Book of Common Prayer
Panalangin para Ingatan ng Dios
61 O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panawagan.
Dinggin nʼyo ang aking dalangin.
2 Mula sa dulo ng mundo,
tumatawag ako sa inyo dahil nawalan na ako ng pag-asa.
Dalhin nʼyo ako sa lugar na ligtas sa panganib,[a]
3 dahil kayo ang aking kanlungan,
tulad kayo ng isang toreng matibay
na pananggalang laban sa kaaway.
4 Hayaan nʼyo akong tumira sa inyong templo magpakailanman
at ingatan nʼyo ako tulad ng manok na nag-iingat ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
5 Dahil napakinggan nʼyo, O Dios, ang aking mga pangako sa
at binigyan nʼyo ako ng mga bagay na ibinibigay nʼyo sa mga may takot sa inyo.
6 Pahabain nʼyo ang buhay ng hari at paghariin nʼyo siya sa mahabang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga lahi.
7 Sanaʼy maghari siya magpakailanman na kasama nʼyo, O Dios,
at ingatan nʼyo siya sa inyong pag-ibig at katapatan.
8 At akoʼy palaging aawit ng papuri sa inyo,
at tutuparin kong lagi ang aking mga pangako sa inyo.
Magtiwala sa Pag-iingat ng Dios
62 Sa Dios lang ako may kapahingahan;
ang kaligtasan koʼy nagmumula sa kanya.
2 Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
Siya ang aking tanggulan, kaya ligtas ako sa kapahamakan.
3 Kayong mga kaaway ko, hanggang kailan kayo sasalakay upang akoʼy patayin?
Tulad koʼy pader na malapit nang magiba at bakod na malapit nang matumba.
4 Gusto lamang ninyong maalis ako sa aking mataas na katungkulan.
Tuwang-tuwa kayo sa pagsisinungaling.
Kunwariʼy pinupuri ninyo ako ngunit sa puso ninyoʼy isinusumpa ako.
5 Sa Dios ko lang matatamo ang kapahingahan dahil binibigyan niya ako ng pag-asa.
6 Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
Siya ang aking tanggulan kaya ligtas ako sa kapahamakan.
7 Nasa Dios ang aking kaligtasan at karangalan.
Siya ang matibay kong batong kanlungan.
Siya ang nag-iingat sa akin.
8 Kayong mga mamamayan ng Dios, magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng oras!
Sabihin sa kanya ang lahat ng inyong suliranin,
dahil siya ang nag-iingat sa atin.
9 Ang tao, dakila man o mangmang, ay hindi mapagkakatiwalaan.
Pareho lang silang walang kabuluhan.
Magaan pa sila kaysa sa hangin kapag tinimbang.
10 Huwag kayong umasa sa perang nakuha sa pangingikil at pagnanakaw.
Dumami man ang inyong kayamanan,
huwag ninyo itong mahalin.
11 Hindi lang isang beses kong narinig na sinabi ng Dios na nasa kanya ang kapangyarihan
12 at tapat ang kanyang pag-ibig.
Tiyak na gagantimpalaan ng Panginoon ang tao ayon sa kanyang mga ginawa.
Awit ng Pagtatagumpay
68 Kumilos sana ang Dios, at ikalat ang kanyang mga kaaway.
Magsitakas na sana palayo silang mga galit sa kanya.
2 Itaboy sana sila ng Dios gaya ng usok na tinatangay ng hangin.
Mamatay sana sa harapan niya ang mga masasama, gaya ng kandilang natutunaw sa apoy.
3 Ngunit ang matutuwid ay sisigaw sa galak sa kanyang harapan.
4 Awitan ninyo ang Dios,
awitan ninyo siya ng mga papuri.
Purihin nʼyo siya,[a] na siyang may hawak sa mga ulap.[b]
Ang kanyang pangalan ay Panginoon.
Magalak kayo sa kanyang harapan!
5 Ang Dios na tumatahan sa kanyang banal na templo ang nangangalaga[c] sa mga ulila at tagapagtanggol ng mga biyuda.
6 Ibinibigay niya sa isang pamilya ang sinumang nag-iisa sa buhay.
Pinalalaya rin niya ang mga binihag nang walang kasalanan
at binibigyan sila ng masaganang buhay.
Ngunit ang mga suwail, sa mainit at tigang na lupa maninirahan.
7 O Dios, nang pangunahan nʼyo sa paglalakbay sa ilang ang inyong mga mamamayan,
8 nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan sa inyong harapan,
O Dios ng Israel na nagpahayag sa Sinai.
9 Nagpadala kayo ng masaganang ulan at ang lupang tigang na ipinamana nʼyo sa inyong mga mamamayan ay naginhawahan.
10 Doon sila nanirahan, at sa inyong kagandahang-loob ay binigyan nʼyo ang mga mahihirap ng kanilang mga pangangailangan.
11 Panginoon, nagpadala kayo ng mensahe,
at itoʼy ibinalita ng maraming kababaihan:
12 “Nagsisitakas ang mga hari at ang kanilang mga hukbo!
Ang mga naiwan nilang kayamanan ay pinaghati-hatian ng mga babae ng Israel.
13 Kahit na ang mga tagapag-alaga ng hayop
ay nakakuha ng mga naiwang bagay gaya ng imahen ng
kalapati, na ang mga pakpak ay nababalutan ng pilak
at ang dulo nito ay nababalutan ng purong ginto.”
14 Nang ikalat ng makapangyarihang Dios ang mga haring iyon,
pinaulanan niya ng yelo ang lugar ng Zalmon.[d]
15 Napakataas at napakaganda ng bundok ng Bashan; maraming taluktok ang bundok na ito.
16 Ngunit bakit ito nainggit sa bundok ng Zion na pinili ng Dios bilang maging tahanan niya magpakailanman?
17 Dumating ang Panginoong Dios sa kanyang templo mula sa Sinai kasama ang libu-libo niyang karwahe.
18 Nang umakyat siya sa mataas na lugar,[e] marami siyang dinalang bihag.
Tumanggap siya ng regalo mula sa mga tao, pati na sa mga naghimagsik sa kanya.
At doon maninirahan ang Panginoong Dios.[f]
19 Purihin ang Panginoon,
ang Dios na ating Tagapagligtas na tumutulong sa ating mga suliranin sa bawat araw.
20 Ang ating Dios ang siyang Dios na nagliligtas!
Siya ang Panginoong Dios na nagliligtas sa atin sa kamatayan.
21 Tiyak na babasagin ng Dios ang ulo ng kanyang mga kaaway na patuloy sa pagkakasala.
22 Sinabi ng Panginoon, “Pababalikin ko ang aking mga kaaway mula sa Bashan;
pababalikin ko sila mula sa kailaliman ng dagat,
23 upang patayin sila at tapak-tapakan ninyo ang kanilang dugo
at magsasawa ang inyong mga aso sa paghimod ng kanilang dugo.”
24 O Dios na aking Hari, nakita ng lahat ang inyong parada ng tagumpay papunta sa inyong templo.
25 Nasa unahan ang mga mang-aawit at nasa hulihan ang mga tumutugtog;
at sa gitna naman ay ang mga babaeng tumutugtog ng tamburin.
26 Sumisigaw sila, “Purihin ang Dios sa inyong mga pagtitipon!
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mula sa lahi ng Israel.”
27 Nauuna ang maliit na lahi ni Benjamin,
kasunod ang mga pinuno ng Juda kasama ang kanilang lahi,
at sinusundan ng mga pinuno ng Zebulun at Naftali.
28 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,[g]
katulad ng ginawa nʼyo sa amin noon.
29 Dahil sa inyong templo sa Jerusalem magkakaloob ng mga regalo ang mga hari para sa inyo.
30 Sawayin nʼyo ang bansang kaaway na parang mabagsik na hayop sa talahiban.
Pati na rin ang mga taong tila mga torong kasama ng mga guya
hanggang sa silaʼy sumuko at maghandog ng kanilang mga pilak sa inyo.
Ikalat nʼyo ang mga taong natutuwa kapag may digmaan.
31 Magpapasakop ang mga taga-Egipto sa inyo.
Ang mga taga-Etiopia ay magmamadaling magbigay ng kaloob sa inyo.
32 Umawit kayo sa Dios, kayong mga mamamayan ng mga kaharian sa mundo.
Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
33 na naglalakbay sa kalangitan mula pa nang pasimula.
Pakinggan ninyo ang kanyang dumadagundong na tinig.
34 Ipahayag ninyo ang kapangyarihan ng Dios na naghahari sa buong Israel.
Ang kalangitan ang nagpapakita ng kanyang kapangyarihan.
35 Kahanga-hanga ang Dios ng Israel habang siyaʼy lumalabas sa kanyang banal na tahanan.
Binibigyan niya ng kapangyarihan at kalakasan ang kanyang mga mamamayan.
Purihin ang Dios!
17 Sinabi ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe, 18 “Humayo kaʼt puntahan si Haring Ahab ng Israel, na nakatira sa Samaria. Naroon siya sa ubasan ni Nabot dahil gusto niya itong angkinin. 19 Sabihin mo ito sa kanya: ‘Pagkatapos mong pumatay ng tao, kukunin mo pa pati ang kanyang lupa? Dahil sa iyong ginawa, hihimurin ng mga aso ang dugo mo sa labas ng lungsod, tulad ng paghimod nila roon sa dugo ni Nabot.’ ”
20 Pagkakita ni Ahab kay Elias, sinabi niya, “Natagpuan din ako ng kaaway ko!” Sumagot si Elias, “Oo, pumunta ako sa iyo dahil ipinagbili mo ang iyong sarili sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon! 21 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon sa iyo: ‘Padadalhan kita ng kapahamakan. Papatayin ko ang lahat ng iyong angkan na lalaki, alipin man o hindi. 22 Lilipulin ko ang pamilya mo katulad ng ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat at sa pamilya ni Baasha na anak ni Ahia, dahil ginalit mo ako at ikaw ang naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.’
23 “At tungkol naman kay Jezebel, sinabi ng Panginoon, na kakainin siya ng mga aso sa pader ng Jezreel. 24 Ang mga kabilang sa pamilya mo na mamamatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at ang mamamatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon.”
25 (Wala ng ibang taong ipinagbili ang sarili sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ni Ahab dahil sinulsulan siya ni Jezebel na kanyang asawa. 26 Gumawa siya ng masasamang bagay sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan, katulad ng ginawa ng mga Amoreo na pinalayas ng Panginoon sa mga Israelita.)
27 Pagkarinig ni Ahab sa sinabi ni Elias, sinira niya ang kanyang damit at nagsuot ng sako, kahit sa pagtulog. Nag-ayuno siya at malungkot na nagpalakad-lakad.
28 Sinabi ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe, 29 “Nakita mo ba kung papaano nagpakumbaba si Ahab ng kanyang sarili sa aking harapan? Dahil sa pagpapakumbaba niya, hindi ko na ipapadala ang kapahamakan sa panahon niya, kundi ipapadala ko ito sa pamilya ng kanyang anak kapag naghari na ito.”
20 Ano ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mahuhusay sa debate sa panahong ito? Hindi baʼt ipinakita ng Dios na ang karunungan ng mundo ay kamangmangan?
21 Sapagkat sa karunungan ng Dios, hindi niya pinahintulot na makilala siya ng tao sa pamamagitan ng karunungan ng mundong ito. Mas minabuti ng Dios na iligtas ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa ipinangangaral na Magandang Balita, na ayon sa iba ay kamangmangan lamang. 22 Ang mga Judio ay ayaw maniwala hanggaʼt walang nakikitang himala, at ang mga Griego naman ay humahanap ng sinasabi nilang karunungan. 23 Ngunit kami naman ay ipinapangaral ang Cristo na ipinako sa krus – bagay na hindi matanggap ng mga Judio, at isang kamangmangan para sa mga hindi Judio. 24 Ngunit para sa mga tinawag ng Dios, Judio man o hindi, si Cristo ang siyang kapangyarihan at karunungan ng Dios. 25 Sapagkat ang inaakala ng tao na kamangmangan ng Dios ay higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Dios ay higit pa sa kalakasan ng tao. 26 Mga kapatid, isipin ninyo kung ano ang inyong kalagayan nang tawagin kayo ng Dios. Iilan lamang sa inyo ang masasabing matalino sa paningin ng mundo, at iilan lamang ang makapangyarihan o nagmula sa mga kilalang angkan. 27 Ngunit pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mangmang upang hiyain ang marurunong. Pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mahihina upang hiyain ang malalakas. 28 At pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mababa at walang halaga upang mapawalang-halaga ang itinuturing ng mundo na mahalaga. 29 Kaya walang makakapagmalaki sa harap ng Dios. 30 Dahil sa kanya, tayoʼy nakay Cristo Jesus. Si Cristo ang karunungan ng Dios para sa atin. Sa pamamagitan niya, itinuring tayo ng Dios na matuwid, ibinukod para sa kanya, at tinubos sa ating mga kasalanan. 31 Kaya gaya ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang gustong magmalaki, ipagmalaki lamang ang ginawa ng Dios.”[a]
Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain(A)
12 Nang mabalitaan ni Jesus na nakulong si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Pero hindi na siya nanirahan sa Nazaret kundi sa Capernaum, isang bayan sa tabi ng lawa ng Galilea at sakop ng Zabulon at Naftali. 14 Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ni Propeta Isaias:
15 “Ang lupain ng Zabulon at Naftali ay daanan patungo sa lawa[a] at nasa kabila ng Ilog ng Jordan.
Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio.
16 Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.
Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.”[b]
17 Simula noon, nangaral na si Jesus. At ito ang kanyang mensahe: “Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan, dahil malapit na[c] ang paghahari ng Dios.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®