Book of Common Prayer
Dalangin para Tulungan ng Dios ang Bansa
80 O Pastol ng Israel, pakinggan nʼyo kami.
Kayo na nangunguna at pumapatnubay sa angkan ni Jose na parang mga tupa.
Kayo na nakaupo sa inyong trono sa gitna ng mga kerubin,
ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,
2 sa lahi ni Efraim, ni Benjamin at ni Manase.
Ipakita nʼyo po ang inyong kapangyarihan;
puntahan nʼyo kami para iligtas.
3 O Dios, ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
4 Panginoong Dios na Makapangyarihan,
hanggang kailan ang galit ninyo sa mga panalangin ng inyong mga mamamayan?
5 Pinuno nʼyo kami ng kalungkutan, at halos mainom na namin ang aming mga luha.
6 Pinabayaan nʼyong awayin kami ng mga kalapit naming bansa
at pinagtatawanan kami ng aming mga kaaway.
7 O Dios na Makapangyarihan,
ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
8 Katulad namin ay puno ng ubas,
na kinuha nʼyo sa Egipto at itinanim sa lupaing pinalayas ang mga nakatira.
9 Nilinis nʼyo ang lupaing ito at ang puno ng ubas ay nag-ugat
at lumaganap sa buong lupain.
10 Nalililiman ng mga sanga nito ang mga bundok at ang malalaking puno ng sedro.
11 Umabot ang kanyang mga sanga hanggang sa Dagat Mediteraneo at hanggang sa Ilog ng Eufrates.
12 Ngunit bakit nʼyo sinira, O Dios, ang bakod nito?
Kaya ninanakaw ng mga dumadaan ang mga bunga nito.
13 At kinain din ito ng mga baboy-ramo at iba pang hayop sa gubat.
14 O Dios na Makapangyarihan, bumalik na kayo sa amin.
Mula sa langit, kami ay inyong pagmasdan.
Alalahanin nʼyo ang inyong mga mamamayan,
15 na tulad ng puno ng ubas na inyong itinanim sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Alalahanin nʼyo kami na inyong mga anak na pinatatag nʼyo para sa inyong kapurihan.
16 O Dios, para kaming mga puno ng ubas na pinutol at sinunog.
Tiningnan nʼyo kami nang may galit, at nilipol.
17 Ngunit ngayon, tulungan nʼyo kami na inyong mga hinirang na maging malapit sa inyo at palakasin kami para sa inyong kapurihan,
18 at hindi na kami tatalikod sa inyo.
Ibalik sa amin ang mabuting kalagayan,
at sasambahin namin kayo.
19 O Panginoong Dios na Makapangyarihan,
ibalik nʼyo sa amin ang mabuting kalagayan!
Ipakita sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
Kagalakan sa Panahon ng Kahirapan
77 Tumawag ako nang malakas sa Dios.
Tumawag ako sa kanya upang akoʼy kanyang mapakinggan.
2 Sa panahon ng kahirapan, nananalangin ako sa Panginoon.
Pagsapit ng gabi nananalangin akong nakataas ang aking mga kamay, at hindi ako napapagod,
ngunit wala pa rin akong kaaliwan.
3 Kapag naaalala ko ang Dios,
napapadaing ako at para bang nawawalan na ng pag-asa.
4 Hindi niya ako pinatutulog,
hindi ko na alam ang aking sasabihin, dahil balisang-balisa ako.
5 Naaalala ko ang mga araw at taong lumipas.
6 Naaalala ko ang mga panahong umaawit ako[a] sa gabi.
Nagbubulay-bulay ako at tinatanong ang aking sarili:
7 “Habang buhay na ba akong itatakwil ng Panginoon?
Hindi na ba siya malulugod sa akin?
8 Nawala na ba talaga ang pag-ibig niya para sa akin?
Ang kanyang pangako ba ay hindi na niya tutuparin?
9 Nakalimutan na ba niyang maging maawain?
Dahil ba sa kanyang galit kaya nawala na ang kanyang habag?”
10 At sinabi ko, “Ang pinakamasakit para sa akin ay ang malamang hindi na tumutulong ang Kataas-taasang Dios.”
11 Panginoon, aalalahanin ko ang inyong mga gawa.
Gugunitain ko ang mga himalang ginawa nʼyo noon.
12 Iisipin ko at pagbubulay-bulayan ang lahat ng inyong mga dakilang gawa.
13 O Dios, ibang-iba ang inyong mga pamamaraan.
Wala nang ibang Dios na kasindakila ninyo.
14 Kayo ang Dios na gumagawa ng mga himala.
Ipinapakita nʼyo sa mga tao ang inyong kapangyarihan.
15 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan iniligtas nʼyo ang inyong mga mamamayan na mula sa lahi nina Jacob at Jose.
16 Ang mga tubig, O Dios ay naging parang mga taong natakot at nanginig nang makita kayo.
17 Mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan,
kumulog sa langit at kumidlat kung saan-saan.
18 Narinig ang kulog mula sa napakalakas na hangin;
ang mga kidlat ay nagbigay-liwanag sa mundo, at nayanig ang buong daigdig.
19 Tinawid nʼyo ang karagatang may malalaking alon,
ngunit kahit mga bakas ng paa nʼyo ay hindi nakita.
20 Sa pamamagitan nina Moises at Aaron,
pinatnubayan nʼyo ang inyong mga mamamayan na parang mga tupa.
Panalangin para sa Kalayaan ng Bansa
79 O Dios, sinalakay ng mga dayuhan ang lupaing pag-aari ninyo.
Nilapastangan nila ang inyong banal na templo at winasak ang Jerusalem.
2 Ipinakain nila sa mababangis na ibon at hayop ang bangkay ng inyong tapat na mga lingkod.
3 Ibinuhos nila ang dugo ng inyong mga mamamayan na parang tubig sa buong Jerusalem,
at wala ni isa mang natira sa kanila upang ilibing ang mga namatay.
4 Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan ng mga bansang nasa palibot namin.
5 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
Wala na ba itong katapusan?
Hanggang kailan mag-aapoy ang inyong panibugho?
6 Doon nʼyo ibuhos ang inyong galit,
sa mga bansa at kaharian na ayaw kumilala at sumamba sa inyo.
7 Dahil pinatay nila ang mga mamamayan[a] nʼyo at winasak ang kanilang mga lupain.
8 Huwag nʼyo kaming parusahan dahil sa kasalanan ng aming mga ninuno.
Sa halip ay iparating nʼyo agad ang inyong habag sa amin dahil kami ay lugmok na.
9 O Dios na aming Tagapagligtas, tulungan nʼyo kami,
para sa kapurihan ng inyong pangalan.
Iligtas nʼyo kami at patawarin sa aming mga kasalanan,
alang-alang sa inyong pangalan.
10 Huwag nʼyo pong hayaan na sabihin sa amin ng ibang mga bansa,
“Nasaan na ang inyong Dios?”
Habang kami ay nakatingin, ipaunawa nʼyo sa mga bansang ito na maghihiganti kayo sa kanila dahil sa pagpatay nila sa inyong mga lingkod.
11 Pakinggan nʼyo ang hinaing ng mga mamamayan nʼyo na binihag nila.
Nakatakda silang patayin kaya palayain nʼyo sila sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 O Panginoon, gantihan nʼyo ng pitong ulit ang mga kalapit naming bansa dahil sa ginawa nilang pangungutya sa inyo.
13 At kaming mga mamamayan, na inyong inaalagaan na gaya ng mga tupa sa inyong pastulan ay magpapasalamat sa inyo magpakailanman.
Purihin kayo ng walang hanggan.
4 Nang malaman ni Reyna Ester ang tungkol kay Mordecai sa pamamagitan ng mga alipin niyang babae at mga pinunong nangangalaga sa kanya, nalungkot siya. Pinadalhan niya ng damit si Mordecai para palitan ang kanyang suot na sako, pero hindi niya ito tinanggap. 5 Kaya ipinatawag ni Ester si Hatak. Isa siya sa mga pinuno ng hari na itinalagang mag-asikaso sa kanya. Pinapunta niya si Hatak kay Mordecai para alamin kung bakit siya nagkakaganoon.
6 Kaya pinuntahan naman ni Hatak si Mordecai sa plasa ng lungsod na nasa harap ng pintuan ng palasyo. 7 Sinabi sa kanya ni Mordecai ang lahat ng nangyari at kung magkano ang ipinangako ni Haman na ibibigay sa taguan ng kayamanan ng kaharian ng Susa, para patayin ang lahat ng Judio. 8 Binigyan siya ni Mordecai ng isang kopya ng kautusan ng hari na ipinagbigay-alam sa mga taga-Susa, para ipakita kay Ester. Sinabihan din niya si Hatak na sabihing lahat kay Ester ang lahat ng nangyari, at pakiusapan ito na pumunta sa hari upang magmakaawa para sa mga kalahi niya.
9 Bumalik si Hatak kay Ester at sinabi ang lahat ng sinabi ni Mordecai. 10 Pinabalik muli ni Ester si Hatak kay Mordecai at ipinasabi ang ganito. 11 “Alam ng lahat sa buong kaharian na ang sinumang lalapit sa hari sa loob ng kanyang bulwagan, lalaki man o babae na hindi ipinapatawag ay papatayin, maliban na lang kung ituturo ng hari ang kanyang gintong setro sa taong ito. At isang buwan na akong hindi ipinapatawag ng hari.”
12 Pagkatapos na masabi kay Mordecai ang ipinapasabi ni Ester, 13 ito naman ang ipinasabi niya kay Ester, “Huwag mong isiping ikaw lang sa lahat ng Judio ang makakaligtas dahil sa palasyo ka nakatira. 14 Sapagkat kahit na manahimik ka sa panahong ito, may ibang tutulong at magliligtas sa mga Judio, pero ikaw at ang mga kamag-anak mo ay mamamatay. Baka nga kaya ka ginawang reyna ay para mailigtas mo ang kapwa mo mga Judio.”
15 Ito naman ang ipinasabi ni Ester kay Mordecai, 16 “Humayo ka, tipunin mo ang lahat ng Judio na nandito sa Susa at mag-ayuno kayo para sa akin. Huwag kayong kumain o uminom sa loob ng tatlong araw. Ako at ang mga alipin kong babae ay mag-aayuno rin. At pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit na labag sa batas. At kung papatayin man ako, handa akong mamatay.”
17 Kaya umalis si Mordecai at ginawa niya ang ipinapagawa ni Ester.
Ang Pagpunta ni Pablo sa Corinto
18 Pagkatapos noon, umalis si Pablo sa Athens at pumunta sa Corinto. 2 Nakilala niya roon si Aquila na isang Judio na taga-Pontus, at ang asawa nitong si Priscila. Kararating lang nila galing sa Italia, dahil may utos si Emperador Claudius na ang lahat ng Judio ay dapat umalis sa Roma. Dinalaw ni Pablo ang mag-asawang ito sa kanilang bahay. 3 Pareho silang manggagawa ng tolda, kaya nakitira na siya sa kanila at nagtrabahong kasama nila. 4 Tuwing Araw ng Pamamahinga pumupunta si Pablo sa sambahan ng mga Judio para makipagdiskusyon, dahil gusto niyang sumampalataya ang mga Judio at mga Griego kay Cristo.
5 Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, ginamit ni Pablo ang buong panahon niya sa pangangaral ng salita ng Dios. Pinatunayan niya sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. 6 Pero kinontra nila si Pablo at pinagsabihan ng masama. Kaya ipinagpag ni Pablo ang alikabok sa kanyang damit bilang babala laban sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung parurusahan kayo ng Dios. Wala na akong pananagutan sa inyo. Simula ngayon, sa mga hindi Judio na ako mangangaral.” 7 Kaya iniwan niya ang mga Judio at doon siya nakituloy sa bahay ni Titius Justus. Ang taong ito ay hindi Judio, pero sumasamba sa Dios. Ang bahay niya ay nasa tabi mismo ng sambahan ng mga Judio. 8 Si Crispus na namumuno sa sambahan ng mga Judio at ang kanyang pamilya ay sumampalataya rin sa Panginoong Jesus; at marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo.
9 Isang gabi, nagpakita ang Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng pangitain at sinabi, “Huwag kang matakot. Ipagpatuloy mo ang pangangaral at huwag kang titigil, 10 dahil kasama mo ako. Marami akong tagasunod sa lungsod na ito, kaya walang mangangahas na manakit sa iyo.” 11 Kaya nanatili si Pablo sa Corinto sa loob ng isaʼt kalahating taon, at itinuro niya sa mga tao ang salita ng Dios.
Pasimula
1 1-3 Kagalang-galang na Teofilus:
Marami na ang sumulat tungkol sa mga nangyari rito sa atin. Isinulat nila ang tungkol kay Jesus, na isinalaysay din sa amin ng mga taong nangaral ng salita ng Dios at nakasaksi mismo sa mga pangyayari mula pa noong una. Pagkatapos kong suriing mabuti ang lahat ng ito mula sa simula, minabuti kong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa iyo, 4 upang lubusan mong matiyak na totoo ang mga aral na itinuro sa iyo.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
3 1-2 Noong ika-15 taon ng paghahari ni Emperador Tiberius, nagsalita ang Dios kay Juan na anak ni Zacarias doon sa ilang. Si Poncio Pilato ang gobernador noon ng Judea, si Herodes naman ang pinuno ng Galilea, at ang kapatid niyang si Felipe ang pinuno ng Iturea at Traconitis, at si Lisanias naman ang pinuno ng Abilenia. Ang mga punong pari noon ay sina Anas at Caifas. 3 At dahil sa sinabi ng Dios kay Juan, nilibot niya ang mga lugar sa magkabilang panig ng Ilog ng Jordan. Nangaral siya sa mga tao na kailangan nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magpabautismo, para patawarin sila ng Dios. 4 Sa ginawa niyang ito, natupad ang isinulat ni Propeta Isaias,
“Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang, na nagsasabi:
‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon,
tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan!
5 Tambakan ninyo ang mga mababang lugar,
at patagin ang mga bundok at burol.
Tuwirin ninyo ang liku-likong daan,
at ayusin ang mga baku-bakong daan.
6 At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Dios.’ ”[a]
7 Maraming tao ang pumunta kay Juan para magpabautismo. Sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ahas! Sino ang nagsabi sa inyo na makakatakas kayo sa darating na parusa ng Dios? 8 Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa. Huwag ninyong isipin na hindi kayo mapaparusahan dahil mula kayo sa lahi ni Abraham. Sapagkat tandaan ninyo: kahit ang mga batong itoʼy magagawa ng Dios na maging mga anak ni Abraham. 9 Ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol sa pagputol sa mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.”
10 Tinanong ng mga tao si Juan, “Ano ang dapat naming gawin?” 11 Sumagot siya, “Kung mayroon kayong dalawang damit, ibigay ninyo ang isa sa taong walang damit. At kung may pagkain kayo, bigyan ninyo ang walang makain.” 12 May mga dumating din na maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sinabi nila, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?” 13 Sumagot sa Juan, “Huwag kayong sumingil ng higit sa dapat singilin!” 14 May mga sundalo ring nagtanong sa kanya, “Kami naman po, ano ang dapat naming gawin?” At sinagot niya sila, “Huwag kayong mangingikil sa mga tao, at huwag kayong magpaparatang ng hindi totoo. Makontento kayo sa mga sahod ninyo!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®