Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 70-71

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, para sa handog pang-alaala.

70 Malugod ka, O Diyos, na iligtas ako;
    O Panginoon, magmadali kang ako'y tulungan mo!
Mapahiya at malito nawa sila
    na tumutugis sa aking buhay!
Maitaboy nawa sila at mawalan ng karangalan,
    silang nagnanais na ako'y masaktan!
Pangilabutan nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan,
    silang nagsasabi, “Aha, Aha!”

Lahat nawang nagsisihanap sa iyo
    ay magalak at matuwa sa iyo!
Yaon nawang umiibig sa iyong pagliligtas
    ay patuloy na magsabi, “Hayaang dakilain ang Diyos!”
Ngunit ako'y dukha at nangangailangan,
    magmadali ka sa akin, O Diyos!
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
    O Panginoon, huwag kang magtagal!

71 Sa iyo, O Panginoon, nanganganlong ako;
    huwag nawa akong mapahiya kailanman!
Iligtas at sagipin mo ako sa katuwiran mo,
    ikiling mo ang iyong pandinig sa akin, at iligtas mo ako!
Ikaw sa akin ay maging bato ng tahanan
    na lagi kong paroroonan;
sapagkat ikaw ay aking muog at malaking bato.

Sa kamay ng masama, O aking Diyos, sagipin mo ako,
    mula sa sunggab ng di-matuwid at malupit na tao.
Sapagkat ikaw ang aking pag-asa, O Panginoong Diyos,
    ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
Sa iyo ako sumandal mula sa kapanganakan ko,
    ikaw ang kumuha sa akin mula sa tiyan ng aking ina.
Ang pagpupuri ko'y magiging laging sa iyo.

Sa marami ako'y naging kagila-gilalas;
    ngunit ikaw ang matibay kong kanlungan.
Ang bibig ko'y punô ng pagpupuri sa iyo,
    at ng iyong kaluwalhatian buong araw.
Huwag mo akong itakuwil sa panahon ng katandaan;
    huwag mo akong pabayaan kapag nauubos na ang aking kalakasan.
10 Sapagkat nagsasalita laban sa akin ang aking mga kaaway,
    silang nagbabantay sa aking buhay ay nagsasanggunian,
11 at nagsasabi, “Pinabayaan na siya ng Diyos:
    habulin at hulihin siya;
    sapagkat walang magliligtas sa kanya.”

12 O Diyos, huwag kang maging malayo sa akin;
    O Diyos ko, magmadali kang tulungan ako!
13 Ang mga kaaway ng aking kaluluwa nawa'y mapahiya at malipol;
    matabunan nawa ng paghamak at kahihiyan
    ang mga nagnanais na ako'y masaktan.
14 Ngunit ako'y laging aasa,
    at pupurihin kita nang higit at higit pa.
15 Ang bibig ko'y magsasabi ng iyong katuwiran,
    ng iyong mga kaligtasan buong araw;
    sapagkat ang kanilang bilang ay di abot ng aking kaalaman.
16 Ako'y darating na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Diyos,
    aking pupurihin ang iyong katuwiran, ang iyo lamang.

17 O Diyos, iyong tinuruan ako mula sa aking pagkabata;
    at ipinahahayag ko pa ang iyong kagila-gilalas na mga gawa.
18 Kaya't maging sa pagtanda at pagkakaroon ng mga uban,
    O Diyos, huwag mo akong pabayaan;
hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan
    sa lahat ng darating na salinlahi.
Ang iyong kapangyarihan sa bawat isa na darating,
19 at ang iyong katuwiran, O Diyos,
    ay umabot sa mataas na kalangitan.

Ikaw na gumawa ng dakilang mga bagay,
    O Diyos, sino ang gaya mo?
20 Ikaw na nagpakita sa akin ng maraming matitinding kabagabagan,
    ang sa akin ay muling bubuhay;
mula sa mga kalaliman ng lupa,
ay muli mo akong ibabangon.
21 Kadakilaan ko nama'y iyong paramihin,
    at muli akong aliwin.

22 Pupurihin din kita sa pamamagitan ng salterio,
    dahil sa iyong katapatan, O Diyos ko;
sa iyo'y aawit ako ng mga papuri sa pamamagitan ng alpa,
    O Banal ng Israel.
23 Sisigaw sa kagalakan ang mga labi ko,
    kapag ako'y umaawit ng mga papuri sa iyo;
    gayundin ang kaluluwa ko na iniligtas mo.
24 At ang dila ko ay magsasalita ng iyong katuwiran sa buong maghapon,
sapagkat sila'y napahiya at napahamak,
    sila na nagnanais na ako'y saktan.

Mga Awit 74

Maskil ni Asaf.

74 O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman?
    Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una,
    na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana!
    At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan.
Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho;
    winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo!

Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan,
    itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan.
Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol
    sa kagubatan ng mga punungkahoy.
At lahat ng mga kahoy na nililok
    ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok.
Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo;
    hanggang sa lupa,
    nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo.
Sinabi nila sa kanilang sarili, “Ganap namin silang lulupigin,”
    kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain.
Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan;
    wala nang propeta pa;
    at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway?
    Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay?
    Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila!

12 Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una,
    na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Hinawi(A) mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan,
    binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan.
14 Dinurog(B) mo ang mga ulo ng Leviatan,
    ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang.
15 Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan,
    iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan.
16 Iyo ang araw at ang gabi man;
    iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw.
17 Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig;
    iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig.

18 Alalahanin mo ito, O Panginoon, kung paanong nanlilibak ang kaaway,
    at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan.
19 Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay,
    huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman.
20 Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan;
    sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay punô ng mga tahanan ng karahasan.
21 Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan;
    purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban;
    alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw!
23 Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway,
    ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang!

Error: 'Karunungan ni Solomon 14:27-15:3' not found for the version: Ang Biblia, 2001
Roma 14:1-12

Huwag Humatol sa Iyong Kapatid

14 Ngunit(A) ang mahina sa pananampalataya[a] ay tanggapin ninyo, hindi upang mag-away tungkol sa mga kuru-kuro.

May taong naniniwala na makakain ang lahat ng mga bagay; ngunit ang mahina ay kumakain ng mga gulay.

Huwag hamakin ng kumakain ang hindi kumakain; at ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain; sapagkat sila'y tinanggap ng Diyos.

Sino kang humahatol sa alipin ng iba? Sa kanyang sariling panginoon siya ay tatayo o mabubuwal. Subalit siya'y patatayuin, sapagkat magagawa ng Panginoon na siya'y tumayo.

May taong nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa iba, ngunit may iba namang nagpapahalaga sa bawat araw. Hayaang mapanatag ang bawat tao sa kanyang sariling pag-iisip.

Ang nagpapahalaga sa araw ay nagpapahalaga nito sa Panginoon; at ang kumakain ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya'y nagpapasalamat sa Diyos; at ang hindi kumakain para sa Panginoon ay hindi kumakain at nagpapasalamat sa Diyos.

Walang sinuman sa atin ang nabubuhay sa kanyang sarili, at walang sinumang namamatay sa kanyang sarili.

Kung nabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nabubuhay; o kung namamatay tayo, sa Panginoon tayo'y namamatay. Kaya't mabuhay man tayo o mamatay, tayo'y sa Panginoon.

Sapagkat dahil dito si Cristo ay namatay at muling nabuhay, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayundin ng mga buháy.

10 At(B) ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? O ikaw naman, bakit hinahamak mo ang iyong kapatid? Sapagkat tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Diyos.

11 Sapagkat(C) nasusulat,

“Kung paanong buháy ako, sabi ng Panginoon, ang bawat tuhod ay luluhod sa akin,
    at ang bawat dila ay magpupuri[b] sa Diyos.”

12 Kaya't ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos ng kanyang sarili.

Lucas 8:26-39

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Inaalihan ng Demonyo(A)

26 Pagkatapos sila'y dumating sa lupain ng mga Gadareno,[a] na katapat ng Galilea.

27 At pagbaba niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan na may mga demonyo. Matagal na siyang hindi nagsusuot ng damit[b] at hindi tumitira sa bahay, kundi sa mga libingan.

28 Nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, lumuhod sa harapan niya, at nagsalita sa malakas na tinig, “Anong pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Diyos na Kataas-taasan? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan.”

29 Sapagkat ipinag-utos niya sa masamang espiritu na lumabas sa tao. Madalas siyang inaalihan nito kaya't siya'y binabantayan at iginagapos ng mga tanikala at mga posas, subalit kanyang pinapatid ang mga gapos at siya'y itinaboy ng demonyo sa mga ilang.

30 At tinanong siya ni Jesus, “Anong pangalan mo?” At sinabi niya, “Lehiyon;” sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kanya.

31 Sila ay nakiusap sa kanya na huwag silang utusang bumalik sa di-matarok na kalaliman.

32 At may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain sa burol. Nakiusap sila sa kanya na hayaan silang pumasok sa mga ito. At sila'y pinayagan niya.

33 Pagkatapos ay lumabas ang mga demonyo sa tao, at pumasok sa mga baboy at ang kawan ay dumaluhong sa bangin patungo sa lawa at nalunod.

34 Nang makita ng mga tagapag-alaga ang nangyari, tumakbo sila at ibinalita iyon sa lunsod at sa kabukiran.

35 At dumating ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Lumapit sila kay Jesus at kanilang nadatnan ang taong nilisan ng mga demonyo na nakaupo sa paanan ni Jesus na may damit at matino ang pag-iisip nito; at sila'y natakot.

36 Ibinalita sa kanila ng mga nakakita kung paano pinagaling ang inalihan ng mga demonyo.

37 At nakiusap kay Jesus[c] ang lahat ng mga tao sa palibot ng lupain ng mga Gadareno na umalis na siya sa kanila, sapagkat sila'y lubhang natakot. Siya'y sumakay sa bangka at bumalik.

38 Subalit ang taong nilisan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y makasama niya. Subalit siya'y pinaalis niya, na sinasabi,

39 “Bumalik ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa iyo.” At siya'y umalis na ipinahahayag sa buong lunsod ang lahat ng mga ginawa ni Jesus sa kanya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001