Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 86

86 Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at sagutin mo ako; sapagka't ako'y dukha at mapagkailangan.

Ingatan mo ang aking kaluluwa; sapagka't ako'y banal: Oh ikaw na Dios ko, iligtas mo ang iyong lingkod na tumitiwala sa iyo.

Maawa ka sa akin, Oh Panginoon, sapagka't sa iyo'y dumadaing ako buong araw.

Bigyan mong galak ang kaluluwa ng iyong lingkod; sapagka't sa iyo, Oh Panginoon, itinataas ko ang aking kaluluwa.

Sapagka't ikaw, Panginoon, ay mabuti, at mapagpatawad, at sagana sa kagandahang-loob sa lahat na tumatawag sa iyo.

Dinggin mo, Oh Panginoon, ang aking dalangin; at pakinggan mo ang tinig ng aking mga pananaing.

Sa kaarawan ng aking kabagabagan ay tatawag ako sa iyo; sapagka't iyong sasagutin ako.

Walang gaya mo sa gitna ng mga dios, Oh Panginoon; wala mang mga gawang gaya ng iyong mga gawa.

Lahat ng mga bansa na iyong nilalang ay magsisiparito, at magsisisamba sa harap mo, Oh Panginoon; at kanilang luluwalhatiin ang iyong pangalan.

10 Sapagka't ikaw ay dakila, at gumagawa ng kagilagilalas na mga bagay: ikaw na magisa ang Dios.

11 Ituro mo sa akin ang iyong daan, Oh Panginoon; lalakad ako sa iyong katotohanan: ilakip mo ang aking puso sa pagkatakot sa iyong pangalan.

12 Pupurihin kita, Oh Panginoon kong Dios ng aking buong puso; at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailan man.

13 Sapagka't dakila ang iyong kagandahang-loob sa akin; at iyong iniligtas ang aking kaluluwa sa pinakamalalim na Sheol.

14 Oh Dios, ang palalo ay bumangon laban sa akin, at ang kapisanan ng mga marahas na tao ay umusig ng aking kaluluwa, at hindi inilagay ka sa harap nila.

15 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay Dios na puspos ng kahabagan at mapagbiyaya, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob at katotohanan.

16 Oh bumalik ka sa akin, at maawa ka sa akin; ibigay mo ang lakas mo sa iyong lingkod. At iligtas mo ang anak ng iyong lingkod na babae.

17 Pagpakitaan mo ako ng tanda sa ikabubuti: upang mangakita nilang nangagtatanim sa akin, at mangapahiya, sapagka't ikaw, Panginoon, ay tumulong sa akin, at umaliw sa akin.

Genesis 28:10-17

10 At umalis si Jacob sa Beerseba at napasa dakong Haran.

11 At dumating sa isang dako, at nagparaan ng buong gabi roon, sapagka't lumubog na ang araw; at kumuha ng isa sa mga bato sa dakong yaon, at inilagay sa kaniyang ulunan, at nahiga sa dakong yaon upang matulog.

12 At nanaginip, at narito, ang isang hagdan, na ang puno ay nasa lupa, at ang dulo ay umaabot sa langit; at narito, ang mga anghel ng Dios na nagmamanhik manaog doon.

13 At, narito, ang Panginoon ay nasa kataastaasan niyaon, at nagsabi, Ako ang Panginoon, ang Dios ni Abraham na iyong ama, at ang Dios ni Isaac: ang lupang kinahihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi;

14 At ang iyong binhi ay magiging parang alabok sa lupa, at kakalat ka sa kalunuran, at sa silanganan, at sa hilagaan, at sa timugan at sa iyo at sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng angkan sa lupa.

15 At, narito't ako'y sumasa iyo, at iingatan kita saan ka man pumaroon, at pababalikin kita sa lupaing ito sapagka't hindi kita iiwan hanggang hindi ko magawa ang sinalita ko sa iyo.

16 At nagising si Jacob sa kaniyang panaginip, at nagsabi, Tunay na ang Panginoon ay nasa dakong ito, at hindi ko nalalaman.

17 At siya'y natakot, at kaniyang sinabi, Kakilakilabot na dako ito! ito'y hindi iba kundi bahay ng Dios, at ito ang pintuan ng langit.

Juan 1:43-51

43 Nang kinabukasan ay pinasiyahan niyang pumaroon sa Galilea, at kaniyang nasumpungan si Felipe: at sa kaniya'y sinabi ni Jesus, Sumunod ka sa akin.

44 Si Felipe nga ay taga Betsaida, sa bayan ni Andres at ni Pedro.

45 Nasumpungan ni Felipe si Natanael, at sinabi sa kaniya, Nasumpungan namin yaong isinulat ni Moises sa kautusan, at gayon din ng mga propeta, si Jesus na taga Nazaret, ang anak ni Jose.

46 At sinabi sa kaniya ni Natanael, Mangyayari bagang lumitaw ang anomang magaling na bagay sa Nazaret? Sinabi sa kaniya ni Felipe, Pumarito ka at tingnan mo.

47 Nakita ni Jesus si Natanael na lumalapit sa kaniya, at sinabi ang tungkol sa kaniya, Narito, ang isang tunay na Israelita, na sa kaniya'y walang daya!

48 Sinabi sa kaniya ni Natanael, Saan mo ako nakilala? Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos, ay nakita kita.

49 Sumagot si Natanael sa kaniya, Rabi, ikaw ang Anak ng Dios; ikaw ang Hari ng Israel.

50 Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Dahil baga sa sinabi ko sa iyo, Kita'y nakita sa ilalim ng puno ng igos, kaya ka sumasampalataya? makikita mo ang mga bagay na lalong dakila kay sa rito.

51 At sinabi niya sa kaniya, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Dios na nagmamanhik-manaog sa ulunan ng Anak ng tao.

Awit 15

15 Panginoon, sinong makapanunuluyan sa iyong tabernakulo? Sinong tatahan sa iyong banal na bundok?

Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran, at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.

Siyang hindi naninirang puri ng kaniyang dila, ni gumagawa man ng kasamaan sa kaniyang kaibigan, ni dumudusta man sa kaniyang kapuwa.

Na sa mga mata niya ay nasisiphayo ang masama; kundi siyang nagbibigay puri sa mga natatakot sa Panginoon, siyang sumusumpa sa kaniyang sariling ikasasama at hindi nagbabago,

Siyang hindi naglalabas ng kaniyang salapi sa patubo, ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala. Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi makikilos kailan man.

Awit 67

67 Dios maawa ka sa amin, at pagpalain mo kami, at pasilangin nawa niya ang kaniyang mukha sa amin; (Selah)

Upang ang iyong daan ay maalaman sa lupa, ang iyong pangligtas na kagalingan sa lahat ng mga bansa.

Purihin ka ng mga bayan, Oh Dios; purihin ka ng lahat ng mga bayan.

Oh mangatuwa at magsiawit sa kasayahan ang mga bansa: sapagka't iyong hahatulan ang mga bayan ng karampatan, at iyong pamamahalaan ang mga bansa sa lupa. (Selah)

Purihin ka ng mga bayan, Oh Dios; purihin ka ng lahat ng mga bayan.

Isinibol ng lupa ang kaniyang bunga: ang Dios ang sarili naming Dios ay pagpapalain kami.

Pagpapalain kami ng Dios: at lahat ng mga wakas ng lupa ay mangatatakot sa kaniya.

1 Pedro 5:1-11

Sa matatanda nga sa inyo'y umaaral ako, akong matandang kasamahan ninyo, at isang saksi ng mga hirap ni Cristo, na may bahagi naman sa kaluwalhatiang ihahayag:

Pangalagaan ninyo ang kawan ng Dios na nasa inyo, na magsigamit kayo ng pagpupuno, na hindi sapilitan, kundi may kasayahan, na ayon sa kalooban ng Dios; ni hindi dahil sa mahalay na kapakinabangan, kundi sa handang pagiisip;

Ni hindi din naman ang gaya ng kayo'y may pagkapanginoon sa pinangangasiwaang ipinagtagubilin sa inyo, kundi kayo'y maging mga uliran ng kawan.

At pagkahayag ng pangulong Pastor, ay magsisitanggap kayo ng di nasisirang putong ng kaluwalhatian.

Gayon din naman, kayong mga kabataan, ay magsisuko sa matatanda. Oo, kayong lahat ay mangagbigkis ng kapakumbabaan, na kayo-kayo'y maglingkuran: sapagka't ang Dios ay sumasalangsang sa mga palalo, datapuwa't nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.

Kaya't kayo'y mangagpakababa sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Dios, upang kayo'y kaniyang itaas sa kapanahunan;

Na inyong ilagak sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagka't kayo'y ipinagmamalasakit niya.

Kayo'y maging mapagpigil, kayo'y maging mapagpuyat; ang inyong kalaban na diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya:

Na siya'y labanan ninyong matatag sa inyong pananampalataya, yamang inyong nalalaman na ang mga gayong hirap ay nagaganap sa inyong mga kapatid na nangasa sanglibutan.

10 At ang Dios ng buong biyaya na sa inyo'y tumawag sa kaniyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, pagkatapos na kayo'y makapagbatang sangdaling panahon, ay siya rin ang magpapasakdal, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo.

11 Sumasakaniya nawa ang paghahari magpakailan man. Siya nawa.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain