Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 24-26

Nilitis si Pablo sa Harap ni Felix

24 Pagkaraan ng limang araw, lumusong ang pinaka­punong-saserdote na si Ananias. Kasama niya ang mga matanda at ang isang makata na nagngangalang Tertulo. Siya ang nagharap ng sakdal sa gobernador laban kay Pablo.

Nang siya ay tawagin, sinimulan siyang usigin ni Tertulo. Sinabi niya: Kagalang-galang na Felix, ang malaking katahimikan na aming tinatamasa ay dahil sa iyo. Dahil sa iyong mga dakilang panukala sa kinabukasan, kamangha-manghang mga bagay ang nagawa sa bansang ito. Buong pagpapasalamat naming tinatanggap ito na may kasiyahan sa lahat ng paraan at sa lahat ng dako. Upang huwag kaming maging kaabalahan sa iyo, ipinamamanhik ko sa iyo na pakinggan mo kami sa iyong kagandahang-loob sa ilang mga sandali.

Ito ay sapagkat nasumpungan namin ang lalaking ito na isang salot. Siya ang pasimuno ng paghihimagsik sa gitna ng lahat ng mga Judio sa sanlibutan. Siya ay pinuno ng sekta ng mga taga-Nazaret. Pinagsisikapan din naman niyang lapas­tanganin ang templo. Kaya hinuli namin siya. Ibig sana naming hatulan siya alinsunod sa aming kautusan. Ngunit dumating ang pinunong-kapitan na si Lisias at sapilitan siyang inagaw sa aming mga kamay. Iniutos sa mga nagsasakdal sa kaniya na pumunta sa iyo. Sa gayon, malaman mo sa iyong pagsisiyasat sa kaniya ang lahat ng mga bagay na ito na ipinaratang namin laban sa kaniya.

Sumang-ayon naman ang mga Judio na nagsasabing ang mga bagay na ito ay totoo.

10 Nang siya ay hinudyatan ng gobernador na magsalita, sumagot si Pablo: Yamang nalalaman ko na ikaw ay hukomsa loob ng maraming taon sa bansang ito, masigla kongipag­tatanggol ang aking sarili. 11 Nalalaman mo na wala pang labingdalawang araw buhat nang ako ay umahon sa Jerusalem upang sumamba. 12 Ni hindi nila ako nasumpungan na nakiki­pagtalo sa templo sa kanino man. Hindi nila ako nasumpungang namumuno ng magulong pagtitipon ng maraming tao, ni sa mga sinagoga, ni sa lungsod. 13 Ni hindi rin nila maipakita sa iyo ang katibayan ng mga bagay na ipinaparatang nila ngayon laban sa akin. 14 Ngunit inaamin ko sa iyo na ayon sa Daan na kanilang tinatawag na sekta ay gayon ang paglilingkod ko sa Diyos ng aming mga ninuno. Sinasampalatayanan ko ang lahat ng mga bagay na nakasulat sa kautusan at sa aklat ng mga propeta. 15 Ako ay may pag-asa sa Diyos na kanila rin namang tinanggap. Nagtitiwala ako na malapit nang magkaroon ng muling pagkabuhay ang mga patay, ang mga matuwid at gayundin ang mga di-matuwid. 16 Dahil nga rito ako ay nagsisikap upang laging magkaroon ng isang malinis na budhi sa harap ng Diyos at ng mga tao.

17 Ngayon, pagkaraan ng maraming taon ay naparito ako upang magdala ng mga kaloob sa ­mga kahabag-habag sa aking bansa at maghandog ng mga hain. 18 Nasumpungan ako, sa ganitong kalagayan ng mga Judio na taga-Asya. Pina­dalisay ako sa templo ng hindi kasama ng maraming tao, ni ng kaguluhan. 19 Dapat ang mga Judio na taga-Asya ang naparito sa harapan at magsakdal kung may anumang labansa akin. 20 O kaya ang mga tao ring ito ang hayaang magsa­sabi kung ano ang masamang gawa ang nasumpungan nila nang ako ay nakatayo sa harapan ng Sanhedrin. 21 Maliban na sa isang tinig na ito na aking isinigaw nang ako ay nakatayo sa kalagitnaan nila: Ito ay patungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, ako ay hinahatulan sa harapan ninyo sa araw na ito.

22 Si Felix na may lalong ganap na pagkatalastas patungkol sa Daan ay ipinagpaliban niya sila, pagkarinig ng mga bagay na ito. Sinabi niya: Paglusong ni Lisias na pinunong-kapitan ay magpapasya ako sa iyong usapin. 23 Iniutos niya sa kapitan na bantayan si Pablo at siya ay bigyan ng kaluwagan at huwag bawalan ang sinumang kaibigan niya na paglingkuran o dalawin siya.

24 Pagkaraan ng mga ilang araw, dumating si Felix, kasama ang kaniyang asawang si Drusila. Siya ay isang babaeng Judio. Ipinatawag niya si Pablo. Siya ay pinakinggan patungkol sa pananampalataya kay Cristo. 25 Samantalang siya ay nagpapa­liwanag patungkol sa katuwiran, sa pagpipigil sa sarili at sa paparating na paghahatol, natakot si Felix. Sumagot siya: Umalis ka na ngayon. Kapag nagkaroon ako ng kaukulang panahon, tatawagin kita. 26 Inaasahan din naman niya na bibigyan siya ni Pablo ng salapi upang siya ay mapalaya. Kaya madalas niya siyang ipinatatawag at nakikipag-usap sa kaniya.

27 Pagkaraan ng dalawang taon, si Felix ay hinalinhan ni Poncio Festo. Dahil sa ibig ni Felix na siya ay kalugdan ng mga Judio, pinabayaan niya na nakatanikala si Pablo.

Nilitis si Pablo sa Harap ni Festo

25 Ngayon, nang makapasok na si Festo sa lalawigan, pagkaraan ng tatlong araw, umahon siya sa Jerusalem mula sa Cesarea.

Ang pinakapunong-saserdote at ang pangulo ng mga Judio ay nagbigay-alam sa kaniya laban kay Pablo. Namanhik sila sa kaniya. Hiniling nila na pagbigyan sila na siya ay ipahatid sa Jerusalem. Binalak nilang tambangan siya upang patayin habang siya ay nasa daan. Gayunman, sumagot si Festo na si Pablo ay pananatilihin sa Cesarea. Siya man ay patungo na roon sa madaling panahon. Kaya nga, sinabi niya: Ang mga may kapangyarihan nga sa inyo ay sumamang lumusong sa akin. Kung may anumang pagkakasala ang lalaking ito, isakdal nila siya.

Nang siya ay makapanatili na sa kanilang lugar nang mahigit sa sampung araw, lumusong siya sa Cesarea. Kinabukasan, lumuklok siya sa hukuman at iniutos na dalhin si Pablo. Nang dumating siya, pinaligiran siya ng mga Judio na lumusong mula sa Jerusalem. May dala silang marami at mabibigat na paratang laban kay Pablo na pawang hindi nila kayang patunayan.

At sinasabi ni Pablo, bilang pagtatanggol: Laban man sa kautusan ng mga Judio, ni laban man sa templo, ni laban man kay Cesar ay hindi ako magkakasala.

Ngunit si Festo, dahil ibig niyang kalugdan siya ng mga Judio, ay sumagot kay Pablo at nagsabi: Ibig mo bang umahon sa Jerusalem at doon ka hatulan sa mga bagay na ito sa harapan ko?

10 Nang magkagayon, sinabi ni Pablo: Nakatayo ako sa harapan ng hukuman ni Cesar na dito ako dapat hatulan. Wala akong ginawang anumang kamalian sa mga Judio, iyan ay alam ninyo. 11 Ito ay sapagkat kung nakagawa ako ng anumang kamalian at anumang bagay na nararapat sa kamatayan, hindi ako umiiwas na mamatay. Ngunit kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinaparatang nila sa akin, walang may kapangyarihang maibigay ako sa kanila. Ako ay aapela kay Cesar.

12 Nang magkagayon, si Festo, nang nakapagsangguni na sa mga tagapayo ay sumagot: Umapela ka kay Cesar, kaya kay Cesar ka pupunta.

Sumangguni si Festo kay Haring Agripa

13 Pagkaraan ng ilang araw, si Agripa na hari at si Bernice ay lumusong sa Cesarea. Bumati sila kay Festo.

14 Nang makapanatili na sila roon ng maraming araw, isinaysay ni Festo sa hari ang usapin ni Pablo. Sinabi niya: May isang lalaking bilanggo na iniwan si Felix. 15 Nang ako ay nasa Jerusalem, ang mga pinunong-saserdote at ang mga matanda sa mga Judio ay nagbigay-alam sa akin patungkol sa kaniya. Hinihiling nilang humatol ako ng laban sa kaniya.

16 Sumagot ako sa kanila: Hindi kaugalian ng mga taga-Roma na ibigay ang sinumang tao sa kapahamakan hanggang sa hindi nahaharap ang isinasakdal sa mga nagsasakdal. Siya ay bibigyan ng pagkakataong makapagtanggol sa kaniyang sarili patungkol sa paratang. 17 Nang sila nga ay nagkatipon dito, hindi ako nagpaliban. Kundi nang sumunod na araw ay lumuklok ako sa hukuman at iniutos kong dalhin ang lalaki. 18 Nang tumindig ang mga nagsakdal sa kaniya ay walang anumang paratang na maiharap laban sa kaniya gaya ng aking inaakala. 19 Ngunit may ilang mga katanungan laban sa kaniya. Ito ay patungkol sa kanilang sariling relihiyon at patungkol sa isang Jesus na namatay. Pinagtibay ni Pablo na siya ay buhay. 20 Nagugu­luhan ako patungkol sa mga ganitong uri ng katanungan. Kaya tinanong ko siya kung ibig niyang pumaroon sa Jerusalem at doon siya hatulan patungkol sa mga bagay na ito. 21 Ngunit si Pablo ay umapela na ingatan siya upang pakinggan ng Emperador Augusto. Kaya ipinag-utos ko na ingatan siya hanggang sa siya ay maipadala ko kay Cesar.

22 At sinabi ni Agrippa kay Festo: Ibig kong ako mismo ang makarinig sa lalaking iyon.

At sinabi niya: Bukas, mapapakinggan mo siya.

Si Pablo sa Harap ni Haring Agripa

23 Kinabukasan, dumating si Agripa at Bernice taglay ang malaking pagdiriwang. Sila ay pumasok sa bulwagang, kasama ang mga pinunong-kapitan. Kasama rin ang mga taong kilala sa lungsod. At iniutos ni Festo na ipasok si Pablo.

24 Sinabi ni Festo: Haring Agripa, at lahat ng mga lalaking nariritong kasama namin. Nakikita ninyo ang lalaking ito na isinakdal sa akin maging sa Jerusalem at maging dito man ng buong karamihan ng mga Judio. Isinisigaw nilang hindi na karapat-dapat na siya ay mabuhay pa. 25 Ngunit nasumpungan kong siya ay walang ginawang anumang nararapat sa kamatayan. Sa dahilang siya rin ay umapela kay Augusto, ipinasiya kong siya ay ipadala. 26 Wala akong tiyak na bagay na maisusulat patungkol sa kaniya sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo at lalo na sa harapan mo, Haring Agripa. Sa ganoon, kapag natapos na ang pagsiyasat, magkakaroon ako ng bagay na maisusulat. 27 Ito ay sapagkat sa aking palagay ay hindi makatwiran na magpadala ng isang bilanggo na hindi sinasabi ang paratang laban sa kaniya.

26 Sinabi ni Agripa kay Pablo: Pinapahintulutan kang magsalita para sa iyong sarili.

Iniunat ni Pablo ang kaniyang kamay at ipinagtanggol ang kaniyang sarili.

Haring Agripa, itinuturing kong kaligayahan na sa harapan mo ay gagawin ko ang aking pagtatanggol sa araw na ito. Gagawin ko ang pagtatanggol patungkol sa lahat ng bagay na ipinaratang ng mga Judio sa akin. Lalo na, sapagkat bihasa ka sa lahat ng kaugalian at mga katanungang mayroon sa mga Judio. Kaya nga, hinihiling ko sa iyo na maging matiyaga kayo sa pakikinig sa akin.

Nalalaman ng mga Judio ang aking pamumuhay, mula pa sa aking pagkabata, na nagpasimula pa sa gitna ng aking bansa sa Jerusalem. Napagkikilala nila mula pa nang una, kung ibig nilang sumaksi, na alinsunod sa pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon ay nabuhay akong isang Fariseo. Nakatayo ako ngayon upang hatulan dahil sa pag-asa sa pangakong ginawa ng Diyos sa aming mga ama. Dahil doon ang aming labingdalawang lipi ay marubdob na naglilingkod sa Diyos gabi’t araw na inaasahang darating. O Haring Agripa, at patungkol sa pag-asang ito ay isinasakdal ako ng mga Judio. Bakit iniisip ninyong hindi kapani-paniwala na muling bubuhayin ng Diyos ang mga patay.

Kaya nga, iniisip ko sa aking sarili, na dapat gumawa ako ng mga bagay na laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret. 10 At ito ang ginawa ko sa Jerusalem. Kinulong ko sa bilangguan ang maraming banal, pagkatanggap ko ng kapamahalaan mula sa mga pinunong-saserdote. Nang sila ay papatayin na, ibinigay ko ang aking pagsang-ayon laban sa kanila. 11 Madalas na pinaparusahan ko sila sa mga sinagoga at pinipilit ko silang mamusong. Sa aking lubhang galit sa kanila, pinag-uusig ko sila kahit sa malalayong lungsod ng ibang lupain.

12 Habang naglalakbay ako patungong Dasmasco, taglay ko ang buong kapamahalaan mula sa mga pinunong-saserdote. 13 Nang katanghalian, O Hari, nakita ko habang ako ay nasa daan ang isang ilaw na mula sa langit. Ito ay maningning pa kaysa sa araw at nagliwanag sa palibot ko at sa mga naglalakbay na kasama ko. 14 Kaming lahat ay nadapa sa lupa. Narinig ko ang isang tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo at sinabi: Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig? Mahirap sa iyo ang sumikad sa mga pangtaboy na patpat.

15 Sinabi ko: Sino ka, Panginoon?

Sinabi niya: Ako ay si Jesus na iyong pinag-uusig.

16 Ngunit bumangon ka at ikaw ay tumayo. Ito ang dahilan na ako ay nagpakita sa iyo, upang italaga kitang lingkod at saksi din naman ng mga bagay na nakita mo sa akin. Gayundin naman sa mga bagay na ipakikita ko sa iyo. 17 Ililigtas kita mula sa mga tao at sa mga Gentil. Ngayon ay sinusugo kita sa kanila. 18 Sinusugo kita upang idilat mo ang kanilang mga mata nang sa gayon sila ay bumalik sa ilaw mula sa kadiliman. At sila ay bumalik sa Diyos mula sa kapamahalaan ni Satanas. Sinusugo kita upang sila ay tumanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng mana kasama ng mga pinapaging-banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.

19 Dahil nga rito, o Haring Agripa, hindi ako naging suwail sa pangitaing mula sa langit. 20 Kundi, nangaral ako, una sa mga taga-Damasco at sa Jerusalem din naman at sa buong lupain ng Judea at gayundin sa mga Gentil. Pinangaralan ko silang magsisi at manumbalik sa Diyos na gumawa ng mga gawang karapat-dapat sa pagsisisi. 21 Dahil sa mga bagay na ito, hinuli ako ng mga Judio sa templo at pinagsisikapang patayin. 22 Nang tanggapin ko nga ang tulong na mula sa Diyos, nanatili ako hanggang sa araw na ito. Nagpapatotoo ako sa mga hindi dakila at gayundin sa mga dakila. Wala akong sinasabing anuman kundi ang sinabi ng mga propeta at gayundin ni Moises na malapit nang mangyari. 23 Kung paanong ang Mesiyas ay kailangang magdusa at kung paanong siya ang unang bubuhaying muli mula sa mga patay, matatanyag ang ilaw sa mga tao at gayundin sa mga Gentil.

24 Nang masabi niya nang gayon ang kaniyang pagta­tanggol, sa malakas na tinig ay sinabi ni Festo: Pablo, ikaw ay baliw. Dahil sa labis mong natutunan, ikaw ay nababaliw.

25 Ngunit sinabi niya: Hindi ako baliw, kagalang-galang na Festo. Nagsasalita ako ng mga salitang may katotohanan at salitang may katinuan. 26 Ito ay sapagkat alam ng hari ang mga bagay na ito. Kaya nagsasalita akong may katiyakan dahil nakakatiyak ako na ang mga bagay na ito ay hindi nalilingid sa kaniya. At ang mga ito ay hindi ginawa sa isang sulok lamang. 27 Haring Agripa, naniniwala ka ba sa sinabi ng mga propeta? Alam kong naniniwala ka.

28 Sinabi ni Agripa kay Pablo: Halos mahikayat mo na akong maging Kristiyano.

29 Sinabi ni Pablo: Isinasamo ko sa Diyos na hindi lamang ikaw, kundi ang lahat din ng mga nakikinig sa akin ngayon. Hindi lamang sana halos kundi maging katulad ko maliban sa mga tanikalang ito.

30 Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, tumindig ang hari at ang gobernador. Tumindig din si Bernice at ang mga nakaupong kasama nila. 31 Nang makalayo na sila, nag-usap-usap sila na sinasabi: Ang lalaking ito ay walang anumang ginawa na nararapat sa kamatayan o sa mga tanikala.

32 Sinabi ni Agripa kay Festo: Mapapalaya sana ang lalaking ito kung hindi siya umapela kay Cesar.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International