Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
1 Corinto 5:1-8

Itiwalag ang Kapatid na Gumagawa ng Masama

Karaniwang naiuulat sa akin na mayroong pakikiapid sa inyo. Ang isa sa inyo ay nakikisama sa asawa ng sarili niyang ama. Ito ay uri ng pakikiapid na hindi ginagawa maging ng mga Gentil.

Nagmamalaki pa kayo sa halip na magdalamhati upang maitiwalag sa inyong kalagitnaan ang gumawa nito. Ito ay sapagkat wala ako sa inyo sa katawan ngunit ako ay nasa inyo sa espiritu. Kaya nga, nahatulan ko na ang gumawa ng bagay na ito gaya ng ako ay naririyan sa inyo. Ginawa ko ito sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, sa inyong pagtitipon, kasama ang aking espiritu, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng ating Panginoong Jesucristo. Ang hatol ko ay ibigay ninyo kay Satanas ang ganiyang tao para sa pagwasak ng kaniyang katawan. Ito ay upang maligtas ang kaniyang espiritu sa araw ng Panginoong Jesus.

Ang inyong pagyayabang ay hindi mabuti. Hindi ba ninyo nalalaman na ang kaunting pampaalsa ay nagpapaalsa sa buong masa ng harina? Alisin nga ninyo ang lumang pampaalsa upang kayo ay maging bagong masa ng harina. Kayo nga ay tunay na walang pampaalsa dahil si Cristo, na siyang ating Paglagpas, ay inihain para sa atin. Kaya nga, ipagdiriwang natin ang kapistahan hindi sa pamamagitan ng lumang pampaalsa. Hindi sa pampaalsa ng masamang hangarin o kasamaan, kundi sa pamamagitan ng tinapay na walang pampaalsa, na ito ay sa katapatan at sa katotohanan.

Mateo 5:27-37

Ang Sanhi ng Pagkakasala

27 Narinig ninyong sinabi nila noong unang panahon: Huwag kang mangalunya.

28 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ang sinu­mang tumingin sa isang babae na may masamang pagnanasa sa kaniya ay nagkakasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso. 29 Kaya nga, kapag ang iyong kanang mata ay makapagpatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon. Makabubuti pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan kaysa mabulid sa impiyerno ang iyong buong katawan. 30 Kapag ang iyong kanang kamay ay makapagpatisod sa iyo, putulin mo ito at iyong itapon. Makabubuti pa na wala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan kaysa mabulid sa impiyerno ang iyong buong katawan.

Ang Paghihiwalay

31 Sinabi rin naman: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa ay bigyan niya siya ng kasulatan ng paghihiwalay.

32 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa, maliban na lamang sa dahilan ng pakikiapid, ay nagtutulak sa kaniya upang manga­lunya. At sinumang magpakasal sa babaeng hiniwa­layan ay nagkakasala ng kasalanang sekswal.

Ang Panunumpa

33 Narinig ninyong muli na sinabi nila noong unang panahon: Huwag kang manumpa nang walang katotohanan kundi tutuparin mo ang mga sinumpaan mo sa Panginoon.

34 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag kang mangako ng anuman, ni sa ngalan ng langit sapagkat ito ay trono ng Diyos. 35 Kahit ang lupa ay huwag mong ipanumpa sapagkat ito ang tuntungan ng kaniyang mga paa. Kahit ang Jerusalem man ay huwag mong ipanumpa sapagkat ito ang lungsod ng Dakilang Hari. 36 Kahit man ang ulo mo ay huwag mong ipangako sapagkat kahit isa mang buhok nito ay hindi mo mapapaputi o mapapaitim. 37 Dapat lang na ang pananalita ninyo ay oo kung oo, at hindi kung hindi. Subalit anuman ang hihigit pa rito ay nanggagaling na sa masama.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International