Book of Common Prayer
Ang Panalangin ng Taong Nagtitiis
102 Panginoon, pakinggan nʼyo ang aking dalangin.
Ang paghingi ko sa inyo ng tulong ay inyong dinggin.
2 Sa oras ng aking paghihirap ay huwag sana kayong magtago sa akin.
Pakinggan nʼyo ako at agad na sagutin.
3 Dahil ang buhay koʼy unti-unti nang naglalaho tulad ng usok;
at ang katawan koʼy para nang sinusunog.
4 Akoʼy parang damong nalalanta na.
Wala na akong ganang kumain
5 dahil sa labis na pagdaing.
Parang butoʼt balat na lang ako.
6 Ang tulad koʼy mailap na ibon sa ilang,
at kuwago sa mga lugar na walang tao.
7 Hindi ako makatulog; akoʼy parang ibon na nag-iisa sa bubungan.
8 Palagi akong iniinsulto ng aking mga kaaway.
Ang mga kumukutya sa akin ay ginagamit ang aking pangalan sa pagsumpa.
9 Hindi ako kumakain;
umuupo na lang ako sa abo at umiiyak hanggang sa ang luha koʼy humalo sa aking inumin,
10 dahil sa tindi ng inyong galit sa akin;
dinampot nʼyo ako at itinapon.
11 Ang buhay koʼy nawawala na parang anino,
at nalalantang gaya ng damo.
12 Ngunit kayo Panginoon ay naghahari magpakailanman;
at hindi kayo makakalimutan sa lahat ng salinlahi.
13 Handa na kayong kahabagan ang Zion,
dahil dumating na ang takdang panahon na ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanya.
14 Sapagkat tunay na minamahal at pinagmamalasakitan pa rin ng inyong mga lingkod ang Zion,
kahit itoʼy gumuho na at nawasak.
15 At ang mga bansang hindi kumikilala sa Dios ay matatakot sa Panginoon.
At ang lahat ng hari sa mundo ay igagalang ang inyong kapangyarihan.
16 Dahil muling itatayo ng Panginoon ang Zion;
ipapakita niya ang kanyang kaluwalhatian doon.
17 Sasagutin niya ang panalangin ng mga naghihirap,
at hindi niya tatanggihan ang kanilang mga dalangin.
18 Isusulat ito para sa susunod na salinlahi,
upang sila rin ay magpuri sa Panginoon:
19 Mula sa kanyang banal na lugar sa langit,
tinitingnan ng Panginoon ang lahat sa mundo,
20 upang pakinggan ang daing ng kanyang mga mamamayan na binihag,
at palayain ang mga nakatakdang patayin.
21 At dahil dito mahahayag ang ginawa ng Panginoon sa Zion,
at siyaʼy papurihan sa lungsod ng Jerusalem
22 kapag nagtipon na ang mga tao mula sa mga bansa,
at mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.
23 Pinahina ng Panginoon ang aking katawan;
at ang buhay koʼy kanyang pinaikli.
24 Kaya sinabi ko,
“O aking Dios na buhay magpakailanman,
huwag nʼyo muna akong kunin sa kalagitnaan ng aking buhay.
25 Sa simula, kayo ang lumikha ng mundo at ng kalangitan.
26 Maglalaho ang mga ito, ngunit mananatili kayo magpakailanman.
Maluluma itong lahat tulad ng damit.
At gaya ng damit, itoʼy inyong papalitan.
27 Ngunit hindi kayo magbabago,
at mananatili kayong buhay magpakailanman.
28 Ang mga lahi ng inyong mga lingkod ay mamumuhay ng ligtas sa mga panganib at iingatan nʼyo sila.”
Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios
107 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.
2 Sabihin ninyo ito, kayo na iniligtas niya sa kamay ng mga kaaway.
3 Dahil tinipon niya kayo mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga.
4 May mga taong naglakbay sa ilang;
hindi nila makita ang daan papuntang lundsod na maaari nilang tirhan.
5 Silaʼy nagutom at nauhaw at halos mamatay na.
6 Sa kanilang kahirapan, tumawag sila sa Panginoon,
at iniligtas niya sila sa kagipitan.
7 At pinatnubayan niya sila papunta sa lungsod na matitirahan.
8 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
9 Dahil pinaiinom niya ang mga nauuhaw,
at pinakakain ang mga nagugutom.
10 May mga taong ibinilanggo at kinadenahan na nakaupo sa napakadilim na piitan.
11 Nabilanggo sila dahil nagrebelde sila sa mga sinabi ng Kataas-taasang Dios at hindi sumunod sa kanyang mga payo.
12 Kaya pinahirapan niya sila sa kanilang mabigat na trabaho.
Nabuwal sila ngunit walang sinumang sumaklolo.
13 Sa kanilang kagipitan, silaʼy tumawag sa Panginoon,
at silaʼy kanyang iniligtas.
14 Pinutol niya ang kanilang mga kadena
at silaʼy kinuha niya sa napakadilim na piitan.
15 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
16 Dahil giniba niya ang mga pintuang tanso
at binali ang mga rehas na bakal.
17 May mga naging hangal dahil sa kanilang likong pamumuhay,
at silaʼy naghirap dahil sa kanilang kasalanan.
18 Nawalan sila nang gana sa kahit anong pagkain at malapit nang mamatay.
19 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
at iniligtas niya sila.
20 Sa kanyang salita silaʼy nagsigaling
at iniligtas niya sila sa kamatayan.
21 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
22 Dapat silang mag-alay ng handog ng pasasalamat sa kanya
at ihayag ang kanyang mga ginawa nang may masayang pag-aawitan.
23 May mga taong sumakay sa mga barko at nagbiyahe sa karagatan, dahil ito ang kanilang hanapbuhay.
24 Nakita nila ang kahanga-hangang mga gawa ng Panginoon sa karagatan.
25 Sa utos ng Panginoon, ang hangin ay lumakas at lumaki ang mga alon.
26 Kaya pumapaitaas ang kanilang barko nang napakataas at pumapailalim.
At silaʼy nangatakot sa nagbabantang kapahamakan.
27 Silaʼy susuray-suray na parang mga lasing,
at hindi na alam kung ano ang gagawin.
28 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
at silaʼy iniligtas niya mula sa kapahamakan.
29 Pinatigil niya ang malakas na hangin at kumalma ang dagat.
30 At nang kumalma ang dagat, silaʼy nagalak,
at pinatnubayan sila ng Dios hanggang sa makarating sila sa nais nilang daungan.
31 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
32 Dapat nilang parangalan ang Dios sa kanilang pagtitipon,
at purihin siya sa pagtitipon ng mga namamahala sa kanila.
20 Ang asawa ni Samson ay ibinigay sa pangunahing abay sa kanilang kasal.
Ang Paghihiganti ni Samson sa mga Filisteo
15 Panahon ng tag-ani noon, dumalaw si Samson sa kanyang asawa na may dalang batang kambing. Sinabi ni Samson sa biyenan niyang lalaki, “Papasok po ako sa kwarto ng asawa ko.” Pero hindi pumayag ang biyenan niya. 2 Sinabi ng kanyang biyenan, “Akala ko kinasusuklaman mo na siya, kaya ibinigay ko siya sa kaibigan[a] mo. Kung gusto mo, nandiyan ang kapatid niyang mas maganda pa sa kanya. Siya na lang ang pakasalan mo.”
3 Sinabi ni Samson, “Sa ginawa nʼyong ito, huwag nʼyo akong sisisihin kapag may ginawa ako sa inyo, mga Filisteo.” 4 Kaya umalis si Samson at humuli ng 300 asong-gubat. Pinagbuhol-buhol niya ang buntot ng mga ito ng tig-dadalawa at nilagyan ng sulo. 5 Sinindihan niya ang mga sulo at pinakawalan ang mga asong-gubat sa mga trigo ng mga Filisteo. Nasunog ang lahat ng trigo, hindi lang ang nakatali kundi pati na rin ang aanihin pa. Nasunog din ang mga ubasan at mga taniman ng olibo.
6 Nagtanong ang mga Filisteo kung sino ang gumawa noon, at nalaman nilang si Samson. Nalaman din nilang ginawa iyon ni Samson dahil ipinakasal ng biyenan niyang taga-Timnah ang asawa niya sa isa niyang kaibigan.[b] Kaya hinanap ng mga Filisteo ang babae at ang kanyang ama at sinunog nila.
7 Sinabi ni Samson sa mga Filisteo, “Dahil sa ginawa nʼyong ito, hindi ako titigil hanggaʼt hindi ako nakakapaghiganti sa inyo.” 8 Kaya buong lakas na nilusob ni Samson ang mga Filisteo at marami ang napatay niya. Pagkatapos, tumakas siya at nagtago sa kweba, sa may bangin ng Etam.
9 Nagkampo ang mga Filisteo sa Juda, at nilusob nila ang bayan ng Lehi. 10 Kaya nagtanong sa kanila ang mga taga-Juda, “Bakit nilulusob nʼyo kami?” Sumagot sila, “Para dakpin si Samson at gantihan sa mga ginawa niya sa amin.” 11 Kaya ang 3,000 lalaki ng Juda ay pumunta sa kweba, sa may bangin ng Etam, at sinabi nila kay Samson, “Hindi mo ba naisip na sakop tayo ng mga Filisteo? Ngayon pati kami ay nadamay sa ginawa mo.” Sumagot si Samson, “Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin.” 12 Sinabi nila, “Pumunta kami rito para dakpin ka at ibigay sa mga Filisteo.” Sumagot si Samson, “Payag ako, basta mangako kayo sa akin na hindi nʼyo ako papatayin.” 13 Sinabi nila, “Oo, hindi ka namin papatayin. Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila.” Kaya iginapos nila siya ng dalawang bagong lubid at dinala palabas sa kweba.
14 Pagdating nila sa Lehi, sinalubong sila ng mga Filisteo na sumisigaw sa pagtatagumpay. Pinalakas ng kapangyarihan ng Espiritu ng Panginoon si Samson, at pinagputol-putol niya ang lubid na parang sinulid lang. 15 Pagkatapos, may nakita siyang panga ng asnong kamamatay pa lang. Kinuha niya ito at ginamit sa pagpatay sa 1,000 Filisteo. 16 Sinabi ni Samson,
“Sa pamamagitan ng panga ng asno,
pinatay ko ang 1,000 tao.
Sa pamamagitan ng panga ng asno,
itinumpok ko sila.”
17 Pagkatapos niyang magsalita, itinapon niya ang panga ng asno. Ang lugar na iyon ay tinawag na Ramat Lehi.[c]
18 Labis ang pagkauhaw ni Samson. Kaya tumawag siya sa Panginoon. Sinabi niya, “Pinagtagumpay nʼyo po ako, pero ngayon parang mamamatay na ako sa uhaw at mabibihag ng mga Filisteo na hindi nakakakilala sa inyo.”[d] 19 Kaya pinalabas ng Dios ang tubig sa may butas ng lupa sa Lehi. Uminom si Samson at bumalik ang kanyang lakas. Ang bukal na itoʼy tinatawag na En Hakore.[e] Naroon pa ito sa Lehi hanggang ngayon.
20 Pinamunuan ni Samson ang mga Israelita sa loob ng 20 taon. Nang panahong iyon, sakop pa rin ng mga Filisteo ang kanilang lupain.
17 “Nang malapit nang matupad ang pangako ng Dios kay Abraham, lalo pang dumami ang ating mga ninuno na naroon sa Egipto. 18 Dumating din ang araw na nagkaroon ng bagong hari ang Egipto na hindi kilala si Jose. 19 Dinaya ng haring ito ang ating mga ninuno at pinagmalupitan. Pinilit niya silang itapon ang kanilang sanggol para mamatay. 20 Iyon din ang panahon nang isilang si Moises, isang bata na kinalugdan ng Dios. Inalagaan siya ng kanyang mga magulang sa kanilang bahay sa loob ng tatlong buwan. 21 At nang napilitan na silang iwan siya, kinuha siya ng anak na babae ng Faraon at inalagaan na parang tunay niyang anak. 22 Tinuruan si Moises ng lahat ng karunungan ng Egipto, at naging dakila sa salita at sa gawa.
23 “Nang si Moises ay 40 taon na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita. 24 Nakita niya na pinagmamalupitan ng isang Egipcio ang isa niyang kababayan. Ipinagtanggol niya ito, at bilang paghihiganti, pinatay niya ang Egipcio. 25 Sa ginawa niyang iyon inakala niya na mauunawaan ng mga Israelita na siya ang gagamitin ng Dios sa pagpapalaya sa kanila. Pero hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, bumalik si Moises at nakita niya ang dalawang Israelitang nag-aaway. Gusto niyang pagkasunduin ang dalawa, kaya sinabi niya sa kanila, ‘Pareho kayong mga Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ 27 Pero itinulak siya ng lalaking nang-aapi at sinabi, ‘Sino ang nagtalaga sa iyo para maging pinuno at hukom namin? 28 Ano, papatayin mo rin ba ako tulad ng ginawa mo roon sa Egipcio kahapon?’ 29 Nang marinig ito ni Moises, tumakas siya at pumunta sa Midian. Doon siya nanirahan at nag-asawa, at doon din isinilang ang dalawa niyang anak na lalaki.
Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Isang Opisyal
43 Pagkatapos ng dalawang araw na pamamalagi roon ni Jesus, umalis siya papuntang Galilea. 44 (Si Jesus mismo ang nagsabi na ang isang propeta ay hindi iginagalang sa sarili niyang bayan.) 45 Nang dumating siya sa Galilea, malugod siyang tinanggap ng mga tao, dahil naroon sila sa Jerusalem noong Pista ng Paglampas ng Anghel at nakita nila ang lahat ng ginawa niya roon.
46 Muling bumalik si Jesus sa bayan ng Cana sa Galilea kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Doon ay may isang opisyal ng pamahalaan na ang anak na lalaki ay may sakit at nasa Capernaum. 47 Nang mabalitaan niyang bumalik si Jesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito. Nakiusap siya kay Jesus na pumunta sa Capernaum at pagalingin ang anak niyang nag-aagaw-buhay. 48 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hanggaʼt hindi kayo nakakakita ng mga himala at kababalaghan, hindi kayo maniniwala sa akin.” 49 Sumagot ang opisyal, “Sumama na po kayo sa akin bago mamatay ang anak ko.” 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pwede ka nang umuwi. Magaling na ang anak mo.” Naniwala ang opisyal sa sinabi ni Jesus at umuwi siya. 51 Habang nasa daan pa lang ay sinalubong na siya ng mga alipin niya at sinabi sa kanya na magaling na ang anak niya. 52 Kaya tinanong niya kung anong oras ito gumaling. Sumagot sila, “Kahapon po ng mga ala-una ng hapon ay nawala na ang lagnat niya.” 53 Naalala ng opisyal na nang oras ding iyon ay sinabi sa kanya ni Jesus na magaling na ang anak niya. Kaya siya at ang buong pamilya niya ay sumampalataya kay Jesus.
54 Ito ang ikalawang himala na ginawa ni Jesus sa Galilea pagkagaling niya sa Judea.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®