Book of Common Prayer
145 Panginoon, buong puso akong tumatawag sa inyo;
sagutin nʼyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.
146 Tumatawag ako sa inyo;
iligtas nʼyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.
147 Gising na ako bago pa sumikat ang araw
at humihingi ng tulong sa inyo,
dahil nagtitiwala ako sa inyong pangako.
148 Akoʼy nagpuyat ng buong magdamag, upang pagbulay-bulayan ang inyong mga pangako.
149 Panginoon, dinggin nʼyo ako ayon sa inyong pagmamahal;
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong paghatol.[a]
150 Palapit na nang palapit ang masasamang umuusig sa akin, ang mga taong tumatanggi sa inyong kautusan.
151 Ngunit malapit kayo sa akin, Panginoon; at ang inyong mga utos ay maaasahan.
152 Sa pag-aaral ko ng inyong mga turo, naunawaan ko noon pa man na ang inyong mga katuruan ay magpapatuloy magpakailanman.
153 Masdan nʼyo ang dinaranas kong paghihirap at akoʼy inyong iligtas,
dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.
154 Ipagtanggol nʼyo ako at iligtas,
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
155 Hindi maliligtas ang masasama,
dahil hindi nila ipinamumuhay ang inyong mga tuntunin.
156 Napakamaawain nʼyo Panginoon;
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong paghatol.[b]
157 Marami ang umuusig sa akin,
ngunit hindi ako lumayo sa inyong mga turo.
158 Kinasusuklaman ko ang mga hindi tapat sa inyo,
dahil hindi nila sinusunod ang inyong salita.
159 Tingnan nʼyo Panginoon kung paano ko sinusunod ang inyong mga tuntunin.
Panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong tapat na pag-ibig.
160 Totoo ang lahat ng inyong salita,
at ang inyong mga utos ay makatuwiran magpakailanman.
161 Inuusig ako ng mga namumuno ng walang dahilan,
ngunit salita nʼyo lang ang aking kinatatakutan.
162 Nagagalak ako sa inyong mga pangako na tulad ng isang taong nakatuklas ng malaking kayamanan.
163 Namumuhi ako at nasusuklam sa kasinungalingan,
ngunit iniibig ko ang inyong kautusan.
164 Pitong beses[c] akong nagpupuri sa inyo bawat araw dahil matuwid ang inyong mga utos.
165 Magiging payapaʼt tiwasay ang kalagayan ng mga umiibig sa inyong kautusan,
at silaʼy hindi mabubuwal.
166 Panginoon umaasa ako na akoʼy inyong ililigtas,
at sinusunod ko ang inyong mga utos.
167 Buong puso kong iniibig ang inyong mga turo,
at itoʼy sinusunod ko.
168 Ang lahat kong ginagawa ay inyong nalalaman,
kaya sinusunod ko ang inyong mga tuntunin at katuruan.
169 Panginoon, pakinggan nʼyo sana ang aking hinaing.
Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa ayon sa inyong pangako.
170 Sanaʼy dinggin nʼyo ang aking dalangin, at iligtas ako katulad ng inyong ipinangako.
171 Lagi akong magpupuri sa inyo,
dahil tinuturuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
172 Akoʼy aawit tungkol sa inyong mga salita,
dahil matuwid ang lahat nʼyong mga utos.
173 Palagi sana kayong maging handa na akoʼy tulungan,
dahil pinili kong sundin ang inyong mga tuntunin.
174 Panginoon, nananabik ako sa inyong pagliligtas.
Ang kautusan nʼyo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan.
175 Panatilihin nʼyo ang aking buhay upang kayoʼy aking mapapurihan,
at sanaʼy tulungan ako ng inyong mga utos na masunod ang inyong kalooban.
176 Para akong tupang naligaw at nawala,
kaya hanapin nʼyo ako na inyong lingkod,
dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong mga utos.
Ang Gantimpala ng Pagsunod sa Panginoon
128 Mapalad kayong may takot sa Panginoon, na namumuhay ayon sa kanyang pamamaraan.
2 Ang inyong pinaghirapan ay magiging sapat sa inyong pangangailangan,
at kayoʼy magiging maunlad at maligaya.
3 Ang inyong asawa ay magiging katulad ng ubasan sa inyong tahanan, na sagana sa bunga,
at ang inyong mga anak na nakapaligid sa inyong hapag-kainan ay parang mga bagong tanim na olibo.
4 Ganito pagpapalain ang sinumang may takot sa Panginoon.
5 Pagpalain sana kayo ng Panginoon mula sa kanyang templo.
Makita sana ninyong umuunlad ang Jerusalem habang kayoʼy nabubuhay.
6 Makita sana ninyo ang inyong mga apo.
Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan!
Dalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel
129 Mga taga-Israel, sabihin ninyo kung paano kayo pinahirapan ng inyong mga kaaway mula nang itatag ang inyong bansa.
2 “Maraming beses nila kaming pinahirapan mula pa nang itatag ang aming bansa.
Ngunit hindi sila nagtagumpay laban sa amin.
3 Sinugatan nila ng malalim ang aming likod, na parang lupang inararo.
4 Ngunit ang Panginoon ay matuwid, pinalaya niya kami sa pagkaalipin mula sa masasama.”
5 Magsitakas sana dahil sa kahihiyan ang lahat ng namumuhi sa Zion.
6 Matulad sana sila sa damong tumutubo sa bubungan ng bahay, na nang tumubo ay agad ding namatay.
7 Walang nagtitipon ng ganitong damo o nagdadala nito na nakabigkis.
8 Sanaʼy walang sinumang dumadaan na magsasabi sa kanila,
“Pagpalain nawa kayo ng Panginoon!
Pinagpapala namin kayo sa pangalan ng Panginoon.”
Pagtitiwala sa Panginoon sa Oras ng Paghihirap
130 Panginoon, sa labis kong paghihirap akoʼy tumatawag sa inyo.
2 Dinggin nʼyo po ang aking pagsusumamo.
3 Kung inililista nʼyo ang aming mga kasalanan,
sino kaya sa amin ang matitira sa inyong presensya?[a]
4 Ngunit pinapatawad nʼyo kami, upang matuto kaming gumalang sa inyo.
5 Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo,
at umaasa sa inyong mga salita.
6 Naghihintay ako sa inyo higit pa sa tagabantay na naghihintay na dumating ang umaga.
7 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon,
dahil siyaʼy mapagmahal at laging handang magligtas.
8 Siya ang magliligtas sa inyo sa lahat ng inyong mga kasalanan.
Nakilala ni Ruth si Boaz
2 1-3 Isang araw, sinabi ni Ruth kay Naomi, “Gusto ko po sanang pumunta sa bukid at mamulot[a] ng mga nalaglag na uhay mula sa mga tagapag-ani sa bukid ng taong magpapahintulot sa akin.” Sumagot si Naomi, “O sige anak.” Kaya umalis si Ruth at namulot ng mga nalaglag mula sa mga tagapag-ani. Nagkataon na doon siya namulot sa bukid ni Boaz na kamag-anak ni Elimelec. Si Boaz ay mayaman at makapangyarihan.
4 Habang nandoon si Ruth ay dumating si Boaz mula sa Betlehem at binati ang mga tagapag-ani, “Sumainyo nawa ang Panginoon!” Sumagot ang mga tagapag-ani, “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon!” 5 Tinanong ni Boaz ang kanyang katiwala na nangangasiwa sa mga tagapag-ani, “Sino ang dalagang iyan?” 6 Sumagot ang katiwala, “Isa po siyang Moabita na sumama kay Naomi na bumalik mula sa Moab. 7 Nakiusap siya sa akin na payagan ko siyang mamulot ng mga uhay na nalaglag mula sa mga tagapag-ani. Mula kaninang umaga tuloy-tuloy ang pagtatrabaho niya hanggang ngayon. Nagpahinga lang siya ng sandali sa kubol.”[b] 8 Sinabi ni Boaz kay Ruth, “Anak, makinig ka. Huwag ka nang pumunta sa ibang bukid para mamulot ng mga nalaglag. Dito ka na lang mamulot kasama ng mga utusan kong babae. 9 Tingnan mo kung saan nag-aani ang mga tauhan ko at sumunod ka sa mga utusan kong babae. Sinabihan ko na ang mga tauhan ko na huwag kang galawin. At kapag nauhaw ka, uminom ka lang sa mga tapayan na inigiban ng mga tauhan ko.”
10 Nagpatirapa si Ruth sa harapan ni Boaz bilang paggalang at sinabi, “Bakit napakabuti nʼyo po sa akin gayong isang dayuhan lang ako?” 11 Sumagot si Boaz, “May nagkwento sa akin ng lahat ng ginawa mo para sa biyenan mong babae mula pa noong namatay ang asawa mo. Iniwan mo raw ang iyong ama at ina at ang bayang sinilangan mo para manirahang kasama ng mga taong hindi mo kilala. 12 Pagpalain ka nawa ng Panginoon dahil sa iyong ginawa. Malaking gantimpala nawa ang matanggap mo mula sa Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang pinagkanlungan mo.” 13 Sinabi ni Ruth, “Napakabuti po ninyo sa akin. Pinalakas ninyo ang loob ko at sinabihan ng mabuti kahit hindi ako isa sa mga utusan ninyo.”
23 Saksi ko ang Dios, na kaya hindi na ako tumuloy diyan sa Corinto ay dahil ayaw kong sumama ang loob ninyo sa akin. 24 Ayaw naming diktahan kayo sa inyong pananampalataya dahil matatag na kayo riyan. Nais lamang naming magkatulungan tayo para maging masaya kayo.
2 Naisip kong huwag na munang pumunta riyan kung makapagdudulot lang naman ng kalungkutan ang pagdalaw ko sa inyo. 2 Kayo lang ang nagpapasaya sa akin. Ngunit kung magiging malungkot kayo nang dahil sa akin, papaano nʼyo pa ako mapapasaya? 3 Iyan ang dahilan kung bakit sumulat ako sa inyo noon. Ayaw kong sa pagpunta ko riyan ay maging malungkot ang mga taong dapat sanaʼy magpapaligaya sa akin. At naniniwala ako na ang kaligayahan ko ay kaligayahan din ninyong lahat. 4 Nang sumulat ako noon sa inyo, nabagabag ang aking kalooban. Nalungkot akoʼt lumuha. Sumulat ako sa inyo hindi dahil sa gusto ko kayong saktan kundi dahil gusto kong maipakita kung gaano ko kayo kamahal.
Patawarin ang Nagkasala
5 Ngayon, tungkol naman sa taong nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi lamang ako ang binigyan niya ng kalungkutan. Ayaw kong magmalabis, pero nagbigay din siya ng kalungkutan sa inyong lahat. 6 Pero sapat na ang kaparusahang ibinigay ninyo sa kanya. 7 Kaya patawarin na ninyo siya at patatagin, dahil baka maging labis ang kanyang hinagpis at tuluyang panghinaan ng loob. 8 Nakikiusap ako na ipakita ninyo sa kanya na mahal nʼyo pa rin siya. 9 At ito nga ang dahilan ng pagsulat ko sa inyo, dahil gusto kong malaman kung sinusunod ninyong mabuti ang lahat ng sinasabi ko sa inyo. 10 Kung pinatawad na ninyo ang taong nagkasala, pinatawad ko na rin siya. At kung nagpatawad man ako, saksi si Cristo na ginawa ko iyon alang-alang sa inyo. 11 Nararapat lamang na magpatawad tayo para hindi tayo madaig ni Satanas. Alam naman natin ang mga binabalak niyang masama.
Si Pablo sa Troas
12 Nang dumating ako sa Troas para ipangaral ang Magandang Balita tungkol kay Cristo, binigyan ako ng Panginoon ng magandang pagkakataon na magawa iyon. 13 Pero hindi ako mapalagay dahil hindi ko nakita roon ang kapatid nating si Tito. Kaya nagpaalam ako sa mga mananampalataya roon at pumunta sa Macedonia.
Tagumpay sa Pamamagitan ni Cristo
14 Salamat sa Dios dahil lagi siyang nasa unahan natin sa parada ng tagumpay. Ginagawa niya ito dahil tayo ay nakay Cristo. Saan man kami pumunta, ginagamit kami ng Dios para ipakilala si Cristo sa mga tao. At itong ipinapalaganap namin ay parang halimuyak ng pabango. 15 Para kaming mabangong handog na iniaalay ni Cristo sa Dios, at naaamoy ng mga taong naliligtas at ng napapahamak. 16 Sa mga napapahamak, para kaming nakamamatay na amoy; ngunit sa mga naliligtas, para kaming halimuyak na nagbibigay-buhay. Sino ang may kakayahang gampanan ang gawaing ito? 17 Hindi kami tulad ng marami riyan na ginagawang negosyo ang salita ng Dios para magkapera. Alam naming nakikita kami ng Dios, kaya bilang mga mananampalataya ni Cristo at sugo ng Dios, tapat naming ipinangangaral ang kanyang salita.
Ang Turo tungkol sa Galit
21 Sinabi pa ni Jesus, “Narinig ninyo na sinabi noong una sa ating mga ninuno, ‘Huwag kayong papatay,[a] dahil ang sinumang pumatay ay parurusahan.’ 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang may galit sa kanyang kapatid ay parurusahan din. At ang humamak sa kanyang kapatid at magsabi sa kanya, ‘Wala kang silbi!’ ay dadalhin sa mataas na hukuman. At ang sinumang magsabi ng ‘Ulol ka!’ sa kanyang kapatid ay mapupunta sa apoy ng impyerno. 23 Kaya kung nasa altar ka at nag-aalay ng iyong handog sa Dios, at maalala mong may hinanakit sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwanan mo muna ang handog mo sa harap ng altar. Makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid at saka ka bumalik at maghandog sa Dios.”
25 “Kapag may nagdedemanda sa iyo, makipag-ayos ka kaagad sa kanya habang papunta pa lang kayo sa hukuman. Dahil kapag nasa hukuman na kayo, ibibigay kayo ng hukom sa alagad ng batas upang ipabilanggo. 26 Tinitiyak ko sa iyo, hindi ka makakalabas ng bilangguan hanggaʼt hindi mo nababayaran ang kabuuan ng utang mo.”[b]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®