Book of Common Prayer
Ang Diyos na Hari
93 Ang Panginoon ay naghahari, siya'y nakasuot ng karilagan;
ang Panginoon ay nananamit, siya'y nabibigkisan ng kalakasan.
Ang sanlibutan ay kanyang itinatag; hindi ito matitinag.
2 Ang trono mo'y natatag noong una;
ikaw ay mula sa walang pasimula.
3 Ang mga baha ay tumaas, O Panginoon,
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang ugong;
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon.
4 Higit na makapangyarihan kaysa sa dagundong ng maraming tubig,
kaysa sa malalakas na hampas ng alon sa dagat,
ang Panginoon sa itaas ay makapangyarihan!
5 Ang iyong mga utos ay tiyak na tiyak;
ang kabanalan sa iyong sambahayan ay nararapat,
O Panginoon, magpakailanman.
96 O umawit sa Panginoon ng bagong awit;
umawit sa Panginoon ang buong lupa.
2 Umawit kayo sa Panginoon, purihin ninyo ang pangalan niya;
ipahayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
3 Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang kaluwalhatian,
ang kagila-gilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan!
4 Sapagkat dakila ang Panginoon, at karapat-dapat na purihin;
siya'y dapat katakutan nang higit kaysa lahat na diyos.
5 Sapagkat lahat ng mga diyos sa mga bayan ay mga diyus-diyosan,
ngunit ang Panginoon ang lumikha ng mga kalangitan.
6 Nasa harapan niya ang karangalan at kamahalan,
nasa kanyang santuwaryo ang lakas at kagandahan.
7 Ibigay(A) ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at kalakasan.
8 Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang nararapat sa kanyang pangalan;
magdala ng handog, at pumasok kayo sa kanyang mga bulwagan!
9 Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan,
manginig kayong buong lupa sa kanyang harapan!
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Ang Panginoon ay naghahari!
Oo, matatag at hindi makikilos ang sanlibutan,
hahatulan niyang may katarungan ang mga bayan.”
11 Matuwa nawa ang langit at magalak nawa ang lupa;
umugong nawa ang dagat, at ang lahat ng naroroon;
12 maging masaya nawa ang bukiran at lahat ng naroon.
Kung gayo'y aawit dahil sa kagalakan ang lahat ng punungkahoy sa gubat
13 sa harapan ng Panginoon; sapagkat siya'y dumarating,
sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan na may katuwiran ang sanlibutan,
at ng kanyang katotohanan ang mga bayan.
Awit(A) ni David, nang siya'y nagkunwaring baliw sa harapan ni Abimelec, kaya't pinalayas siya nito, at siya'y umalis.
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng panahon;
ang pagpuri sa kanya ay sasaaking bibig nang patuloy.
2 Nagmamapuri sa Panginoon ang aking kaluluwa,
marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya.
3 O kasama kong dakilain ninyo ang Panginoon,
at magkasama nating itaas ang kanyang pangalan!
4 Hinanap ko ang Panginoon, at ako'y kanyang sinagot,
at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga takot.
5 Sila'y tumingin sa kanya, at naging makinang,
at ang kanilang mga mukha ay hindi mapapahiya kailanman.
6 Ang abang taong ito ay dumaing, at ang Panginoon sa kanya'y nakinig,
at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay
sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila.
8 O(B) inyong subukan at tingnan na mabuti ang Panginoon!
Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong.
9 O matakot kayo sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang!
10 Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom;
ngunit silang humahanap sa Panginoon sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat.
11 Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako,
ang takot sa Panginoon ay ituturo ko sa inyo.
12 Sinong(C) tao ang nagnanasa ng buhay,
at naghahangad ng maraming araw, upang magtamasa ng mabuti?
13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama,
at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya.
14 Lumayo ka sa kasamaan, at ang mabuti'y iyong gawin;
hanapin mo ang kapayapaan at ito'y iyong habulin.
15 Ang mga mata ng Panginoon ay sa matuwid nakatitig,
at sa kanilang daing, bukas ang kanyang pandinig.
16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama,
upang tanggalin ang alaala nila sa lupa.
17 Kapag ang matuwid ay humingi ng saklolo, ang Panginoon ay nakikinig,
at inililigtas sila sa lahat nilang mga gulo.
18 Ang Panginoon ay malapit sa may pusong wasak,
at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.
19 Marami ang kapighatian ng matuwid;
ngunit inililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng mga iyon.
20 Lahat(D) nitong mga buto ay iniingatan niya,
sa mga iyon ay hindi nababali ni isa.
21 Ang masama ay papatayin ng kasamaan,
at ang mga napopoot sa matuwid ay hahatulan.
22 Tinutubos ng Panginoon ang buhay ng mga lingkod niya;
walang hahatulan sa sinumang nanganganlong sa kanya.
Ang Ikapitong Taon(A)
25 At(B) nagsalita ang Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, na sinasabi,
2 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Pagdating ninyo sa lupaing ibinibigay ko sa inyo, ang lupain ay mangingilin ng isang Sabbath sa Panginoon.
3 Anim na taong hahasikan mo ang iyong bukid, at anim na taong pupungusan mo ang iyong ubasan, at titipunin mo ang kanyang bunga.
4 Subalit ang ikapitong taon ay magiging ganap na kapahingahan sa lupain, isang Sabbath sa Panginoon; huwag mong hahasikan ang iyong bukid, ni pupungusan ang iyong ubasan.
5 Huwag mong aanihin ang kusang tumubo sa iyong inanihan, at huwag mong titipunin ang mga ubas ng iyong ubasan na hindi mo inalagaan; iyon ay magiging taon ng ganap na kapahingahan sa lupain.
6 At ang bunga sa Sabbath ng lupain ay magiging pagkain mo, at ng iyong aliping lalaki at aliping babae, ng iyong upahang lingkod, ng mga dayuhang naninirahang kasama mo;
7 ng iyong hayupan at ng mababangis na hayop na nasa iyong lupain. Lahat ng bunga niyon ay magiging inyong pagkain.
Ang Taon ng Pagpapabalik
8 “Bibilang ka ng pitong Sabbath ng taon, makapitong pitong taon; at lahat ng mga araw ng pitong Sabbath ng mga taon ay magiging apatnapu't siyam na taon sa inyo.
9 At iyong patutunugin nang malakas ang trumpeta sa ikasampung araw ng ikapitong buwan; sa araw ng pagtubos ay patutunugin mo ang tambuli sa inyong buong lupain.
10 Ipangingilin ninyo ang ikalimampung taon, at ipahahayag ninyo ang kalayaan sa buong lupain sa lahat ng mga mamamayan; at ito'y magiging jubileo sa inyo; at ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang sariling ari-arian, at ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang sariling sambahayan.
11 Ang ikalimampung taon ay taon ng pagdiriwang para sa inyo, huwag kayong maghahasik ni aanihin ang tumubo sa kanyang sarili, ni titipunin ang mula sa ubasang hindi inalagaan;
12 sapagkat ito ay kapistahan ng pagdiriwang; ito ay banal sa inyo. Kakainin ninyo ang bunga niyan sa bukid.
13 “Sa taóng ito ng pagdiriwang, ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang ari-arian.
14 Kung ikaw ay magbili ng anuman sa iyong kapwa o bumili ng anuman sa kamay ng iyong kapwa, ang bawat isa sa inyo ay huwag manlamang sa kanyang kapatid.
15 Ayon sa bilang ng mga taon pagkaraan ng pagdiriwang, ay bibili ka sa iyong kapwa, ayon sa bilang ng taon ng mga pananim, ay magbibili siya sa iyo.
16 Ayon sa dami ng mga taon ay daragdagan mo ang halaga niyan, at ayon sa kakauntian ng mga taon ay babawasan mo ang halaga niyan; sapagkat ipinagbibili niya sa iyo ang bilang ng mga pananim.
17 Huwag aapihin ng sinuman ang kanyang kapwa, kundi matatakot kayo sa inyong Diyos, sapagkat ako ang Panginoon ninyong Diyos.
Pananampalataya at Karunungan
2 Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag kayo'y nahaharap sa sari-saring pagsubok,
3 yamang inyong nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis.
4 At inyong hayaan na malubos ng pagtitiis ang gawa nito, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anumang kakulangan.
5 Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat, at iyon ay ibibigay sa kanya.
6 Ngunit humingi siyang may pananampalataya na walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay katulad ng alon sa dagat na hinihipan at ipinapadpad ng hangin.
7 Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-akala na siya'y tatanggap ng anumang bagay mula sa Panginoon.
8 Siya ay isang taong nagdadalawang isip, di-matatag sa lahat ng kanyang mga lakad.
16 Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid.
17 Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na nanggagaling sa Ama ng mga ilaw, na sa kanya ay walang pag-iiba, o anino man ng pagbabago.
18 Alinsunod sa kanyang sariling kalooban, tayo ay ipinanganak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga unang bunga sa kanyang mga nilalang.
Ang Talinghaga ng Mayamang Hangal
13 Sinabi sa kanya ng isa sa maraming tao, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.”
14 Subalit sinabi niya sa kanya, “Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin upang maging hukom o tagapamahagi sa inyo?”
15 Sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo at magbantay laban sa lahat ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.”
16 Nagsalaysay siya sa kanila ng isang talinghaga: “Ang lupain ng taong mayaman ay namunga ng sagana.
17 Inisip niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko, sapagkat wala akong mapaglalagyan ng aking mga ani?’
18 Sinabi niya, ‘Ito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko titipunin ang lahat ng aking mga butil at mga pag-aari.’
19 At sasabihin ko sa aking kaluluwa ‘Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakaimbak para sa maraming taon; magpahinga ka, kumain ka, uminom ka, magsaya ka.’
20 Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal, sa gabing ito ay kukunin ang iyong kaluluwa; at kanino kaya mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’
21 Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili, subalit hindi mayaman sa Diyos.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001