Beginning
Ang Talinghaga Patungkol sa Manghahasik
4 Nagsimula muling magturo si Jesus sa tabi ng lawa. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao, kayat siya ay sumakay at umupo sa bangka na nasa lawa. Ang karamihan naman ay nasa lupa sa tabi ng lawa.
2 Tinuruan niya sila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sa kaniyang pagtuturo, sinabi niya sa kanila: 3 Makinig kayo! Narito, lumabas ang manghahasik upang maghasik. 4 Nangyari na sa kaniyang paghahasik may binhing nalaglag sa tabi ng daan. At dumating ang mga ibon mula sa langit at tinuka at inubos ang binhi. 5 Ang iba ay nalaglag sa lupang mabato na walang gaanong lupa at ito ay kaagad na sumibol sapagkat hindi malalim ang lupa. 6 Ngunit nang sumikat ang araw, ito ay nalanta at dahil ito ay walang mga ugat, ito ay natuyo. 7 May binhi namang nalaglag sa dawagan. Lumago ang mga dawag at nasiksik ito kaya hindi namunga. 8 Ang iba ay nalaglag sa matabang lupa. Ito ay tumubo, lumago at namunga. May namunga ng tatlumpu, may namunga naman ng animnapu at may namunga ng isangdaan.
9 Sinabi niya sa kanila: Ang may pandinig ay makinig.
10 Nang nag-iisa na si Jesus, ang mga nasa palibot niya, kasama ang labindalawang alagad ay nagtanong sa kaniya patungkol sa talinghaga. 11 Sinabi niya sa kanila: Ang makaalam ng hiwaga ng paghahari ng Diyos ay ibinigay sa inyo. Ngunit sa kanila na nasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa talinghaga. 12 Ginawa ko ito sa ganitong paraan upang:
Sa pagtingin, sila ay makakakita ngunit hindi makakatalos. Sa pakikinig, sila ay makakarinig ngunit hindi makakaunawa. Kung hindi gayon, sila ay manunumbalik at ang kanilang mga kasalanan ay mapapatawad.
13 At sinabi niya sa kanila: Hindi ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano nga ninyo malalaman ang lahat ng talinghaga? 14 Ang manghahasik ay naghahasik ng salita. 15 Ang binhing nahasik sa daan ay ang inihasik na salita. Nang ito ay napakinggan ng tao, agad na dumating si Satanasat kinuha ang naihasik na salita sa kanilang mga puso. 16 Gayundin yaong naihasik sa batuhan. Nang marinig nila ang salita agad nila itong tinanggap na may galak. 17 Dahil walang ugat sa kanilang sarili, ang mga ito ay pansamantalang nanatili. Nang dumating ang paghihirap at pag-uusig dahil sa salita, kaagad silang natisod. 18 Iyon namang naihasik sa dawagan ay yaong mga nakakarinig ng salita. 19 Ang pagsusumakit sa kapanahunang ito, ang pandaraya ng kayamanan at ang mahigpit na paghahangad sa ibang mga bagay ay pumasok sa kanila. Ang mga ito ang sumiksik sa salita at naging sanhi ng hindi pagbubunga. 20 Iyon namang naihasik sa matabang lupa, sila ang nakikinig at tumatanggap sa salita. Sila ay nagbubunga, ang isa ay tatlumpu, ang isa ay animnapu at ang isa ay isangdaan.
Ang Ilawan sa Ibabaw ng Patungan
21 Sinabi ni Jesus sa kanila: Dinadala ba ang ilawan upang ilagay sa loob ng takalan o sa ilalim ng higaan. Hindi ba inilalagay ito sa lagayan ng ilawan?
22 Ito ay sapagkat ang anumang natatago ay mahahayag at ang mga bagay na nangyari sa lihim ay maibubunyag. 23 Ang sinumang may pandinig ay makinig.
24 Sinabi niya sa kanila: Ingatan ninyong mabuti ang inyong naririnig, sa panukat na inyong ipinangsukat, kayo ay susukatin. At sa inyo na nakikinig, kayo ay bibigyan pa. 25 Ito ay sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa. Ngunit siya na wala, maging ang nasa kaniya ay kukunin pa.
Ang Talinghaga ng Binhing Tumutubo
26 Sinabi ni Jesus: Ang paghahari ng Diyos ay katulad sa isang tao na nagtanim ng binhi sa lupa.
27 Siya ay natutulog at bumabangon araw at gabi. Ang binhi ay sumisibol at lumalaki na hindi niya nalalaman kung papaano. 28 Ito ay sapagkat ang lupa mismo ang nagpapabunga sa mga binhi, una muna ang usbong, saka uhay, pagkatapos ay mga hitik na butil sa uhay. 29 Kapag hinog na ang bunga, kaagad na ipinagagapas niya ito sapagkat dumating na ang anihan.
Ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa
30 Gayundin, sinabi ni Jesus: Sa ano natin itutulad ang paghahari ng Diyos o sa anong talinghaga natin ihahambing ito?
31 Katulad ito ng binhi ng mustasa na itinatanim sa lupa. Ito ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na itinatanim sa lupa. 32 Kapag naitanim at lumago, ito ay nagiging pinakamalaki sa mga gulay. Lumalago ang mga sanga nito na anupa’t ang mga ibon sa himpapawid ay makakapamugad sa lilim nito.
33 Nangaral sa kanila si Jesus ng salita sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad nito, ayon sa kakayahan nilang makinig. 34 Hindi siya nagsalita sa kanila maliban sa pamamagitan ng talinghaga. Ngunit ipinapaliwanag niya nang bukod sa kaniyang mga alagad ang lahat ng mga bagay.
Pinatigil ni Jesus ang Bagyo
35 Sa araw na iyon, nang gumabi na, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Tumawid tayo sa kabilang ibayo ng dagat.
36 Kaya nga, nang napauwi na nila ang napakaraming tao, sumakay sila sa bangka na kinalululanan ni Jesus. Ngunit may kasabay siyang ibang maliliit na bangka. 37 At dumating ang malakas na bagyo. Sinasalpok ng mga alon ang bangka na anupa’t halos mapuno ito ng tubig. 38 Si Jesus ay nasa hulihan at natutulog na may unan. Ginising nila siya at sinabi: Guro, bale wala ba sa iyo na tayo ay mapahamak?
39 Pagbangon ni Jesus, kaniyang sinaway ang hangin at sinabi: Pumanatag ka! At sinabi niya sa alon: Pumayapa ka! Tumigil ang hangin at nagkaroon ng lubos na kapayapaan.
40 Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Bakit kayo lubhang natakot? Paano nagkagayon na wala kayong pananampalataya?
41 Nagkaroon nga sila ng matinding takot at nagsabi sila sa isa’t isa. Sino nga ba ito? Maging ang hangin at alon ay sumusunod sa kaniya.
Pinagaling ni Jesus ang Inalihan ng Demonyo
5 Dumating sila sa kabilang ibayo ng lawa sa lupain ng mga taga-Gadara.
2 Pagkababa ni Jesus mula sa bangka agad siyang sinalubong ng isang lalaking galing sa mga libingan na may karumal-dumal na espiritu. 3 Siya ay may tirahan sa mga libingan at walang makagapos sa kaniya kahit na sa pamamagitan ng mga tanikala. 4 Madalas siyang lagyan ng mga pangaw at tanikala ngunit nilalagot niya ang tanikala at pinagsisisira ng mga pangaw. Walang sinumang makapagpaamo sa kaniya. 5 Palagi siyang sumisigaw, araw at gabi, sa mga bundok at sa mga libingan at sinusugatan niya ng bato ang kaniyang sarili.
6 Subalit pagkakita niya kay Jesus mula sa malayo, siya ay tumakbo at sinamba niya si Jesus. 7 Sumigaw siya nang malakas: Ano ang kinalaman ko sa iyo, Jesus, Anak ng kataas-taasang Diyos? Ipangako mo sa Diyos na huwag mo akong pahirapan! 8 Sapagkat sinabi sa kaniya ni Jesus: Lumabas ka sa taong iyan, karumal-dumal na espiritu!
9 Tinanong siya ni Jesus: Ano ang pangalan mo?
Siya ay sumagot: Ang pangalan ko ay Hukbo, sapagkat marami kami.
10 Nagmakaawa siya nang husto sa kaniya na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
11 Doon sa may libis ng bundok ay mayroong isang malaking kawan ng mga baboy na nanginginain. 12 Nagmakaawa ang lahat ng mga demonyo na nagsasabi: Papuntahin mo kami sa mga baboy upang sa kanila kami pumasok. 13 Kaagad silang pinayagan ni Jesus. Ang mga karumal-dumal na espiritu ay lumabas sa lalaki at pumasok sa mga baboy at mabilis na tumakbong palusong tuloy-tuloy sa lawa. At lahat ay nalunod sa lawa. Ang kawan ng mga baboy ay halos dalawang libo ang bilang.
14 Ang mga nagpapakain ng mga baboy ay nagmamadaling tumakbo at ipinamalita ito sa lungsod at sa kabukiran. Pumunta roon ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari. 15 Lumapit sila kay Jesus at nakita ang taong inalihan ng mga demonyo na nakaupo, nakadamit at nasa wastong pag-iisip. Siya ang nagkaroon ng isang Hukbo at sila ay natakot. 16 Isinalaysay sa kanila ng mga nakasaksi ang nangyari sa inalihan ng mga demonyo at patungkol sa baboy. 17 Nagsimula silang mamanhik kay Jesus na umalis sa kanilang lupain.
18 Nang sumakay na si Jesus sa bangka, namanhik ang inalihan ng mga demonyo na isama siya. 19 Hindi siya pinayagan ni Jesus. Sa halip ay sinabi niya: Umuwi ka sa iyong bahay, sa iyong pamilya. Ibalita mo sa kanila kung ano ang ginawa sa iyo ng Panginoon at kung papaano ka niya kinahabagan. 20 Siya ay umalis at nagsimulang maghayag sa Decapolis kung ano ang ginawa sa kaniya ni Jesus. Ang lahat ay namangha.
Ang Babaeng Maysakit at Batang Babaeng Patay
21 Si Jesus ay muling tumawid sa kabilang ibayo sakay ng isang bangka. Nagsiksikan sa kaniya ang napakaraming tao at siya noon ay nasa tabi ng lawa.
22 Narito, lumapit ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita niya kay Jesus nagpatirapa siya sa kaniyang paanan. 23 Siya ay namanhik nang lubos na nagsasabi: Nag-aagaw-buhay ang anak kong dalagita. Sumama ka sa akin, ipatong mo sa kaniya ang inyong mga kamay upang siya ay gumaling at mabuhay. 24 Sumama si Jesus sa kaniya.
Sumunod kay Jesus ang napakaraming tao at nagsiksikan sila sa kaniya.
25 May isang babae roon na labindalawang taon nang dinurugo. 26 Siya ay lubhang naghirap sa maramingmanggagamot na tumingin sa kaniya. Naubos na ang lahat niyang ari-arian ngunit hindi pa rin siya napabuti kahit kaunti, bagkus ay lalo pa siyang lumubha. 27 Nang marinig niya ang patungkol kay Jesus, nakipagsiksikan siya sa napakaraming tao hanggang sa likuran ni Jesus. Hinipo niya ang damit ni Jesus. 28 Iniisip niya: Kung mahihipo ko lang ang kaniyang damit, ako ay gagaling. 29 Dagling naampat ang kaniyang pagdurugo at nalaman niya sa kaniyang katawan na magaling na siya mula sa sakit na nagpapahirap sa kaniya.
30 Kaagad ding nalaman ni Jesus sa kaniyang sarili na may kapangyarihang lumabas sa kaniya. Pagbaling niya sa karamihan, nagtanong siya: Sinong humipo sa aking damit?
31 Sinabi sa kaniya ng kaniyang mga alagad: Nakikita mong nagsisiksikan sa iyo ang napakaraming tao. Ngayon ay nagtatanong ka: Sinong humipo sa akin?
32 Nagpalinga-linga pa rin siya sa palibot upang tingnanang babaeng gumawa nito. 33 Ang babae ay natatakot at nanginginig sa pagkaalam ng nangyari sa kaniya. Siya ay lumapit at nagpatirapa sa harap ni Jesus at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Sinabi ni Jesus: Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang payapa. Gumaling ka na sa sakit na nagpapahirap sa iyo.
35 Habang nagsasalita pa si Jesus, may mga taong dumating mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga. Sinabi nila: Ang anak mong babae ay patay na. Bakit inaabala mo pa ang guro?
36 Ngunit nang marinig ito ni Jesus, kaagad niyang sinabi sa pinuno ng sinagoga: Huwag kang matakot. Manampalataya ka lamang.
37 Hindi niya pinahintulutang sumama sa kanila ang sinuman maliban kina Pedro, Santiago at Juan na kapatid ni Santiago. 38 Siya ay dumating sa bahay ng pinuno ng sinagoga. Nakita niya ang pagkakagulo ng mga tao, may umiiyak at humagulhol nang husto. 39 Nang nakapasok na siya, sinabi niya sa kanila: Bakit kayo nagkakagulo at umiiyak? Ang bata ay hindi patay kundi natutulog lang. 40 Pinagtawanan nila si Jesus.
Nang maitaboy niya ang lahat, isinama niya ang ama at ina ng bata at ang mga kasama niya. Pumasok sila sa kinahihigaan ng bata.
41 Hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi sa kaniya: Talitha kumi! Ang ibig sabihin nito ay: Dalagita, sinasabi ko sa iyo: Bumangon ka. 42 Agad na bumangon ang dalagita at lumakad. Siya ay labindalawang taong gulang na. Lubhang namangha ang mga tao. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag itong ipaalam kahit kanino. Sinabi rin niya na bigyan nila ng makakain ang dalagita.
Copyright © 1998 by Bibles International