Book of Common Prayer
Ang Dios ang ating Hari
93 Kayo ay hari, Panginoon;
nadadamitan ng karangalan at kapangyarihan.
Matatag ninyong itinayo ang mundo kaya hindi ito mauuga.
2 Ang inyong trono ay naitatag na simula pa noong una,
naroon na kayo noon pa man.
3 Panginoon, umuugong ang dagat at nagngangalit ang mga alon.
4 Ngunit Panginoong nasa langit, higit kayong makapangyarihan kaysa sa mga nagngangalit na alon.
5 Mapagkakatiwalaan ang inyong mga utos Panginoon,
at ang inyong temploʼy nararapat lamang na ituring na banal magpakailanman.
Ang Dios ang Pinakamakapangyarihang Hari(A)
96 Kayong mga tao sa buong mundo,
umawit kayo ng mga bagong awit sa Panginoon!
2 Awitan ninyo ang Panginoon at purihin ang kanyang pangalan.
Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagligtas niya sa atin.
3 Ipahayag ninyo sa lahat ng mamamayan sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at mga kahanga-hangang gawa.
4 Dahil dakila ang Panginoon, at karapat-dapat papurihan.
Dapat siyang igalang ng higit sa lahat ng mga dios,
5 dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay hindi tunay na mga dios.
Ang Panginoon ang lumikha ng langit.
6 Nasa kanya ang kapangyarihan at karangalan;
at nasa templo niya ang kalakasan at kagandahan.
7 Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong lahat ng tao sa mundo.
Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
8 Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa templo.
9 Sambahin ninyo ang kabanalan ng Panginoon.
Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon!”
Matatag ang daigdig na kanyang nilikha at hindi ito matitinag.
Hahatulan niya ang mga tao ng walang kinikilingan.
11-12 Magalak ang kalangitan at mundo,
pati ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
Lahat ng mga puno sa gubat ay umawit sa tuwa
13 sa presensya ng Panginoon.
Dahil tiyak na darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo batay sa kanyang katuwiran at katotohanan.
Ang Kabutihan ng Dios
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras.
Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya.
2 Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;
maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak.
3 Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon,
at itaas natin ang kanyang pangalan.
4 Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot.
Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
5 Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan,
at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha.
6 Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon.
Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios,
at ipinagtatanggol niya sila.
8 Subukan ninyo at inyong makikita,
kung gaano kabuti ang Panginoon.
Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan[a] sa kanya!
9 Kayong mga hinirang ng Panginoon,
matakot kayo sa kanya,
dahil ang may takot sa kanya ay hindi kukulangin sa lahat ng pangangailangan.
10 Kahit mga leon ay kukulangin sa pagkain at magugutom,
ngunit hindi kukulangin ng mabubuting bagay ang mga nagtitiwala sa Panginoon.
11 Lumapit kayo, kayong gustong matuto sa akin.
Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo ng pagkatakot sa Panginoon.
12 Kung nais ninyo ng masaya at mahabang buhay,
13 iwasan ninyo ang masamang pananalita at pagsisinungaling.
14 Lumayo kayo sa masama at gawin ninyo ang mabuti.
Pagsikapan ninyong kamtin ang kapayapaan.
15 Iniingatan ng Panginoon ang mga matuwid,
at pinakikinggan niya ang kanilang mga karaingan.
16 Ngunit kinakalaban ng Panginoon ang mga gumagawa ng masama.
Silaʼy kanyang nililipol hanggang sa hindi na sila maalala ng mga tao sa mundo.
17 Tinutugon ng Panginoon ang panalangin ng mga matuwid,
at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin.
18 Malapit ang Panginoon sa mga may bagbag na puso,
at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa.
19 Marami ang paghihirap ng mga matuwid,
ngunit inililigtas sila ng Panginoon sa lahat ng ito.
20 Silaʼy iniingatan ng Panginoon,
at kahit isang buto nilaʼy hindi mababali.
21 Ang masamang tao ay papatayin ng kanyang kasamaan.
At silang nagagalit sa taong matuwid ay parurusahan ng Dios.
22 Ngunit ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga lingkod,
at hindi parurusahan ang isa man sa mga naghahanap ng kaligtasan sa kanya.
14 Sasabihin ko, ayusin ninyo ang daan na dadaanan ng aking mga mamamayan.”
15 Ito pa ang sinasabi ng Kataas-taasang Dios, ang Banal na Dios na nabubuhay magpakailanman: “Nakatira ako sa mataas at banal na lugar, pero nakatira rin akong kasama ng mga taong mapagpakumbaba at nagsisisi, para silaʼy palakasin ko. 16 Ang totoo, hindi ko kayo kakalabanin o uusigin habang panahon, dahil kung gagawin ko ito mamamatay ang mga taong nilikha ko. 17 Nagalit ako dahil sa kasalanan at kasakiman ng Israel, kaya pinarusahan ko sila at itinakwil. Pero patuloy pa rin sila sa kanilang kasalanan. 18 Nakita ko ang kanilang pag-uugali, pero pagagalingin ko sila. Papatnubayan ko sila at aaliwin ang mga nalulungkot sa kanila. 19 At dahil dito, magpupuri sila sa akin. Ilalagay ko sila sa magandang kalagayan, sa malayo man o nasa malapit. Pagagalingin ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 20 Pero ang masasama ay walang kapayapaan. Para silang alon sa dagat na nagdadala ng mga putik at mga dumi sa dalampasigan. 21 Ang taong masama ay hindi mabubuhay ng payapa.” Iyan ang sinabi ng aking Dios.
Ang Dios na Ama Natin
12 Napapaligiran tayo ng maraming tao na nagpapatotoo tungkol sa pananampalataya nila sa Dios. Kaya talikuran na natin ang kasalanang pumipigil sa atin at alisin ang anumang hadlang sa pagtakbo natin. Buong tiyaga tayong magpatuloy sa takbuhing itinakda ng Dios para sa atin. 2 Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang sandigan ng pananampalataya natin mula sa simula hanggang sa katapusan. Tiniis niya ang paghihirap sa krus at hindi niya ito ikinahiya, dahil inisip niya ang kaligayahang naghihintay sa kanya. At ngayon nga ay nakaupo na siya sa kanan ng trono ng Dios.
3 Isipin nʼyo ang mga tiniis ni Jesus na paghihirap sa kamay ng mga makasalanang tao, para hindi kayo panghinaan ng loob. 4 Kung tutuusin, wala pa namang pinatay sa inyo dahil sa pakikipaglaban sa kasalanan. 5 Baka nakalimutan nʼyo na ang pangaral ng Dios sa inyo bilang mga anak niya:
“Anak, huwag mong balewalain ang pagdidisiplina ng Panginoon,
at huwag kang panghinaan ng loob kung sinasaway ka niya.
6 Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
at pinapalo niya ang itinuturing niyang mga anak.”[a]
Ang Tubig na Nagbibigay-buhay
37 Nang dumating ang huli at pinakamahalagang araw ng pista, tumayo si Jesus at sinabi nang malakas, “Ang sinumang nauuhaw ay lumapit sa akin at uminom. 38 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan na dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay mula sa puso ng sumasampalataya sa akin.” 39 (Ang tubig na tinutukoy ni Jesus ay ang Banal na Espiritu na malapit nang tanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Hindi pa naipagkakaloob ang Banal na Espiritu nang panahong iyon dahil hindi pa nakabalik sa langit si Jesus.)
Ang Paniniwala ng mga Tao tungkol kay Jesus
40 Maraming tao ang nakarinig sa sinabing iyon ni Jesus, at sinabi ng ilan sa kanila, “Siya na nga ang Propeta na hinihintay natin!” 41 Sinabi naman ng iba, “Siya na nga ang Cristo!” Pero may nagsabi rin, “Hindi siya ang Cristo, dahil hindi maaaring manggaling ang Cristo sa Galilea. 42 Hindi baʼt sinasabi sa Kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa lahi ni Haring David, at ipapanganak sa Betlehem na bayan ni David?” 43 Kaya iba-iba ang paniniwala ng mga tao tungkol kay Jesus. 44 Gusto ng ilan na dakpin siya, pero walang humuli sa kanya.
Ayaw Maniwala ng mga Pinuno ng mga Judio kay Jesus
45 Bumalik ang mga guwardya ng templo sa mga namamahalang pari at mga Pariseo na nag-utos sa kanila na dakpin si Jesus. Tinanong sila ng mga ito, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?” 46 Sumagot sila, “Ngayon lang po kami nakarinig ng katulad niyang magsalita.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®