Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Lucas 6-7

Araw ng Sabat

Nangyari, sa ikalawang araw ng Sabat pagkaraan ng una, si Jesus ay dumaan sa triguhan. Ang mga alagad niya ay pumigtal ng mga uhay. Ito ay nililigis nila sa kanilang mga kamay at kinakain.

Sinabi ng ilang Fariseo sa kanila: Bakit ginagawa ninyo ang ipinagbabawal gawin sa araw ng Sabat?

Sumagot si Jesus. Sinabi niya: Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David ng magutom siya at ang mga kasama niya? Hindi ba pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinuha ang tinapay na handog? Kinain niya ito at binigyan din ang kaniyang mga kasama. Ito ay bawal kainin maliban ng mga saserdote. Sinabi niya sa kanila: Ang Anak ng Tao ay Panginoon din ng araw ng Sabat.

Nangyari din, sa iba pang araw ng Sabat, na pumasok siya sa isang sinagoga at nagturo. Mayroon doong isang lalaki na ang kanang kamay ay nanunuyot. Minamatyagan siya ng mga guro ng kautusan at mga Fariseokung siya ay magpapagaling sa araw ng Sabat. Ito ay upang makakita sila ng maipaparatang laban sa kaniya. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip. Sinabi niya sa lalaking nanunuyot ang kamay: Tumindig ka at tumayo sa gitna. Tumindig nga siya at tumayo doon.

Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila: Magtatanong ako sa inyo. Naaayon ba sa batas ang gumawa ng kabutihan o gumawa ng kasamaan sa araw ng Sabat? Ang magligtas ng buhay o pumatay?

10 Tiningnan niya ang bawat isa sa palibot. Pagkatingin niya, sinabi niya sa lalaki: Iunat mo ang iyong kamay. Ginawa niya ang gayon at ang kaniyang kamay ay nanauli sa dati na malusog tulad ng isa. 11 Ngunit nagngitngit sila sa galit. Nagsanggunian sila sa isa’t isa kung ano ang gagawin nila kay Jesus.

Tinawag ni Jesus ang Labindalawang Alagad

12 Nangyari, noong mga araw na iyon, siya ay pumunta sa bundok upang manalangin. Nanalangin siya sa Diyos sa buong magdamag.

13 Nang mag-uumaga na, tinawag niya ang kaniyang mga alagad. Mula sa kanila ay pumili siya ng labindalawa na tinawag din niyang mga apostol. 14 Ang mga ito ay sina Simeon, na tinagurian din niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid.Ang iba ay sina Santiago at Juan, Felipe at Bartolome. 15 Kasama rin si Mateo, si Tomas, si Santiago, na anak ni Alfeo, at si Simon na tinatawag na Makabayan. 16 Kasama rin si Judas na kapatid ni Santiago at si Judas na taga-Keriot, na siyang naging taksil.

17 Si Jesus ay bumabang kasama nila at tumayo sa isang patag na dako. Pumunta roon ang karamihan ng kaniyang mga alagad at mga tao na lubhang marami. Ang mga tao ay nanggaling sa buong Judea at Jerusalem at sa baybaying dagat ng Tiro at Sidon. Sila ay pumunta roon upang makinig sa kaniya at mapagaling ang kanilang mga sakit. 18 Ang mga ginugulo ng mga karumal-dumal na espiritu ay dumating din at sila rin ay pinagaling. 19 Hinangad ng lahat ng mga tao na mahipo siya sapagkat may kapangyarihang lumalabas sa kaniya na nagpapagaling sa kanilang lahat.

Ang Pahayag ng Pagpapala at Pagkaaba

20 Tumingin si Jesus sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Pinagpala kayong mga mapagpakumbaba sapagkat sa inyo ang paghahari ng Diyos.

21 Pinagpala kayong mga nagugutom ngayon sapagkat kayo ay bubusugin. Pinagpala kayong umiiyak ngayon sapagkat kayo ay tatawa na may galak. 22 Pinagpala kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at kapag itinatakwil nila kayo. Pinagpala kayo kung pinapahiya kayo ng mga tao at itinuturing nila ang inyong pangalan na tulad sa masama. Pinagpala kayo kapag ang mga ito ay ginawa sa inyo dahil sa akin na Anak ng Tao.

23 Magalak kayo sa araw na iyon at lumukso sa kagalakan. Narito, malaki ang gantimpala ninyo sa langit. Ganito rin ang ginawa ng mga ninuno nila sa mga propeta.

24 Sa aba ninyo na mayayaman sapagkat tinatanggap ninyo anginyong kaaliwan. 25 Sa aba ninyo na mga busog sapagkat kayo ay magugutom.Sa aba ninyo na tumatawa ngayon sapagkat kayo ay magluluksa at tatangis. 26 Sa aba ninyo kung ang lahat ng tao ay nagsasabi ng mabuti patungkol sa inyo. Ganito rin ang ginawa ng mga ninuno nila sa mga bulaang propeta.

Ibigin mo ang Iyong Kaaway

27 Sinasabi ko sa inyo na nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway. Gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo.

28 Sabihin ninyo ang mabubuti sa mga nanunungayaw sa inyo. Ipanalangin ninyo sila na umaalipusta sa inyo. 29 Iharap mo ang kabila mong pisngi sa kaniya na sumampal sa iyo. Huwag mong ipagkait ang iyong balabal sa kaniya na kumuha ng iyong damit. 30 Magbigay ka sa bawat isang humihingi sa iyo. Huwag mo nang bawiin ang iyong mga pag-aari sa kumuha nito sa iyo. 31 Ayon sa nais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gawin din ninyo ang gayon sa kanila.

32 Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung iniibig ninyo ang mga umiibig sa inyo? Ito ay sapagkat ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. 33 Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung gumagawa kayo ng mabuti sa kanila na gumagawa ng mabuti sa inyo? Ito ay sapagkat gayundin ang ginagawa ng mga makasalanan. 34 Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung magpapahiram kayo sa kanila na inaasahan ninyong makakapagbigay sa inyo? Ito ay sapagkat ang mga makasalanan ay nagpapahiram din samga makasalanan upang sila ay tumanggap din ng gayon. 35 Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit at ang gantimpala ninyo ay magiging malaki. Kayo ay magiging mga anak ng kataas-taasan sapagkat siya ay mabuti sa mga hindi mapagpasalamat at sa mga masasama. 36 Maging mga maawain nga kayo, gaya rin naman ng inyong Ama na maawain.

37 Huwag kayong humatol upang hindi kayo hatulan. Huwag kayong magbigay hatol upang hindi kayo bigyang hatol. Magpatawad kayo upang kayo ay patawarin. 38 Magbigay kayo at ito ay ibibigay sa inyo, mabuting sukat, siniksik, niliglig at umaapaw sapagkat ang panukat na inyong ipinangsukat ay siya ring panukat na gagamitin sa inyo.

Ang Talinghaga Patungkol sa Pagkabulag

39 Isang talinghaga ang sinabi niya sa kanila. Makakaakay ba ng bulag ang isang bulag? Hindi ba kapwa silang mahuhulog sa hukay?

40 Ang isang alagad ay hindi higit sa kaniyang guro. Ang bawat isang alagad ay magiging katulad ng kaniyang guro kung sila ay lubos nang handa.

Ang Paghatol sa Iba

41 Bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo napupuna ang troso na nasa sarili mong mata?

42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid: Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata kung hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong mata? Ikaw na mapagpa­imbabaw! Alisin mo muna ang troso na nasa iyong mata. Pagka-alis mo nito, makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid.

Ang Puno at ang Bunga Nito

43 Sapagkat ang mabuting punong-kahoy ay hindi namu­munga ng masamang bunga. Gayundin naman, ang masamang punong-kahoy ay hindi namumunga ng mabuting bunga.

44 Ang bawat punong-kahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. Sapagkat ang mga tao ay hindi nangangalap ng igos sa mga tinik. Hindi rin sila nangangalap ng ubas sa mga dawag. 45 Ang mabuting tao ay nagbubunga ng mabuti mula sa mabuting kayamanan na nasa kaniyang puso. Ang masamang tao ay nagbubunga ng masama mula sa masamang kayamanan na nasa kaniyang puso, sapagkat mula sa kasaganaanng puso ay sinasalita ng bibig.

Ang Matalino at Mangmang na Tagapagtayo

46 Bakit ninyo ako tinatawag na: Panginoon, Panginoon, at hindi ninyo ginagawa ang aking sinasabi?

47 Ang isang tao ay lumalapit sa akin at nakikinig ng aking mga salita at gumagawa nito. Ipapakita ko sa inyo kungkanino katulad ang taong ito. 48 Siya ay katulad ng isang lalaki na nagtayo ng isang bahay. Naghukay siya ng malalim at naglagay ng saligan sa bato. Nang magkaroon ng baha, ang agos ay sumalpok ng malakas sa bahay na iyon. Ang bahay ay hindi natinag sapagkat ito ay itinayo sa bato. 49 Ngunit siya na nakarinig at hindi gumawa ay tulad ng isang tao na nagtayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na walang saligan. Ang agos ay sumalpok ng malakas sa bahay at pagdaka, ito ay bumagsak. Ang pinsala ng bahay na iyon ay lubhang malaki.

Ang Kapitan ay Nanampalataya

Nang matapos na siya sa lahat ng kaniyang pagsasalita sa mga taong nakikinig, pumasok siya sa Capernaum.

Mayroong isang Kapitan na may alipin na kaniyang pinahahalagahan. Ang aliping ito ay may sakit at malapit nang mamatay. Nang marinig ng kapitan ang patungkol kay Jesus, isinugo niya ang mga matanda ng mga Judio. Ito ay upang hilingin kay Jesus na pumunta at pagalingin ang kaniyang alipin. Pagpunta nila kay Jesus, masikap silang namanhik sa kaniya. Sinabi nila: Siya na gagawan mo nito ay karapat-dapat. Ito ay sapagkat iniibig niya ang ating bansa at itinayo niya ang sinagoga para sa amin. Si Jesus ay sumama sa kanila.

Nang sila ay malapit na sa bahay, ang kapitan ay nagsugo ng mga kaibigan sa kaniya. Ipinasabi niya kay Jesus: Panginoon, huwag ka nang mag-abala sapagkat ako ay hindi karapat-dapat upang puntahan mo sa aking bahay.

Kaya nga, hindi ko rin itinuring na ako ay karapat-dapat pumunta sa iyo. Gayunman, magsalita ka lang at ang aking lingkod ay gagaling. Ito ay sapagkat ako rin ay isang lalaking itinalaga sa ilalim ng kapamahalaan. Mayroon akong nasasakupang mga kawal. Sinasabi ko sa isa: Humayo ka.At siya ay humahayo. Sa isa ay sinasabi ko: Pumarito ka. At siya ay pumaparito. Sa aking alipin ay sinasabi ko: Gawin mo ito. At ginagawa niya ito.

Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito, siya ay namangha sa kaniya. Humarap siya sa maraming mga taong sumusunod sa kaniya. Sinabi niya: Sinasabi ko sa inyo, ni sa mga taga-Israel ay hindi ako nakakita ng ganitong kalaking pananam­palataya. 10 Nang bumalik sa bahay ang mga isinugo, nasum­pungan nilang nasa mabuti nang kalusugan ang aliping may sakit.

Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo

11 Kinabukasan, nangyari na siya ay pumunta sa isang lungsod na tinatawag na Nain. Sumama sa kaniya ang marami sa kaniyang mga alagad at ang napakaraming tao.

12 Nang papalapit na siya sa tarangkahan ng lungsod. Narito, may isang taong patay na at binubuhat papalabas. Ang lalaking patay ay nag-iisang anak ng kaniyang ina na isang balo. Maraming mga mamamayan ng lungsod ang kasama ng ina. 13 Nang makita siya ng Panginoon, siya ay nahabag sa kaniya. Sinabi niya sa kaniya:Huwag kang umiyak.

14 Lumapit si Jesus at hinipo ang kinalalagyan ng patay at ang mga bumubuhat nito ay tumigil. Sinabi niya: Binata, sina­sabi ko sa iyo,bumangon ka. 15 Siya na namatay ay umupo at nagsimulang magsalita. Ibinalik siya ni Jesus sa kaniyang ina.

16 Ang lahat ay pinagharian ng takot at niluwalhati nila ang Diyos. Kanilang sinabi: Isang dakilang propeta ang lumitaw sa kalagitnaan natin. Dinalaw ng Diyos ang kaniyang mga tao. 17 Ang ulat na ito patungkol sa kaniya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng mga lupain sa palibot.

Si Jesus at si Juan na Tagapagbawtismo

18 Ang mga alagad ni Juan ay nagbigay-ulat sa kaniya patungkol sa lahat ng mga bagay na ito.

19 Tinawag ni Juan ang dalawa sa kaniyang mga alagadat sinugo kay Jesus. Ipinasabi niya:Ikaw ba ang aming hinihintay o maghahanap pa kami ng iba?

20 Ang dalawa ay pumunta kay Jesus. Sinabi nila: Sinugo kami sa iyo ni Juan na tagapagbawtismo. Ipinapatanong niya: Ikaw ba ang aming hinihintay o maghahanap pa kami ng iba?

21 Nang oras ding iyon, nagpagaling siya ng maraming mga karamdaman at pasakit, at mga masamang espiritu. Ginawa niya na ang mga bulag ay makakita. 22 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Pumaroon na kayo at iulat ninyo kay Juan ang mga narinig at nakita ninyo. Iulat ninyo sa kaniya na ang mga bulag ay nakakita, ang mga lumpo ay nakalakad, ang mga ketongin ay luminis, ang mga bingi ay nakarinig, ang mga patay ay binuhay at ang ebanghelyo ay ipinangaral sa mahihirap. 23 At pinagpala ang sinumanghindi matitisod sa akin.

24 Umalis ang mga sinugo ni Juan. Si Jesus ay nagsimulang magsalita sa maraming mga tao patungkol kay Juan. Ano ang gusto ninyong makita sa pagpunta ninyo sa ilang? Isa bang tambo na inuuga ng hangin? 25 Ano ang gusto ninyong makita sa inyong pagpunta? Isa bang lalaki na nakadamit ng malambot na kasuotan? Narito, sila na nakadamit ng marilag at namumuhay sa karangyaan ay nasa mga palasyo. 26 Ano ang gusto ninyong makita sa inyong pagpunta? Isa bang propeta? Sinasabi ko sa inyo: Oo, at higit na dakila kaysa sa isang propeta. 27 Siya ito na tinutukoy sanasusulat:

Narito, isinusugo ko ang aking sugo na mauuna sa iyo. Siya ang maghahanda ng iyong daraanan sa unahan mo.

28 Sinasabi ko ito sa inyo dahil, sa mga ipinanganak ng mga babae, wala nang propeta na hihigit pa kay Juan na tagapag­bawtismo. Gayunman, siya na pinakamababa sa paghahari ng langit ay lalong higit kaysa sa kaniya.

29 Narinig ito ng mga tao at ng mga maniningil ng buwis. Kinilala nilang matuwid ang Diyos sapagkat sila ay nabawtis­muhan ng bawtismo ni Juan. 30 Ngunit ang mga Fariseo at mga dalubhasa sa kautusan ay tumanggi sa payo ng Diyos sapagkat hindi sila nabawtismuhan ni Juan.

31 Sinabi ng Panginoon: Sa ano ko nga ihahalintulad ang lahing ito? Ano ang katulad nila? 32 Sila ay katulad ng mga maliliit na bata na nakaupo sa pamilihan at tinatawag ang isa’t isa. Kanilang sinasabi:

Tinugtugan namin kayo ng plawta at hindi kayo sumayaw. Kami ay nagluksa at hindi kayo tumangis.

33 Ito ay sapagkat nang si Juan na tagapagbawtismo ay pumarito, hindi siya kumakain ng pagkain o umiinom ng alak at sinasabi ninyo: Siya ay may demonyo. 34 Nang ang Anak ng Tao ay dumating, siya ay kumakain at umiinom. At sinasabi ninyo: Siya ay taong matakaw at manginginom ng alak, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan. 35 Subalit ang karunungan ay pinatunayang matuwid ng lahat ng kaniyang mga anak.

Binuhusan ng Pabango ng Makasalanang Babae si Jesus

36 Isa sa mga Fariseo ang humiling na siya ay kumaing kasama niya. Pagpasok niya sa bahay ng Fariseo, siya ay dumulog sa hapag.

37 Narito, isang babaeng namuhay sa kasalanan ang nasa lungsod na iyon. Nalaman niya na si Jesus ay dumulog sa hapag, sa bahay ng Fariseo. Dahil dito, nagdala siya ng isang mabangong langis na nasa garapong alabastro. 38 Tumayo siya sa likuran ni Jesus, sa kaniyang paanan. Siya ay umiiyak at sinimulan niyang basain ng kaniyang luha ang mga paa ni Jesus. Pinupunasan niya ng kaniyang buhok at taimtim na hinahagkan ang mga paa ni Jesus. Pinapahiran niya ito ng mabangong langis.

39 Nakita ito ng Fariseo na nag-anyaya kay Jesus. Siya ay nangusap sa kaniyang sarili. Kaniyang sinabi: Kung propeta ang taong ito, nalaman sana niya kung sino at anong uringbabae ang humihipo sa kaniya sapagkat ang babaeng ito ay makasalanan.

40 Sa pagsagot ni Jesus, sinabi sa kaniya: Simon may ilang bagay akong sasabihin sa iyo.

Sinabi niya: Guro, sabihin mo.

41 Sinabi ni Jesus: May dalawang lalaking nangutang sa isang nagpapautang. Ang isa ay umutang ng limandaang denaryo, ang isa ay limampu. 42 Nang wala silang maibayad, kapwa sila pinatawad ng nagpautang sa kanila. Sabihin mo kung sino sa kanila ang iibig sa kaniya ng lubos?

43 Sumagot si Simon: Sa palagay ko, ang pinatawad sa malaking pagkakautang.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang iyong hatol.

44 Humarap siya sa babae. Sinabi niya kay Simon: Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo ako binigyan ng tubig para mahugasan ko ang aking paa. Ngunit binasa ng babaeng ito ang aking mga paa ng kaniyang luha. Pinunasan niya ito ng kaniyang buhok. 45 Hindi mo ako binigyan ng halik. Ngunit ang babaeng ito ay hindi huminto sa mataimtim na paghalik sa aking mga paa mula pa nang ako ay pumasok. 46 Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo. Ngunit pinahiran niya ng mabangong langis ang aking mga paa. 47 Dahil dito, sinasabi ko sa iyo: Pinatawad na ang marami niyang kasalanan sapagkat siya ay umibig ng lubos. At ang pinatawad ng kaunti ay umiibig ng kaunti.

48 Sinabi niya sa babae: Ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na.

49 At ang mga kasama niyang nakadulog sa hapag ay nagsimulang magsabi sa kanilang mga sarili. Sinabi nila: Sino ito na nagpapatawad ng mga kasalanan?

50 Sinabi niya sa babae: Iniligtas ka ng iyong pananam­palataya. Humayo kang payapa.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International