Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hebreo 1-6

Ang Salita ng Dios sa Pamamagitan ng Kanyang Anak

Noong una, nangusap ang Dios sa mga ninuno natin sa ibaʼt ibang panahon at paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit nitong mga huling araw, nangusap siya sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan niya, nilikha ng Dios ang sanlibutan, at siya rin ang pinili niyang magmay-ari ng lahat ng bagay. Sa kanya makikita ang nagniningning na kadakilaan ng Dios, at kung ano ang Dios ay ganoon din siya. Siya ang nag-iingat sa lahat ng bagay sa mundo sa pamamagitan ng makapangyarihan niyang salita. Matapos niya tayong linisin sa ating mga kasalanan, umupo siya sa kanan ng Makapangyarihang Dios doon sa langit.

Mas Dakila ang Anak ng Dios Kaysa sa Mga Anghel

Kaya naging mas dakila ang Anak ng Dios kaysa sa mga anghel at higit na dakila ang pangalan niya kaysa sa kanila. Sapagkat kailanman, wala ni isa man sa mga anghel ang sinabihan ng Dios ng ganito:

    “Ikaw ang Anak ko,
    at ngayon, ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.”[a]

At wala ring sinabihan ang Dios nang ganito sa sinumang anghel:

    “Akoʼy magiging Ama niya,
    at siyaʼy magiging Anak ko.”[b]

At nang isusugo na ng Dios ang kanyang bugtong na Anak sa mundo, sinabi niya,

    “Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Dios.”[c]

Ito ang sinabi ng Dios tungkol sa mga anghel:

    “Ang mga anghel ay magagawa kong hangin.
    Sila na mga lingkod ko ay magagawa ko ring nagliliyab na apoy.”[d]

Ngunit ito naman ang sinabi ng Dios tungkol sa kanyang Anak:

    “O Dios, ang kaharian mo ay magpakailanman at ang paghahari moʼy makatuwiran.
Kinalugdan mo ang gumagawa ng matuwid at kinamuhian mo ang gumagawa ng masama.
    Kaya pinili ka ng Dios, na iyong Dios, at binigyan ng kagalakang higit sa ibinigay niya sa mga kasama mo.”[e]

10 At sinabi pa niya sa kanyang Anak,

“Sa simula, ikaw Panginoon, ang lumikha ng mundo at ng kalangitan.
11 Maglalaho ang mga ito, ngunit mananatili ka magpakailanman.
    Maluluma itong lahat tulad ng damit.
12 Titiklupin mo ang mga ito tulad ng isang balabal, at papalitan tulad ng damit.
Ngunit hindi ka magbabago, at mananatili kang buhay magpakailanman.”[f]

13 Kailanmaʼy hindi sinabi ng Dios sa sinumang anghel:

    “Maupo ka sa kanan ko hanggang mapasuko ko sa iyo[g] ang mga kaaway mo.”[h]

14 Kung ganoon, ang mga anghel ay mga espiritung naglilingkod lang sa Dios, at sinusugo niya para tumulong sa mga taong tatanggap ng kaligtasan.

Babala sa mga Lumilihis ng Landas

Kaya dapat nating panghawakang mabuti ang mga katotohanang narinig natin para hindi tayo maligaw. Isipin ninyo: Ang Kautusang ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng mga anghel ay napatunayang totoo, at tumanggap ng kaukulang parusa ang bawat taong lumabag o sumuway dito. Kaya hindi tayo makakaligtas kung babalewalain natin ang dakilang kaligtasang ito. Ang Panginoon mismo ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at pinatunayan sa atin ng mga nakarinig sa kanya. Pinatunayan din ito ng Dios sa pamamagitan ng mga himala at mga kamangha-manghang gawa, at ibaʼt ibang kakayahang kaloob ng Banal na Espiritu na ipinamahagi niya ayon sa kanyang kalooban.

Dumating ang Kaligtasan sa Pamamagitan ni Cristo

Ngayon, tungkol sa mundong darating na sinasabi namin, hindi ito ipinamahala ng Dios sa mga anghel. Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan:

    O Dios, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
    Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
Sa maikling panahon ginawa ninyong mas mababa ang kalagayan niya kaysa sa mga anghel.
Ngunit pinarangalan nʼyo siya bilang hari,     at ipinasakop nʼyo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”[i]

Ang sinasabi ng Kasulatan na ipinasakop ang lahat ng bagay sa tao ay nangangahulugang darating ang araw na walang anumang bagay na hindi maipapasakop sa tao. Pero ngayon, hindi pa natin nakikita na sakop ng tao ang lahat ng bagay. Ngunit kung tungkol kay Jesus, alam natin na sa maikling panahon naging mas mababa ang kalagayan niya kaysa sa mga anghel, para maranasan niyang mamatay para sa lahat sa pamamagitan ng biyaya ng Dios. At ngayon, binigyan siya ng karangalan at kadakilaan dahil tiniis niya ang kamatayan. 10 Ginawa ng Dios ang lahat ng bagay, at ginawa niya ito para sa sarili niya. Kaya marapat lang na pumayag siyang maghirap si Jesus, para lubos na magampanan ni Jesus ang nararapat bilang pinagmumulan ng kaligtasan. Sa ganoon, maraming mga tao ang magiging kanyang mga anak na kanyang mapaparangalan. 11 Si Jesus ang naglilinis ng ating mga kasalanan. At ang kanyang Ama ay siya rin nating Ama. Kaya hindi niya ikinakahiya na ituring tayong mga kapatid niya. 12 Ito ang sinabi niya sa kanyang Ama:

    “Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang mga ginawa mo, at aawit ako ng papuri sa iyo sa piling ng mga sumasamba sa iyo.”[j]

13 Sinabi rin niya,

    “Magtitiwala ako sa Dios.”[k]

At idinagdag pa niya,

    “Narito ako, kasama ang mga anak ng Dios na kanyang ibinigay sa akin.”[l]

14 At yamang ang mga anak ng Dios na binanggit niya ay mga taong may laman at dugo, naging tao rin si Jesus upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay malupig niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa ganitong paraan, pinalaya niya sila na naging alipin ng takot sa kamatayan sa buong buhay nila. 16 Kaya malinaw na hindi ang mga anghel ang tinutulungan ni Jesus kundi ang lahi ni Abraham. 17 Ito ang dahilan kung bakit kinailangang magkatawang-tao ni Jesus, upang maging katulad siya ng mga kapatid niya sa lahat ng bagay. Sa ganoon, siya ay magiging punong pari nila na maawain at tapat, na makapaghahandog sa Dios para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng tao. 18 At dahil siya mismo ay nakaranas ng paghihirap nang tinukso siya, matutulungan niya ang mga dumaranas ng tukso.

Mas Dakila si Jesus kaysa kay Moises

Kaya nga mga kapatid ko sa pananampalataya, at mga kapwa ko na tinawag ng Dios na makakasama sa langit, alalahanin nʼyo si Jesus. Siya ang apostol at punong pari ng ating pananampalataya. Tapat siya sa Dios na nagsugo sa kanya, katulad ni Moises na naging tapat sa pamamahala ng pamilya ng Dios. Ngunit itinuring ng Dios si Jesus na higit kaysa kay Moises, dahil kung ihahalintulad sa bahay, higit ang karangalan ng nagtayo kaysa sa bahay na itinayo. Alam natin na may gumawa ng bawat bahay. Ngunit[m] ang Dios ang gumawa ng lahat ng bagay. Tapat si Moises sa pamamahala niya sa pamilya ng Dios bilang isang lingkod. At ang mga bagay na ginawa niya ay larawan ng mga bagay na mangyayari sa hinaharap. Ngunit si Cristo ay tapat bilang Anak na namamahala sa pamilya ng Dios. At tayo ang pamilya ng Dios, kung patuloy tayong magiging tapat sa pag-asang ipinagmamalaki natin. Kaya gaya ng sinasabi ng Banal na Espiritu:

    “Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios,
huwag ninyong patigasin ang puso nʼyo,
    tulad ng ginawa noon ng mga ninuno nʼyo.
    Naghimagsik sila laban sa Dios at siyaʼy sinubok nila roon sa ilang.
Sinabi ng Dios, ‘Sinubok nila ako sa kasamaan nila,
    kahit na nakita nila ang ginawa ko sa loob ng 40 taon.
10 Kaya galit na galit ako sa henerasyong ito at sinabi ko,
    “Laging lumalayo ang puso nila sa akin,
    at ayaw nilang sumunod sa mga itinuturo ko sa kanila.”
11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.’ ”[n]

12 Kaya mga kapatid, mag-ingat kayo at baka maging masama ang puso nʼyo na siyang magpapahina ng pananampalataya nʼyo hanggang sa lumayo kayo sa Dios na buhay. 13 Magpaalalahanan kayo araw-araw habang may panahon pa, para walang sinuman sa inyo ang madaya ng kasalanan na nagpapatigas sa puso nʼyo. 14 Sapagkat kasama tayo ni Cristo kung mananatiling matatag ang pananampalataya natin sa kanya hanggang sa wakas. 15 Gaya nga ng nabanggit sa Kasulatan: “Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios, huwag ninyong patigasin ang puso nʼyo tulad ng ginawa noon ng mga ninuno nʼyo nang naghimagsik sila laban sa Dios.”[o] 16 Sino ba ang mga taong nakarinig sa tinig ng Dios at naghimagsik pa rin sa kabila nito? Hindi baʼt ang mga inilabas ni Moises sa Egipto? 17 At kanino ba nagalit ang Dios sa loob ng 40 taon? Hindi baʼt sa mga nagkasala at namatay sa ilang? 18 At sino ba ang isinumpa ng Dios na hindi makakamtan ang kapahingahan? Hindi baʼt ang mga ayaw sumunod sa kanya? 19 Kaya malinaw na hindi nila nakamtan ang kapahingahan dahil sa kawalan ng pananampalataya sa Dios.

Ngunit kahit na ganoon ang nangyari sa kanila, nanatili pa rin ang pangako ng Dios na makakamtan natin ang kapahingahang mula sa kanya. Kaya mag-ingat tayo at baka mayroon sa atin na hindi magkakamit ng pangakong ito. Sapagkat nakarinig din tayo ng Magandang Balita katulad nila, pero naging walang saysay ang narinig nila dahil hindi sila sumampalataya. Tayong mga sumasampalataya ang magkakamit ng kapahingahang mula sa Dios. Ngunit hindi ito makakamit ng hindi sumasampalataya, dahil sinabi ng Dios,

    “Sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”[p]

Hindi ibig sabihin na wala pa ang kapahingahan. Ang totoo, nariyan na ito mula pa nang likhain ang mundo. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan tungkol sa ikapitong araw,

    “Sa ikapitong araw, nagpahinga ang Dios sa kanyang paglikha.”[q]

At sinabi rin sa Kasulatan, “Hinding-hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.” Malinaw na niloob ng Dios na may magkakamit ng kapahingahang ito, pero ang mga nakarinig noon ng Magandang Balita ay hindi ito nakamtan dahil sa pagsuway nila sa kanya. Kaya muling nagtakda ang Dios ng isa pang pagkakataon, na walang iba kundi ngayon. Dahil pagkalipas ng matagal na panahon sinabi ng Dios sa pamamagitan ni David,

    “Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios, huwag ninyong patigasin ang puso ninyo.”[r]

Dahil kung tunay na nadala ni Josue sa kapahingahan ang mga tao noong una, hindi na sana nagsalita ang Dios tungkol sa isa pang kapahingahan. Kaya may kapahingahan pang nakalaan sa mga taong sakop ng Dios. At ang kapahingahang itoʼy katulad ng pagpapahinga ng Dios sa ikapitong araw. 10 Sapagkat ang sinumang magkakamit ng kapahingahang mula sa Dios ay makapagpapahinga rin sa mga gawain niya, tulad ng pamamahinga ng Dios matapos niyang likhain ang lahat. 11 Kaya sikapin nating makamit ang kapahingahang ito. Huwag nating tularan ang mga tao noong una na sumuway sa Dios, at baka hindi natin ito makamtan. 12 Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Dios, at higit na matalas kaysa sa alinmang espadang magkabila ang talim. Tumatagos ito hanggang kaluluwaʼt espiritu, at hanggang sa kasu-kasuan at kaloob-looban ng buto. Nalalaman nito ang pinakamalalim na iniisip at hinahangad ng tao. 13 Walang makapagtatago sa Dios. Nakikita niya at lantad sa paningin niya ang lahat, at sa kanya tayo mananagot.

Si Cristo ang Ating Punong Pari

14 Kaya panghawakan nating mabuti ang pinaniniwalaan natin dahil mayroon tayong dakilang punong pari na pumasok sa kalangitan, na walang iba kundi si Jesus na Anak ng Dios. 15 Nadarama rin ng ating punong pari ang lahat ng kahinaan natin, dahil naranasan din niya ang lahat ng pagsubok na dumarating sa atin, pero hindi siya nagkasala. 16 Kaya huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng maawaing Dios para matanggap natin ang awa at biyayang makakatulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.

Ang bawat punong pari ay pinili mula sa mga tao upang maglingkod sa Dios para sa kanila. Tungkulin niyang maghandog ng mga kaloob at iba pang mga handog para sa kapatawaran ng mga kasalanan. At dahil tao rin siyang tulad natin na may mga kahinaan, mahinahon siyang nakikitungo sa mga taong hindi nakakaalam na naliligaw sila ng landas. At dahil nagkakasala rin siya, kailangan niyang maghandog, hindi lang para sa kasalanan ng mga tao, kundi para rin sa sarili niyang mga kasalanan. Hindi maaaring makamtan ninuman sa sarili niyang kagustuhan ang karangalan ng pagiging punong pari. Sapagkat ang Dios mismo ang humihirang sa kanya na maging punong pari, tulad ng pagkahirang kay Aaron. Ganoon din naman, hindi si Cristo ang nagparangal sa sarili niya na maging punong pari kundi ang Dios. Sapagkat sinabi sa kanya ng Dios,

    “Ikaw ang Anak ko, at ngayon ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.”[s]

At sinabi pa ng Dios sa ibang bahagi ng Kasulatan,

    “Ikaw ay pari magpakailanman, tulad ng pagkapari ni Melkizedek.”[t]

Noong namumuhay pa si Jesus sa mundong ito, umiiyak siyang nananalangin at nagmamakaawa sa Dios na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig naman siya dahil lubos siyang naging masunurin. At kahit Anak siya mismo ng Dios, natutunan niya ang pagiging masunurin sa pamamagitan ng mga pagtitiis na dinanas niya. Naging ganap siya at pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan[u] ng lahat ng sumusunod sa kanya. 10 Kaya itinalaga siya ng Dios na maging punong pari tulad ng pagkapari ni Melkizedek.

Babala sa Pagtalikod sa Dios

11 Marami pa sana kaming sasabihin tungkol sa mga bagay na ito, pero mahirap ipaliwanag dahil mahina ang pang-unawa ninyo. 12 Dapat mga tagapagturo na sana kayo dahil matagal na kayo sa pananampalataya, ngunit hanggang ngayon ay kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin tungkol sa salita ng Dios. Katulad pa rin kayo ng mga sanggol na nangangailangan ng gatas dahil hindi nʼyo pa kaya ang matigas na pagkain. 13 Ang mga nabubuhay sa gatas ay mga sanggol pa at walang muwang kung ano ang mabuti at masama. 14 Ngunit ang matigas na pagkain ay para sa may mga sapat na gulang na, at alam na kung ano ang mabuti at masama.

Kaya bilang matatagal nang sumasampalataya, dapat na nating iwan ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo, at magpatuloy sa mga malalalim na aralin. Huwag na tayong magpabalik-balik pa sa mga aral tungkol sa pagsisisi at pagtalikod sa mga bagay na walang kabuluhan, at tungkol sa pananampalataya sa Dios, mga aral tungkol sa bautismo, pagpapatong ng kamay sa ulo, muling pagkabuhay ng mga patay, at paghahatol ng Dios sa magiging kalagayan ng tao magpakailanman. Sa halip, kung loloobin ng Dios, magpatuloy tayo sa malalalim na aralin, 4-6 upang hindi natin siya talikuran. Sapagkat kung tatalikuran ng isang tao ang Dios, hindi na siya mapagsisisi at mapapanumbalik pa sa Dios. Naliwanagan na ang pag-iisip niya, nakatikim na ng mga biyaya mula sa langit, tumanggap ng Banal na Espiritu, nakatikim na ng kabutihang dulot ng salita ng Dios, at nakadama na ng kapangyarihang ihahayag sa huling araw. Pagkatapos, kung tumalikod pa rin siya sa Dios, hindi na siya mapagsisisi at mapapanumbalik sa Dios dahil para na rin niyang ipinakong muli sa krus at dinala sa kahihiyan ang Anak ng Dios.

Tulad tayo ng lupang pinagpapala ng Dios, na matapos tumanggap ng masaganang ulan ay tinutubuan ng mga halamang pakikinabangan ng magsasaka. Ngunit kung matitinik na mga halaman lang ang tumutubo roon, wala itong pakinabang. Nanganganib itong sumpain na lang ng Dios, at sa bandang huli ay susunugin.

Mga minamahal, kahit na ganito ang sinasabi namin, nakakatiyak kaming nasa mabuti kayong kalagayan tungkol sa kaligtasan ninyo. 10 Makatarungan ang Dios, at hindi niya magagawang kalimutan ang inyong mabubuting gawa at ang pagmamahal na ipinakita ninyo sa kanya at patuloy na ipinapakita sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kapwa pinabanal[v] ng Dios. 11 Nais naming patuloy na maging masigasig ang bawat isa sa inyo sa pag-asa nʼyo sa Dios hanggang sa wakas, para makamtan ninyo ang inaasahan ninyo. 12 Huwag kayong maging tamad, sa halip, tularan nʼyo ang mga tao na tumatanggap ng mga ipinangako ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya nila at pagtitiis.

Tiyak ang Pangako ng Dios

13 Tingnan nʼyo ang karanasan ni Abraham: Nang mangako ang Dios kay Abraham, hindi siya gumamit ng ibang pangalan para patunayan ang pangako niya, kundi ginamit niya ang sarili niyang pangalan dahil wala nang makahihigit pa sa kanya. 14 Sinabi niya, “Talagang pagpapalain kita at pararamihin ko ang lahi mo.”[w] 15 At pagkatapos ng matiyagang paghihintay, natanggap ni Abraham ang mga ipinangako sa kanya. 16 Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng Dios na mas nakahihigit sa kanila para paniwalaan sila at wala ng pag-usapan pa. 17 Ganito rin ang ginawa ng Dios noon sa mga taong pinangakuan niya. Ipinakita niya sa kanila sa pamamagitan ng panunumpa na tutuparin niya ang pangako niya. 18 At ang dalawang bagay na ito – ang pangako niya at panunumpa – ay hindi mababago, dahil hindi magagawang magsinungaling ng Dios. Kaya tayong mga nagpakalinga sa kanya ay may matibay na pag-asang pinanghahawakan na gagawin niya ang ipinangako niya sa atin. 19 Ang pag-asang ito ay matibay tulad ng angkla, at ito ay nagbibigay kapanatagan sa buhay natin, dahil umaabot ito sa Pinakabanal na Lugar, 20 kung saan nauna nang pumasok si Jesus para sa atin. Siya ang punong pari natin magpakailanman, katulad ng pagkapari ni Melkizedek.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®