Book of Common Prayer
Dalanging may Pagtitiwala
131 Panginoon, akoʼy hindi hambog o mapagmataas.
Hindi ko hinahangad ang mga bagay na napakataas na hindi ko makakayanan.
2 Kontento na ako katulad ng batang inawat na hindi na naghahangad ng gatas ng kanyang ina.
3 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon ngayon at magpakailanman.
Papuri sa Templo ng Dios
132 Panginoon, huwag nʼyong kalilimutan si David at ang lahat ng paghihirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin nʼyo ang pangako niya sa inyo Panginoon, kayo na Makapangyarihang Dios ni Jacob.
Ipinangako niya,
3 “Hindi ako uuwi o mahihiga man sa aking higaan
4 o matulog
5 hanggaʼt hindi ako nakakakita ng lugar na matitirhan ng Panginoon, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”
6 Nang kami ay nasa Efrata nabalitaan namin kung nasaan ang Kaban ng Kasunduan,
at natagpuan namin ito sa kapatagan ng Jaar.
7 Sinabi namin, “Pumunta tayo sa tirahan ng Panginoon, at sumamba tayo sa kanya sa harap ng kanyang trono.”
8 Sige na po Panginoon, pumunta na kayo sa inyong templo kasama ng Kaban ng Kasunduan na sagisag ng inyong kapangyarihan.
9 Sanaʼy palaging mamuhay ng matuwid ang inyong mga pari,
at umawit nang may kagalakan ang inyong mga tapat na mamamayan.
10 Alang-alang kay David na inyong lingkod,
huwag nʼyong itatakwil ang haring inyong hinirang.
11 Nangako kayo noon kay David,
at itoʼy tiyak na inyong tutuparin at hindi babawiin.
Sinabi nʼyo, “Isa sa iyong angkan ang papalit sa iyo bilang hari.
12 At kung ang mga hari na nagmula sa iyong angkan ay susunod sa aking kasunduan at mga turo sa kanila,
ang kanilang mga anak ay maghahari rin magpakailanman.”
13 Hinangad at pinili ng Panginoon ang Zion na maging tahanan niya.
Sinabi niya,
14 “Ito ang aking tirahan magpakailanman;
dito ako maninirahan dahil ito ang nais ko.
15 Bibigyan ko ang Zion ng lahat niyang pangangailangan,
at kahit ang mga mamamayan niyang dukha ay bubusugin ko ng pagkain.
16 Ililigtas ko ang kanyang mga pari,
at ang kanyang tapat na mamamayan ay aawit sa kagalakan.
17 “Paghahariin ko sa Zion, ang haring mula sa angkan ni David,
at gagawin ko siyang parang ilawang pumapatnubay sa mga tao.
18 Hihiyain ko ang kanyang mga kaaway, ngunit pauunlarin ko ang kaharian niya.”
Pagsasamahang may Pagkakaisa
133 Napakagandang tingnan ang mga mamamayan ng Dios na namumuhay nang may pagkakaisa.
2 Itoʼy parang mamahaling langis na ibinuhos sa ulo ni Aaron na dumaloy sa kanyang balbas at kwelyo ng damit.
3 Katulad din ito ng hamog sa Bundok ng Hermon na umaabot sa Bundok ng Zion.
At dito sa Zion ay nangako ang Panginoon na magbibigay nang pagpapala, at itoʼy ang buhay na walang hanggan.
Paanyaya para Purihin ang Dios
134 Purihin ang Panginoon,
lahat kayong mga naglilingkod sa kanyang templo kung gabi.
2 Itaas ninyo ang inyong mga kamay kapag mananalangin kayo sa loob ng templo,
at purihin ninyo ang Panginoon.
3 Pagpalain sana kayo ng Panginoon na nasa Zion na siyang lumikha ng langit at ng lupa.
Awit ng Papuri
135 Purihin ang Panginoon! Purihin ninyo siya, kayong mga lingkod niya,
2 na naglilingkod sa templo ng Panginoon na ating Dios.
3 Purihin ninyo ang Panginoon, dahil siya ay mabuti.
Umawit kayo ng mga papuri sa kanya, dahil ito ay kaaya-aya.
4 Purihin ninyo siya dahil pinili niya ang mga mamamayan ng Israel na mga lahi ni Jacob, na maging espesyal niyang mamamayan.
5 Alam kong ang Panginoon ay higit na dakila kaysa sa alinmang dios-diosan.
6 Ginagawa ng Panginoon ang anumang nais niya sa langit, sa lupa, sa dagat at sa kailaliman nito.
7 Dinadala niya paitaas ang mga ulap mula sa malayong dako ng mundo,
at pinadala ang kidlat na may kasamang ulan.
Inilabas din niya ang hangin mula sa kinalalagyan nito.
8 Pinatay niya ang mga anak na panganay ng mga Egipcio at pati na ang mga panganay ng kanilang mga hayop.
9 Gumawa rin siya dito ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay upang parusahan ang Faraon at ang lahat niyang mga lingkod.
10 Winasak niya ang maraming bansa,
at pinatay ang kanilang makapangyarihang mga hari,
11 katulad nina Sihon na hari ng Amoreo, Haring Og ng Bashan,
at ang lahat ng hari ng Canaan.
12 At kinuha niya ang kanilang mga lupain at ibinigay sa mga mamamayan niyang Israelita upang maging kanilang pag-aari.
13 Panginoon, ang inyong pangalan at katanyagan ay hindi malilimutan sa lahat ng salinlahi.
14 Dahil patutunayan nʼyo, Panginoon, na ang inyong lingkod ay walang kasalanan,
at silaʼy inyong kahahabagan.
15 Ang mga dios ng ibang mga bansa ay mga yari sa pilak at ginto na gawa ng tao.
16 May mga bibig, ngunit hindi nakakapagsalita;
may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
17 May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig,
at silaʼy walang hininga.
18 Ang mga gumawa ng dios-diosan at ang lahat ng nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito na walang kabuluhan.
19-20 Kayong mga mamamayan ng Israel, pati kayong mga angkan ni Aaron at ang iba pang mga angkan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
Kayong mga may takot sa Panginoon, purihin ninyo siya!
21 Purihin ninyo ang Panginoon na nasa Zion, ang bayan ng Jerusalem na kanyang tahanan.
Purihin ang Panginoon!
14 Nang oras na para kumain, sinabi ni Boaz kay Ruth, “Halika, kumuha ka ng pagkain at isawsaw mo sa suka.” Kaya naupo si Ruth kasama ng mga tagapag-ani, at inabutan siya ni Boaz ng binusa na trigo. Kumain siya hanggang sa nabusog, at may natira pa siya. 15 Nang tumayo na si Ruth para mamulot ulit ng mga nalaglag na uhay, nag-utos si Boaz sa mga tauhan niya, “Huwag ninyong hihiyain si Ruth kahit mamulot pa siya malapit sa mga binigkis na uhay.[a] 16 Kumuha kayo ng mga uhay sa mga binigkis at iwan para sa kanya, at huwag nʼyo siyang sasawayin.”
17 Kaya namulot si Ruth ng mga nalaglag na uhay hanggang sa lumubog ang araw. At nang magiik na niya ang naipon niyang sebada[b] ay umabot ito ng mga kalahating sako. 18 Dinala niya ito pauwi sa bayan at ipinakita sa kanyang biyenan[c] na si Naomi. Pagkatapos kinuha niya ang natira niyang pagkain at ibinigay kay Naomi. 19 Nagtanong si Naomi sa kanya, “Saan ka namulot ng mga nalaglag na uhay kanina? Kaninong bukirin? Pagpalain nawa ang taong nagmagandang-loob sa iyo!”
Ikinuwento ni Ruth kay Naomi na doon siya namulot sa bukid ng taong ang pangalan ay Boaz. 20 Sinabi ni Naomi kay Ruth, “Pagpalain nawa ng Panginoon si Boaz. Ipinapakita niya ang kanyang kabutihan sa mga taong buhay pa at sa mga patay na.” At sinabi pa niya, “Si Boaz na sinasabi mo ay malapit nating kamag-anak; isa siya sa may tungkuling mangalaga sa atin.”
21 Sinabi ni Ruth kay Naomi, “Sinabi pa po ni Boaz sa akin na sa mga tauhan lang niya ako sumama sa pamumulot hanggang matapos ang lahat ng mga aanihin niya.” 22 Sinabi naman ni Naomi kay Ruth, “Anak, mabuti nga na sa mga utusan niyang babae ka sumama, dahil baka kung ano pa ang mangyari sa iyo sa ibang bukid.”
23 Kaya sumama si Ruth sa mga utusang babae ni Boaz sa pamumulot ng mga nalaglag na uhay hanggang sa matapos ang anihan ng sebada at trigo. At patuloy siyang nanirahan kasama ng biyenan niya.
3 Baka sabihin ninyong pinupuri na naman namin ang aming mga sarili. Hindi kami katulad ng iba riyan na kailangan ang rekomendasyon para tanggapin ninyo, at pagkatapos hihingi naman ng rekomendasyon mula sa inyo para tanggapin din sa ibang lugar. 2 Hindi na namin kailangan ito dahil kayo na mismo ang aming rekomendasyon na nakasulat sa aming puso. Sapagkat ang pamumuhay ninyo ay parang sulat na nakikita at nababasa ng lahat. 3 Malinaw na ang buhay ninyo ay parang isang sulat mula kay Cristo na isinulat sa pamamagitan namin. At hindi tinta ang ginamit sa sulat na ito kundi ang Espiritu ng Dios na buhay. At hindi rin ito isinulat sa malapad na mga bato, kundi sa puso ng mga tao.
4 Nasasabi namin ang mga ito dahil sa mga ginagawa ni Cristo sa pamamagitan namin at dahil sa aming pagtitiwala sa Dios. 5 Kung sa aming sarili lamang, wala kaming sapat na kakayahang gawin ito. Lahat ng aming kakayahan ay mula sa Dios. 6 Siya ang nagbigay sa amin ng kakayahan para maipahayag namin ang kanyang bagong pamamaraan para mailapit ang mga tao sa kanya. At ang bagong pamamaraan na ito ay hindi ayon sa isinulat na Kautusan kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Sapagkat ang Kautusan ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu ay nagbibigay-buhay.
7 Noong ibinigay ng Dios kay Moises ang Kautusan na nakasulat sa malapad na mga bato, hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises dahil nasisilaw sila. Ngunit ang ningning na iyon sa kanyang mukha ay unti-unti ring nawala. Ngayon, kung nagpakita ang Dios ng kanyang kapangyarihan sa Kautusan na nagdudulot ng kamatayan, 8 higit pa ang ipapakita niyang kapangyarihan kung kikilos na ang Espiritu. 9 Kung nagpakita ang Dios ng kapangyarihan niya sa pamamagitan ng Kautusan na nagdudulot ng hatol na kamatayan, higit pa ang ipapakita niyang kapangyarihan sa pagpapawalang-sala sa mga tao. 10 Ang totoo, balewala ang kapangyarihan ng Kautusan kung ihahambing sa kapangyarihan ng bagong pamamaraan ng Dios. 11 Kung may kapangyarihang ipinakita ang Dios sa pamamagitan ng Kautusan na lumilipas, higit pa ang kapangyarihang ipinapakita niya sa bagong pamamaraang ito na nananatili magpakailanman.
12 At dahil sa pag-asa naming ito, malakas ang aming loob na ipahayag ang salita ng Dios. 13 Hindi kami tulad ni Moises na nagtakip ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang liwanag sa kanyang mukha na unti-unting nawawala. 14 Ang totoo, hindi naintindihan ng mga Israelita ang kahulugan nito noon dahil may nakatakip sa kanilang isipan. At kahit ngayon, may nakatakip pa rin sa kanilang isipan habang binabasa nila ang dating kasunduan. At maaalis lamang ito kapag ang isang taoʼy nakay Cristo. 15 Totoong hanggang ngayon ay may nakatakip sa kanilang isipan habang binabasa nila ang mga isinulat ni Moises. 16 Ngunit kung lalapit ang tao sa Panginoon, maaalis ang takip sa kanyang isipan. 17 Ngayon, ang binabanggit ditong Panginoon ay ang Banal na Espiritu, at kung ang Espiritu ng Panginoon ay nasa isang tao, malaya na siya. 18 At dahil naalis na ang takip sa ating isipan, nakikita na natin ang kapangyarihan ng Panginoon. At ang kapangyarihang ito ay mula sa Panginoon, na siyang Banal na Espiritu, ang siyang unti-unting bumabago sa atin hanggang tayoʼy maging katulad niya.
Ang Turo tungkol sa Pangangalunya
27 “Narinig ninyo na sinabi noong una, ‘Huwag kang mangangalunya.’[a] 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang tumingin lang sa isang babae nang may masamang pagnanasa ay nagkasala na ng pangangalunya sa kanyang isip. 29 Kaya kung ang kanang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pang mawalan ka ng isang parte ng iyong katawan kaysa sa buo ang katawan mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 30 At kung ang kanang kamay mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mas mabuti pang mawalan ka ng isang parte ng katawan kaysa sa buo ang katawan mo pero itatapon ka naman sa impyerno.”
Ang Turo tungkol sa Paghihiwalay(A)
31 “Sinabi rin noong una, ‘Kung nais ng isang lalaki na hiwalayan ang kanyang asawa, kinakailangang bigyan niya ito ng kasulatan ng paghihiwalay.’[b] 32 Ngunit sinasabi ko sa inyo na kapag hiniwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan maliban sa sekswal na imoralidad, siya na rin ang nagtulak sa kanyang asawa na mangalunya kapag nag-asawa itong muli. At ang sinumang mag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.”
Ang Turo tungkol sa Panunumpa
33 “Narinig din ninyo na sinabi noong una sa ating mga ninuno, ‘Kapag ang tao ay nangako at nanumpa pa sa pangalan ng Panginoon, kailangang tuparin niya ito.’[c] 34 Ngunit sinasabi ko sa inyo na kung mangangako kayo, huwag kayong susumpa. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ dahil naroon ang trono ng Dios, 35 o ‘Saksi ko ang lupa,’ dahil ito ang tuntungan ng kanyang paa. At huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ dahil ito ang lungsod ng dakilang hari. 36 At huwag din ninyong sasabihing, ‘Kahit mamatay pa ako,’ dahil ni isang buhok mo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. 37 Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo, at ‘Hindi’ kung hindi; dahil kung manunumpa pa kayo, galing na iyan sa diyablo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®