Beginning
Binasbasan ni Jacob sina Efraim at Manases
48 Nabalitaan ni Jose na may sakit ang kanyang ama, kaya't isinama niya ang dalawang anak na lalaki, sina Manases at Efraim, at dinalaw ang matanda. 2 Nang sabihin kay Jacob na dumating si Jose, nagpilit siyang bumangon at naupo sa kanyang higaan. 3 Sinabi(A) niya kay Jose, “Nang ako'y nasa Luz, nagpakita sa akin ang Makapangyarihang Diyos at binasbasan ako. 4 Sinabi niya na darami ang aking mga anak at ang aking lahi ay magiging isang malaking bansa, at ibibigay niya sa kanila ang lupaing iyon habang panahon. 5 Ang dalawa mong anak na isinilang dito sa Egipto bago ako dumating ay ibibilang sa aking mga anak. Kaya, tulad nina Ruben at Simeon, sina Efraim at Manases ay magiging tagapagmana ko rin. 6 Ngunit ang susunod mong mga anak ay mananatiling iyo at ibibilang na lamang sa lipi ng dalawa nilang kapatid. 7 Ipinasiya(B) ko ito alang-alang kay Raquel na iyong ina. Nang pabalik ako buhat sa Mesopotamia, namatay siya sa Canaan, malapit sa Efrata. At dinamdam ko nang labis ang kanyang pagpanaw. Doon ko na siya inilibing.” (Ang Efrata ay tinatawag ngayong Bethlehem.)
8 Nang makita ni Israel ang mga anak ni Jose, tinanong ito, “Ito ba ang iyong mga anak?”
9 “Opo! Sila po ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos dito sa Egipto,” tugon niya.
Sinabi ni Israel, “Ilapit mo sila sa akin at babasbasan ko.” 10 Halos hindi na makakita noon si Israel dahil sa kanyang katandaan. Inilapit nga ni Jose ang mga bata at sila'y niyakap at hinagkan ng matanda. 11 Sinabi ni Jacob kay Jose, “Wala na akong pag-asa noon na makikita pa kita. Ngayon, nakita ko pati iyong mga anak.”
12 Inalis ni Jose ang mga bata sa kandungan ni Israel at yumuko siya sa harapan nito.
13 Pagkatapos, inilapit niya sa matanda ang dalawang bata, si Efraim sa gawing kaliwa at si Manases sa gawing kanan nito. 14 Ngunit pinagkurus ni Israel ang kanyang kamay at ipinatong ang kanan sa ulo ng nakababatang si Efraim at ang kaliwa sa ulo ni Manases. 15 At sila'y binasbasan,
“Pagpalain nawa kayo at palaging subaybayan,
ng Diyos na pinaglingkuran ni Isaac at ni Abraham;
ng Diyos na sa aki'y nangalaga't pumatnubay,
simula sa pagkabata't magpahanggang ngayon man.
16 At pati na ang anghel na sa akin ay nagligtas,
pagpalain nawa kayo, tanggapin ang kanyang basbas;
maingatan nawa ninyo at taglayin oras-oras
ang ngalan ko, at ang ngalan ni Abraham at ni Isaac.
Nawa kayo ay lumago, dumami at lumaganap.”
17 Nang makita ni Jose ang ginawa ng kanyang ama, minasama niya iyon kaya't hinawakan niya ang kanang kamay nito upang ilipat sa ulo ni Manases. 18 Wika niya, “Ito po ang matanda, ama. Sa kanya ninyo ipatong ang inyong kanang kamay.”
19 Ngunit sinabi ni Jacob, “Alam ko iyan, anak, alam ko. Alam kong magiging dakila si Manases, pati ang kanyang mga anak, ngunit lalong magiging dakila ang nakababata niyang kapatid. Ang kanyang lahi ay magiging dakilang mga bansa.”
20 Sinabi(C) pa niya ito:
“Ang mga Israelita, sa Diyos ay hihilingin,
dahil kayo'y pinagpala, sila ma'y pagpalain din.
Sa kanilang kahilingan, ganito ang sasabihin:
‘Kayo nawa ay matulad kay Efraim at Manases.’”
Sa ganitong paraan ginawa ni Jacob na una si Efraim kay Manases.
21 Pagkatapos nito, sinabi ni Israel, “Jose, ako'y mamamatay na ngunit huwag kang mababahala. Sasamahan ka ng Diyos at kayo'y ibabalik niya sa lupain ng inyong mga ninuno. 22 Ikaw ang tanging magmamana ng Shekem na nakuha ko sa mga Amoreo sa pamamagitan ng aking tabak at pana.”
Ang Pahayag ni Jacob tungkol sa Kanyang mga Anak
49 Ipinatawag ni Jacob ang kanyang mga anak at sinabi, “Lumapit kayo sa akin, at sasabihin ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa hinaharap:
2 “Kayo mga anak, magsilapit sa akin,
akong inyong ama ay sumandaling dinggin.
3 “Si Ruben ang aking panganay na anak,
sa lahat kong supling ay pinakamalakas;
4 mapusok ang loob, baha ang katulad, bawat madaanan ay sumasambulat.
Sa kabila nito'y hindi ka sisikat, hindi mangunguna, hindi matatanyag;
pagkat ang ama mo ay iyong hinamak,
dangal ng aliping-asawa ko ay iyong winasak.
5 “Simeon at Levi na magkapatid,
ang sandata ninyo'y ipinanlulupig;
6 sa usapan ninyo'y di ako sasali,
sa inyong gawain, hindi babahagi.
Kapag nagagalit agad pumapatay,
lumpo pati hayop kung makatuwaan.
7 Kayo'y susumpain, sa bangis at galit,
sa ugali ninyo na mapagmalabis;
kayo'y magkawatak-watak sa buong lupain,
sa buong Israel ay pangangalatin.
8 “Ikaw naman, Juda, ay papupurihan niyong mga anak ng ina mong mahal,
hawak mo sa leeg ang iyong kaaway,
lahat mong kapatid sa iyo'y gagalang.
9 Mabangis(D) na leon ang iyong larawan,
muling nagkukubli matapos pumatay;
ang tulad ni Juda'y leong nahihimlay,
walang mangangahas lumapit sinuman.
10 Setrong sagisag ng lakas at kapangyarihan
sa kanya kailanma'y hindi lilisan;
mga bansa sa kanya'y magkakaloob,
mga angkan sa kanya'y maglilingkod.
11 Batang asno niya doon natatali,
sa puno ng ubas na tanging pinili;
mga damit niya'y doon nilalabhan,
sa alak ng ubas na lubhang matapang.
12 Mata'y namumula dahilan sa alak,
ngipi'y pumuputi sa inuming gatas.
13 “Sa baybaying-dagat doon ka, Zebulun,
ang sasakyang-dagat sa iyo kakanlong;
ang iyong lupai'y aabot sa Sidon.
14 “Malakas na asno ang katulad mo, Isacar,
ngunit sa kulungan ka maglulumagak.
15 Nang kanyang makita iyong pahingahan,
ang lupain doo'y tunay na mainam,
tiniis na niyang makuba sa pasan,
nagpaalipin na kahit mahirapan.
16 “Si Dan ay magiging isang pangunahin,
katulad ng ibang pinuno ng Israel.
17 Ahas na mabagsik sa tabi ng daan,
na handang tumuklaw sa kabayong daraan;
upang maihulog iyong taong sakay.
18 “Sa pagliligtas mo, O Diyos, ako'y maghihintay.
19 “Haharangin si Gad ng mga tulisan,
lalabanan niya at magtatakbuhan.
20 “Ang bukid ni Asher ay pag-aanihan
ng mga pagkain ng taong marangal.
21 “Si Neftali naman ay tulad ng usa,
malaya't ang dalang balita'y maganda.
22 “Si Jose nama'y baging na mabunga.
Sa tabi ng bukal nakatanim siya,
paakyat sa pader ang pagtubo niya.
23 Mga mangangaso ang nagpapahirap,
hinahabol siya ng palaso't sibat.
24 Subalit ang iyong busog ay mananatiling malakas,
ang iyong mga bisig ay palalakasin,
ang dahilan nito'y ang Diyos ni Jacob,
pastol ng Israel, matibay na muog.
25 Diyos ng iyong ama'y siyang sasaklolo,
ang Makapangyarihang Diyos magbabasbas sa iyo.
Magbuhat sa langit, bubuhos ang ulan,
malalim na tubig sa lupa'y bubukal;
dibdib na malusog, pati bahay-bata'y pagpapalain di't kanyang babasbasan.
26 Darami ang ani, bulaklak gayon din,
maalamat na bundok ay pagpapalain;
pati mga burol magkakamit-aliw.
Pagpapalang ito nawa ay makamit ni Joseng nawalay sa mga kapatid.
27 “Tulad ni Benjami'y lobong pumapatay,
sumisila ito ng inaalmusal.
Kung gabi, ang huli'y pinaghahatian.”
28 Ito ang labindalawang anak ni Israel, at gayon sila binasbasan ng kanilang ama ayon sa basbas na angkop sa kanila.
Namatay at Inilibing si Jacob
29 Pagkatapos, sinabi ni Jacob sa kanyang mga anak, “Ngayo'y papanaw na ako upang makasama ng mga ninunong namayapa na. Doon ninyo ako ililibing sa pinaglibingan sa aking mga magulang, sa yungib sa bukid ni Efron na Heteo. 30 Ang(E) libingang iyo'y nasa Macpela, sa silangan ng Mamre, sa may Canaan. Binili iyon ni Abraham, 31 at(F) doon siya inilibing pati ang kanyang asawang si Sara. Doon din inilibing ang mag-asawang Isaac at Rebeca, at doon ko rin inilibing si Lea. 32 Ang bukid at yungib na iyon ay binili nga sa mga Heteo.” 33 Matapos(G) masabi ang lahat ng ito, siya ay humimlay at namatay.
50 Niyakap ni Jose ang kanyang ama at umiiyak na hinagkan. 2 Pagkatapos, inutusan niya ang kanyang mga manggagamot na embalsamuhin ang bangkay. 3 Ayon sa kaugalian ng mga Egipcio, apatnapung araw ang ginugol nila sa paggawa nito. Pitumpung araw na nagluksa ang bansang Egipto.
4 Pagkatapos ng pagluluksa, sinabi ni Jose sa mga kagawad ng Faraon, “Pakisabi nga ninyo sa Faraon na 5 hiniling(H)ng aking ama bago namatay na doon ko siya ilibing sa libingan na kanyang inihanda sa Canaan. At aking naipangakong susundin ko ang kanyang bilin. Kaya, humihingi ako ng pahintulot na dalhin ko roon ang kanyang bangkay at babalik agad ako pagkatapos.”
6 Sumagot ang Faraon, “Lumakad ka na at ilibing mo ang iyong ama ayon sa iyong pangako sa kanya.”
7 Sumama kay Jose para makipaglibing ang lahat ng kagawad ng Faraon, ang mga may matataas na katungkulan sa palasyo at ang mga kilalang mamamayan sa buong Egipto. 8 Kasama rin ni Jose ang kanyang mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama. Ang naiwan lamang sa Goshen ay ang maliliit na bata, mga kawan ng tupa, kambing at baka. 9 May mga nangangabayo, may mga sakay sa karwahe—talagang napakarami nila.
10 Pagsapit nila sa giikan sa Atad, sa silangan ng Ilog Jordan, huminto muna sila. Nagdaos sila roon ng luksang-parangal sa yumao, at pitong araw na nagdalamhati roon si Jose. 11 Nasaksihan ng mga taga-Canaan ang ginawang pagpaparangal na ito, kaya't nasabi nila, “Ganito palang magluksa ang mga taga-Egipto!” Dahil dito'y tinawag na Abelmizraim[a] ang lugar na iyon.
12 Sinunod nga ng mga anak ni Jacob ang hiling ng kanilang ama. 13 Dinala(I) nila sa Canaan ang bangkay at doon inilibing sa yungib na nasa kaparangan ng Macpela, silangan ng Mamre, na binili ni Abraham kay Efron na Heteo. 14 Matapos ilibing ang ama, si Jose'y nagbalik sa Egipto, kasama ang kanyang mga kapatid at lahat ng kasama sa paglilibing.
Binigyan ni Jose ng Kapanatagan ang mga Kapatid
15 Mula nang mamatay ang kanilang ama, nag-alala na ang mga kapatid ni Jose. Sabi nila, “Paano kung galit pa sa atin si Jose at gantihan tayo sa kalupitang ginawa natin sa kanya?” 16 Nagpasugo sila kay Jose at ipinasabi ang ganito: “Bago namatay ang ating ama, ipinagbilin niya na sabihin ito sa iyo, 17 ‘Nakikiusap ako na patawarin mo na ang iyong mga kapatid sa ginawa nila sa iyo.’ Kaya naman ngayon, nagsusumamo kami sa iyo na patawarin mo kaming mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” Napaiyak si Jose nang marinig ito.
18 Lumapit lahat ang kanyang mga kapatid at yumuko sa harapan niya. “Kami'y mga alipin mo,” wika nila.
19 Ngunit sinabi ni Jose, “Huwag kayong matakot! Maaari ko bang palitan ang Diyos? 20 Masama nga ang inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan, at dahil doo'y naligtas ang marami ngayon. 21 Kaya, huwag na kayong mag-alala. Ako ang bahala sa inyo at sa inyong mga anak.” Napanatag ang kanilang kalooban sa mga sinabing ito ni Jose.
Ang Pagkamatay ni Jose
22 Nanatili nga si Jose sa Egipto kasama ang kanyang mga kapatid. Umabot siya ng 110 taon bago namatay. 23 Inabot pa siya ng mga apo ni Efraim, gayundin ng mga apo niya kay Maquir na anak ni Manases. 24 Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, “Malapit na akong mamatay, ngunit huwag kayong mag-alala. Iingatan kayo ng Diyos at ibabalik sa lupaing ipinangako niya kina Abraham, Isaac at Jacob.” 25 Pagkatapos,(J) ipinagbilin niya sa mga Israelita ang gagawin sa kanyang bangkay. Wika niya, “Isumpa ninyo sa akin na kapag kayo'y inilabas na ng Diyos sa lupaing ito, dadalhin ninyo ang aking mga buto.” 26 Namatay nga si Jose sa gulang na 110 taon. Siya'y inembalsamo sa Egipto at inilagay sa isang kabaong.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.