggaban si Gayo at si Aristarco, mga lalaking taga Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay.

30 At nang inakala ni Pablo na pasukin ang mga tao, ay hindi siya tinulutan ng mga alagad.

31 At ang ilan din naman sa mga puno sa Asia, palibhasa'y kaniyang mga kaibigan, ay nangagpasugo sa kaniya at siya'y pinakiusapang huwag siyang pumaroon sa dulaan.

32 At ang iba nga'y sumisigaw ng isang bagay, at ang iba'y iba naman: sapagka't ang pulong ay nasa kaguluhan; at hindi maalaman ng karamihan kung bakit sila'y nangagkatipon.

33 At kanilang inilabas si Alejandro sa karamihan, na siya'y itinutulak ng mga Judio sa dakong harap. At inihudyat ang kamay ni Alejandro, at ibig sanang magsanggalang sa harapan ng bayan.

34 Datapuwa't nang matalastas nilang siya'y Judio, ay nangagkaisang lahat na mangagsigawan sa loob halos ng dalawang oras, Dakila ang Diana ng mga Efeso.

35 At nang mapatahimik na ng kalihim-bayan ang karamihan, ay kaniyang sinabi, Kayong mga lalaking taga Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang bayan ng mga Efeso ay tagapagingat ng templo ng dakilang Diana, at ng larawang nahulog mula kay Jupiter?

36 Yamang hindi nga maikakaila ang mga bagay na ito, ay dapat kayong magsitahimik, at huwag magsigawa ng anomang bagay sa madalian.

37 Sapagka't dinala ninyo rito ang mga taong ito, na hindi mga mangloloob sa templo, ni mga mamumusong man sa ating diosa.

38 Kung si Demetrio nga, at ang mga panday na kasama niya, ay mayroong anomang sakdal laban sa kanino man, ay bukas ang mga hukuman, at may mga proconsul: bayaan ninyong mangagsakdal ang isa't isa.

39 Datapuwa't kung may inuusig kayo sa ano pa mang ibang mga bagay, ay mahahatulan sa karaniwang kapulungan.

40 Sapagka't totoong nanganganib tayo na mangasakdal tungkol sa pagkakagulo sa araw na ito, palibhasa'y walang anomang kadahilanan: at tungkol dito ay hindi tayo makapagbibigay sulit tungkol sa pagkakatipong ito.

41 At nang siya'y makapagsalitang gayon, ay pinaalis niya ang kapulungan.

20 At pagkatapos na mapatigil ang kaguluhan, nang maipatawag na ni Pablo ang mga alagad at sila'y mapangaralan, ay nagpaalam sa kanila, at umalis upang pumaroon sa Macedonia.

At nang matahak na niya ang mga dakong yaon, at maaralan na sila ng marami, siya'y napasa Grecia.

At nang siya'y makapaggugol na ng tatlong buwan doon, at mapabakayan siya ng mga Judio nang siya'y lalayag na sa Siria, ay pinasiyahan niyang bumalik na magdaan sa Macedonia.

At siya'y sinamahan hanggang sa Asia, ni Sopatro na taga Berea, na anak ni Pirro; at ng mga taga Tesalonicang si Aristarco at si Segundo; at ni Gayo na taga Derbe, at ni Timoteo; at ng mga taga Asiang si Tiquico at si Trofimo.

Datapuwa't nangauna ang mga ito, at hinintay kami sa Troas.

At kami'y nagsilayag mula sa Filipos pagkaraan ng mga kaarawan ng mga tinapay na walang lebadura, at nagsidating kami sa kanila sa Troas sa loob ng limang araw; na doo'y nagsitira kaming pitong araw.

At nang unang araw ng sanglinggo, nang kami'y nangagkakapisan upang pagputolputulin ang tinapay, si Pablo ay nangaral sa kanila, na nagaakalang umalis sa kinabukasan; at tumagal ang kaniyang pananalita hanggang sa hatinggabi.

At may maraming mga ilaw sa silid sa itaas na pangkatipunan namin.

At may nakaupo sa durungawan na isang binatang nagngangalang Eutico, na mahimbing sa pagtulog; at samantalang si Pablo ay nangangaral ng mahaba, palibhasa'y natutulog ay nahulog buhat sa ikatlong grado, at siya'y binuhat na patay.

10 At nanaog si Pablo, at dumapa sa ibabaw niya, at siya'y niyakap na sinabi, Huwag kayong magkagulo; sapagka't nasa kaniya ang kaniyang buhay.

11 At nang siya'y makapanhik na, at mapagputolputol na ang tinapay, at makakain na, at makapagsalita sa kanila ng mahaba, hanggang sa sumikat ang araw, kaya't siya'y umalis.

12 At kanilang dinalang buhay ang binata, at hindi kakaunti ang kanilang pagkaaliw.

13 Datapuwa't kami, na nangauna sa daong, ay nagsilayag na patungong Ason, na doon namin inaakalang ilulan si Pablo: sapagka't gayon ang kaniyang ipinasiya, na ninanasa niyang maglakad.

14 At nang salubungin niya kami sa Ason, siya'y inilulan namin, at nagsiparoon kami sa Mitilene.

15 At pagtulak namin doon, ay sumapit kami nang sumunod na araw sa tapat ng Chio; at nang kinabukasan ay nagsidaong kami sa Samo; at nang kinabukasan ay nagsirating kami sa Mileto.

16 Sapagka't ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso, upang huwag na siyang maggugol ng panahon sa Asia; sapagka't siya'y nagmamadali upang kung maaari ay dumating sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.

17 At mula sa Mileto ay nagpasugo siya sa Efeso, at ipinatawag ang mga matanda sa iglesia.

18 At nang sila'y magsidating sa kaniya, ay sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo, na mula nang unang araw na ako'y tumungtong sa Asia, kung paano ang pakikisama ko sa inyo sa buong panahon,

19 Na ako'y naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapakumbaba ng isip, at ng mga luha, at ng mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagbakay ng mga Judio;

20 Kung paanong hindi ko ikinait na ipahayag sa inyo ang anomang bagay na pakikinabangan, at hayag na itinuro sa inyo, at sa mga bahay-bahay,

21 Na sinasaksihan ko sa mga Judio at gayon din sa mga Griego ang pagsisisi sa Dios, at ang pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo.

22 At ngayon, narito, ako na natatali sa espiritu ay pasasa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon:

23 Maliban na pinatotohanan sa akin ng Espiritu Santo sa bawa't bayan, na sinasabing ang mga tanikala at ang mga kapighatian ay nagsisipagantay sa akin.

24 Datapuwa't hindi ko minamahal ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga, maganap ko lamang ang aking katungkulan, at ang ministeriong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo ng evangelio ng biyaya ng Dios.

25 At ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat, na aking nilibot na pinangaralan ng kaharian, ay hindi na ninyo muling makikita pa ang aking mukha.

26 Kaya nga pinatotohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y malinis sa dugo ng lahat ng mga tao.

27 Sapagka't hindi ko ikinait ang pagsasaysay sa inyo ng buong kapasiyahan ng Dios.

28 Ingatan ninyo ang inyong sarili, at ang buong kawan, na sa kanila'y ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga obispo, upang pakanin ninyo ang iglesia ng Panginoon na binili niya ng kaniyang sariling dugo.

29 Aking talastas na pagalis ko ay magsisipasok sa inyo ang mga ganid na lobo, na hindi mangagpapatawad sa kawan;

30 At magsisilitaw sa mga kasamahan din ninyo ang mga taong mangagsasalita ng mga bagay na masasama, upang mangagdala ng mga alagad sa kanilang hulihan.

31 Kaya nga kayo'y mangagpuyat, na alalahaning sa loob ng tatlong taon ay hindi ako naglikat sa gabi at araw ng paalaala sa bawa't isa na may pagluha.

32 At ngayo'y ipinagtatagubilin ko kayo sa Dios, at sa salita ng kaniyang biyaya, na makapagpapatibay, at makapagbibigay sa inyo ng mana sa kasamahan ng lahat na mga pinapaging banal.

33 Hindi ko inimbot ang pilak ninoman, o ang ginto, o ang pananamit.

34 Nalalaman din ninyo na ang mga kamay na ito ay nangaglilingkod sa mga kinakailangan ko, at sa aking mga kasamahan.

35 Nagbigay halimbawa ako sa inyo sa lahat ng mga bagay, na sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong magsisaklolo sa mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya rin ang may sabi, Lalo pang mapalad ang magbigay kay sa tumanggap.

36 At nang makapagsalita na siya ng gayon, ay nanikluhod siya at nanalanging kasama silang lahat.

37 At silang lahat ay nagsipanangis nang di kawasa, at nangagsiyakap sa leeg ni Pablo at siya'y hinagkan nila.

38 Na ikinahahapis ng lalo sa lahat ang salitang sinabi niya, na hindi na nila makikitang muli pa ang kaniyang mukha. At kanilang inihatid siya sa kaniyang paglalakbay hanggang sa daong.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain