Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 22-23

Ang Talinghaga Patungkol sa Malaking Piging

22 Muling sumagot si Jesus sa pamamagitan ng mga talinghaga.

Sinabi niya: Ang paghahari ng langit ay katulad sa isang hari na nagbigay ng isang piging para sa kasal ng kaniyang anak na lalaki. Isinugo niya ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ngunit ayaw nilang dumalo.

Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin na sinasabi:Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naghanda ako ng hapunan. Kinatay na ang aking mga baka at ang lahat ng mga bagay ay nakahanda na. Halina kayo sa piging.

Ngunit hindi nila ito binigyang pansin at sila ay umalis. Ang isa ay pumunta sa kaniyang bukid, at ang isa ay sa kaniyang kalakal. Ang iba ay sinunggaban ang kaniyang mga alipin, kanilang nilait ang mga ito at pinatay. Nang marinig ito ng hari, siya ay nagalit. Sinugo niya ang kaniyang hukbo at pinuksa ang mga mamamatay taong iyon. Sinunog niya ang kanilang lungsod.

Pagkatapos, sinabi niya sa kaniyang mga alipin: Nakahanda na ang piging ngunit ang mga inanyayahan ay hindi karapat-dapat. Pumunta nga kayo sa mga lansangan at sinuman ang inyong matagpuan ay anyayahan ninyo sa piging. 10 Lumabas nga ang mga alipin sa mga lansangan at dinala ang lahat ng kanilang mga natagpuan. Dinala nila kapwa ang masama at mabuti. Ang piging ay napuno ng mga panauhin.

11 Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, may nakita siya roong isang lalaking hindi nakasuot ng damit na pampiging. 12 Sinabi niya sa kaniya: Kaibigan, papaano ka nakapasok dito nang hindi nakasuot ng damit na pampiging?Ngunit wala siyang masabi.

13 Sinabi ng hari sa mga tagapaglingkod: Igapos ninyo ang kaniyang mga paa at mga kamay. Dalhin ninyo siya at itapon sa kadiliman sa labas.Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.

14 Ito ay sapagkat marami ang tinawag ngunit kakaunti ang pinili.

Ang Pagbabayad ng Buwis-pandayuhan kay Cesar

15 Umalis ang mga Fariseo at nagplano sila kung paano mahuhuli si Jesus sa kaniyang pananalita.

16 Sinugo nila kay Jesus ang kanilang mga alagad kasama ang mga tauhan ni Herodes. Sinabi nila: Guro, alam naming ikaw ay totoo at itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. Hindi ka nagtatangi sa kaninuman sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao. 17 Sabihin mo nga sa amin: Ano ang iyong palagay? Naaayon ba sa kautusan na magbigay kay Cesar ng buwis-pandayuhan o hindi?

18 Ngunit alam ni Jesus ang kanilang kasamaan. Kaniyang sinabi: Bakit ninyo ako sinusubukan, kayong mga mapagpa­kunwari? 19 Ipakita ninyo sa akin ang perang ginagamit na buwis-pandayuhan. Dinala nila sa kaniya ang isang denaryo. 20 Sinabi niya sa kanila: Kaninong anyo ang narito at patungkol kanino ang nakasulat dito?

21 Sinabi nila sa kaniya: Kay Cesar.

Sinabi niya sa kanila:Ibigay nga ninyo kay Cesar ang mga bagay na nauukol kay Cesar. Ibigay ninyo sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Diyos.

22 Sila ay namangha nang marinig nila ito. Iniwan nila si Jesus at sila ay umalis.

Ang Muling Pagkabuhay at ang Pag-aasawa

23 Nang araw na iyon, pumunta sa kaniya ang mga Saduseo na nagsasabing walang pagkabuhay na mag-uli. Tinanong nila siya.

24 Kanilang sinabi: Guro, sinabi ni Moises: Kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak, pakakasalan ng kaniyang nakakabatang kapatid na lalaki ang asawang babae. Ito ay upang siya ay magka-anak para sa kaniyang kapatid na lalaki. 25 Ngayon, sa amin ay mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay namatay na may asawa at walang anak. Naiwan niya ang asawang babae sa kaniyang nakakabatang kapatid na lalaki. 26 Ganoon din ang nangyari sa pangalawa, at sa pangatlo hanggang sa pangpito. 27 Sa kahuli-hulihan ay namatay rin ang babae. 28 Kaya nga, sa muling pagkabuhay, kanino siya magiging asawa sa pitong magkakapatid na lalaki? Ito ay sapagkat naging asawa siya ng lahat.

29 Sumagot si Jesus sa kanila: Kayo ay naliligaw at hindi ninyo nalalaman ang kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. 30 Ito ay sapagkat sa muling pagkabuhay, wala nang mag-aasawa ni ibibigay sa pag-aasawa. Sila ay katulad ng mga anghel ng Diyos sa langit. 31 Patungkol sa pagkabuhay sa mga patay, hindi ba ninyo nabasa yaong sinabi sa inyo ng Diyos? 32 Sinasabi: Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob. Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay.

33 Nang marinig ito ng napakaraming tao, sila ay nanggilalas sa kaniyang turo.

Ang Pinakamahalagang Utos

34 Ngunit nang marinig ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo, sila ay nagtipun-tipon.

35 Ang isa sa kanila na dalubhasa sa kutusan ay nagtanong kay Jesus, na sinusubukan siya. 36 Sinabi niya: Guro, alin ang pinaka­dakilang utos sa Kautusan?

37 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo. 38 Ito ang una at dakilang utos. 39 Ang pangalawa ay katulad din nito: Ibigin mo ang iyongkapwa tulad ng iyong sarili. 40 Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang lahat ng bagay na nasa mga Kautusan at sa mga Propeta.

Kaninong Anak ang Mesiyas

41 Tinanong ni Jesus ang mga Fariseo habang sila ay nagkakatipun-tipon.

42 Kaniyang sinabi: Ano ang inyong palagay patungkol sa Cristo? Kanino siyang anak?

Sinabi nila sa kaniya:Kay David.

43 Sinabi niya sa kanila: Bakit nga tinawag siya ni David sa Espiritu na Panginoon? 44 Sinasabi:

Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Maupo ka sa gawing kanan ko hanggangsa mailagay ko ang iyong mga kaaway na tungtungan ng iyong mga paa.

45 Yamang tinawag nga siya ni David na Panginoon, paano siya naging anak nito? 46 Walang isa mang makasagot sa kaniya. At mula sa araw na iyon, ni isa ay wala nang naglakas-loob na tanungin siya.

Mag-ingat sa mga Mapagpaimbabaw

23 Pagkatapos, si Jesus ay nagsalita sa napakaraming tao at sa kaniyang mga alagad.

Kaniyang sinabi: Ang mga guro ng kautusan at ang mga Fariseo ay umupo sa upuan ni Moises. Lahat nga ng kanilang sabihin sa inyo upang sundin ay inyong sundin at gawin. Ngunit huwag ninyong gawin ang kanilang mga ginagawa sapagkat sila ay nagsasalita ngunit hindi gumagawa. Ito ay sapagkat sila ay nagtatali ng mga mabibigat na pasanin na mahirap dalhin at inilalagay sa mga balikat ng mga tao. Ngunit ayaw man lamang nila itong maigalaw ng kanilang mga daliri.

Lahat ng kanilang mga gawa ay kanilang ginagawa upang makita ng mga tao. Iyan ang dahilan na pinalalapad nila ang kanilang mga pilakterya[a] at pinalalaki ang mga laylayan ng kanilang mga damit. Inibig nila ang pangunahing dako sa mga hapunan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga. Inibig din nila ang mga pagpupugay sa mga pamilihang dako at sila ay tawagin: Guro! Guro!

Huwag kayong patawag sa mga tao na guro sapagkat iisa ang inyong pinuno, si Cristo, at kayong lahat ay magkakapatid. Huwag ninyong tawaging ama ang sinuman dito sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama na nasa langit. 10 Huwag kayong patawag na mga pinuno sapagkat iisa ang inyong pinuno, si Cristo. 11 Ngunit ang higit na dakila sa inyo ay magiging tagapaglingkod ninyo. 12 Ang sinumang magtataas ng kaniyang sarili ay ibababa at ang sinumang magpapakumbaba sa kaniyang sarili ay itataas.

13 Ngunit sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat isinasara ninyo ang paghahari ng langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumapasok at ang mga pumapasok ay inyong hinahadlangan. 14 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nilalamon ninyo ang mga bahay ng mga babaeng balo. At sa pagkukunwari ay nananalangin nang mahaba. Dahil dito, kayo ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan.

15 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nililibot ninyo ang mga dagat at ang mga lupain upang sila ay maging Judio. Kapag siya ay naging Judio na, ginagawa ninyo siyang taong patungo sa impiyerno nang makalawang ulit kaysa sa inyo.

16 Sa aba ninyo, mga bulag na tagapag-akay! Sinasabi ninyo: Kung sinumang sumumpa sa pamamagitan ng banal na dako, ito ay walang halaga. Ngunit ang sinumang sumumpa sa pamamagitan ng ginto sa banal na dako, siya ay may pananagutan. 17 Mga mangmang at bulag! Alin ang higit na dakila, ang ginto o ang banal na dako na nagpabanal sa ginto? 18 Sinasabi rin ninyo: Ang sinumang sumumpa sa pamama­gitan ng dambana, ito ay walang halaga. Ngunit ang sinumang sumumpa sa pamamagitan ng kaloob na nasa dambana ay may pananagutan. 19 Mga mangmang at bulag! Alin ang higit na dakila, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? 20 Siya na sumusumpa sa pamamagitan ng dambana ay sumusumpa sa pamamagitan nito at sa lahat ng mga bagay na naririto. 21 Siya na sumusumpa sa pamamagitan ng banal na dako ay sumusumpa sa pamamagitan nito at sa pamamagitan niya na naninirahan dito. 22 Siya na sumusumpa sa pamama­gitan ng langit ay sumusumpa sa pamamagitan ng trono ng Diyos at sa kaniya na nakaupo rito.

23 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nagbabayad kayo ng ikasampung bahagi ng yerbabuena, anis at komino ngunit pinababayaan ninyo ang higit na mahalaga sa kautusan. Ito ay ang mga paghukom, habag at katapatan. Ang mga ito ang dapat ninyong gawin at huwag kaligtaan ang iba. 24 Mga bulag na tagapag-akay! Sinasala ninyo ang lamok ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo.

25 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nililinis ninyo ang labas ng saro at ng pinggan ngunit sa loob nito ay puno ng kasakiman at kawalan ng pagpipigil sa sarili. 26 Kayong mga bulag na Fariseo! Linisin muna ninyo ang loob ng saro at ng pinggan upang maging malinis ang labas ng mga ito.

27 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat kayo ay katulad ng mga pinaputing nitso. Ito ay maganda sa labas ngunit sa loobay puno ng buto ng mga patay at lahat ng karumihan. 28 Gayundin nga kayo, sa panlabas ay matuwid kayo sa harap ng mga tao ngunit sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos.

29 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat itinayo ninyo ang mga nitso ng mga propeta at ginayakan ang mga puntod ng mga matuwid. 30 Inyong sinasabi: Kung kami ay nabubuhay noong panahon ng ating mga ama, hindi kami makikisali sa kanila sa pagbuhos ng dugo ng mga propeta. 31 Kayo ang nagpapatotoo sa inyong mga sarili na kayo ay mga anak ng mga pumatay sa mga propeta. 32 Punuin na ninyo ang sukat ng inyong mga ama.

33 Mga ahas, mga anak ng ulupong! Papaano kayo makakaligtas mula sa hatol ng impiyerno? 34 Dahil dito, narito, magsusugo ako sa inyo ng mga propeta, mga pantas na lalaki at mga guro ng kautusan. Ang ilan sa kanila ay inyong papatayin at ipapako sa krus. Ang ilan sa kanila ay inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga at uusigin sa bawat lungsod. 35 Ito ay upang dumating sa inyo ang dugo ng lahat ng mga matuwid na nabuhos sa lupa. Ito ay mula pa sa dugo ni Abel, angmatuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias. Si Zacarias ang inyong pinatay sa pagitan ng templo at ng altar. 36 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.

37 Jerusalem! Jerusalem! Ikaw na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga sinugo sa iyo. Gaano kadalas kong ninais na tipunin ang iyong mga anak katulad ng pagtipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang pakpak, ngunit ayaw ninyo? 38 Narito, ang iyong bahay ay iniwanang wasak. 39 Ito ay sapagkat sinasabi ko sa iyo: Hindi mo na ako makikita mula ngayon, hanggang sabihin mo: Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International