Book of Common Prayer
Ang Dalangin ng Taong may Sakit
41 Mapalad ang taong nagmamalasakit sa mga mahihirap.
Tutulungan siya ng Panginoon sa panahon ng kaguluhan.
2 Ipagtatanggol siya ng Panginoon, at iingatan ang kanyang buhay.
Pagpapalain din siya sa lupain natin.
At hindi siya isusuko sa kanyang mga kaaway.
3 Tutulungan siya ng Panginoon kung siya ay may sakit,
at pagagalingin siya sa kanyang karamdaman.
4 Sinabi ko,
“O Panginoon, nagkasala ako sa inyo.
Maawa kayo sa akin, at pagalingin ako.”
5 Ang aking mga kaaway ay nagsasalita laban sa akin.
Sinasabi nila,
“Kailan pa ba siya mamamatay upang makalimutan na siya?”
6 Kapag dumadalaw sila sa akin, nagkukunwari silang nangungumusta,
pero nag-iipon lang pala sila ng masasabi laban sa akin.
Kapag silaʼy lumabas na, ikinakalat nila ito.
7 Ang lahat ng galit sa akin ay masama ang iniisip tungkol sa akin,
at pinagbubulung-bulungan nila ito.
8 Sinasabi nila,
“Malala na ang karamdaman niyan,
kaya hindi na iyan makakatayo!”
9 Kahit ang pinakamatalik kong kaibigan na kasalo ko lagi sa pagkain at pinagkakatiwalaan –
nagawa akong pagtaksilan!
10 Ngunit kayo Panginoon, akoʼy inyong kahabagan.
Pagalingin nʼyo ako upang makaganti na ako sa aking mga kaaway.
11 Alam ko na kayoʼy nalulugod sa akin,
dahil hindi ako natatalo ng aking mga kaaway.
12 Dahil akoʼy taong matuwid,
tinutulungan nʼyo ako at pinapanatili sa inyong presensya magpakailanman.
13 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
Amen! Amen!
Ang Paghatol at Habag ng Dios
52 Ikaw, taong mapagmataas,
bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo?
Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo?
2 Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
at lagi kang nagsisinungaling.
3 Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan,
at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan.
4 Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita.
5 Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan.
Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay.
6 Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
7 “Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan.
Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan,
at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.”
8 Ngunit ako ay tulad ng punong olibo
na yumayabong sa loob ng inyong templo.
Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman.
9 Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo.
At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.
Dalangin para Iligtas ng Dios
44 O Dios, narinig namin mula sa aming mga ninuno
ang tungkol sa mga ginawa nʼyo sa kanila noong kanilang kapanahunan.
Matagal nang panahon ang lumipas.
2 Ang mga bansang hindi naniniwala sa inyo
ay pinalayas nʼyo sa kanilang mga lupain at pinarusahan,
samantalang ang aming mga ninuno ay itinanim nʼyo roon at pinalago.
3 Nasakop nila ang lupain,
hindi dahil sa kanilang mga armas.
Nagtagumpay sila hindi dahil sa kanilang lakas,
kundi sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, pagpapala at kakayahan,
dahil mahal nʼyo sila.
4 O Dios, kayo ang aking Hari na nagbigay ng tagumpay sa amin na lahi ni Jacob.
5 Sa pamamagitan nʼyo pinatumbaʼt tinapak-tapakan namin ang aming mga kaaway.
6 Hindi ako nagtitiwala sa aking espada at pana upang akoʼy magtagumpay,
7 dahil kayo ang nagpapatagumpay sa amin.
Hinihiya nʼyo ang mga kumakalaban sa amin.
8 O Dios, kayo ang lagi naming ipinagmamalaki,
at pupurihin namin kayo magpakailanman.
9 Ngunit ngayoʼy itinakwil nʼyo na kami at inilagay sa kahihiyan.
Ang mga sundalo namin ay hindi nʼyo na sinasamahan.
10 Pinaatras nʼyo kami sa aming mga kaaway,
at ang aming mga ari-arian ay kanilang sinamsam.
11 Pinabayaan nʼyong kami ay lapain na parang mga tupa.
Pinangalat nʼyo kami sa mga bansa.
12 Kami na inyong mga mamamayan ay ipinagbili nʼyo sa kaunting halaga.
Parang wala kaming kwenta sa inyo.
13 Ginawa nʼyo kaming kahiya-hiya;
iniinsulto at pinagtatawanan kami ng aming mga kalapit na bansa.
14 Ginawa nʼyo kaming katawa-tawa sa mga bansa,
at pailing-iling pa sila habang nang-iinsulto.
15 Akoʼy palaging inilalagay sa kahihiyan.
Wala na akong mukhang maihaharap pa,
16 dahil sa pangungutya at insulto sa akin ng aking mga kaaway na gumaganti sa akin.
17 Ang lahat ng ito ay nangyari sa amin
kahit na kami ay hindi nakalimot sa inyo,
o lumabag man sa inyong kasunduan.
18 Hindi kami tumalikod sa inyo,
at hindi kami lumihis sa inyong pamamaraan.
19 Ngunit kami ay inilugmok nʼyo at pinabayaan sa dakong madilim na tinitirhan ng mga asong-gubat.[a]
20 O Dios, kung kayo ay nakalimutan namin,
at sa ibang dios, kami ay nanalangin,
21 hindi baʼt iyon ay malalaman nʼyo rin?
Dahil alam nʼyo kahit ang mga lihim sa isip ng tao.
22 Ngunit dahil sa aming pananampalataya sa inyo,
kami ay palaging nasa panganib ang aming buhay.
Para kaming mga tupang kakatayin.
23 Sige na po, Panginoon! Kumilos na kayo!
Huwag nʼyo kaming itakwil magpakailanman.
24 Bakit nʼyo kami binabalewala?
Bakit hindi nʼyo pinapansin ang aming pagdurusa at ang pang-aapi sa amin?
25 Nagsibagsak na kami sa lupa at hindi na makabangon.
26 Sige na po, tulungan nʼyo na kami.
Iligtas nʼyo na kami dahil sa inyong pagmamahal sa amin.
Isinumpa ng Propeta ang Altar sa Betel
13 Ngayon, inutusan ng Panginoon ang isang lingkod niyang taga-Juda na pumunta sa Betel. Pagdating niya roon, nakatayo si Jeroboam sa tabi ng altar para maghandog. 2 Inutusan ng Panginoon ang lingkod niya na isumpa ang altar na iyon. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa altar na ito: May isisilang na isang sanggol sa pamilya ni David na ang pangalan ay Josia. Papatayin niya at ihahandog sa altar na ito ang mga pari na naglilingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar[a] at naghahandog sa altar na ito. Masusunog ang kanilang mga buto sa altar na ito.” 3 Sa mismong araw na ito, nagbigay ang lingkod ng Dios ng palatandaan na mangyayari ang kanyang sinabi. Sinabi niya, “Ito ang palatandaan na sinabi ng Panginoon: Matitibag ang altar na ito at ang alikabok nito ay kakalat.”
4 Nang marinig ito ni Haring Jeroboam, itinuro niya ang lingkod ng Dios at sinabi, “Hulihin ninyo siya!” Pero bigla na lang nanigas ang kamay ng hari, kaya hindi na niya maibaba ang kanyang kamay. 5 Pagkatapos, natibag ang altar at ang alikabok nito ay kumalat, ayon sa palatandaang sinabi ng lingkod ng Dios na ipinahayag sa kanya ng Panginoon.
6 Pagkatapos, sinabi ng hari sa lingkod ng Dios, “Ipanalangin mo ako sa Panginoon na iyong Dios na pagalingin niya ang kamay ko.” Kaya nanalangin ang lingkod ng Dios sa Panginoon at gumaling ang kamay ng hari. 7 Muling sinabi ng hari sa lingkod ng Dios, “Halika sa bahay at kumain, at bibigyan kita ng regalo.” 8 Pero sumagot ang lingkod ng Dios, “Kahit ibigay pa po ninyo sa akin ang kalahati ng ari-arian ninyo, hindi ako sasama sa inyo o kakain ni iinom man sa lugar na ito. 9 Sapagkat inutusan po ako ng Panginoon na huwag akong kumain ni uminom habang nandito ako, at sa pag-uwi koʼy hindi ako dapat dumaan sa dinaanan ko papunta rito.” 10 Kaya ibang daan ang dinaanan niya nang umuwi siya.
Pagbati mula kay Pablo
1 Mula kay Pablo, kasama si Timoteo na kapwa ko lingkod[a] ni Jesu-Cristo.
Mahal kong mga banal[b] na nakay Cristo Jesus diyan sa Filipos, kasama ng mga namumuno sa inyo at ng mga tumutulong sa kanila:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos
3 Tuwing naaalala ko kayo, nagpapasalamat ako sa Dios, 4 at palagi akong masaya sa tuwing nananalangin ako para sa inyong lahat; 5 dahil mula pa nang sumampalataya kayo hanggang ngayon ay katulong ko na kayo sa pagpapalaganap ng Magandang Balita. 6 Natitiyak kong ipagpapatuloy ng Dios ang mabuting gawain na sinimulan niya sa inyo hanggang sa araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus. 7 Dapat lang na ganito ang maramdaman ko dahil mahal ko kayo. Naging kabahagi kayo sa gawaing ibinigay ng Dios sa akin, kahit na nakabilanggo ako ngayong nagtatanggol at nagpapatunay sa Magandang Balita. 8 Alam ng Dios na sabik na sabik na akong makita kayo dahil mahal ko kayo tulad ng pagmamahal ni Cristo Jesus sa inyo.
9 Ipinapanalangin ko na lalo pang lumago ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa nang may karunungan at pang-unawa, 10 para mapili nʼyo ang pinakamabuti sa lahat ng bagay at madatnan kayong malinis at walang kapintasan sa araw ng pagbabalik ni Cristo. 11 Mapuspos nawa kayo ng mga katangiang ipinagkaloob ni Jesu-Cristo sa inyo para maparangalan at mapapurihan ang Dios.
40 Sa di-kalayuan ay may mga babaeng nanonood sa mga nangyayari. Kabilang sa kanila si Salome, si Maria na taga-Magdala, at si Maria na ina ni Jose at ng nakababata nitong kapatid na si Santiago. 41 Ang mga babaeng ito ay sumasama kay Jesus at tumutulong sa kanya noong nasa Galilea siya. Naroon din ang iba pang babaeng sumama sa kanya sa Jerusalem.
Ang Paglilibing kay Jesus(A)
42 Namatay si Jesus sa araw ng paghahanda para sa pista. Padilim na noon, at ang susunod na araw ay Araw ng Pamamahinga. 43 Kaya naglakas-loob si Jose na taga-Arimatea na puntahan si Pilato at hingin ang bangkay ni Jesus. Si Jose ay isa sa mga iginagalang na miyembro ng Korte ng mga Judio. At isa siya sa mga naghihintay sa pagdating ng paghahari ng Dios. 44 Nang marinig ni Pilato na patay na si Jesus, nagtaka siya. Kaya ipinatawag niya ang kapitan ng mga sundalo at tinanong kung patay na nga si Jesus. 45 At nang marinig ni Pilato sa kapitan na patay na nga si Jesus, pinayagan niya si Jose na kunin ang bangkay ni Jesus. 46 Bumili si Jose ng mamahaling telang linen at kinuha ang bangkay ni Jesus sa krus. Binalot niya ito ng telang binili niya at inilagay sa libingang hinukay sa gilid ng burol. At pinagulong niya ang malaking bato upang takpan ang pintuan ng libingan. 47 Nagmamasid noon si Maria na taga-Magdala at si Maria na ina ni Jose, kaya nakita nila kung saan inilibing si Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®