Book of Common Prayer
Ang Panalangin ng Taong Pinagtaksilan ng Kanyang Kaibigan
55 O Dios, dinggin nʼyo ang aking dalangin.
Ang paghingi ko ng tulong ay bigyan nʼyo ng pansin.
2 Pakinggan nʼyo ako at sagutin,
naguguluhan ako sa aking mga suliranin.
3 Nag-aalala na ako sa pananakot at pang-aapi ng aking mga kaaway.
Dahil galit na galit sila, ginugulo nila ako at pinagbabantaan.
4 Kumakabog ang dibdib ko sa takot na akoʼy mamatay.
5 Nanginginig na ako sa sobrang takot.
6 At nasabi ko ito: “Kung may pakpak lang ako tulad ng kalapati, lilipad ako at maghahanap ng mapagpapahingahan.
7 Lilipad ako ng malayo at doon mananahan sa ilang.
8 Maghahanap agad ako ng mapagtataguan
para makaiwas sa galit ng aking mga kaaway na tulad ng malakas na hangin o bagyo.”
9 Panginoon, lituhin nʼyo ang aking mga kaaway at guluhin nʼyo ang kanilang mga pag-uusap.
Dahil nakita ko ang karahasan at kaguluhan sa lungsod.
10 Araw-gabi itong nangyayari.[a]
Ang lungsod ay puno ng kasamaan at kaguluhan.
11 Laganap ang kasamaan at walang tigil ang pang-aapi at pandaraya sa mga lansangan.
12 Matitiis ko kung ang kaaway ko ang kumukutya sa akin.
Kung ang isang taong galit sa akin ang magmamalaki sa akin, maiiwasan ko siya.
13 Ngunit mismong kagaya ko, kasama ko at kaibigan ko ang sa akin ay nangiinsulto.
14 Dati, malapit kami sa isaʼt isa, at magkasama pa kaming pumupunta sa templo ng Dios.
15 Sanaʼy mamatay na lang bigla ang aking mga kaaway.
Sanaʼy malibing silang buhay sa lugar ng mga patay.
Sapagkat ang kasamaan ay nasa puso nila at sa kanilang mga tahanan.
16 Ngunit ako ay humihingi ng tulong sa Panginoong Dios,
at inililigtas niya ako.
17 Umaga, tanghali at gabi, dumadaing ako at nagbubuntong-hininga sa kanya, at akoʼy pinapakinggan niya.
18 Ililigtas niya ako at iingatan sa aking pakikipaglaban,
kahit napakarami ng aking mga kalaban.
19 Pakikinggan ako ng Dios na naghahari magpakailanman,
at ibabagsak niya ang aking mga kaaway.
Dahil ang aking mga kaaway ay hindi nagbabago at walang takot sa Dios.
20 Kinalaban ng dati kong kaibigan ang kanyang mga kaibigan;
at hindi niya tinupad ang kanyang mga pangako.
21 Malumanay at mahusay nga siyang magsalita,
ngunit puno naman ng poot ang kanyang puso,
at ang kanyang pananalita ay nakakasugat tulad ng matalim na espada.
22 Ibigay mo sa Panginoon ang iyong mga alalahanin at aalagaan ka niya.
Hindi niya pababayaan ang mga matuwid magpakailanman.
23 Ngunit itatapon niya ang mga mamamatay-tao at ang mga mandaraya
sa napakalalim na hukay bago mangalahati ang kanilang buhay.
Ngunit ako, akoʼy magtitiwala sa kanya.
Pasasalamat sa Dios
138 Panginoon, magpapasalamat ako sa inyo nang buong puso.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo sa harap ng mga dios.[a]
2 Luluhod ako na nakaharap sa inyong templo at magpupuri sa inyo dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
Dahil ipinakita nʼyo na kayo at ang inyong mga salita ay dakila sa lahat.
3 Nang tumawag ako sa inyo sinagot nʼyo ako.
Pinalakas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
4 Magpupuri sa inyo, Panginoon, ang lahat ng hari sa buong mundo,
dahil maririnig nila ang inyong mga salita.
5 Silaʼy aawit tungkol sa inyong ginawa,
dahil dakila ang inyong kapangyarihan.
6 Panginoon, kahit kayoʼy dakila sa lahat, nagmamalasakit kayo sa mga aba ang kalagayan.
At kahit nasa malayo ka ay nakikilala mo ang lahat ng mga hambog.
7 Kahit na sa buhay na itoʼy may mga kaguluhan, ang buhay koʼy inyong iniingatan.
Pinarurusahan nʼyo ang aking mga kaaway.
Inililigtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
8 Tutuparin nʼyo Panginoon ang inyong mga pangako sa akin.
Ang pag-ibig nʼyo ay walang hanggan.
Huwag nʼyong pabayaan ang gawa ng inyong kamay.
Ang Karunungan at Kalinga ng Dios
139 Panginoon, siniyasat nʼyo ako at kilalang-kilala.
2 Nalalaman nʼyo kung ako ay nakaupo o nakatayo.
Kahit na kayo ay nasa malayo, nalalaman nʼyo ang lahat ng aking iniisip.
3 Nakikita nʼyo ako habang akoʼy nagpapahinga o nagtatrabaho.
Ang lahat ng ginagawa ko ay nalalaman ninyo.
4 Panginoon, hindi pa man ako nagsasalita ay alam nʼyo na ang aking sasabihin.
5 Lagi ko kayong kasama,
at kinakalinga nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
6 Ang pagkakilala nʼyo sa akin ay tunay na kahanga-hanga;
hindi ko kayang unawain.
7 Paano ba ako makakaiwas sa inyong Espiritu?[b] Saan ba ako makakapunta na wala kayo?
8 Kung pupunta ako sa langit, nandoon kayo;
kung pupunta ako sa lugar ng mga patay, nandoon din kayo.
9 At kung pumunta man ako sa silangan o tumira sa pinakamalayong lugar sa kanluran,
10 kayo ay naroon din upang akoʼy inyong patnubayan at tulungan.
11 Maaaring mapakiusapan ko ang dilim na itago ako, o ang liwanag sa paligid ko na maging gabi;
12 kaya lang, kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa inyo, Panginoon,
at ang gabi ay parang araw.
Dahil para sa inyo, pareho lang ang dilim at ang liwanag.
13 Kilala nʼyo ako, dahil kayo ang lumikha sa akin.
Kayo ang humugis sa akin sa sinapupunan ng aking ina.
14 Pinupuri ko kayo dahil kahanga-hanga ang pagkakalikha nʼyo sa akin.
Nalalaman ko na ang inyong mga gawa ay tunay na kahanga-hanga.
15 Nakita nʼyo ang aking mga buto nang akoʼy lihim na hugisin sa loob ng sinapupunan ng aking ina.
16 Nakita nʼyo na ako, hindi pa man ako isinisilang.
Ang itinakdang mga araw na akoʼy mabubuhay ay nakasulat na sa aklat nʼyo bago pa man mangyari.
17 O Dios, hindi ko lubos maintindihan ang mga iniisip nʼyo;
itoʼy tunay na napakarami.
18 Kung bibilangin ko ito, mas marami pa kaysa sa buhangin.
Sa aking paggising, akoʼy nasa inyo pa rin.
19 O Dios, patayin nʼyo sana ang masasama!
Lumayo sana sa akin ang mga mamamatay-tao!
20 Nagsasalita sila ng masama laban sa inyo.
Binabanggit nila ang inyong pangalan sa walang kabuluhan.
21 Panginoon, kinamumuhian ko ang mga namumuhi sa inyo.
Kinasusuklaman ko ang mga kumakalaban sa inyo.
22 Labis ko silang kinamumuhian;
ibinibilang ko silang mga kaaway.
23 O Dios, siyasatin nʼyo ako, upang malaman nʼyo ang nasa puso ko.
Subukin nʼyo ako, at alamin ang aking mga iniisip.
Nalaman ni David ang Pagkamatay ni Saul
1 Bumalik sina David sa Ziklag pagkatapos nilang matalo ang mga Amalekita. Patay na noon si Saul. Nanatili sila ng dalawang araw sa Ziklag. 2 Nang ikatlong araw, may dumating na tao sa Ziklag mula sa kampo ni Saul; punit ang damit niya at may alikabok ang ulo bilang pagluluksa. Lumapit siya kay David at yumukod bilang paggalang sa kanya. 3 Tinanong siya ni David, “Saan ka nanggaling?” Sumagot siya, “Nakatakas po ako mula sa kampo ng mga Israelita.” 4 Nagtanong si David, “Bakit, ano ang nangyari? Sabihin mo sa akin.” Sinabi niya, “Tumakas po ang mga sundalo ng Israel sa labanan. Maraming napatay sa kanila pati na po si Saul at ang anak niyang si Jonatan.” 5 Nagtanong si David sa binata, “Paano mo nalamang patay na sina Saul at Jonatan?” 6 Ikinuwento ng binata ang nangyari, “Nagkataon na nandoon po ako sa Bundok ng Gilboa, at nakita ko roon si Saul na nakasandal sa sibat niya. Palapit na po sa kanya ang mga kalaban na nakasakay sa mga karwahe at kabayo. 7 Nang lumingon siya, nakita niya ako at tinawag niya ako. Sumagot ako, ‘Ano po ang maitutulong ko?’ 8 Tinanong niya kung sino ako. Sumagot ako na isa akong Amalekita. 9 Pagkatapos, nakiusap siya sa akin, ‘Lumapit ka rito at patayin mo ako, tapusin mo na ang paghihirap ko. Gusto ko nang mamatay dahil hirap na ako sa kalagayan ko.’ 10 Kaya nilapitan ko siya at pinatay dahil alam kong hindi na rin siya mabubuhay sa grabeng sugat na natamo niya. Pagkatapos, kinuha ko po ang korona sa ulo niya at pulseras sa kamay niya, at dinala ko po rito sa inyo.”
11 Nang marinig ito ni David at ng mga tauhan niya, pinunit nila ang kanilang mga damit bilang pagluluksa. 12 Umiyak at nag-ayuno sila hanggang gabi para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan, at para sa mga mamamayan ng Panginoon, ang bayan ng Israel, dahil marami ang namatay sa digmaan. 13 Tinanong pa ni David ang binatang nagbalita sa kanya, “Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Isa po akong dayuhang Amalekita na nakatira sa lupain ninyo.” 14 Nagtanong si David, “Bakit hindi ka man lang natakot na patayin ang piniling hari ng Panginoon?” 15 Pagkatapos, tinawag ni David ang isa sa mga tauhan niya at inutusan, “Patayin mo ang taong ito!” Pinatay nga ng tauhan niya ang tao. 16 Sinabi ni David, “Ikaw ang dapat sisihin sa kamatayan mo. Ikaw na mismo ang tumestigo laban sa sarili mo nang sabihin mong pinatay mo ang piniling hari ng Panginoon.”
Ang Sulat para sa mga Hindi Judio
22 Nagkasundo ang mga apostol, ang mga namumuno sa iglesya at ang lahat ng mga mananampalataya na pipili sila ng mga lalaki mula sa kanilang grupo na ipapadala sa Antioc, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang napili nilaʼy si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas. Ang mga taong ito ay iginagalang ng mga mananampalataya, 23 at sila ang magdadala ng sulat na ito:
“Mula sa mga apostol at mga namumuno sa iglesya.
“Mahal naming mga kapatid na hindi Judio riyan sa Antioc, Syria at Cilicia:
24 “Nabalitaan namin na may mga taong mula rito sa amin na pumunta riyan at nilito ang inyong kaisipan dahil sa kanilang itinuro. Hindi namin sila inutusan na pumunta riyan at magturo ng ganoon. 25 Kaya nang marinig namin ito, napagkaisahan naming pumili ng mga tao na ipapadala namin sa inyo para sabihin ang mga bagay na aming napagkasunduan. Kasama nila sina Bernabe at Pablo na minamahal nating mga kapatid. 26 Sina Bernabe at Pablo ay naglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 27 Sasabihin din nina Judas at Silas na aming ipinadala sa inyo ang tungkol sa mga nilalaman ng sulat na ito. 28 Nagkasundo kami ayon sa patnubay ng Banal na Espiritu na huwag nang dagdagan pa ang mga dapat ninyong sundin maliban sa mga ito: 29 Huwag kayong kakain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan; huwag kayong kakain ng dugo o karne ng hayop na namatay nang hindi tumulo ang dugo. At iwasan ninyo ang sekswal na imoralidad. Mabuting iwasan ninyo ang mga bagay na ito. Hanggang dito na lang.”
30 At umalis nga ang mga taong ipinadala nila. Pagdating nila sa Antioc, tinipon nila ang lahat ng mga mananampalataya at ibinigay nila agad ang sulat. 31 Tuwang-tuwa sila nang mabasa ang nilalaman ng sulat na nakapagpasigla sa kanila. 32 Sina Judas at Silas ay mga propeta rin, at marami ang kanilang itinuro sa mga kapatid para palakasin ang kanilang pananampalataya. 33 Pagkatapos ng ilang araw na pananatili roon, bumalik sila sa Jerusalem, sa mga nagpadala sa kanila. Pero bago sila umalis, ipinanalangin muna sila ng mga kapatid na maging maayos ang kanilang paglalakbay. [34 Pero nagpasya si Silas na magpaiwan doon.] 35 Nanatili sina Pablo at Bernabe ng ilang araw sa Antioc. Marami silang kasamang nagtuturo at nangangaral ng salita ng Panginoon.
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)
6 Umalis si Jesus sa lugar na iyon at umuwi sa sarili niyang bayan. Kasama niya ang kanyang mga tagasunod. 2 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, pumunta siya sa sambahan ng mga Judio at nagturo roon. Nagtaka ang maraming taong nakikinig sa kanya. Sinabi nila, “Saan kaya niya nakuha ang karunungang iyan? At ano ang karunungang ito na ibinigay sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga himala? 3 Hindi baʼt siya ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi baʼt ang mga kapatid niyang babae ay dito rin nakatira sa atin?” At hindi siya pinaniwalaan. 4 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay iginagalang kahit saan, maliban sa kanyang sariling bayan at mga kamag-anak at mga kasambahay.” 5 Iyan ang dahilan kung bakit hindi siya nakagawa ng mga himala roon maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. 6 Nagtaka siya sa kawalan nila ng pananampalataya sa kanya.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(B)
Nilibot ni Jesus ang mga kanayunan at nangaral sa mga tao. 7 Tinawag niya ang 12 apostol at sinugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu. 8 At ibinilin niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit pagkain, pera o bag, maliban sa isang tungkod. 9 Pwede kayong magsuot ng sandalyas, pero huwag kayong magdala ng bihisan. 10 Kapag pinatuloy kayo sa isang bahay, doon na lang kayo manatili hanggang sa pag-alis ninyo sa lugar na iyon. 11 Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan ng mga tao sa isang lugar, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila.” 12 Kaya umalis ang 12 at nangaral sa mga tao na dapat nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas nila ang maraming masamang espiritu at maraming may sakit ang pinahiran nila ng langis at pinagaling.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®