Book of Common Prayer
Panawagan sa Lahat para Purihin ang Panginoon
148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga nasa langit.
2 Purihin ninyo siya, kayong lahat ng kanyang anghel na hukbo niya sa langit.
3 Purihin ninyo siya, araw, buwan at mga bituin.
4 Purihin ninyo siya, pinakamataas na langit at tubig sa kalawakan.
5 Lahat ng nilalang ay magpuri sa Panginoon!
Sa kanyang utos silang lahat ay nalikha.
6 Inilagay niya sila sa kanilang kinalalagyan,
at mananatili roon magpakailanman, ayon sa kanyang utos sa kanila.
7 Purihin ang Panginoon, kayong nasa mundo, malalaking hayop sa karagatan, at lahat ng nasa kailaliman ng dagat,
8 mga kidlat at ulan na yelo, niyebe, mga ulap, at malalakas na hangin na sumusunod sa kanyang utos,
9 mga bundok, mga burol, mga punongkahoy na namumunga o hindi[a],
10 lahat ng mga hayop, maamo o mailap, mga hayop na gumagapang at lumilipad.
11 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga hari, mga pinuno, mga tagapamahala, at lahat ng tao sa mundo,
12 mga kabataan, matatanda at mga bata.
13 Lahat ay magpuri sa Panginoon, dahil siyaʼy dakila sa lahat,
at ang kanyang kapangyarihan ay higit pa sa lahat ng nasa langit at lupa.
14 Pinalalakas niya at pinararangalan ang kanyang mga tapat na mamamayan, ang Israel na kanyang pinakamamahal.
Purihin ang Panginoon!
Awit ng Pagpupuri
149 Purihin ang Panginoon!
Umawit kayo ng bagong awit sa Panginoon.
Purihin nʼyo siya sa pagtitipon ng kanyang tapat na mga mamamayan.
2 Magalak ang mga taga-Israel sa kanilang Manlilikha.
Magalak ang mga taga-Zion sa kanilang Hari.
3 Magpuri sila sa kanya sa pamamagitan ng pagsasayaw;
at tumugtog sila ng tamburin at alpa sa pagpupuri sa kanya.
4 Dahil ang Panginoon ay nalulugod sa kanyang mga mamamayan;
pinararangalan niya ang mga mapagpakumbaba sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tagumpay.
5 Magalak ang mga tapat sa Dios dahil sa kanilang tagumpay;
umawit sila sa tuwa kahit sa kanilang mga higaan.
6 Sumigaw sila ng pagpupuri sa Dios habang hawak ang matalim na espada,
7 para maghiganti at magparusa sa mamamayan ng mga bansa,
8 para ikadena ang kanilang mga hari at mga pinuno,
9 at parusahan sila ayon sa utos ng Dios.
Itoʼy para sa kapurihan ng mga tapat na mamamayan ng Dios.
Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Panginoon
150 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo ang Dios sa kanyang templo.
Purihin nʼyo siya sa langit, ang kanyang matibay na tirahan.
2 Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang dakilang mga ginagawa.
Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang kapangyarihang walang kapantay.
3 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga trumpeta!
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga alpa at lira!
4 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga tamburin at mga sayaw.
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga instrumentong may kwerdas at mga plauta.
5 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga matutunog na mga pompyang.
6 Ang lahat ng may buhay ay magpuri sa Panginoon.
Purihin ninyo ang Panginoon!
Awit tungkol sa Paglabas ng mga Israelita sa Egipto
114 Nakatira noon ang mga taga-Israel na lahi ni Jacob sa Egipto,
na kung saan iba ang wika ng mga tao.
2 Nang papalabas na sila sa Egipto, ginawa ng Dios na banal na lugar ang Juda,
at ang Israel ay kanyang pinamunuan.
3 Ang Dagat na Pula ay nahawi at ang Ilog ng Jordan ay tumigil sa pag-agos.
4 Nayanig ang mga bundok at burol,
na parang mga lumulundag na kambing at mga tupa.
5 Bakit nahawi ang Dagat na Pula,
at tumigil sa kanyang pag-agos ang Ilog ng Jordan?
6 Bakit nayayanig ang mga bundok at mga burol,
na parang lumulundag na mga kambing at tupa?
7 Nayayanig ang mundo sa presensya ng Panginoong Dios ni Jacob,
8 na siyang gumawa sa matigas na bato upang maging imbakan ng tubig at naging bukal na umaagos.
Iisa ang Tunay na Dios
115 Panginoon, hindi kami ang dapat na parangalan,
kundi kayo, dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
2 Bakit kami kinukutya ng ibang bansa at sinasabi nilang,
“Nasaan na ang inyong Dios?”
3 Ang aming Dios ay nasa langit,
at ginagawa niya ang kanyang nais.
4 Ngunit ang kanilang mga dios ay yari sa pilak at ginto na gawa lang ng tao.
5 May bibig sila, ngunit hindi nakakapagsalita;
may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
6 May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig;
may ilong, ngunit hindi nakakaamoy.
7 May mga kamay, ngunit hindi nakakahawak;
may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
at kahit munting tinig ay wala kang marinig.
8 Ang mga gumawa ng mga dios-diosan at nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito.
9-10 Kayong mga mamamayan ng Israel at kayong mga angkan ni Aaron,
magtiwala kayo sa Panginoon.
Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
11 Kayong mga may takot sa Panginoon,
magtiwala kayo sa kanya.
Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
12 Hindi tayo kinakalimutan ng Panginoon,
pagpapalain niya ang mga mamamayan ng Israel at ang mga angkan ni Aaron.
13 Pagpapalain niya ang lahat ng may takot sa kanya, dakila man o aba.
14 Paramihin sana kayo ng Panginoon,
kayo at ang inyong mga angkan.
15 Sanaʼy pagpalain kayo ng Panginoon na lumikha ng langit at ng lupa.
16 Ang kalangitan ay sa Panginoon, ngunit ang mundo ay ipinagkatiwala niya sa mga tao.
17 Ang mga patay ay hindi na makakapagpuri sa Panginoon, dahil sila ay nananahimik na.
18 Tayong mga buhay ang dapat magpuri sa Panginoon ngayon at magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
50 Kaya tinalo ni David si Goliat sa pamamagitan lang ng tirador at isang bato. Napatay niya si Goliat kahit wala siyang dalang espada. 51 Tumakbo siya papunta kay Goliat, kinuha ang espada nito at pinugutan ito ng ulo. Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang mahusay nilang mandirigma, nagtakbuhan sila papalayo. 52 Sumugod ang mga sundalo ng Israel at Juda na sumisigaw, at hinabol nila ang mga Filisteo hanggang sa Gat[a] at Ekron. Nagkalat ang mga bangkay ng mga Filisteo sa daan ng Shaaraim hanggang sa Gat at Ekron. 53 Pagkatapos nilang habulin ang mga Filisteo, nagsibalik sila at sinamsam ang mga naiwan sa kampo ng mga Filisteo. 54 Dinala ni David ang ulo ni Goliat sa Jerusalem, at inilagay sa kanyang tolda ang mga armas ni Goliat.
55 Habang pinagmamasdan ni Saul si David na papalapit kay Goliat para makipaglaban, tinanong ni Saul si Abner, na kumander ng mga sundalo, “Abner, kaninong anak ang binatilyong iyan?” Sumagot si Abner, “Hindi ko po alam, Mahal na Hari.” 56 Sinabi ni Saul, “Alamin mo kung kanino siyang anak.”
57 Nang bumalik si David sa kampo nila matapos niyang mapatay si Goliat, dinala siya ni Abner kay Saul. Bitbit pa niya ang ulo ni Goliat. 58 Tinanong siya ni Saul, “Kanino kang anak, binata?” Sumagot si David, “Anak po ako ng inyong lingkod na si Jesse na taga-Betlehem.”
Ang Pagkakaibigan ni David at Jonatan
18 Matapos makipag-usap ni David kay Saul, nakilala niya ang anak nitong si Jonatan. Naging matalik silang magkaibigan at mahal na mahal ni Jonatan si David gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. 2 Mula noon, hindi na pinauwi ni Saul si David sa kanilang bahay. 3 Sumumpa si Jonatan kay David na magiging magkaibigan sila sa habang panahon dahil mahal niya si David gaya ng kanyang sarili. 4 At bilang patunay ng kanyang pangako, hinubad niya ang kanyang balabal at ibinigay kay David, kasama ang kanyang pamigkis, espada, pana at sinturon.
4 Sapagkat hindi nila alam na si Cristo ang hangganan ng Kautusan. Dahil sa kanyang ginawa, ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay itinuturing ng Dios na matuwid.
Ang Kaligtasan ay para sa Lahat
5 Ganito ang isinulat ni Moises tungkol sa taong itinuturing ng Dios na matuwid batay sa Kautusan: “Ang taong sumusunod sa Kautusan ay mabubuhay nang ayon sa Kautusan.”[a] 6 Pero ganito naman ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya: “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ba ang aakyat sa langit?’ ” (para ibaba si Cristo). 7 “O di kayaʼy, ‘Sino ang bababa sa lugar ng mga patay?’ ” (para ibangon si Cristo mula sa mga patay). 8 Sa halip, sinasabi ng Kasulatan,
“Ang salita ng Dios ay malapit sa iyo; nasa bibig at puso mo.”[b]
Itoʼy walang iba kundi ang pananampalataya na ipinangangaral namin: 9 na kung ipapahayag mo na si Jesus ay Panginoon at sasampalataya ka nang buong puso na muli siyang binuhay ng Dios, maliligtas ka. 10 Sapagkat itinuring ng Dios na matuwid ang taong sumasampalataya sa kanya nang buong puso. At kung ipapahayag niya na siyaʼy sumasampalataya, maliligtas siya. 11 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Hindi mabibigo ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”[c] 12 At ang pangakong itoʼy para sa lahat dahil walang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio.[d] Ang Panginoon ay Panginoon ng lahat, at pinagpapala niya nang masagana ang lahat ng tumatawag sa kanya. 13 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa Panginoon.”[e]
14 Pero paano sila tatawag kung hindi naman sila sumasampalataya sa kanya? At paano sila sasampalataya kung hindi pa sila nakakarinig ng tungkol sa kanya? At paano sila makakarinig kung walang nangangaral? 15 At paano makakapangaral ang sinuman kung hindi naman siya isinugo? Ayon sa Kasulatan, “Napakagandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng magandang balita.”[f] 16 Pero hindi naman tinatanggap ng lahat ang Magandang Balita. Sinabi nga ni Isaias, “Panginoon, sino po ba ang naniwala sa sinabi namin?”[g]
17 Sasampalataya lang ang tao kung maririnig niya ang mensahe tungkol kay Cristo, at maririnig lang niya ito kung may mangangaral sa kanya.
Sinabi ni Jesus ang Kanilang Kaparusahan(A)
29 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ipinapaayos ninyo ang mga libingan ng mga propeta at ng mga taong matuwid, at pinagaganda ninyo ang mga ito. 30 At sinasabi ninyo na kung buhay sana kayo sa panahon ng inyong mga ninuno, hindi ninyo papatayin ang mga propeta tulad ng ginawa nila. 31 Kung ganoon, inaamin nga ninyo na lahi kayo ng mga taong pumatay sa mga propeta! 32 Sige, tapusin nʼyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga ahas! Lahi kayo ng mga ulupong! Hindi nʼyo matatakasan ang kaparusahan sa impyerno! 34 Kaya makinig kayo! Magpapadala ako sa inyo ng mga propeta, marurunong na tao at mga guro. Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang ibaʼy ipapako sa krus. Ang ibaʼy hahagupitin ninyo sa inyong sambahan, at uusigin ninyo sila saang lugar man sila pumunta. 35 Dahil dito, mananagot kayo sa pagpatay sa lahat ng taong matuwid mula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Berekia, na pinatay ninyo sa pagitan ng templo at ng altar. 36 Talagang kayong mga nabubuhay sa panahong ito ang mananagot sa lahat ng mga kasalanang ito.”
37 “Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na sinugo ng Dios sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin at alagaan gaya ng isang inahing manok na nagtitipon at nagkakanlong ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, pero ayaw ninyo. 38 Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. 39 Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”[a]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®