Book of Common Prayer
Ang Panaghoy ng mga Taga-Israel nang Silaʼy Nabihag
137 Nang maalala namin ang Zion, umupo kami sa pampang ng mga ilog ng Babilonia at umiyak.
2 Isinabit na lang namin ang aming mga alpa sa mga sanga ng kahoy.
3 Pinaaawit kami ng mga bumihag sa amin.
Inuutusan nila kaming sila ay aliwin.
Ang sabi nila,
“Awitan ninyo kami ng mga awit tungkol sa Zion!”
4 Ngunit paano kami makakaawit ng awit ng Panginoon sa lupain ng mga bumihag sa amin?
5 Sanaʼy hindi na gumalaw ang kanan kong kamay kung kalilimutan ko ang Jerusalem!
6 Sanaʼy maging pipi ako kung hindi ko aalalahanin at ituturing na malaking kasiyahan ang Jerusalem.
7 Panginoon, alalahanin nʼyo ang ginawa ng mga taga-Edom nang lupigin ng Babilonia ang Jerusalem.
Sinabi nila,
“Sirain ninyo ito at wasakin nang lubos!”
8 Kayong mga taga-Babilonia, kayoʼy wawasakin!
Mapalad ang mga taong lilipol sa inyo gaya ng ginawa ninyong paglipol sa amin.
9 Mapalad silang kukuha ng inyong mga sanggol,
at ihahampas sa mga bato.
Pasasalamat ng Hari sa Dios Dahil sa Tagumpay
144 Purihin ang Panginoon na aking batong kanlungan.
Siya na nagsasanay sa akin sa pakikipaglaban.
2 Siya ang aking Dios na mapagmahal at matibay na kanlungan.
Siya ang kumakanlong sa akin kaya sa kanya ako humihingi ng kalinga.
Ipinasakop niya sa akin ang mga bansa.
3 Panginoon, ano ba ang tao para pagmalasakitan nʼyo?
Tao lang naman siya, bakit nʼyo siya iniisip?
4 Ang tulad niyaʼy simoy ng hanging dumadaan,
at ang kanyang mga araw ay parang anino na mabilis mawala.
5 Panginoon, buksan nʼyo ang langit at bumaba kayo.
Hipuin nʼyo ang mga bundok upang magsiusok.
6 Gamitin nʼyong parang pana ang mga kidlat, upang magsitakas at mangalat ang aking mga kaaway.
7 Mula sa langit, abutin nʼyo ako at iligtas sa kapangyarihan ng aking mga kaaway na mula sa ibang bansa, na parang malakas na agos ng tubig.
8 Silaʼy mga sinungaling, sumusumpa silang magsasabi ng katotohanan, ngunit silaʼy nagsisinungaling.
9 O Dios, aawitan kita ng bagong awit na sinasabayan ng alpa.
10 Kayo ang nagbigay ng tagumpay sa mga hari at nagligtas sa inyong lingkod na si David mula sa kamatayan.
11 Iligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng mga dayuhang kaaway, na hindi nagsasabi ng totoo. Silaʼy sumusumpang magsasabi ng katotohanan ngunit silaʼy nagsisinungaling.
12 Sana habang bata pa ang aming mga anak na lalaki ay maging katulad sila ng tanim na tumutubong matibay,
at sana ang aming mga anak na babae ay maging tulad ng naggagandahang haligi ng palasyo.
13 Sanaʼy mapuno ng lahat ng uri ng ani ang aming mga bodega.
Dumami sana ng libu-libo ang aming mga tupa sa pastulan,
14 at dumami rin sana ang maikargang produkto ng aming mga baka.
Hindi na sana kami salakayin at bihagin ng mga kaaway.
Wala na rin sanang iyakan sa aming mga lansangan dahil sa kalungkutan.
15 Mapalad ang mga taong ganito ang kalagayan.
Mapalad ang mga taong ang Dios ang kanilang Panginoon.
Papuri sa Dios na Lumikha
104 Pupurihin ko ang Panginoon!
Panginoon kong Dios, kayo ay dakila sa lahat.
Nadadamitan kayo ng kadakilaan at karangalan.
2 Nababalutan kayo ng liwanag na parang inyong damit.
At inilaladlad nʼyo na parang tolda ang langit.
3 Itinayo nʼyo ang inyong tahanan sa itaas pa ng kalawakan.
Ginawa nʼyo ang mga alapaap na inyong sasakyan,
at inililipad ng hangin habang kayoʼy nakasakay.
4 Ginagawa nʼyong tagapaghatid ng balita ang hangin,
at ang kidlat na inyong utusan.
5 Inilagay nʼyo ang mundo sa matibay na pundasyon,
kaya hindi ito matitinag magpakailanman.
6 Ang tubig ay ginawa nʼyong parang tela na ipinambalot sa mundo,
at umapaw hanggang sa kabundukan.
7 Sa inyong pagsaway na parang kulog, nahawi ang tubig,
8 at itoʼy umagos sa mga kabundukan at mga kapatagan,
hanggang sa mga lugar na inyong inilaan na dapat nitong kalagyan.
9 Nilagyan nʼyo ito ng hangganan, upang hindi umapaw ang tubig,
para hindi na muling matabunan ang mundo.
10 Lumikha ka ng mga bukal sa mga lambak,
at umagos ang tubig sa pagitan ng mga bundok.
11 Kaya lahat ng mga hayop sa gubat,
pati mga asnong-gubat ay may tubig na maiinom.
12 At malapit sa tubig, may mga pugad ang mga ibon, at sa mga sanga ng punongkahoy silaʼy nagsisiawit.
13 Mula sa langit na inyong luklukan, ang bundok ay inyong pinapaulanan.
At dahil sa inyong ginawa, tumatanggap ang mundo ng pagpapala.
14 Pinatutubo nʼyo ang mga damo para sa mga hayop,
at ang mga tanim ay para sa mga tao
upang silaʼy may maani at makain –
15 may alak na maiinom na magpapasaya sa kanila,
may langis na pampakinis ng mukha,
at may tinapay na makapagpapalakas sa kanila.
16 Nadidiligang mabuti ang inyong mga punongkahoy,
ang puno ng sedro sa Lebanon na kayo rin ang nagtanim.
17 Doon nagpupugad ang mga ibon,
at ang mga tagak ay tumatahan sa mga puno ng abeto.
18 Ang kambing-gubat ay nakatira sa matataas na kabundukan.
Ang mga hayop na badyer[a] ay naninirahan sa mababatong lugar.
19 Nilikha nʼyo ang buwan bilang tanda ng panahon;
at ang araw namaʼy lumulubog sa oras na inyong itinakda.
20 Nilikha nʼyo ang kadiliman na tinawag na gabi;
at kung gabiʼy gumagala ang maraming hayop sa kagubatan.
21 Umaatungal ang mga leon habang naghahanap ng kanilang makakain na sa inyo nagmumula.
22 At pagsapit ng umaga, bumabalik sila sa kanilang mga lungga,
at doon nagpapahinga.
23 Ang mga tao naman ay lumalabas papunta sa kanilang gawain, at nagtatrabaho hanggang takip-silim.
24 Kay dami ng inyong mga ginawa, Panginoon.
Nilikha nʼyo ang lahat ayon sa inyong karunungan.
Ang buong mundo ay puno ng inyong nilikha.
25 Ang dagat ay napakalawak,
at hindi mabilang ang inyong mga nilalang dito, may malalaki at maliliit.
26 Ang mga barko ay parooʼt parito sa karagatan,
at doon din lumalangoy-langoy ang nilikha nʼyong dragon na Leviatan.
27 Lahat ng inyong nilikha ay umaasa sa inyo ng kanilang pagkain, sa oras na kanilang kailanganin.
28 Binibigyan nʼyo sila ng pagkain at kinakain nila ito,
at silaʼy nabubusog.
29 Ngunit kung pababayaan nʼyo sila, matatakot sila;
at kapag binawi nʼyo ang kanilang buhay, silaʼy mamamatay at babalik sa lupa.
30 Nalilikha sila kapag binigyan mo ng hininga,
at sa ganoong paraan, binibigyan nʼyo ng bagong nilalang ang mundo.
31 Panginoon, sana ay magpatuloy ang inyong kaluwalhatian magpakailanman.
Sanaʼy magalak kayo sa lahat ng inyong nilikha.
32 Nayayanig ang mundo kapag inyong tinitingnan.
Kapag hinipo nʼyo ang bundok, itoʼy umuusok.
33 Aawit ako sa Panginoon habang nabubuhay.
Aawit ako ng papuri sa aking Dios habang may hininga.
34 Sanaʼy matuwa siya sa aking pagbubulay-bulay.
Akoʼy magagalak sa Panginoon.
35 Lipulin sana ang masasama, at ang mga makasalanan sa mundo ay tuluyan nang mawala.
Pupurihin ko ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!
Nagpakasal si Boaz kay Ruth
4 Pumunta si Boaz sa pintuang bayan[a] at naupo roon. Nang dumaan ang sinasabi niyang mas malapit na kamag-anak ni Elimelec, sinabi ni Boaz sa kanya, “Kaibigan, halikaʼt maupo ka.” Lumapit naman ang lalaki at naupo. 2 At tinipon ni Boaz ang sampung mga tagapamahala ng bayan at pinaupo rin doon. At nang nakaupo na sila, 3 sinabi ni Boaz sa kamag-anak niya, “Bumalik na si Naomi mula sa Moab, at gusto niyang ipagbili ang lupa ng kamag-anak nating si Elimelec. 4 Naisip kong ipaalam ito sa iyo. Kaya kung gusto mo, bilhin mo ito sa harapan ng mga tagapamahala ng mga kababayan ko at ng iba pang mga nakaupo rito. Pero kung ayaw mo, sabihin mo at nang malaman ko. Kung tutuusin, ikaw ang may tungkuling tumubos nito, at pangalawa lang ako.” Sumagot ang lalaki, “Sige, tutubusin ko.” 5 Pero sinabi ni Boaz, “Sa araw na tubusin mo ang lupa kay Naomi, kailangang pakasalan mo si Ruth, ang Moabitang biyuda,[b] para kapag nagkaanak kayo, mananatili ang lupa sa pamilya ng kamag-anak nating namatay.”[c]
6 Nang marinig ito ng lalaki, sinabi niya, “Kung ganoon, hindi ko na tutubusin ang lupa dahil baka magkaproblema pa ako sa sarili kong lupa dahil pati ang magiging anak namin ni Ruth ay may bahagi na sa lupa ko. Ikaw na lang ang tumubos, hindi ko kasi magagawa iyan.”
7 Nang panahong iyon sa Israel, para matiyak ang pagtubos ng lupa o ang paglilipat ng karapatan sa pagtubos ng lupa, hinuhubad ng isa ang sandalyas niya at ibinibigay sa isa. Ganito ang ginagawa noon sa Israel bilang katibayan ng kanilang transaksyon.
8 Kaya nang sabihin ng lalaki kay Boaz, “Ikaw na lang ang tumubos ng lupa,” hinubad agad niya ang kanyang sandalyas at ibinigay kay Boaz.[d] 9 Sinabi ni Boaz sa mga tagapamahala ng bayan at sa lahat ng tao roon, “Mga saksi kayo ngayong araw na bibilhin ko na kay Naomi ang lahat ng lupain ni Elimelec, na minana nina Kilion at Mahlon. 10 At bukod pa rito, pakakasalan ko si Ruth na Moabita, na biyuda ni Mahlon, para kapag nagkaanak kami, mananatili ang lupain ni Mahlon sa kanyang pamilya,[e] at hindi mawawala ang lahi niya sa kanyang mga kababayan. Saksi nga kayo sa araw na ito!”
11 Sumagot ang mga tagapamahala ng bayan at ang lahat ng tao roon sa pintuan, “Oo, mga saksi nga kami. Nawaʼy ang magiging asawa mo ay gawin ng Panginoon na katulad nina Raquel at Lea na nagkaanak ng mga naging mamamayan ng Israel. Nawaʼy maging mayaman ka sa Efrata at maging tanyag sa Betlehem. 12 Nawaʼy magpatanyag sa pamilya mo ang mga anak na ibibigay sa iyo ng Panginoon sa iyo sa pamamagitan ng babaeng iyon ay magpatanyag sa pamilya mo katulad ng pamilya ni Perez, ang anak ni Juda kay Tamar.”
Ang mga Ninuno ni David
13 Kaya nagpakasal si Boaz kay Ruth, at niloob ng Panginoon na magdalantao si Ruth at manganak ng isang lalaki. 14 Sinabi ng mga kababaihan kay Naomi, “Purihin ang Panginoon! Binigyan ka niya ngayon ng apo na mag-aaruga sa iyo. Nawaʼy maging tanyag siya sa Israel! 15 Palalakasin at aalagaan ka niya kapag matanda ka na, dahil anak siya ng manugang mo na nagmamahal sa iyo ng higit pa sa pagmamahal ng pitong anak na lalaki.”
16 Palaging kinukuha ni Naomi ang bata at kinakalong. At siya ang nagbabantay nito. 17 Sinabi ng mga babaeng kapitbahay ni Naomi, “May apong lalaki na si Naomi!” Pinangalanan nila ang bata na Obed. At nang malaki na si Obed, nagkaanak siya na Jesse ang pangalan. At si Jesse ang naging ama ni David.
13 Sinasabi ng Kasulatan, “Sumampalataya ako, kaya nagsalita ako.”[a] Ganoon din ang aming ginagawa: Sumasampalataya kami, kaya nagsasalita kami. 14 Sapagkat alam namin na ang Dios na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ang siya ring bubuhay sa amin, tulad ng ginawa niya kay Jesus, at dadalhin niya tayong lahat sa kanyang piling. 15 Ang lahat ng paghihirap namin ay para sa inyong ikabubuti, para lalo pang dumami ang tumanggap ng biyaya ng Dios. At habang dumarami ang tumatanggap ng biyaya ng Dios, dumarami rin ang nagpapasalamat sa kanya. At dahil dito ay mapupuri siya.
16 Iyan ang dahilan kung bakit hindi kami pinanghihinaan ng loob. Kahit na unti-unting humihina ang aming katawan, patuloy namang lumalakas ang aming espiritu. 17 Sapagkat ang mga paghihirap na dinaranas namin sa mundong ito ay panandalian lamang at hindi naman gaanong mabigat. At dahil sa aming mga paghihirap, may inihahandang gantimpala ang Dios para sa amin na mananatili magpakailanman at hinding-hindi mapapantayan. 18 Kaya hindi namin pinapahalagahan ang mga bagay na nakikita sa mundong ito kundi ang mga bagay na hindi nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay panandalian lamang, pero ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
Ang Bagong Katawan
5 Alam natin na ang ating katawang panlupa ay parang bahay na ating tinutuluyan habang nasa mundo pa tayo, at itoʼy masisira. Ngunit alam din natin na may inihandang katawang panlangit ang Dios para sa atin na hindi mamamatay kailanman. Ang katawang ito ay ginawa ng Dios at hindi ng tao. 2 Dumaraing tayo sa ngayon, dahil pinananabikan nating maisuot na ang katawang panlangit. 3 At kapag nangyari ito, hindi matatagpuang hubad ang ating kaluluwa. 4 Habang nandito pa tayo sa ating katawan, dumadaing tayo dahil sa mga paghihirap. Hindi dahil sa gusto na nating mamatay, kundi dahil sa gusto na nating magkaroon ng bagong katawan, para mapalitan na ang katawang may kamatayan ng katawang walang kamatayan. 5 Ang Dios na rin ang siyang naghanda sa atin para tanggapin natin ang bagong katawan, at bilang katiyakan, ibinigay niya sa atin ang kanyang Banal na Espiritu.
6 Kaya panatag ang aming kalooban, kahit na alam namin na habang nabubuhay pa tayo sa ating katawan ay wala pa tayo sa tahanan ng Panginoon. 7 Sapagkat namumuhay tayo sa pananampalataya at hindi ayon sa mga bagay na nakikita. 8 Hindi kami pinanghihinaan ng loob, kahit na mas gusto naming iwanan ang aming katawan at makapiling na ang Panginoon. 9 Kaya naman, sinisikap naming malugod ang Dios sa amin, maging dito man o sa piling na niya. 10 Sapagkat haharap tayong lahat kay Cristo para hatulan. Tatanggapin ng bawat isa ang nararapat na kabayaran sa kanyang mga ginawa, mabuti man o masama, nang nabubuhay pa siya sa mundong ito.
Ang Turo tungkol sa Pagbibigay
6 “Mag-ingat kayo at baka ang paggawa ninyo ng mabuti ay pakitang-tao lang. Sapagkat kung ganyan ang ginagawa ninyo, wala kayong matatanggap na gantimpala mula sa inyong Amang nasa langit.
2 “Kaya kapag nagbibigay kayo ng tulong, huwag na ninyo itong ipamalita gaya ng ginagawa ng mga pakitang-tao roon sa mga sambahan at sa mga daan upang purihin sila ng mga tao. Ang totoo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Sa halip, kung magbibigay kayo ng tulong, huwag na ninyo itong ipaalam kahit sa pinakamatalik nʼyong kaibigan, 4 upang maging lihim ang pagbibigay ninyo. At ang inyong Amang nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa inyo.”
Ang Turo tungkol sa Pananalangin(A)
5 “Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tutulad sa ginagawa ng mga pakitang-tao. Mahilig silang manalangin nang nakatayo sa mga sambahan at sa mga kanto ng lansangan para makita ng mga tao. Ang totoo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 6 Sa halip, kung mananalangin kayo, pumasok kayo sa inyong kwarto at isara ang pinto. At saka kayo manalangin sa inyong Ama na hindi nakikita. At ang inyong Ama na nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang magbibigay ng gantimpala sa inyo.
7 “At kapag nananalangin kayo, huwag kayong gumamit ng maraming salita na wala namang kabuluhan, tulad ng ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Akala nila ay sasagutin sila ng Dios kung mahaba ang kanilang panalangin. 8 Huwag nʼyo silang gayahin, dahil alam na ng inyong Ama kung ano ang kailangan ninyo bago pa man ninyo ito hingin sa kanya. 9 Kaya manalangin kayo ng katulad nito:
‘Ama naming nasa langit,
sambahin nawa kayo ng mga tao.[a]
10 Nawaʼy magsimula na ang inyong paghahari,
at masunod ang inyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.
11 Bigyan nʼyo po kami ng aming pagkain sa araw-araw.
12 Patawarin nʼyo kami sa aming mga kasalanan,
tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkasala sa amin.
13 At huwag nʼyo kaming hayaang matukso
kundi iligtas nʼyo po kami kay Satanas.[b]
[Sapagkat kayo ang Hari, ang Makapangyarihan at Dakilang Dios magpakailanman!]’
14 Kung pinapatawad ninyo ang mga taong nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo sila pinapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”
Ang Turo tungkol sa Pag-aayuno
16 “Kapag nag-aayuno kayo, huwag ninyong tularan ang mga pakitang-tao. Sapagkat sinasadya nilang hindi mag-ayos ng sarili para ipakita sa mga tao na nag-aayuno sila. Ang totoo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®