Book of Common Prayer
Dalangin para Ingatan at Patnubayan
25 1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala.
Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
3 Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan,
ngunit mapapahiya ang mga traydor.
4 Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan,
ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
5 Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas.
Kayo ang lagi kong inaasahan.
6 Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig,
na inyong ipinakita mula pa noong una.
7 Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
mula pa noong aking pagkabata.
8 Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon,
kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan.
9 Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama.
Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.
10 Lahat ng ginagawa nʼyo ay nagpapakita ng inyong pag-ibig at katapatan sa mga sumusunod sa inyong mga kautusan.
11 Panginoon, alang-alang sa inyong kabutihan,[a] patawarin nʼyo ako sa napakarami kong kasalanan.
12 Ang sinumang may takot sa inyo, Panginoon, ay turuan nʼyo po ng daan na dapat nilang lakaran.
13 Mabubuhay sila ng masagana,
at ang kanilang lahi ay patuloy na maninirahan sa lupain na ipinangako ng Dios.
14 Panginoon, kayoʼy malapit sa mga taong may takot sa inyo,
at pinapaalala nʼyo sa kanila ang inyong kasunduan.
15 Palagi akong umaasa sa inyo, Panginoon,
dahil kayo ang palaging nagliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Dinggin nʼyo po ako at inyong kahabagan,
dahil akoʼy nag-iisa at naghihirap.
17 Lalong dumarami ang bigat sa aking kalooban.
Hanguin nʼyo ako sa aking mga kalungkutan.
18 Tingnan nʼyo ang dinaranas kong mga kahirapan,
at patawarin nʼyo ang lahat kong kasalanan.
19 Tingnan nʼyo kung gaano karami ang aking mga kaaway
na galit na galit sa akin.
20 Iligtas nʼyo ako, Panginoon! At ingatan ang aking buhay!
Nanganganlong ako sa inyo; huwag nʼyong hayaan na mapahiya ako.
21 Dahil namumuhay ako nang matuwid at walang kapintasan, at umaasa sa inyo,
nawaʼy maging ligtas ako.
22 O Dios, iligtas nʼyo po ang Israel sa lahat ng kaguluhan.
Ang Makatarungang Paghatol ng Dios
9 Panginoon, buong puso kitang pasasalamatan.
Ikukuwento ko ang lahat ng inyong ginawang kahanga-hanga.
2 Magpapakasaya ako dahil sa inyo, Kataas-taasang Dios.
Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
3 Kapag nagpapakita kayo sa aking mga kaaway, natatakot sila:
tumatakas sila, nadadapa, at sa inyong harapan silaʼy namamatay.
4 Nakaupo kayo sa inyong trono bilang matuwid na hukom.
Noong hinatulan nʼyo ako, napatunayan nʼyong wala akong kasalanan.
5 Hinatulan nʼyo at nilipol ang mga bansang masasama,
kaya hindi na sila maaalala magpakailanman.
6 Tuluyan nang nawala ang aking mga kaaway;
sila ay lubusang nawasak.
Giniba nʼyo rin ang kanilang mga bayan,
at silaʼy lubusan nang makakalimutan.
7 Ngunit kayo, Panginoon ay maghahari magpakailanman.
At handa na ang inyong trono para sa paghatol.
8 Hinahatulan nʼyo nang matuwid ang mga tao sa bawat bansa,
at wala kayong kinikilingan.
9 Panginoon, kayo ang kanlungan ng mga inaapi,
at kublihan sa panahon ng kahirapan.
10 Sa inyo nagtitiwala ang nakakakilala sa inyo,
dahil hindi nʼyo itinatakwil ang mga lumalapit sa inyo.
11 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon na hari ng Jerusalem!
Ihayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa!
12 Hindi niya nakakalimutan ang panawagan ng mga pinahihirapan;
pinaghihigantihan niya ang mga nagpapahirap sa kanila.
13 Panginoon, tingnan nʼyo po ang pagpapahirap sa akin ng aking mga kaaway.
Maawa kayo sa akin, at iligtas nʼyo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang masabi ko sa lahat ng tao sa pintuan ng Zion,[a] ang inyong mga ginawa,
at akoʼy magagalak at magpupuri dahil sa inyong pagliligtas.
15 Nangyari mismo sa kanilang bansa ang plinano nilang masama.
At sila mismo ang nahuli sa sarili nilang bitag.
16 Ipinakita ng Panginoon kung sino siya sa pamamagitan ng paghatol niya ng matuwid.
At ang masasama ay napahamak,
dahil na rin sa kanilang ginawang masama.
17 Mamamatay ang taong masasama sa lahat ng bansa,
dahil itinakwil nila ang Dios.
18 Ang mga dukha ay hindi laging pababayaan,
at ang pag-asa ng mga mahihirap ay hindi na mawawala kailanman.
19 O Panginoon, huwag nʼyong pabayaang manaig ang kakayahan ng mga tao,
tipunin nʼyo sa inyong presensya at hatulan ang mga taong hindi kumikilala sa inyo.
20 Turuan nʼyo silang matakot Panginoon,
at nang malaman nilang silaʼy mga tao lamang.
Ang Nais ng Dios sa mga Sumasamba sa Kanya
15 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo?
Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok?
2 Sumagot ang Panginoon,
“Ang taong
namumuhay ng tama,
walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
3 hindi naninirang puri,
at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa.
4 Itinatakwil ang mga taong sobrang sama,
ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios.
Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin.
5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang,
at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.”
Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.
32 “Kung ang mga dayuhan na nakatira sa malayong lugar ay makarinig ng inyong kadakilaan at kapangyarihan, at pumunta sila rito para sumamba sa inyo at manalangin na nakaharap sa templong ito, 33 dinggin nʼyo po sila riyan sa inyong luklukan sa langit. At gawin ang kahit anong hinihiling nila, para ang lahat po ng tao sa mundo ay makakilala sa inyo at gumalang po sa inyo gaya ng inyong mga mamamayang Israelita. At para malaman po nilang pinaparangalan kayo sa templo na aking ipinatayo.
34 “Kung ang inyo pong mamamayan ay makikipaglaban ayon sa inyong utos, at kung mananalangin po sila sa inyo na nakaharap sa lungsod na ito na pinili nʼyo at sa templo na aking ipinatayo para sa karangalan ng inyong pangalan, 35 dinggin nʼyo po ang kanilang mga dalangin at mga kahilingan diyan sa langit, at bigyan sila ng tagumpay.
36 “Kung magkasala sila sa inyo – dahil wala kahit isa man na hindi nagkakasala – at sa inyong galit ay ipinatalo nʼyo sila sa kanilang mga kalaban at binihag at dinala sila sa malayo o sa malapit na lugar, 37 at kung sa huliʼy magbago ang kanilang mga puso roon, at magsisi at magmakaawa po sa inyo na nagsasabi, ‘Nagkasala kami, at napakasama ng aming mga ginawa,’ 38 dinggin nʼyo po ang kanilang dalangin. Kung babalik po sila sa inyo ng buong pusoʼt isipan, doon sa lugar na pinagbihagan sa kanila, at manalangin po sila na nakaharap sa lupaing ito na ibinigay nʼyo sa kanilang mga ninuno, sa lungsod na ito na pinili po ninyo, at sa templong aking ipinatayo para sa karangalan ng inyong pangalan, 39 dinggin nʼyo po ang kanilang mga dalangin at mga kahilingan diyan sa inyong luklukan sa langit, at bigyan sila ng tagumpay. Patawarin nʼyo po sila sa kanilang mga kasalanan laban sa inyo.
40 “O aking Dios, sagutin nʼyo po sana ang mga dalangin na ginawa sa lugar na ito.
41 “Ngayon, Panginoong Dios, pumunta na po kayo sa templo nʼyo kasama ng Kahon ng Kasunduan na simbolo ng inyong kapangyarihan. Sanaʼy lagi pong magtagumpay ang inyong mga pari at magsaya ang mga mamamayan ninyo sa inyong kabutihan. 42 O Panginoong Dios, huwag nʼyo pong itakwil ang pinili nʼyong hari. Alalahanin nʼyo po ang inyong ipinangako kay David na inyong lingkod na iibigin siyang lubos.”
Ang Pagtatalaga ng Templo(A)
7 Nang matapos ni Solomon ang kanyang panalangin, may apoy na bumaba mula sa langit at tinupok ang handog na sinusunog at ang iba pang mga handog, at nabalot ng makapangyarihang presensya ng Panginoon ang templo. 2 Hindi makapasok ang mga pari sa templo ng Panginoon dahil ang makapangyarihang presensya ng Panginoon ay bumalot sa templo. 3 Nang makita ng lahat ng mga Israelita ang apoy na bumaba at ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa ibabaw ng templo, lumuhod sila at sumamba sa Panginoon na may pasasalamat. Sinabi nila, “Ang Panginoon ay mabuti; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.”
4 Pagkatapos, naghandog sa Panginoon si Haring Solomon at ang lahat ng mamamayan. 5 Naghandog sila ng 22,000 baka at 120,000 tupaʼt kambing. Sa ganitong paraan itinalaga ng hari at ng mga mamamayan ang templo ng Panginoon. 6 Pumwesto ang mga pari sa templo, at ganoon din ang mga Levita na umaawit, “Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.” Tinutugtog nila ang awit gamit ang mga instrumento na ipinagawa ni Haring David sa pagpupuri sa Dios. Sa harap ng mga Levita, ang mga pari ay nagpapatunog din ng mga trumpeta nila habang nakatayo ang lahat ng mga Israelita.
7 Itinalaga ni Solomon ang bakuran sa harap ng templo ng Panginoon para roon mag-alay ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, at mga taba bilang handog para sa mabuting relasyon. Dahil ang tansong altar na ipinagawa niya ay hindi kakasya para sa mga handog na ito.
Babala Laban sa mga May Pinapaboran
2 Mga kapatid, bilang mga mananampalataya ng dakila nating Panginoong Jesu-Cristo, dapat wala kayong pinapaboran. 2 Halimbawa, dumating sa inyong pagtitipon ang isang mayaman na may gintong singsing at nakasuot ng mamahaling damit, at dumating din ang isang mahirap na punit-punit naman ang damit. 3 Kung aasikasuhin nʼyo nang mabuti ang nakasuot ng mamahaling damit at bibigyan ng upuan, samantalang ang mahirap ay patatayuin na lang ninyo o pauupuin sa sahig, 4 hindi baʼt may pinapaboran kayo ayon sa masama ninyong pag-iisip?[a]
5 Makinig kayo, mga minamahal kong kapatid: Hindi baʼt pinili ng Dios ang mga mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya, at maging tagapagmana ng kahariang ipinangako niya sa mga nagmamahal sa kanya? 6 Ngunit minamaliit nʼyo naman ang mga mahihirap. Hindi baʼt ang mga mayayaman ang nagpapahirap at nagpaparatang sa inyo? 7 Hindi baʼt sila ang nanlalait sa marangal na pangalan ni Jesu-Cristo, at sa pangalang ito kayo nakilala?
8 Pero kung sinusunod nʼyo ang utos ng Hari sa Kasulatan, na nagsasabi, “Mahalin mo ang iyong kapwa, gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili,”[b] mabuti ang ginagawa ninyo. 9 Ngunit kung may pinapaboran kayo, nagkakasala kayo at ayon sa Kautusan dapat kayong parusahan, dahil nilabag nʼyo ang utos na ito. 10 Ang tumutupad sa buong Kautusan pero lumabag sa isa sa mga ito ay lumabag na rin sa buong Kautusan. 11 Sapagkat ang Dios na nag-utos, “Huwag kang mangangalunya,” ay nagsabi ring, “Huwag kang papatay.”[c] Hindi ka nga nangangalunya, pero pumapatay ka naman, nilalabag mo pa rin ang Kautusan. 12 Kaya mag-ingat kayo sa pananalita at gawa nʼyo, dahil ang Kautusan na nagpalaya sa inyo ang siya ring hahatol sa inyo. 13 Walang awang hahatulan ng Dios ang hindi marunong maawa; pero ang maawain sa kapwa ay hindi kailangang matakot sa oras ng paghatol.
Dinala si Jesus sa Korte ng mga Judio(A)
53 Dinala nila si Jesus sa bahay ng punong pari. Nagtipon doon ang lahat ng namamahalang pari, mga pinuno ng mga Judio at ang mga tagapagturo ng Kautusan. 54 Sumunod din doon si Pedro, pero malayu-layo siya kay Jesus. Pumasok siya sa bakuran ng bahay ng punong pari at nakiupo sa mga guwardya na nagpapainit sa tabi ng apoy. 55 Doon sa loob, ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay nagsisikap na makakuha ng mga ebidensya laban kay Jesus upang mahatulan siya ng kamatayan. Pero wala silang makuha. 56 Marami ang sumasaksi ng kasinungalingan laban kay Jesus, pero magkakasalungat naman ang mga sinasabi nila.
57 May ilang sumasaksi ng kasinungalingang ito laban kay Jesus. Sinabi nila, 58 “Narinig po naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng ibang templo na hindi gawa ng tao!’ ” 59 Pero hindi rin magkakatugma ang sinasabi nila.
60 Tumayo sa gitna ang punong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang maisasagot sa mga paratang na ito laban sa iyo?” 61 Hindi sumagot si Jesus. Kaya tinanong siyang muli ng punong pari, “Ikaw ba ang Cristo na Anak ng Kapuri-puring Dios?” 62 Sumagot si Jesus, “Ako nga, at ako na Anak ng Tao ay makikita ninyong nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Dios. At makikita rin ninyo ako sa mga ulap na paparating dito sa mundo.” 63 Nang marinig ito ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Hindi na natin kailangan ng mga saksi! 64 Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Dios. Ano ngayon ang hatol ninyo?” At hinatulan nila si Jesus ng kamatayan.
65 Dinuraan siya ng ilang naroon. Piniringan din siya at sinuntok, at tinanong, “Sige nga, hulaan mo kung sino ang sumuntok sa iyo?” Pagkatapos, kinuha siya ng mga guwardya at pinagbubugbog.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®