Book of Common Prayer
Panawagan sa Lahat para Purihin ang Panginoon
148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga nasa langit.
2 Purihin ninyo siya, kayong lahat ng kanyang anghel na hukbo niya sa langit.
3 Purihin ninyo siya, araw, buwan at mga bituin.
4 Purihin ninyo siya, pinakamataas na langit at tubig sa kalawakan.
5 Lahat ng nilalang ay magpuri sa Panginoon!
Sa kanyang utos silang lahat ay nalikha.
6 Inilagay niya sila sa kanilang kinalalagyan,
at mananatili roon magpakailanman, ayon sa kanyang utos sa kanila.
7 Purihin ang Panginoon, kayong nasa mundo, malalaking hayop sa karagatan, at lahat ng nasa kailaliman ng dagat,
8 mga kidlat at ulan na yelo, niyebe, mga ulap, at malalakas na hangin na sumusunod sa kanyang utos,
9 mga bundok, mga burol, mga punongkahoy na namumunga o hindi[a],
10 lahat ng mga hayop, maamo o mailap, mga hayop na gumagapang at lumilipad.
11 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga hari, mga pinuno, mga tagapamahala, at lahat ng tao sa mundo,
12 mga kabataan, matatanda at mga bata.
13 Lahat ay magpuri sa Panginoon, dahil siyaʼy dakila sa lahat,
at ang kanyang kapangyarihan ay higit pa sa lahat ng nasa langit at lupa.
14 Pinalalakas niya at pinararangalan ang kanyang mga tapat na mamamayan, ang Israel na kanyang pinakamamahal.
Purihin ang Panginoon!
Awit ng Pagpupuri
149 Purihin ang Panginoon!
Umawit kayo ng bagong awit sa Panginoon.
Purihin nʼyo siya sa pagtitipon ng kanyang tapat na mga mamamayan.
2 Magalak ang mga taga-Israel sa kanilang Manlilikha.
Magalak ang mga taga-Zion sa kanilang Hari.
3 Magpuri sila sa kanya sa pamamagitan ng pagsasayaw;
at tumugtog sila ng tamburin at alpa sa pagpupuri sa kanya.
4 Dahil ang Panginoon ay nalulugod sa kanyang mga mamamayan;
pinararangalan niya ang mga mapagpakumbaba sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tagumpay.
5 Magalak ang mga tapat sa Dios dahil sa kanilang tagumpay;
umawit sila sa tuwa kahit sa kanilang mga higaan.
6 Sumigaw sila ng pagpupuri sa Dios habang hawak ang matalim na espada,
7 para maghiganti at magparusa sa mamamayan ng mga bansa,
8 para ikadena ang kanilang mga hari at mga pinuno,
9 at parusahan sila ayon sa utos ng Dios.
Itoʼy para sa kapurihan ng mga tapat na mamamayan ng Dios.
Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Panginoon
150 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo ang Dios sa kanyang templo.
Purihin nʼyo siya sa langit, ang kanyang matibay na tirahan.
2 Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang dakilang mga ginagawa.
Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang kapangyarihang walang kapantay.
3 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga trumpeta!
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga alpa at lira!
4 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga tamburin at mga sayaw.
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga instrumentong may kwerdas at mga plauta.
5 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga matutunog na mga pompyang.
6 Ang lahat ng may buhay ay magpuri sa Panginoon.
Purihin ninyo ang Panginoon!
Awit tungkol sa Paglabas ng mga Israelita sa Egipto
114 Nakatira noon ang mga taga-Israel na lahi ni Jacob sa Egipto,
na kung saan iba ang wika ng mga tao.
2 Nang papalabas na sila sa Egipto, ginawa ng Dios na banal na lugar ang Juda,
at ang Israel ay kanyang pinamunuan.
3 Ang Dagat na Pula ay nahawi at ang Ilog ng Jordan ay tumigil sa pag-agos.
4 Nayanig ang mga bundok at burol,
na parang mga lumulundag na kambing at mga tupa.
5 Bakit nahawi ang Dagat na Pula,
at tumigil sa kanyang pag-agos ang Ilog ng Jordan?
6 Bakit nayayanig ang mga bundok at mga burol,
na parang lumulundag na mga kambing at tupa?
7 Nayayanig ang mundo sa presensya ng Panginoong Dios ni Jacob,
8 na siyang gumawa sa matigas na bato upang maging imbakan ng tubig at naging bukal na umaagos.
Iisa ang Tunay na Dios
115 Panginoon, hindi kami ang dapat na parangalan,
kundi kayo, dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
2 Bakit kami kinukutya ng ibang bansa at sinasabi nilang,
“Nasaan na ang inyong Dios?”
3 Ang aming Dios ay nasa langit,
at ginagawa niya ang kanyang nais.
4 Ngunit ang kanilang mga dios ay yari sa pilak at ginto na gawa lang ng tao.
5 May bibig sila, ngunit hindi nakakapagsalita;
may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
6 May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig;
may ilong, ngunit hindi nakakaamoy.
7 May mga kamay, ngunit hindi nakakahawak;
may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
at kahit munting tinig ay wala kang marinig.
8 Ang mga gumawa ng mga dios-diosan at nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito.
9-10 Kayong mga mamamayan ng Israel at kayong mga angkan ni Aaron,
magtiwala kayo sa Panginoon.
Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
11 Kayong mga may takot sa Panginoon,
magtiwala kayo sa kanya.
Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
12 Hindi tayo kinakalimutan ng Panginoon,
pagpapalain niya ang mga mamamayan ng Israel at ang mga angkan ni Aaron.
13 Pagpapalain niya ang lahat ng may takot sa kanya, dakila man o aba.
14 Paramihin sana kayo ng Panginoon,
kayo at ang inyong mga angkan.
15 Sanaʼy pagpalain kayo ng Panginoon na lumikha ng langit at ng lupa.
16 Ang kalangitan ay sa Panginoon, ngunit ang mundo ay ipinagkatiwala niya sa mga tao.
17 Ang mga patay ay hindi na makakapagpuri sa Panginoon, dahil sila ay nananahimik na.
18 Tayong mga buhay ang dapat magpuri sa Panginoon ngayon at magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
Ang Paghahanda sa Pag-agaw ng Canaan
1 Nang mamatay na si Moises na lingkod ng Panginoon, sinabi ng Panginoon sa kanang-kamay ni Moises na si Josue na anak ni Nun, 2 “Patay na ang lingkod kong si Moises. Kaya ngayon, maghanda kayo, ikaw at ang lahat ng Israelita, sa pagtawid sa Ilog ng Jordan papunta sa lupaing ibibigay ko sa inyo. 3 Ayon sa ipinangako ko kay Moises, ibibigay ko sa inyo ang lahat ng lupaing mararating ninyo. 4 Ito ang magiging teritoryo nʼyo: mula sa disyerto sa timog hanggang sa kabundukan ng Lebanon sa hilaga, at mula sa malaking Ilog ng Eufrates sa silangan, hanggang sa Dagat ng Mediteraneo sa kanluran, at ang lupain ng mga Heteo.
5 “Walang makakatalo sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagsama ko kay Moises. Hindi kita iiwan o kayaʼy pababayaan. 6 Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang mamumuno sa mga taong ito para angkinin ang lupaing ipinangako ko sa mga ninuno nila. 7 Bastaʼt magpakatatag ka lang at magpakatapang. Sundin mong mabuti ang lahat ng kautusan na ibinigay sa iyo ng lingkod kong si Moises. Huwag mo itong kalilimutan para magtagumpay ka sa lahat ng ginagawa mo. 8 Huwag mong kalimutang basahin ang Aklat ng Kautusan. Pagbulay-bulayan mo ito araw at gabi para malaman mo kung paano mo matutupad nang mabuti ang lahat ng nakasulat dito. Kung gagawin mo ito, uunlad ka at magtatagumpay. 9 Alalahanin mo palagi ang bilin ko sa iyo: Magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manghina, dahil ako, ang Panginoon na iyong Dios, ay sasaiyo kahit saan ka pumaroon.”
10 Kaya, inutusan ni Josue ang mga pinuno ng Israel, 11 “Libutin ninyo ang kampo at sabihin ninyo sa mga tao na maghanda sila ng mga pagkain nila dahil sa ikatlong araw mula ngayon, tatawid tayo sa Ilog ng Jordan para angkinin ang lupaing ibinigay sa atin ng Panginoon na ating Dios.”
12 At sinabi ni Josue sa mga lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase, 13 “Alalahanin nʼyo ang sinabi sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon. Sinabi niya na bibigyan kayo ng Panginoon na inyong Dios ng lugar na matitirhan na may kapahingahan. At ito na nga ang lupaing ibinigay niya sa inyo: 14 Ang silangang bahagi ng Ilog ng Jordan. Mananatili rito ang mga asawa, mga anak at mga hayop ninyo. Pero dapat mauna ang mga sundalo sa pagtawid sa Jordan para tulungan ang mga kapatid ninyo, 15 hanggang sa masakop nila ang lupaing ibinigay sa kanila ng Panginoon na ating Dios. Pagkatapos, maaari na kayong bumalik dito sa silangang bahagi ng Jordan, para angkinin ang lupaing ito na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod niya.”
16 Sumagot sila kay Josue, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi nʼyo, at pupunta kami kahit saan nʼyo kami ipadala. 17 Susunod kami sa inyo gaya ng pagsunod namin kay Moises. Samahan nawa kayo ng Panginoon na inyong Dios gaya ng pagsama niya kay Moises. 18 Papatayin ang sinumang lalabag sa pamumuno at utos ninyo. Kaya magpakatatag po kayo at magpakatapang!”
3 Natanaw namin ang isla ng Cyprus, pero hindi kami pumunta roon kundi dumaan kami sa gawing kanan at tumuloy sa Syria. Dumaong kami sa bayan ng Tyre, dahil nagbaba roon ng kargamento ang barko. 4 Hinanap namin doon ang mga tagasunod ni Jesus, at nakituloy kami sa kanila sa loob ng isang linggo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, binalaan nila si Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. 5 Pero pagkaraan ng isang linggo, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay. Lahat sila, pati ang kanilang mga asawaʼt anak ay naghatid sa amin sa labas ng lungsod. Lumuhod kaming lahat sa dalampasigan at nanalangin. 6 Nang makapagpaalam na kami sa kanila, sumakay kami sa barko at umuwi naman sila.
7 Mula sa Tyre, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay papuntang Tolemais. Pagdating namin doon, nakipagkita kami sa mga kapatid at tumigil kami sa kanila ng isang araw. 8 Pagkatapos, pumunta naman kami sa Cesarea. Pagdating namin doon, pumunta kami sa bahay ni Felipe na tagapangaral ng Magandang Balita, at doon kami nakituloy. Si Felipe ay isa sa mga pitong lalaking hinirang noon sa Jerusalem na tumulong sa mga apostol. 9 Apat ang kanyang anak na dalaga na pawang mga propeta. 10 Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang propetang si Agabus mula sa Judea. 11 Pinuntahan niya kami at kinuha ang sinturon ni Pablo, at itinali sa kanyang mga paa at mga kamay. At sinabi niya, “Ayon sa Banal na Espiritu, ganito ang gagawin ng mga Judio sa Jerusalem sa may-ari ng sinturong ito, at siyaʼy ibibigay nila sa mga hindi Judio.” 12 Nang marinig namin ito, kami at ang mga kapatid doon ay humiling kay Pablo na huwag nang pumunta sa Jerusalem. 13 Pero sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinahihina lamang ninyo ang loob ko. Nakahanda akong magpagapos at kahit mamatay pa sa Jerusalem para sa Panginoong Jesus.” 14 Hindi talaga namin mapigilan si Pablo, kaya sinabi na lang namin, “Matupad sana ang kalooban ng Panginoon.”
Dumating si Pablo sa Jerusalem
15 Makaraan ang ilang araw, naghanda kami at umalis papuntang Jerusalem.
Ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu(A)
21 Pumunta sina Jesus sa Capernaum. Nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio at doon ay nangaral si Jesus. 22 Namangha ang mga tao sa mga aral niya, dahil nangangaral siya nang may awtoridad, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.
23 May isang tao roon na sinasaniban ng masamang espiritu ang biglang nagsisigaw: 24 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na sugo ng Dios!” 25 Pero sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” 26 Pinangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumigaw siya habang lumalabas. 27 Namangha ang lahat ng naroon, at sinabi nila sa isaʼt isa, “Ano ito? Isang bagong aral na may kapangyarihan! Pati ang masasamang espiritu ay nauutusan niya at sumusunod sila!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®