Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 95

Awit ng Pagpupuri sa Dios

95 Halikayo, magsiawit tayo nang may kagalakan!
    Sumigaw tayo sa pagpupuri sa Panginoon na ating Bato na kanlungan at tagapagligtas.
Lumapit tayo sa kanya nang may pasasalamat,
    at masaya nating isigaw ang mga awit ng papuri sa kanya.
Dahil ang Panginoon ay dakilang Dios.
    Makapangyarihang hari sa lahat ng mga dios.
Siya ang may-ari ng kailaliman ng lupa at tuktok ng mga bundok.
Sa kanya rin ang dagat pati ang lupain na kanyang ginawa.
Halikayo, lumuhod tayo at sumamba sa Panginoon na lumikha sa atin.
Dahil siya ang ating Dios
    at tayo ang kanyang mga mamamayan na gaya ng mga tupa sa kanyang kawan na kanyang binabantayan at inaalagaan.
    Kapag narinig ninyo ang tinig niya,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
    katulad ng ginawa noon ng inyong mga ninuno doon sa Meriba at sa ilang ng Masa.
Sinabi ng Dios, “Sinubok nila ako doon, kahit na nakita nila ang mga ginawa ko.
10 Sa loob ng 40 taon, lubha akong nagalit sa kanila.
    At sinabi kong silaʼy mga taong naligaw ng landas at hindi sumusunod sa aking mga itinuturo.
11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”

Salmo 40

Awit ng Pagpupuri sa Panginoon

40 Akoʼy matiyagang naghintay sa Panginoon,
    at dininig niya ang aking mga daing.
Para akong nasa malalim at lubhang maputik na balon,
    ako ay kanyang iniahon at itinatayo sa malaking bato, upang hindi
    mapahamak.
Tinuruan niya ako ng bagong awit,
    ang awit ng pagpupuri sa ating Dios.
    Marami ang makakasaksi at matatakot sa Dios,
    at silaʼy magtitiwala sa kanya.
Mapalad ang taong sa Panginoon nagtitiwala,
    at hindi lumalapit sa mga mapagmataas,
    o sumasamba sa mga dios-diosan.

Panginoon kong Dios, wala kayong katulad.
    Napakarami ng kahanga-hangang bagay na inyong ginawa para sa amin,
    at ang inyong mga plano para sa amin ay marami rin.
    Sa dami ng mga itoʼy hindi ko na kayang banggitin.
Hindi kayo nalulugod sa ibaʼt ibang klaseng handog.
    Hindi kayo humihingi ng handog na sinusunog at handog para sa kasalanan.
    Sa halip, ginawa nʼyo akong masunurin sa inyo.
Kaya sinabi ko,
    “Narito ako. Sa inyong Kasulatan ay nakasulat ang tungkol sa akin.
O Dios, nais kong sundin ang kalooban ninyo.
    Ang inyong mga kautusan ay iniingatan ko sa aking puso.”

Sa malaking pagtitipon ng inyong mga mamamayan, inihayag ko ang inyong pagliligtas sa akin.
    At alam nʼyo, Panginoon, na hindi ako titigil sa paghahayag nito.
10 Hindi ko sinasarili ang pagliligtas nʼyo sa akin.
    Ibinabalita ko na kayo ay nagliligtas at maaasahan.
    Hindi ako tumatahimik kapag nagtitipon ang inyong mga mamamayan.
    Sinasabi ko sa kanila ang inyong pag-ibig at katotohanan.
11 Panginoon, huwag nʼyong pigilin ang awa nʼyo sa akin.
    Ang inyong pag-ibig at katapatan ang laging mag-iingat sa akin.
12 Hindi ko na kayang bilangin ang napakarami kong suliranin.
    Para na akong natabunan ng marami kong kasalanan,
    kaya hindi na ako makakita.
    Ang bilang ng aking mga kasalanan ay mas marami pa kaysa sa aking buhok.
    Dahil dito, halos mawalan na ako ng pag-asa.
13 Panginoon, pakiusap!
    Iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
14 Mapahiya sana at malito ang lahat ng nagnanais na mamatay ako.
    Magsitakas sana sa kahihiyan ang lahat ng mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
15 Pahiyain nʼyo nang lubos ang mga nagsasabi sa akin, “Aha! Napasaamin ka rin!”
16 Ngunit ang mga lumalapit sa inyo ay magalak sana at magsaya.
    Ang mga nagpapahalaga sa inyong pagliligtas ay lagi sanang magsabi,
    “Dakilain ang Panginoon!”

17 Ako naman na dukha at nangangailangan,
    alalahanin nʼyo ako, Panginoon.
    Kayo ang tumutulong sa akin.
    Kayo ang aking Tagapagligtas.
    Aking Dios, agad nʼyo akong tulungan.

Salmo 54

Ang Dios ang Sumasaklolo

54 O Dios, iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at patunayan nʼyong wala akong kasalanan.
Dinggin nʼyo ang aking mga panalangin,
dahil sinasalakay ako ng mga dayuhan upang patayin. Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
Kayo, O Dios ang tumutulong sa akin.
    Kayo, Panginoon ang aking maaasahan.
Ibalik nʼyo sana sa aking mga kaaway ang ginagawa nilang masama.
    O Dios, sa inyong pagkamatapat, lipulin nʼyo sila.

Kusang-loob akong maghahandog sa inyo Panginoon.
    Pupurihin ko ang pangalan nʼyo dahil napakabuti ninyo.
Iniligtas nʼyo ako sa lahat ng kahirapan,
    at nakita kong natalo ang aking mga kaaway.

Salmo 51

Paghingi ng Kapatawaran sa Dios

51 O Dios, kaawaan nʼyo po ako
    ayon sa inyong tapat na pagmamahal.
    At ayon sa inyong labis na pagmamalasakit sa akin,
    ang lahat ng pagsuway ko ay inyong pawiin at akoʼy patawarin.
Hugasan nʼyo ako, at linisin nʼyo nang lubos sa aking kasamaan,
dahil inaamin ko ang aking mga pagsuway,
    at lagi kong iniisip ang aking mga kasalanan.
Tanging sa inyo lamang ako nagkasala.
    Gumawa ako ng masama sa inyong paningin.
    Kaya makatarungan kayo sa inyong pagbibintang sa akin.
    Karapat-dapat lang na hatulan nʼyo ako.
Akoʼy makasalanan at masama mula pa noong akoʼy isinilang,
    kahit noong ipinaglilihi pa lang ako.
Ang nais nʼyo ay isang pusong tapat,
    kung kayaʼt ipagkaloob nʼyo sa aking kaloob-looban ang karunungan.
Linisin at hugasan nʼyo ako sa aking mga kasalanan
    upang lubusang luminis ang pusoʼt kaluluwa ko.[a]
Ipadama nʼyo sa akin ang kasiyahan at kaligayahan
    upang sa aba kong kalagayan, muling mapasaakin ang kagalakan.
Kalimutan nʼyo ang aking mga kasalanan,
    at pawiin ang lahat kong kasamaan.
10 Ilikha nʼyo ako ng busilak na puso, O Dios,
    at bigyan ako ng bagong espiritu na matapat.
11 Huwag po akong itaboy palayo sa inyong piling,
    at ang inyong Banal na Espiritu sa akin ay huwag nʼyo po sanang bawiin.
12 Sanaʼy ibalik sa akin ang kagalakang naramdaman ko noong iniligtas nʼyo ako,
    at bigyan nawa ako ng masunuring espiritu.
13 At tuturuan ko ang mga makasalanan ng inyong mga pamamaraan upang manumbalik sila sa inyo.
14 Patawarin nʼyo ako sa kasalanan kong pagpatay,
    O Dios na aking Tagapagligtas.
    At sisigaw ako sa kagalakan dahil sa inyong pagliligtas.
15 Panginoon, buksan nʼyo po ang aking labi,
    nang ang mga itoʼy magpuri sa inyo.
16 Hindi naman mga handog ang nais nʼyo;
    mag-alay man ako ng mga handog na sinusunog, hindi rin kayo malulugod.
17 Ang handog na nakalulugod sa inyo ay pusong nagpapakumbaba at nagsisisi sa kanyang kasalanan.
    Ito ang handog na hindi nʼyo tatanggihan.
18 Dahil sa kagustuhan nʼyo,
    pagpalain nʼyo ang Jerusalem.[b]
    Muli nʼyong itayo ang mga pader nito.
19 Nang sa gayon malugod kayo sa mga nararapat na handog,
    pati sa mga handog na sinusunog ng buo.
    At maghahandog din sila ng mga baka sa inyong altar.

Deuteronomio 10:12-22

Igalang at Sundin ang Panginoon

12 “At ngayon, O mga mamamayan ng Israel, ang hinihingi lang ng Panginoon na inyong Dios sa inyo ay igalang ninyo siya, mamuhay ayon sa kanyang pamamaraan, mahalin siya, maglingkod sa kanya nang buong pusoʼt kaluluwa, 13 at sundin ang lahat ng mga utos at tuntunin niya na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito para sa ikabubuti ninyo.

14 “Sa Panginoon na inyong Dios ang kalangitan, kahit ang pinakamataas na langit, pati ang mundo at lahat ng narito. 15 Ngunit pinili ng Panginoon ang inyong mga ninuno para mahalin, at sa lahat ng bansa kayo na mula sa kanilang lahi ang pinili niya hanggang ngayon. 16 Kaya baguhin[a] ninyo ang mga puso ninyo at huwag nang patigasin ang mga ulo ninyo. 17 Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay Dios ng mga dios at Panginoon ng mga panginoon. Makapangyarihan siya at kamangha-manghang Dios. Wala siyang pinapanigan at hindi siya tumatanggap ng suhol. 18 Ipinagtatanggol niya ang karapatan ng mga ulila at mga biyuda. Minamahal niya ang mga dayuhan[b] at binibigyan sila ng pagkain at mga damit. 19 Kaya mahalin din ninyo ang mga dayuhan, dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto. 20 Igalang ninyo ang Panginoon na inyong Dios at paglingkuran ninyo siya. Manatili kayo sa kanya at sumumpa kayo sa pangalan lang niya. 21 Purihin ninyo siya, dahil siya ang Dios ninyo na gumawa ng dakila at kamangha-manghang bagay na nakita ninyo. 22 Nang dumating ang inyong mga ninuno sa Egipto, 70 lang silang lahat, pero ngayon, pinadami na kayo ng Panginoon na inyong Dios na katulad ng mga bituin sa langit.

Hebreo 4:11-16

11 Kaya sikapin nating makamit ang kapahingahang ito. Huwag nating tularan ang mga tao noong una na sumuway sa Dios, at baka hindi natin ito makamtan. 12 Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Dios, at higit na matalas kaysa sa alinmang espadang magkabila ang talim. Tumatagos ito hanggang kaluluwaʼt espiritu, at hanggang sa kasu-kasuan at kaloob-looban ng buto. Nalalaman nito ang pinakamalalim na iniisip at hinahangad ng tao. 13 Walang makapagtatago sa Dios. Nakikita niya at lantad sa paningin niya ang lahat, at sa kanya tayo mananagot.

Si Cristo ang Ating Punong Pari

14 Kaya panghawakan nating mabuti ang pinaniniwalaan natin dahil mayroon tayong dakilang punong pari na pumasok sa kalangitan, na walang iba kundi si Jesus na Anak ng Dios. 15 Nadarama rin ng ating punong pari ang lahat ng kahinaan natin, dahil naranasan din niya ang lahat ng pagsubok na dumarating sa atin, pero hindi siya nagkasala. 16 Kaya huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng maawaing Dios para matanggap natin ang awa at biyayang makakatulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.

Juan 3:22-36

Si Jesus at si Juan

22 Pagkatapos nito, pumunta si Jesus at ang mga tagasunod niya sa ibang lugar ng Judea. Nanatili sila roon at nagbautismo ng mga tao. 23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon, malapit sa Salim, dahil maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao upang magpabautismo. 24 (Hindi pa nakakulong noon si Juan.)

25 Ngayon, nagkaroon ng pagtatalo ang ilang tagasunod ni Juan at ang isang Judio tungkol sa bautismo.[a] 26 Kaya pumunta sila kay Juan at sinabi, “Guro, ang kasama nʼyo sa kabila ng Ilog ng Jordan, na ipinakilala nʼyo sa mga tao ay nagbabautismo na rin, at nagpupuntahan sa kanya ang halos lahat ng tao.” 27 Sumagot si Juan, “Walang magagawa ang tao kung hindi ipahintulot ng Dios. 28 Kayo na rin ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo. Isa lang akong sugo na nauna sa kanya upang ipahayag ang pagdating niya. 29 Kagaya sa isang kasal: ang babaeng ikakasal ay para sa lalaking ikakasal, at ang abay na naghihintay ay natutuwa sa pagdating ng lalaking ikakasal. Ganoon din sa akin, tuwang-tuwa ako ngayon na lumalapit na ang mga tao kay Jesus. 30 Kailangang lalo pa siyang makilala, at ako namaʼy makalimutan na.”

Ang Nagmula sa Langit

31 Sinabi pa ni Juan, “Si Cristoʼy nagmula sa langit, kaya dakila siya sa lahat. Tayo naman ay taga-lupa at nagsasalita tungkol lang sa mga bagay dito sa lupa. Ngunit si Cristo na nagmula sa langit ay dakila sa lahat. 32 Ipinapahayag niya ang nakita at narinig niya sa langit, ngunit ilan lang ang naniniwala sa kanyang pahayag. 33 Ngunit ang naniniwala sa pahayag niya ay nagpapatunay na totoo ang mga sinasabi ng Dios. 34 Sapagkat si Cristo na sinugo ng Dios ay nagpapahayag sa atin ng mga sinasabi ng Dios, dahil lubos na ipinagkaloob sa kanya ang Banal na Espiritu. 35 Mahal ng Ama ang kanyang Anak, at ipinailalim sa kapangyarihan niya ang lahat. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ng Dios ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa kanya ay hindi magkakaroon ng buhay na walang hanggan kundi mananatili sa kanya ang galit ng Dios.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®