Book of Common Prayer
85 Panginoon, ikaw ay naging lingap sa iyong lupain: iyong ibinalik ang nangabihag ng Jacob.
2 Iyong pinatawad ang kasamaan ng iyong bayan, iyong tinakpan ang lahat nilang kasalanan, (Selah)
3 Iyong pinawi ang buong poot mo: iyong tinalikdan ang kabangisan ng iyong galit.
4 Ibalik mo kami, Oh Dios ng aming kaligtasan, at papaglikatin mo ang iyong galit sa amin.
5 Magagalit ka ba sa amin magpakailan man? Iyo bang ipagpapatuloy ang iyong galit sa lahat ng sali't saling lahi?
6 Hindi mo ba kami bubuhayin uli: upang ang iyong bayan ay magalak sa iyo?
7 Ipakita mo sa amin ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, at ipagkaloob mo sa amin ang iyong pagliligtas.
8 Aking pakikinggan kung ano ang sasalitain ng Dios na Panginoon: sapagka't siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kaniyang bayan at sa kaniyang mga banal: nguni't huwag silang manumbalik uli sa kaululan.
9 Tunay na ang kaniyang pagliligtas ay malapit sa kanila na nangatatakot sa kaniya; upang ang kaluwalhatian ay tumahan sa aming lupain.
10 Kaawaan at katotohanan ay nagsalubong; katuwiran at kapayapaan ay naghalikan.
11 Katotohanan ay bumubukal sa lupa; at ang katuwiran ay tumungo mula sa langit.
12 Oo, ibibigay ng Panginoon ang mabuti; at ang ating lupain ay maguunlad ng kaniyang bunga.
13 Katuwira'y mangunguna sa kaniya; at gagawing daan ang kaniyang mga bakas.
87 Ang kaniyang patibayan ay nasa mga banal na bundok.
2 Minahal ng Panginoon ang mga pintuang-bayan ng Sion, ng higit kay sa lahat na tahanan ng Jacob.
3 Maluwalhating mga bagay ang sinalita tungkol sa iyo, Oh bayan ng Dios. (Selah)
4 Aking babanggitin ang Rahab at ang Babilonia na kasama ng mga nakakakilala sa akin: narito, ang Filistia at ang Tiro, pati ng Etiopia; ang isang ito ay ipinanganak diyan.
5 Oo, tungkol sa Sion ay sasabihin, ang isang ito at ang isang yaon ay ipinanganak sa kaniya; at itatatag siya ng Kataastaasan.
6 Sasalaysayin ng Panginoon, pagka kaniyang isinulat ang mga bayan, ang isang ito ay ipinanganak diyan. (Selah)
7 Silang nagsisiawit na gaya ng nagsisisayaw ay mangagsasabi, lahat ng aking mga bukal ay nangasa iyo.
136 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
2 Oh mangagpasalamat kayo sa Dios ng mga dios: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
3 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
4 Sa kaniya na gumagawang magisa ng mga dakilang kababalaghan: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
5 Sa kaniya na gumawa ng mga langit sa pamamagitan ng unawa: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
6 Sa kaniya na naglalatag ng lupa sa ibabaw ng tubig: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
7 Sa kaniya na gumawa ng mga dakilang tanglaw; sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
8 Ng araw upang magpuno sa araw: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
9 Ng buwan at mga bituin upang magpuno sa gabi: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
10 Sa kaniya na sumakit sa Egipto sa kanilang mga panganay: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
11 At kinuha ang Israel sa kanila: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
12 Sa pamamagitan ng malakas na kamay, at ng unat na bisig: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
13 Sa kaniya na humawi ng Dagat na Mapula: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
14 At nagparaan sa Israel sa gitna niyaon: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
15 Nguni't tinabunan si Faraon at ang kaniyang hukbo sa Dagat na Mapula: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
16 Sa kaniya na pumatnubay ng kaniyang bayan sa ilang: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
17 Sa kaniya na sumakit sa mga dakilang hari: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
18 At pumatay sa mga bantog na hari: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
19 Kay Sehon na hari ng mga Amorrheo; sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
20 At kay Og na hari sa Basan: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
21 At ibinigay ang kanilang lupain na pinakamana. Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
22 Sa makatuwid baga'y pinakamana sa Israel na kaniyang lingkod: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
23 Na siyang umalaala sa atin sa ating mababang kalagayan: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
24 At iniligtas tayo sa ating mga kaaway: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
25 Siya'y nagbibigay ng pagkain sa lahat ng kinapal: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
26 Oh mangagpasalamat kayo sa Dios ng langit: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
3 Inalagaan nga ni Moises ang kawan ni Jethro na kaniyang biyanan, na saserdote sa Madian: at kaniyang pinatnubayan ang kawan sa likuran ng ilang, at napasa bundok ng Dios, sa Horeb.
2 At ang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya, sa isang ningas ng apoy na mula sa gitna ng isang mababang punong kahoy; at siya'y nagmasid, at, narito, ang kahoy ay nagniningas sa apoy, at ang kahoy ay hindi natutupok.
3 At sinabi ni Moises, Ako'y liliko ngayon, at titingnan ko itong dakilang panoorin, kung bakit ang kahoy ay hindi natutupok.
4 At nang makita ng Panginoon na panonoorin niya, ay tinawag siya ng Dios mula sa gitna ng mababang punong kahoy, at sinabi, Moises, Moises. At kaniyang sinabi, Narito ako.
5 At sinabi, Huwag kang lumapit dito, hubarin mo ang iyong panyapak sa iyong mga paa, sapagka't ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa.
6 Bukod dito ay sinabi, Ako ang Dios ng iyong ama ang Dios ni Abraham, ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob. At si Moises nga ay nagtakip ng kaniyang mukha; sapagka't siya'y natakot na tumingin sa Dios.
7 At sinabi ng Panginoon, Akin ngang nakita ang kadalamhatian ng aking bayan na nasa Egipto, at aking dininig ang kanilang daing dahil sa mga tagapagpaatag sa kanila; sapagka't talastas ko ang kanilang kapanglawan.
8 At ako'y bumaba upang iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio at upang sila'y isampa sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing yaon, sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot sa dako ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo at ng Jebuseo.
9 At ngayon narito, ang daing ng mga anak ni Israel ay umabot sa akin; saka aking nakita ang kapighatian na ipinipighati sa kanila ng mga Egipcio.
10 Halika nga ngayon, at ikaw ay aking susuguin kay Faraon, upang iyong ilabas sa Egipto ang aking bayan na mga anak ni Israel.
11 At sinabi ni Moises sa Dios, Sino ako, upang pumaroon kay Faraon, at upang ilabas sa Egipto ang mga anak ni Israel?
12 At kaniyang sinabi, Tunay na ako'y sasaiyo; at ito'y magiging tanda sa iyo, na ikaw ay aking sinugo: pagka iyong nailabas na sa Egipto ang bayan ay maglilingkod kayo sa Dios sa bundok na ito.
23 Sa pananampalataya, nang ipanganak si Moises, ay itinagong tatlong buwan ng kaniyang mga magulang, sapagka't kanilang nakitang maganda ang bata; at hindi sila natakot sa utos ng hari.
24 Sa pananampalataya, nang lumaki na si Moises, ay tumangging siya'y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon;
25 Na pinili pa ang siya'y tampalasanin na kasama ng bayan ng Dios, kay sa magtamo ng nagsisikupas na kaligayahan sa pagkakasala;
26 Na inaring malaking kayamanan ang kadustaan ni Cristo, kay sa mga kayamanan ng Egipto: sapagka't ang kaniyang tinititigan ay ang gantingpalang kabayaran.
27 Sa pananampalataya'y iniwan niya ang Egipto, na hindi natakot sa poot ng hari: sapagka't nagtitiyagang tulad sa nakakita niyaong di nakikita.
28 Sa pananampalataya'y itinatag niya ang paskua, at ang pagwiwisik ng dugo, upang ang manglilipol sa mga panganay ay huwag silang lipulin.
29 Sa pananampalataya'y nagsipagdaan sila sa gitna ng Dagat na Mapula na gaya ng sa lupang tuyo: na nang subuking gawin ito ng mga taga Egipto ay pawang nangalunod.
30 Sa pananampalataya'y nangalagpak ang mga kuta ng Jerico, pagkatapos na makubkob na pitong araw.
31 Sa pananampalataya'y hindi napahamak na kasama ng mga manunuway, ang patutot na si Rahab, na tumanggap na payapa sa mga tiktik.
6 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.
7 Kung ako'y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya'y inyong mangakikilala, at siya'y inyong nakita.
8 Sinabi sa kaniya ni Felipe, Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at sukat na ito sa amin.
9 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Malaon nang panahong ako'y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama?
10 Hindi ka baga nananampalataya na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.
11 Magsisampalataya kayo sa akin na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin: o kungdi kaya'y magsisampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa rin.
12 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sa akin ay sumasampalataya, ay gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin niya; sapagka't ako'y paroroon sa Ama.
13 At ang anomang inyong hingin sa aking pangalan, ay yaon ang aking gagawin, upang ang Ama ay lumuwalhati sa Anak.
14 Kung kayo'y magsisihingi ng anoman sa pangalan ko, ay yaon ang aking gagawin.
Public Domain