Book of Common Prayer
Dalangin para Tulungan ng Dios
120 Sa aking paghihirap akoʼy tumawag sa Panginoon,
at akoʼy kanyang sinagot.
2 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sinungaling.
3 Kayong mga sinungaling, ano kaya ang ipaparusa ng Dios sa inyo?
4 Parurusahan niya kayo sa pamamagitan ng matatalim na pana ng mga kawal at nagliliyab na baga.
5 Nakakaawa ako dahil naninirahan akong kasama ng mga taong kasinsama ng mga taga-Meshec at mga taga-Kedar.
6 Matagal na rin akong naninirahang kasama ng mga walang hilig sa kapayapaan.
7 Ang nais koʼy kapayapaan, ngunit kapag akoʼy nagsalita tungkol sa kapayapaan, ang gusto nilaʼy digmaan.
Ang Panginoon ang Aking Tagapag-ingat
121 Tumitingin ako sa mga bundok;
saan kaya nanggagaling ang aking saklolo?
2 Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
na gumawa ng langit at ng lupa.
3 Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal.
Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog.
4 Pakinggan mo ito!
Ang nag-iingat sa mga taga-Israel ay hindi umiidlip o natutulog.
5 Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo;
siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan.
6 Hindi makakasakit sa iyo ang init ng araw o ang liwanag ng buwan kung gabi.[a]
7 Iingatan ka ng Panginoon sa anumang kapahamakan;
pati ang buhay moʼy kanyang iingatan.
8 Ang Panginoon ang mag-iingat sa iyo nasaan ka man,
ngayon at magpakailanman.
Papuri sa Jerusalem
122 Ako ay nagalak ng sabihin nila sa akin,
“Pumunta tayo sa templo ng Panginoon.”
2 At ngayoʼy narito na kami at nakatayo sa pintuan ng Jerusalem.
3 Ang Jerusalem ay bayan na itinayong maganda at matibay.
4 Dito pumupunta ang mga lahi ng Israel upang purihin ang Panginoon ng naaayon sa kanyang itinuro sa kanila.
5 Dito sa Jerusalem ang hukuman ng mga hari na mula sa angkan ni David.
6 Idalangin ninyo na maging mabuti ang kalagayan ng Jerusalem sa pamamagitan ng pagsasabi,
“Umunlad sana ang nagmamahal sa bayan na ito.
7 Magkaroon sana ng kapayapaan sa loob ng Jerusalem at kaunlaran sa palasyo nito.”
8 Alang-alang sa aking mga kamag-anak at mga kaibigan, sasabihin ko sa Jerusalem,
“Sumainyo ang kapayapaan.”
9 Alang-alang sa templo ng Panginoon na ating Dios, mananalangin ako para sa kabutihan at kaunlaran ng Jerusalem.
Dalangin para Kahabagan
123 Panginoon, dumadalangin ako sa inyo,
sa inyo na nakaupo sa inyong trono sa langit.
2 Kung paanong ang alipin ay naghihintay sa ibibigay ng kanyang amo,
naghihintay din kami Panginoon naming Dios, na tulungan nʼyo at kahabagan.
3 Maawa kayo sa amin Panginoon, dahil labis na ang panghahamak sa amin.
4 Sobra na ang pangungutya sa amin ng mga taong hambog at walang magawa.
Ang Dios ang Tagapagligtas ng Kanyang mga Mamamayan
124 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin, ano kaya ang nangyari?”
Sumagot kayo mga taga-Israel!
2 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin noong sinalakay tayo ng ating mga kaaway,
3 maaaring pinatay na nila tayo, dahil sa matinding galit nila sa atin.
4-5 Maaaring para tayong tinangay ng baha at nalunod dahil sa malakas na agos ng tubig.”
6 Purihin ang Panginoon,
dahil hindi niya pinayagang lapain tayo ng ating mga kaaway,
na parang mababangis na hayop.
7 Nakatakas tayo katulad ng ibong nakawala sa nasirang bitag.
8 Ang tulong natin ay nagmula sa Panginoon,
na gumawa ng langit at ng lupa.
Ang Kaligtasan ng mga Mamamayan ng Dios
125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay tulad ng Bundok ng Zion na hindi natitinag,
sa halip ay nananatili magpakailanman.
2 Kung paanong ang mga bundok ay nakapaligid sa lungsod ng Jerusalem,
ang Panginoon ay nasa paligid din ng kanyang mga mamamayan magpakailanman.
3 Ang masama ay hindi mananatiling namamahala sa lupaing para sa mga matuwid,
dahil baka makagawa rin ng masama ang mga matuwid.
4 Panginoon, gawan nʼyo ng mabuti ang mga taong mabuti na namumuhay nang matuwid.
5 Ngunit parusahan nʼyo kasama ng masasama ang inyong mamamayan na sumusunod sa hindi wastong pamumuhay.
Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan.
Dalangin para Iligtas
126 Nang muling ibinalik ng Panginoon sa Zion ang mga nabihag,[b] parang itoʼy panaginip lang.
2 Kami ay nagtawanan at nag-awitan dahil sa kagalakan.
At sinabi ng mga bansang hindi kumikilala sa Panginoon,
“Gumawa ng dakilang bagay ang Panginoon sa kanila.”
3 Totoong ginawan tayo ng dakilang bagay ng Panginoon,
at punong-puno tayo ng kagalakan.
4 Panginoon, muli nʼyo kaming paunlarin,
tulad ng tuyong batis na muling nagkaroon ng tubig.
5 Silang nagtatanim na lumuluha ay mag-aaning tuwang-tuwa.
6 Ang umalis na lumuluha, na may dalang binhi na itatanim ay babalik na masaya, na may dala-dalang mga ani.
Papuri sa Kabutihan ng Dios
127 Kung wala ang tulong ng Panginoon sa pagtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagtatayo nito.
Kung wala ang pag-iingat ng Panginoon sa bayan, walang kabuluhan ang pagbabantay dito.
2 Walang kabuluhan ang paggising nang maaga at pagtulog nang gabing-gabi na sa pagtatrabaho upang may makain,
dahil ang Panginoon ang nagbibigay ng mga pangangailangan ng kanyang mga minamahal, kahit silaʼy natutulog.
3 Ang mga anak ay pagpapala at gantimpalang mula sa Panginoon.
4 Ang anak na isinilang sa panahon ng kabataan ng kanyang ama ay parang pana sa kamay ng sundalo.
5 Mapalad ang taong may maraming anak,
dahil may tutulong sa kanya kapag humarap siya sa kanyang mga kaaway sa hukuman.
4 Mga anak, pakinggan ninyong mabuti ang mga pagtutuwid ng inyong ama sa inyong pag-uugali, upang lumawak ang inyong pang-unawa. 2 Mabuti ang itinuturo kong ito, kaya huwag ninyong ipagwalang bahala. 3 Noong bata pa ako at nasa piling pa ng aking mga magulang, mahal na mahal ako ng aking ina bilang nag-iisang anak. 4 Tinuruan ako ni ama. Sinabi niya sa akin, “Anak, ingatan mo sa iyong puso ang mga itinuturo ko. Sundin mo ang mga utos ko at mabubuhay ka nang matagal. 5 Pagsikapan mong magkaroon ng karunungan at pang-unawa. Huwag mong kalilimutan ang mga sinasabi ko at huwag kang hihiwalay dito. 6 Huwag mong tanggihan ang karunungan, sa halip pahalagahan mo ito, dahil iingatan ka nito. 7 Pinakamahalaga sa lahat ang karunungan at pang-unawa. Sikapin mong magkaroon nito kahit na maubos pa ang lahat ng kayamanan mo. 8 Tanggapin moʼt pahalagahan ang karunungan, dahil magbibigay ito sa iyo ng karangalan. 9 Magiging parang koronang bulaklak ito na magbibigay sa iyo ng kagandahan.”
10 Anak, pakinggan mo at tanggapin ang mga sinasabi ko sa iyo upang humaba ang iyong buhay. 11 Tinuruan na kita ng karunungan, kung paano mamuhay sa katuwiran. 12 Kung susundin mo ito, walang makakasagabal sa buhay mo at maliligtas ka sa anumang kapahamakan. 13 Huwag mong kalilimutan ang pagtutuwid ko sa iyong pag-uugali; ingatan mo ito sa puso mo sapagkat mabubuhay ka sa pamamagitan nito.
14 Huwag mong gagayahin ang ginagawa ng mga taong masama. 15 Iwasan mo ito at patuloy kang mamuhay nang matuwid. 16 Sapagkat ang taong masama ay hindi makatulog kapag hindi nakakagawa ng masama o walang naipapahamak. 17 Ang pagkain nila ay paggawa ng kasamaan at ang inumin nila ay paggawa ng karahasan.
18 Ang pamumuhay ng taong matuwid ay parang sikat ng araw na lalong nagliliwanag habang tumatagal. 19 Pero ang pamumuhay ng taong masama ay parang kadiliman; hindi niya alam kung ano ang dahilan ng kanyang pagbagsak.
20 Anak, pakinggan mong mabuti ang itinuturo ko sa iyo. 21 Huwag mo itong kalilimutan kundi ingatan sa puso mo. 22 Sapagkat magbibigay ito ng malusog na katawan at mahabang buhay sa sinumang makakasumpong nito.
23 Higit sa lahat, ingatan mo ang iyong isipan, sapagkat kung ano ang iyong iniisip iyon din ang magiging buhay mo. 24 Huwag kang magsalita ng kasinungalingan at walang kabuluhan. 25 Ituon mo ang iyong paningin sa mga bagay na mabuti. 26 Pag-isipan mong mabuti ang iyong mga gagawin upang magtagumpay ka. 27 Mamuhay ka sa katuwiran at layuan mo ang kasamaan.
Ang Dios ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo dahil ang pag-ibig ay mula sa Dios. Ang umiibig sa kanyang kapwa ay anak ng Dios at kumikilala sa Dios. 8 Ang sinumang hindi umiibig sa kanyang kapwa ay hindi kumikilala sa Dios dahil ang Dios ay pag-ibig. 9 Ipinakita ng Dios ang kanyang pag-ibig sa atin nang isinugo niya ang kanyang kaisa-isang[a] anak dito sa mundo, upang sa pamamagitan niya ay magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. 10 Ito ang tunay na pag-ibig: hindi tayo ang umibig sa Dios kundi siya ang umibig sa atin; at isinugo niya ang kanyang anak upang akuin ang ating mga kasalanan para sa kapatawaran natin.
11 Mga minamahal, kung ganoon na lamang ang pag-ibig ng Dios sa atin, nararapat lamang na mag-ibigan tayo. 12 Wala pang tao na nakakita sa Dios. Ngunit kung nagmamahalan tayo, ang Dios ay sumasaatin at lubos na natupad ang kanyang pag-ibig sa atin.
13 Nalalaman nating tayoʼy nasa Dios at ang Dios ay sumasaatin dahil ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu. 14 Nakita at pinatototohanan namin na isinugo ng Ama ang kanyang anak bilang Tagapagligtas ng mundo. 15 Ang sinumang kumikilala na si Jesus ay Anak ng Dios, ang Dios ay nasa kanya at siya naman ay nasa Dios. 16 Kaya nakilala na natin at pinaniwalaan ang pag-ibig ng Dios sa atin.
Ang Dios ay pag-ibig. At ang nabubuhay nang may pag-ibig ay nananatili sa Dios at nananatili rin sa kanya ang Dios. 17 Sa ganitong paraan ay naging ganap ang pag-ibig sa atin, kaya panatag tayo sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom, dahil ang pamumuhay natin dito sa mundo ay tulad ng kay Cristo. 18 Walang anumang takot sa pag-ibig. Pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Kung natatakot man ang isang tao, itoʼy dahil sa takot na maparusahan, at ipinapakita lang nito na hindi pa lubos na natupad sa kanya ang pag-ibig.
19 Umiibig tayo sa Dios dahil siya ang unang umibig sa atin. 20 Ang nagsasabing mahal niya ang Dios ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Dahil kung ang kapatid niya mismo na nakikita niya ay hindi niya mahal, paano pa kaya niya magagawang mahalin ang Dios na hindi naman niya nakikita? 21 Kaya ito ang utos na ibinibigay sa atin ni Cristo: ang taong nagmamahal sa Dios ay dapat ding magmahal sa kanyang kapatid.
30 (Hindi pa nakakarating si Jesus sa Betania. Naroon pa lang siya sa lugar kung saan sinalubong siya ni Marta.) 31 Nang makita ng mga nakikiramay na Judio na tumayo si Maria at dali-daling lumabas, sinundan nila siya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doon manangis.
32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, lumuhod siya sa harap nito at sinabi, “Panginoon, kung narito lang kayo ay hindi sana namatay ang kapatid ko.” 33 Nabagbag ang puso ni Jesus[a] at naawa siya nang makita niyang umiiyak si Maria, pati na ang mga kasama nitong mga Judio. 34 Tinanong niya sila, “Saan ninyo siya inilibing?” Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.” 35 Umiyak si Jesus. 36 Kaya sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazarus.” 37 Pero sinabi naman ng iba, “Hindi baʼt pinagaling niya ang lalaking bulag? Bakit hindi niya nailigtas sa kamatayan si Lazarus?”
Muling Binuhay si Lazarus
38 Muling nabagbag ang puso ni Jesus. Kaya pumunta siya sa pinaglibingan kay Lazarus. Isa itong kweba na tinakpan ng isang malaking bato. 39 Pagdating nila roon, sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Sumagot si Marta na kapatid ng namatay, “Panginoon, tiyak na nangangamoy na ngayon ang bangkay. Apat na araw na siyang nakalibing.” 40 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hindi baʼt sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kapangyarihan[b] ng Dios?” 41 Kaya inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, dahil dininig mo ako. 42 Alam kong lagi mo akong dinidinig, at sinasabi ko ito para sa kapakanan ng mga nasa paligid ko upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” 43 Pagkasabi niya nito, sumigaw siya, “Lazarus, lumabas ka!” 44 At lumabas nga ang namatay na si Lazarus na nababalot pa ng tela ang mga kamay at paa, at may takip na tela ang mukha. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kalagan nʼyo siya at palakarin.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®