Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 146-149

Papuri sa Dios na Tagapagligtas

146 Purihin ang Panginoon!
    Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
    Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.

Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
    dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
    at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.
Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
    na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
    Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
    at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
    Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
    pinalalakas ang mga nanghihina,
    at ang mga matuwid ay minamahal niya.
Iniingatan niya ang mga dayuhan,
    tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
    ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.

10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.

    Purihin ang Panginoon!

Papuri sa Dios na Makapangyarihan

147 Purihin ang Panginoon!
    Napakabuting umawit ng pagpupuri sa ating Dios.
    Napakabuti at nararapat lang na siya ay purihin.
Itinatayong muli ng Panginoon ang Jerusalem,
    at muli niyang tinitipon ang mga nabihag na Israelita.
Pinagagaling niya ang mga pusong nabigo,
    at ginagamot ang kanilang mga sugat.
Ang bilang ng mga bituin ay kanyang nalalaman
    at ang bawat isa ay binigyan niya ng pangalan.

Makapangyarihan ang ating Panginoon.
    Ang kanyang karunungan ay walang hangganan.
Tinutulungan ng Panginoon ang mga inaapi,
    ngunit nililipol niya nang lubos ang masasama.
Umawit kayo ng pasasalamat sa Panginoon.
    Tumugtog kayo ng alpa para sa ating Dios.
Pinupuno niya ng mga ulap ang kalawakan,
    at pinauulanan niya ang mundo,
    at pinatutubo ang mga damo sa kabundukan.
Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at ang mga inakay na uwak kapag dumadaing ang mga ito.
10 Hindi siya nalulugod sa lakas ng mga kabayo o sa kagitingan ng mga kawal.
11 Ang Panginoon ay nalulugod sa mga may takot sa kanya
    at nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.

12 Purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, kayong mga naninirahan sa Zion, ang bayan ng Jerusalem!
13 Dahil pinatitibay niya ang pintuan ng inyong bayan,
    at kayoʼy kanyang pinagpapala.
14 Binibigyan niya ng kapayapaan ang inyong lugar,
    at binubusog niya kayo ng pinakamabuting trigo.
15 Inuutusan niya ang mundo,
    at agad naman itong sumusunod.
16 Inilalatag niya sa lupa ang nyebe na parang mga puting kumot,
    at ikinakalat na parang abo.
17 Nagpapadala siya ng ulan na yelo na parang maliliit na bato.
    Kahit sino ay walang makatagal sa lamig nito.
18 Sa kanyang utos, ang yelo ay natutunaw.
    Pinaiihip niya ang hangin, at ang yelo ay nagiging tubig na umaagos.
19 Ipinahayag niya ang kanyang mga salita, mga tuntunin at mga utos sa mga taga-Israel na lahi ni Jacob.
20 Hindi niya ito ginawa sa ibang mga bansa;
    hindi nila alam ang kanyang mga utos.

    Purihin ang Panginoon!

Panawagan sa Lahat para Purihin ang Panginoon

148 Purihin ang Panginoon!
    Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga nasa langit.
Purihin ninyo siya, kayong lahat ng kanyang anghel na hukbo niya sa langit.
Purihin ninyo siya, araw, buwan at mga bituin.
Purihin ninyo siya, pinakamataas na langit at tubig sa kalawakan.
Lahat ng nilalang ay magpuri sa Panginoon!
    Sa kanyang utos silang lahat ay nalikha.
Inilagay niya sila sa kanilang kinalalagyan,
    at mananatili roon magpakailanman, ayon sa kanyang utos sa kanila.

Purihin ang Panginoon, kayong nasa mundo, malalaking hayop sa karagatan, at lahat ng nasa kailaliman ng dagat,
mga kidlat at ulan na yelo, niyebe, mga ulap, at malalakas na hangin na sumusunod sa kanyang utos,
mga bundok, mga burol, mga punongkahoy na namumunga o hindi[a],
10 lahat ng mga hayop, maamo o mailap, mga hayop na gumagapang at lumilipad.
11 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga hari, mga pinuno, mga tagapamahala, at lahat ng tao sa mundo,
12 mga kabataan, matatanda at mga bata.
13 Lahat ay magpuri sa Panginoon, dahil siyaʼy dakila sa lahat,
    at ang kanyang kapangyarihan ay higit pa sa lahat ng nasa langit at lupa.
14 Pinalalakas niya at pinararangalan ang kanyang mga tapat na mamamayan, ang Israel na kanyang pinakamamahal.

    Purihin ang Panginoon!

Awit ng Pagpupuri

149 Purihin ang Panginoon!
    Umawit kayo ng bagong awit sa Panginoon.
    Purihin nʼyo siya sa pagtitipon ng kanyang tapat na mga mamamayan.
Magalak ang mga taga-Israel sa kanilang Manlilikha.
    Magalak ang mga taga-Zion sa kanilang Hari.
Magpuri sila sa kanya sa pamamagitan ng pagsasayaw;
    at tumugtog sila ng tamburin at alpa sa pagpupuri sa kanya.
Dahil ang Panginoon ay nalulugod sa kanyang mga mamamayan;
    pinararangalan niya ang mga mapagpakumbaba sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tagumpay.

Magalak ang mga tapat sa Dios dahil sa kanilang tagumpay;
    umawit sila sa tuwa kahit sa kanilang mga higaan.
Sumigaw sila ng pagpupuri sa Dios habang hawak ang matalim na espada,
para maghiganti at magparusa sa mamamayan ng mga bansa,
para ikadena ang kanilang mga hari at mga pinuno,
at parusahan sila ayon sa utos ng Dios.
    Itoʼy para sa kapurihan ng mga tapat na mamamayan ng Dios.

    Purihin ang Panginoon!

Ezekiel 37:1-14

Ang Lambak ng Maraming Buto

37 Napuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at dinala ako ng Espiritu niya sa gitna ng isang lambak maraming kalansay. Inilibot niya ako roon, at nakita ko ang napakaraming tuyong buto na nagkalat sa lambak. Tinanong ako ng Panginoon, “Anak ng tao, mabubuhay pa kaya ang mga butong ito?” Sumagot ako, “Panginoong Dios, kayo lang po ang nakakaalam.” Sinabi niya sa akin, “Sabihin mo sa mga butong ito na makinig sa sasabihin ko. Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ang magsasabi nito sa kanila, ‘Bibigyan ko kayo ng hininga, at mabubuhay kayo. Bibigyan ko kayo ng mga litid at laman, at babalutin ko kayo ng balat. Bibigyan ko nga kayo ng hininga, at mabubuhay kayo. At malalaman ninyong ako ang Panginoon.’ ”

Kaya sinunod ko ang iniutos sa akin. At habang nagsasalita ako, narinig ko ang tunog ng mga butong nagkakabit-kabit at nabuo. Nakita ko ring nagkaroon ang mga ito ng mga litid at laman at nabalot ng balat, pero walang hininga.

Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sabihin mo sa hangin na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Hangin umihip ka mula sa apat na dako, at hipan ang mga patay na ito para mabuhay.” 10 Kaya sinunod ko ang iniutos niya sa akin, at nabuhay nga ang mga patay. Nagsitayo sila – kasindami sila ng isang napakalaking hukbo.

11 Muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, ang mga butong iyon ay ang mga mamamayan ng Israel. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, at wala na kaming pag-asa; nilipol na kami.’ 12 Kaya sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Mga mamamayan ko, bubuksan ko ang mga libingan ninyo. Bubuhayin ko kayong muli, at ibabalik sa lupain ng Israel. 13 Kapag binuksan ko ang mga libingan ninyo at binuhay ko kayong muli, malalaman ninyo, mga mamamayan ko, na ako ang Panginoon. 14 Ibibigay ko sa inyo ang aking Espiritu at mabubuhay kayo. Patitirahin ko kayo sa sarili ninyong lupain. At malalaman nga ninyo na ako ang Panginoon na tumutupad ng aking pangako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Gawa 3:11-26

Nagsalita si Pedro sa Balkonahe ni Solomon

11 Parang ayaw nang humiwalay ng taong iyon kina Pedro at Juan. Lagi siyang nakahawak sa kanila habang naglalakad sila sa lugar na tinatawag na “Balkonahe ni Solomon.” Nagtakbuhan ang lahat ng tao palapit sa kanila, dahil manghang-mangha sila. 12 Pagkakita ni Pedro sa mga tao, sinabi niya sa kanila, “Mga kababayan kong mga Israelita, bakit kayo namangha sa pangyayaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyoʼy napalakad namin ang taong ito dahil sa aming kapangyarihan at kabanalan? 13 Hindi! Ang Dios ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob ang siyang gumawa nito upang parangalan niya ang kanyang lingkod na si Jesus. Ang Jesus na ito ang siyang ibinigay ninyo sa mga may kapangyarihan at itinakwil ninyo sa harapan ni Pilato, kahit napagpasyahan na niyang pakawalan siya. 14 Banal siya at matuwid, ngunit itinakwil nʼyo at hiniling kay Pilato na pakawalan ang isang mamamatay-tao sa halip na siya. 15 Pinatay nʼyo ang nagbibigay ng buhay, ngunit binuhay siyang muli ng Dios. At makapagpapatunay kami na nabuhay siyang muli. 16 Ang pananampalataya kay Jesus[a] ang siyang nagpalakas sa taong ito na inyong namukhaan at nakikita ngayon. Kayo man ay mga saksi na gumaling siya. Nangyari ito dahil sa pananampalataya kay Jesus.

17 “Mga kapatid, alam kong nagawa ninyo at ng inyong mga pinuno ang mga bagay na iyon kay Jesus dahil hindi nʼyo alam kung sino talaga siya. 18 Ipinahayag na ng Dios noon sa pamamagitan ng mga propeta na si Cristo ay kinakailangang magdusa. At sa inyong ginawa sa kanya, natupad ang sinabi ng Dios. 19 Kaya ngayon, kailangang magsisi na kayo at lumapit sa Dios, para patawarin niya ang inyong mga kasalanan, 20 at matanggap nʼyo ang bagong kalakasan mula sa Panginoon. Pagkatapos, ipapadala niya si Jesus, ang Cristo na itinalaga niya noon para sa inyo. 21 Ngunit kinakailangang manatili muna si Jesus sa langit hanggang sa dumating ang panahon na mabago ng Dios ang lahat ng bagay. Iyan din ang sinabi ng Dios noon sa pamamagitan ng kanyang mga propeta. 22 Katulad ng sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoon na ating Dios ay magbibigay sa inyo ng isang propetang katulad ko at kalahi ninyo. Kinakailangang sundin ninyo ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. 23 Ang hindi susunod sa sinasabi ng propetang ito ay ihihiwalay sa bayan ng Dios at lilipulin.’[b] 24 Ganyan din ang sinabi ng lahat ng propeta mula kay Samuel. Silang lahat ay nagpahayag tungkol sa mga bagay na mangyayari ngayon. 25 Ang mga ipinangako ng Dios sa pamamagitan ng kanyang mga propeta ay para talaga sa atin na mga Judio, at kasama tayo sa kasunduan na ginawa ng Dios sa ating mga ninuno, dahil sinabi niya kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo sa pamamagitan ng iyong lahi.’ 26 Kaya sinugo ng Dios ang kanyang piniling Lingkod, una sa atin na mga Judio, para tulungan niya tayong talikuran ang kasamaan.”

Juan 15:12-27

12 Ito ang aking utos sa inyo: magmahalan kayo katulad ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 14 Mga kaibigan ko kayo kung sinusunod nʼyo ang aking mga utos. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na alipin, dahil hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng kanyang amo. Sa halip, itinuturing ko na kayong mga kaibigan, dahil sinasabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin kundi ako ang pumili sa inyo, para humayo kayo at mamunga ng mga bungang mananatili. Sa ganoon, anuman ang hingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo. 17 Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.”

Ang Galit ng mga Taong Makamundo sa mga Sumasampalataya kay Jesus

18 Sinabi pa ni Jesus, “Kung napopoot sa inyo ang mga taong makamundo, alalahanin ninyo na ako ang una nilang kinapootan. 19 Kung kabilang kayo sa kanila, mamahalin nila kayo. Pero hindi kayo kabilang sa kanila, kundi pinili ko kayo mula sa kanila. Kaya napopoot sila sa inyo. 20 Tandaan nʼyo ang sinabi ko sa inyo na walang aliping mas higit sa kanyang amo. Kung inusig nila ako, uusigin din nila kayo. At kung sinunod nila ang aking salita, susundin din nila ang inyong salita. 21 Uusigin nila kayo dahil sumasampalataya kayo sa akin at dahil hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako naparito sa mundo at nangaral sa kanila, wala sana silang pananagutan sa kanilang kasalanan. Pero ngayon, wala na silang maidadahilan sa mga kasalanan nila. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama. 24 Kung hindi ako gumawa sa harap nila ng mga himalang kailanmaʼy hindi nagawa ninuman, wala sana silang pananagutan sa kanilang kasalanan. Ngunit kahit nakita na nila ang mga himalang ginawa ko, napopoot pa rin sila sa akin at sa aking Ama. 25 Sa ginawa nilang ito, natupad ang nakasulat sa kanilang Kautusan: ‘Napopoot sila sa akin nang walang dahilan.’ ”[a]

26 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Ipapadala ko sa inyo ang Banal na Espiritu mula sa Ama. Siya ang Tagatulong nʼyo at tagapagturo ng katotohanan. Pagdating niya, magpapatotoo siya kung sino talaga ako. 27 Kayo rin ay dapat na magpatotoo tungkol sa akin, dahil kasama ko na kayo mula pa noong una.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®