Book of Common Prayer
Ang Dios ang Nagliligtas ng Tao sa Kamatayan
116 Mahal ko ang Panginoon,
dahil dinidinig niya ang paghingi ko ng tulong sa kanya.
2 Dahil pinakikinggan niya ako,
patuloy akong tatawag sa kanya habang akoʼy nabubuhay.
3 Natakot ako dahil nararamdaman kong malapit na akong mamatay.
Ang kamatayan ay parang tali na pumupulupot sa akin.
Nag-aalala ako at naguguluhan,
4 kaya tumawag ako sa Panginoon,
“Panginoon, iligtas nʼyo po ako.”
5 Ang Panginoon nating Dios ay mabuti, matuwid at mahabagin.
6 Iniingatan ng Panginoon ang mga walang sapat na kaalaman.
Nang wala na akong magawa, akoʼy kanyang iniligtas.
7 Magpapakatatag ako,
dahil ang Panginoon ay mabuti sa akin,
8 sapagkat iniligtas niya ako sa kamatayan, sa kalungkutan at kapahamakan.
9 Kaya mamumuhay ako na malapit sa Panginoon dito sa mundo ng mga buhay.
10 Kahit na sinabi kong, “Sukdulan na ang paghihirap ko,” nagtitiwala pa rin ako sa kanya.
11 Sa aking pagkabalisa ay nasabi kong, “Wala ni isang taong mapagkatiwalaan.”
12 Ano kaya ang maigaganti ko sa Panginoon sa lahat ng kabutihan niya sa akin?
13 Sasambahin ko ang Panginoon, at maghahandog ako sa kanya ng pasasalamat sa kanyang pagliligtas sa akin.
14 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa Panginoon sa harap ng kanyang mga mamamayan.
15 Nasasaktan ang Panginoon kung mamatay ang kanyang mga tapat na mga mamamayan.[a]
16 Panginoon, ako nga ay inyong lingkod.[b]
Iniligtas nʼyo ako sa pagkabihag.
17 Sasamba ako sa inyo
at mag-aalay ng handog bilang pasasalamat.
18 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo sa harap ng inyong mga mamamayan,
19 doon sa inyong templo sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Matutuwa ang mga Israelita
14 Sinabi ni Zefanias: Kayong mga mamamayan ng Israel, sumigaw kayo sa tuwa! Kayong mga mamamayan ng Zion, ang lungsod ng Jerusalem, umawit kayo at magalak nang buong puso! 15 Sapagkat hindi na kayo parurusahan ng Panginoon. Palalayasin niya ang inyong mga kaaway. Kasama ninyo ang Panginoon, ang Hari ng Israel, kaya wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
16 Sa araw na iyon, sasabihin ng mga tao sa mga taga-Jerusalem, “Mga mamamayan ng Zion, huwag kayong matakot; magpakatatag kayo. 17 Sapagkat kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios. Katulad siya ng isang makapangyarihang sundalo na magliligtas sa inyo. Magagalak siya sa inyo, at sa pamamagitan ng kanyang pag-ibig ay babaguhin niya ang inyong buhay. Aawit siya nang may kagalakan dahil sa inyo, 18 gaya ng taong nagsasaya sa araw ng kapistahan.”
Sinabi pa ng Panginoon, “Ililigtas ko kayo sa kasawian para hindi na kayo malagay sa kahihiyan. 19 Sa araw na iyon, parurusahan ko ang lahat ng umaapi sa inyo. Kayo ay parang mga tupang napilay at nangalat, pero ililigtas ko kayo at titipuning muli. Inilagay kayo sa kahihiyan noon, pero pararangalan ko kayo at gagawing tanyag sa buong mundo. 20 Oo, titipunin ko kayo sa araw na iyon at pababalikin ko kayo sa inyong bansa. Pararangalan ko kayo at gagawing tanyag sa buong mundo. Mangyayari ito sa araw na panumbalikin ko ang inyong mabuting kalagayan at makikita ninyo mismo ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
47 Nagmamasid noon si Maria na taga-Magdala at si Maria na ina ni Jose, kaya nakita nila kung saan inilibing si Jesus.
Muling Nabuhay si Jesus(A)
16 Makalipas ang Araw ng Pamamahinga, sina Maria na taga-Magdala, Maria na ina ni Santiago, at Salome ay bumili ng pabango upang ipahid sa bangkay ni Jesus. 2 Nang araw ng Linggo, kasisikat pa lang ng araw ay pumunta na sila sa libingan. 3 Habang naglalakad sila, nagtatanungan sila kung sino ang mapapakiusapan nilang magpagulong ng bato na nakatakip sa pintuan ng libingan, 4 dahil napakalaki ng batong iyon. Pero pagdating nila roon, nakita nilang naigulong na sa tabi ang bato. 5 Kaya pumasok sila sa libingan, at nakita nila roon ang isang kabataang lalaking nakasuot ng puti na nakaupo sa gawing kanan. Takot na takot sila. 6 Pero sinabi ng lalaki sa kanila, “Huwag kayong matakot! Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito. Nabuhay siyang muli! Tingnan ninyo ang pinaglagyan ng bangkay niya.” 7 Pagkatapos, sinabi ng lalaki sa kanila, “Lumakad na kayo, sabihin ninyo sa mga tagasunod niya, lalo na kay Pedro, na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita gaya ng sinabi niya.”
Dalangin ng Pagpapasalamat
30 Panginoon, pupurihin ko kayo,
dahil iniligtas nʼyo ako.
Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway.
2 Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo,
at pinagaling nʼyo ako.
3 Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.
4 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
kayong mga tapat sa kanya.
Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.
5 Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
Maaaring sa gabi ay may pagluha,
pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.
6 Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko,
“Wala akong pangangambahan.”
7 Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok.
Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo.
8 Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito:
9 “Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan.
Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”
11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan.
Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.
Awit ng Pagpupuri
149 Purihin ang Panginoon!
Umawit kayo ng bagong awit sa Panginoon.
Purihin nʼyo siya sa pagtitipon ng kanyang tapat na mga mamamayan.
2 Magalak ang mga taga-Israel sa kanilang Manlilikha.
Magalak ang mga taga-Zion sa kanilang Hari.
3 Magpuri sila sa kanya sa pamamagitan ng pagsasayaw;
at tumugtog sila ng tamburin at alpa sa pagpupuri sa kanya.
4 Dahil ang Panginoon ay nalulugod sa kanyang mga mamamayan;
pinararangalan niya ang mga mapagpakumbaba sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tagumpay.
5 Magalak ang mga tapat sa Dios dahil sa kanilang tagumpay;
umawit sila sa tuwa kahit sa kanilang mga higaan.
6 Sumigaw sila ng pagpupuri sa Dios habang hawak ang matalim na espada,
7 para maghiganti at magparusa sa mamamayan ng mga bansa,
8 para ikadena ang kanilang mga hari at mga pinuno,
9 at parusahan sila ayon sa utos ng Dios.
Itoʼy para sa kapurihan ng mga tapat na mamamayan ng Dios.
Purihin ang Panginoon!
Pasasalamat sa Dios
3 Purihin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Siyaʼy maawaing Ama at Dios na laging nagpapalakas ng ating loob. 4 Pinalalakas niya ang ating loob sa lahat ng ating paghihirap, para sa pamamagitan ng kalakasan ng loob na ibinigay sa atin ng Dios ay mapalakas din natin ang loob ng ibang naghihirap. 5 Sapagkat kung gaano karami ang mga paghihirap natin dahil kay Cristo, ganoon din karaming beses niyang pinalalakas ang ating loob. 6 Kung naghihirap man kami, itoʼy para mapalakas ang inyong loob, at para kayoʼy maligtas. At kung pinalakas man ng Dios ang aming loob, itoʼy para mapalakas din ang loob ninyo, nang sa ganoon ay makayanan ninyo ang mga paghihirap na tulad ng dinaranas namin. 7 Kaya malaki ang aming pag-asa para sa inyo, dahil alam namin na kung naghihirap kayo tulad namin, palalakasin din ng Dios ang inyong loob tulad ng sa amin.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®