Book of Common Prayer
Ang Panaghoy ng mga Taga-Israel nang Silaʼy Nabihag
137 Nang maalala namin ang Zion, umupo kami sa pampang ng mga ilog ng Babilonia at umiyak.
2 Isinabit na lang namin ang aming mga alpa sa mga sanga ng kahoy.
3 Pinaaawit kami ng mga bumihag sa amin.
Inuutusan nila kaming sila ay aliwin.
Ang sabi nila,
“Awitan ninyo kami ng mga awit tungkol sa Zion!”
4 Ngunit paano kami makakaawit ng awit ng Panginoon sa lupain ng mga bumihag sa amin?
5 Sanaʼy hindi na gumalaw ang kanan kong kamay kung kalilimutan ko ang Jerusalem!
6 Sanaʼy maging pipi ako kung hindi ko aalalahanin at ituturing na malaking kasiyahan ang Jerusalem.
7 Panginoon, alalahanin nʼyo ang ginawa ng mga taga-Edom nang lupigin ng Babilonia ang Jerusalem.
Sinabi nila,
“Sirain ninyo ito at wasakin nang lubos!”
8 Kayong mga taga-Babilonia, kayoʼy wawasakin!
Mapalad ang mga taong lilipol sa inyo gaya ng ginawa ninyong paglipol sa amin.
9 Mapalad silang kukuha ng inyong mga sanggol,
at ihahampas sa mga bato.
Pasasalamat ng Hari sa Dios Dahil sa Tagumpay
144 Purihin ang Panginoon na aking batong kanlungan.
Siya na nagsasanay sa akin sa pakikipaglaban.
2 Siya ang aking Dios na mapagmahal at matibay na kanlungan.
Siya ang kumakanlong sa akin kaya sa kanya ako humihingi ng kalinga.
Ipinasakop niya sa akin ang mga bansa.
3 Panginoon, ano ba ang tao para pagmalasakitan nʼyo?
Tao lang naman siya, bakit nʼyo siya iniisip?
4 Ang tulad niyaʼy simoy ng hanging dumadaan,
at ang kanyang mga araw ay parang anino na mabilis mawala.
5 Panginoon, buksan nʼyo ang langit at bumaba kayo.
Hipuin nʼyo ang mga bundok upang magsiusok.
6 Gamitin nʼyong parang pana ang mga kidlat, upang magsitakas at mangalat ang aking mga kaaway.
7 Mula sa langit, abutin nʼyo ako at iligtas sa kapangyarihan ng aking mga kaaway na mula sa ibang bansa, na parang malakas na agos ng tubig.
8 Silaʼy mga sinungaling, sumusumpa silang magsasabi ng katotohanan, ngunit silaʼy nagsisinungaling.
9 O Dios, aawitan kita ng bagong awit na sinasabayan ng alpa.
10 Kayo ang nagbigay ng tagumpay sa mga hari at nagligtas sa inyong lingkod na si David mula sa kamatayan.
11 Iligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng mga dayuhang kaaway, na hindi nagsasabi ng totoo. Silaʼy sumusumpang magsasabi ng katotohanan ngunit silaʼy nagsisinungaling.
12 Sana habang bata pa ang aming mga anak na lalaki ay maging katulad sila ng tanim na tumutubong matibay,
at sana ang aming mga anak na babae ay maging tulad ng naggagandahang haligi ng palasyo.
13 Sanaʼy mapuno ng lahat ng uri ng ani ang aming mga bodega.
Dumami sana ng libu-libo ang aming mga tupa sa pastulan,
14 at dumami rin sana ang maikargang produkto ng aming mga baka.
Hindi na sana kami salakayin at bihagin ng mga kaaway.
Wala na rin sanang iyakan sa aming mga lansangan dahil sa kalungkutan.
15 Mapalad ang mga taong ganito ang kalagayan.
Mapalad ang mga taong ang Dios ang kanilang Panginoon.
Papuri sa Dios na Lumikha
104 Pupurihin ko ang Panginoon!
Panginoon kong Dios, kayo ay dakila sa lahat.
Nadadamitan kayo ng kadakilaan at karangalan.
2 Nababalutan kayo ng liwanag na parang inyong damit.
At inilaladlad nʼyo na parang tolda ang langit.
3 Itinayo nʼyo ang inyong tahanan sa itaas pa ng kalawakan.
Ginawa nʼyo ang mga alapaap na inyong sasakyan,
at inililipad ng hangin habang kayoʼy nakasakay.
4 Ginagawa nʼyong tagapaghatid ng balita ang hangin,
at ang kidlat na inyong utusan.
5 Inilagay nʼyo ang mundo sa matibay na pundasyon,
kaya hindi ito matitinag magpakailanman.
6 Ang tubig ay ginawa nʼyong parang tela na ipinambalot sa mundo,
at umapaw hanggang sa kabundukan.
7 Sa inyong pagsaway na parang kulog, nahawi ang tubig,
8 at itoʼy umagos sa mga kabundukan at mga kapatagan,
hanggang sa mga lugar na inyong inilaan na dapat nitong kalagyan.
9 Nilagyan nʼyo ito ng hangganan, upang hindi umapaw ang tubig,
para hindi na muling matabunan ang mundo.
10 Lumikha ka ng mga bukal sa mga lambak,
at umagos ang tubig sa pagitan ng mga bundok.
11 Kaya lahat ng mga hayop sa gubat,
pati mga asnong-gubat ay may tubig na maiinom.
12 At malapit sa tubig, may mga pugad ang mga ibon, at sa mga sanga ng punongkahoy silaʼy nagsisiawit.
13 Mula sa langit na inyong luklukan, ang bundok ay inyong pinapaulanan.
At dahil sa inyong ginawa, tumatanggap ang mundo ng pagpapala.
14 Pinatutubo nʼyo ang mga damo para sa mga hayop,
at ang mga tanim ay para sa mga tao
upang silaʼy may maani at makain –
15 may alak na maiinom na magpapasaya sa kanila,
may langis na pampakinis ng mukha,
at may tinapay na makapagpapalakas sa kanila.
16 Nadidiligang mabuti ang inyong mga punongkahoy,
ang puno ng sedro sa Lebanon na kayo rin ang nagtanim.
17 Doon nagpupugad ang mga ibon,
at ang mga tagak ay tumatahan sa mga puno ng abeto.
18 Ang kambing-gubat ay nakatira sa matataas na kabundukan.
Ang mga hayop na badyer[a] ay naninirahan sa mababatong lugar.
19 Nilikha nʼyo ang buwan bilang tanda ng panahon;
at ang araw namaʼy lumulubog sa oras na inyong itinakda.
20 Nilikha nʼyo ang kadiliman na tinawag na gabi;
at kung gabiʼy gumagala ang maraming hayop sa kagubatan.
21 Umaatungal ang mga leon habang naghahanap ng kanilang makakain na sa inyo nagmumula.
22 At pagsapit ng umaga, bumabalik sila sa kanilang mga lungga,
at doon nagpapahinga.
23 Ang mga tao naman ay lumalabas papunta sa kanilang gawain, at nagtatrabaho hanggang takip-silim.
24 Kay dami ng inyong mga ginawa, Panginoon.
Nilikha nʼyo ang lahat ayon sa inyong karunungan.
Ang buong mundo ay puno ng inyong nilikha.
25 Ang dagat ay napakalawak,
at hindi mabilang ang inyong mga nilalang dito, may malalaki at maliliit.
26 Ang mga barko ay parooʼt parito sa karagatan,
at doon din lumalangoy-langoy ang nilikha nʼyong dragon na Leviatan.
27 Lahat ng inyong nilikha ay umaasa sa inyo ng kanilang pagkain, sa oras na kanilang kailanganin.
28 Binibigyan nʼyo sila ng pagkain at kinakain nila ito,
at silaʼy nabubusog.
29 Ngunit kung pababayaan nʼyo sila, matatakot sila;
at kapag binawi nʼyo ang kanilang buhay, silaʼy mamamatay at babalik sa lupa.
30 Nalilikha sila kapag binigyan mo ng hininga,
at sa ganoong paraan, binibigyan nʼyo ng bagong nilalang ang mundo.
31 Panginoon, sana ay magpatuloy ang inyong kaluwalhatian magpakailanman.
Sanaʼy magalak kayo sa lahat ng inyong nilikha.
32 Nayayanig ang mundo kapag inyong tinitingnan.
Kapag hinipo nʼyo ang bundok, itoʼy umuusok.
33 Aawit ako sa Panginoon habang nabubuhay.
Aawit ako ng papuri sa aking Dios habang may hininga.
34 Sanaʼy matuwa siya sa aking pagbubulay-bulay.
Akoʼy magagalak sa Panginoon.
35 Lipulin sana ang masasama, at ang mga makasalanan sa mundo ay tuluyan nang mawala.
Pupurihin ko ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!
12 Sumagot si Balaam kay Balak, “Hindi baʼt sinabihan ko ang iyong mga mensahero, 13 na kahit ibigay mo pa sa akin ang iyong palasyong puno ng pilak at ginto, hindi ako makakagawa ng sarili kong kagustuhan, masama man ito o mabuti. Kung ano ang sinasabi ng Panginoon sa akin, iyon lang ang aking sasabihin. 14 Uuwi ako ngayon din sa aking mga kababayan, pero bago ako umalis, paaalalahanan muna kita kung ano ang gagawin ng mga Israelitang ito sa iyong mga mamamayan balang araw.”
Ang Ikaapat na Mensahe ni Balaam
15 Pagkatapos, sinabi ni Balaam ang mensaheng ito: “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa.[a] 16 Narinig ko ang salita ng Kataas-taasang Dios, at nakakita ako ng pangitain mula sa Makapangyarihang Dios. Nagpatirapa ako sa kanya at nagpahayag siya sa akin.[b] Ito ang aking mensahe:
17 “May nakita ako sa aking pangitain na hindi pa nangyayari. Sa hinaharap, mamamahala ang isang hari[c] sa Israel mula sa lahi ni Jacob. Ibabagsak niya ang mga Moabita at ang lahat ng lahi ni Set. 18 Sasakupin niya ang Edom na kanyang kaaway, na tinatawag din na Seir, habang tumatatag ang Israel. 19 Mamumuno ang isang pinuno sa Israel[d] at ibabagsak niya ang mga natirang buhay sa lungsod ng Moab.”
Ang Huling Mensahe ni Balaam
20 Pagkatapos, nakita ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Amalekita at sinabi niya, “Ang Amalek noon ang nangunguna sa mga bansa, pero sa huli, babagsak ito.”
21 Pagkatapos, nakita na naman ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Keneo at sinabi niya, “Matatag ang inyong tinitirhan, dahil nakapatong ito sa mga bato 22 pero babagsak kayo kapag binihag kayo ng Asiria.”
23 At sinabi pa ni Balaam ang mensaheng ito, “Kahabag-habag, sino ba ang mabubuhay kung gagawin ito ng Dios? 24 Darating ang mga barko mula sa Kitim at sasakupin nila ang mga mamamayan ng Asiria at ng Eber, pero babagsak din ang Kitim.”
25 Pagkatapos, umuwi si Balaam at ganoon din si Balak.
Ang Napakagandang Kalagayan sa Hinaharap
18 Para sa akin, ang mga paghihirap sa buhay na ito ay hindi maihahambing sa napakagandang kalagayan na mapapasaatin balang araw. 19 Maging ang buong nilikha ay sabik na naghihintay na ihayag ng Dios ang mga anak niya. 20 Sapagkat ang lahat ng nilikha ng Dios ay hindi nakaabot sa layuning para sa kanila. Nangyari ito hindi dahil sa gusto nila, kundi dahil ito ang gusto ng Dios. Pero may pag-asa pa, 21 dahil palalayain din niya ang buong nilikha mula sa kabulukang umaalipin dito, at makakasama rin sa napakagandang kalagayan ng mga anak ng Dios. 22 Alam natin na hanggang ngayon, ang buong nilikha ay naghihirap at dumaraing tulad ng isang babaeng manganganak na. 23 At hindi lamang ang buong nilikha, kundi pati tayong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na siyang unang kaloob ng Dios ay dumaraing din habang naghihintay tayo na matubos ang ating mga katawan at mahayag ang ganap na katayuan natin bilang mga anak ng Dios. 24 Ligtas na tayo at naghihintay na lang na maging ganap ang kaligtasang ito. Umaasa tayo dahil wala pa ang inaasahan natin. Aasa pa ba tayo kung nariyan na ang ating inaasahan? 25 Pero kung ang inaasahan natiʼy wala pa, maghihintay tayo nang may pagtitiyaga.
Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(A)
23 Nang araw ding iyon, lumapit at nagtanong kay Jesus ang ilang mga Saduceo – mga taong hindi naniniwala sa muling pagkabuhay. 24 Sinabi nila, “Guro, sinabi ni Moises na kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa asawa niya, dapat pakasalan ng kanyang kapatid ang naiwan niyang asawa para magkaanak sila para sa kanya.[a] 25 Noon ay may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. 26 Pero namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. 27 At kinalaunan, namatay din ang babae. 28 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po ba sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil silang lahat ay napangasawa niya?” 29 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang Kasulatan at ang kapangyarihan ng Dios. 30 Sapagkat sa muling pagkabuhay hindi na sila mag-aasawa. Magiging tulad sila ng mga anghel sa langit. 31 Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang sinabi ng Dios sa inyo? Sinabi niya, 32 ‘Ako ang Dios nila Abraham, Isaac, at Jacob.’[b] Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay.” 33 Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang pagtuturo.
Ang Pinakamahalagang Utos(B)
34 Nang mabalitaan ng mga Pariseo na walang magawa ang mga Saduceo kay Jesus, nagtipon silang muli at lumapit sa kanya. 35 Isa sa kanila, na tagapagturo ng Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin siya, 36 “Guro, ano po ba ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” 37 Sumagot si Jesus, “ ‘Mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.’[c] 38 Ito ang pinakamahalagang utos sa lahat. 39 At ang ikalawang pinakamahalagang utos ay katulad din nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’[d] 40 Ang buong Kautusan ni Moises at ang mga isinulat ng mga propeta ay nakasalalay sa dalawang utos na ito.”[e]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®